Chapter 1
ELIZABETH
“Number thirty-one,” narinig kong tawag ng babae mula sa counter.
Tiningnan ko ang numerong hawak ko. Ako na pala ang tinawag niya, pero hindi ko agad napansin dahil abala ako sa hawak kong cellphone.
Agad akong tumayo at lumapit sa counter at inabot sa babaeng nasa loob ng booth ang resibong hawak ko.
“Miss number thirty-one po,” nakangiting sabi ko sa kaniya.
Kinuha niya ang resibo at tiningnan ang numero, at pagkatapos, nag-angat ng mukha at tumingin sa akin.
“Miss, I'm sorry, pero wala pong Mrs. Elizabeth Mondego sa system namin.”
“Ha?” gulat na tanong ko sa babae. “Sigurado ka ba, miss?”
“Oo, Miss,” mabilis na sagot ng babae sa akin. “Tatlong ulit ko nang tiningnan ang pangalan mo at ng asawa mo sa system, pero wala talaga.”
“Imposible!”
Napailing ako at hindi makapaniwala habang nakatingin sa babaeng kausap ko.
“Baka may mali sa spelling! Tama! Baka ganoon nga, kasi dalawang taon na kaming kasal ng asawa ko, Miss.”
Nakiusap ako sa kaniya na kung maaari ay makita kong muli ang sinulatan kong form para masuri ko kung may mali nga sa mga sinulat ko.
“Sige, sandali lang, hahanapin ko sa encoding ang form mo,” sabi ng babae sa akin.
“Sige po. Salamat, Miss.”
Tumayo na siya at lumapit sa isang lalaki sa sulok. Nakita ko silang nag-usap, pero hindi ko inalis ang aking mga mata sa kaniya dahil bigla akong nakaramdam ng kakaibang kaba.
Nasira ang marriage certificate namin ni Carlo dahil hindi sinasadyang nabuhusan ito ng juice na dinala ng kasambahay habang nag-aayos ako ng mga dokumento namin. Kailangan kong kumuha ng panibagong kopya dito sa PSA, pero sinabi ng babae na wala raw nakarehistrong record ng kasal namin ng asawa ko.
Pakiramdam ko ay ito na ang pinakamatagal na sandali ng aking buhay habang nakatingin ako sa babaeng nakausap ko at hinihintay ko siyang bumalik sa counter.
“Miss Elizabeth, heto po ang form na sinulatan mo kanina,” sabi ng babae nang lumapit sa akin.
Agad kong kinuha sa mga kamay niya ang papel at isa-isang tiningnan ang bawat detalyeng isinulat ko.
Lahat ng impormasyon ay tama; ang spelling ng pangalan, taon, petsa, at buwan ng aming kapanganakan, pero bakit wala kaming record ng kasal?
“Miss, tama po ang lahat ng ito,” sabi ko sa babae matapos mabasa ang lahat ng detalye.
Nanginig ang kamay ko kasabay ng malakas na pintig ng aking puso. Nakita kong nag-iba ang ekspresyon ng babaeng kausap ko, kaya lalo lamang akong kinabahan.
“Pasensya ka na, Miss Elizabeth, pero hindi po nakarehistro ang kasal ninyong dalawa ni Mr. Carlo Mondego.”
Bakas ang pakikisimpatya ng babae sa akin nang makita niya akong napahakbang paatras.
“Peke ang kasal namin ni Carlo?” mahinang usal ko, pero narinig pala ito ng babae.
“Sa palagay ko, oo. Peke nga ang kasal ninyo, Miss.”
Nanghina ako at napahawak sa gilid ng counter. Muntik akong matumba dahil nangatog ang mga tuhod ko at biglang nanlabo ang aking mga mata.
“Miss, pasensya ka na, pero may iba pa ang nakapila ngayon,” sabi ng babaeng kausap ko.
Ibinigay niya sa akin ang isang papel. Ito ang dokumentong lumabas mula sa talaan at nagpapatunay na hindi pala nakarehistro ang kasal namin noon ni Carlo.
Dalawang taon akong naniwala na ako ay legal na Mrs. Mondego at tinawag ko ang sarili kong “asawa” niya, pero hindi pala iyon totoo.
Dalawang taon kong pinaniwalaan ang pirma ko sa kapirasong papel na ‘yon. Dalawang taon akong nagtimpla ng kape niya tuwing umaga, nakinig sa mga problema niya sa kumpanya, at hinalikan siya sa noo bago siya umalis.
Peke pala lahat.
Ang kasal.
Ang mga pangako.
Ang bawat “mahal kita” niya na paminsan-minsan niyang sinasabi ay hindi rin ba totoo?
Scripted lang ba ang lahat?
Ano ba ang totoo?
Ang daming katanungan sa isipan ko habang palabas ako ng PSA building, pero kahit pigain ko ang utak ko ay wala akong mahanap na kasagutan.
Hindi ko maunawaan kung bakit hindi nakarehistro ang kasal namin ni Carlos dahil malinaw na natatandaan ko pa na ikinasal kami, at pareho kaming pumirma sa marriage certificate ng araw na ikinasal kami.
Magulong-magulo ang isip ko nang sumakay ako sa kotse ko. Binuhay ko ang makina, pero natigilan ako nang makita ko ang singsing sa aking daliri.
Isa itong high-end at customized diamond ring na isinuot ni Carlo sa daliri ko nang araw na nagpakasal kami. Sa kaniya ito galing bilang patunay na totoo ang kasal namin noong araw na iyon, pero bakit hindi nakarehistro sa PSA ang kasal namin gayong may mga saksi kami?
Ang mga abay, ninong at ninang, at ang aming mga magulang.
Lahat sila, nasaksihan nila ang masayang okasyong iyon. Marami kaming larawan, may bidyo, at malaking portrait sa bahay, kaya paano naging peke ang kasal namin noon ni Carlo?
Hindi ko napigilan ang aking sarili. Naluha ako at tuluyang napaiyak nang bumagsak ang malaking butil ng luha sa aking magkabilang pisngi.
Hindi ko matanggap ang bagong impormasyong nalaman ko. Gusto ko sanang tawagan si Carlo para tanungin kung may alam siya tungkol dito, pero hindi ko ginawa dahil ayaw niyang tumawag ako sa kaniya kapag oras ng kaniyang trabaho.
Mas mabuting puntahan ko siya sa kaniyang opisina para kausapin dahil gabi na siyang umuuwi sa bahay. Hindi ko na kayang maghintay. Bawat segundo at minutong lumilipas ay para bang unti-unting napupugto ang aking paghinga, kaya kahit alam kong bawal, ay magmaneho ako papuntang Makati para personal kong makausap si Carlo.
Gusto kong malaman ang totoo dahil hindi ko matanggap ang katotohanan na hindi pala kami kasal, kaya't hindi kami totoong mag-asawa sa mata ng batas.
Marami siyang dapat ipaliwanag sa akin, kaya ngayon pa lang, pilit akong nagpapakatatag para may lakas ako ng loob na harapin siya kapag nakarating ako sa kaniyang opisina.