Kinabukasan, nauna sa pagpasok sa trabaho sina Charles at Evelyn. Gustuhin mang itanong ni Evelyn kung nasaan si Jack ay hindi na niya ginawa kaya tahimik lang sila ni Charles habang nasa biyahe papunta sa opisina. Hindi rin naman nila binanggit ang nangyari kagabi kaya inisip na lang ni Evelyn na sinyales iyon para hindi siya mangulit sa kung ano mang nangyayari kay Jack. Nang magising din naman si Evelyn ay wala siyang nasilayan na Jack na nag-e-exercise.
Si Jack ay nagpunta sa kanyang ama-amahan na si Wilson. Matanda na ito at naninirahan na mag-isa sa bahay niya kahit na pilitin siya ni Jack na tumira kasama siya ay hindi ito pumapayag dahil ayaw iwanan ang bahay na puno ng masasayang ala-ala kasama ang pamilya nito. Kahit nga sa kanyang opisina ay hindi ito madalas na nagpupunta, nandoon lang si Wilson kapag kailangan ng suporta ni Jack. Gustuhin man ni Jack na roon tumira sa bahay ni Wilson ay hindi niya magagawa dahil masyado iyong malayo sa opisina niya at paniguradong mapapagod siya sa biyahe kaya kahit hindi na siya araw-araw nakapupunta ay hindi naman siya pumapalya sa pagbisita sa matanda isang beses sa isang linggo at kahit hindi na araw-araw ay pinapupuntahan naman niya si Wilson kay Charles bilang substitute.
“Mabuti naman at binisita mo ako ngayon. Akala ko ay nakalimutan mo na ako dahil mayaman ka na ngayon,” pagbibiro ni Wilson.
“Alam mo na hindi iyon mangyayari.”
Tumawa si Wilson dahil sa naging dipensa ni Jack. “Hindi ka lang naman araw-araw pumupunta rito kapag naaalala mo ang araw na iyon. Sabihin mo nga sa akin, binabagabag ka pa rin ba ng pangyayari na iyon?” Tumingin is Jack kay Wilson na mayroon serysong ekspresyon na parang may gusto itong sabihin o itanong kay Wilson pero hindi niya magawa. Hindi naman iyon nakaligtas kay Wilson dahil tingin pa lang ni Jack ay alam na niya ang ibig sabihin. “What is it, Jack? Matanda na ako at ayaw kong nanghuhula sa mga gusto mong sabihin kaya sabihin mo na sa akin.”
“Actually, may itatanong ako sa iyo.”
“Sige, ano ba iyong itatanong mo?”
Huminga nang malalim si Jack. “Paano . . . paano,” pautal-utal na sabi ni Jack na may pag-aalinlangan kung dapat pa ba iyong ituloy.
“Jack, what is it?”
“Paano . . . paano mo ako napatawad?” tanong ng binata at pagkatapos ng tanong na iyon ay umiwas siya ng tingin kay Wilson. Nagkamali siya ng tanong kaya binago niya ang tanong niya. “Ahm . . . napatawad mo na ba talaga ako sa nangyari?”
Tama ang hinala ni Wilson na walang pinagbago ang mga bumabagabag sa isip ni Jack. “Ano sa tingin mo? Sa tingin mo ba ay makapapasok ka sa bahay na ito kung hindi pa kita napapatawad? Sa tingin mo ba ay hahayaan kitang bisitahin ako kung masama pa rin ang loob ko sa iyo? Matanda na ako at ayaw kong maubos ang oras ko sa pagkakaroon ng sama ng loob sa iyo. Hindi ka naman dapat nagtatanong sa akin ng ganiyan dahil ako na nga iyong iniligtas mo at naging baluktot lang ang pag-iisip ko noon kaya ikaw ang sinisi ko.”
Napa-buntonghininga na lang ulit si Jack habang inaalala na noon ay halos isumpa na siya ni Wilson kapag nakikita nito na dumadalaw siya sa bahay niya. Makita pa lang ni Wilson ang anino ni Jack noon ay samu’t saring pagmumura at masasakit na salita na ang naririnig niya. Ngayon naman ay para na silang tunay na mag-ama. Si Wilson ay hindi tunay na ama ni Jack at hindi naman anak ni Wilson si Jack pero ganoon ang turingan nila dahil sa mga nangyari sa buhay nila.
Hindi man aminin ni Jack pero malaking tulong ang nagagawa ng pagkausap niya kay Wilson. Lingid sa kaalaman ni Jack ay ganoon din ang nararamdaman ni Wilson sa tuwing nakikita at nakakausap si Jack.
IPINAALAM NA NG SECURITY guard kay Evelyn na pumasok na ang sasakyan ni Jack kaya naman inihanda na ni Evelyn ang kape ng boss niya para hindi na iyon humingi sa kanya at para sakto na rin ang init ng kape na iyon kapag naka-akyat na si Jack sa opisina. Nandoon si Charles sa opisina ni Jack kaya naman malaya siyang nakapasok doon para ilagay ang kape.
“Ikaw ba, Charles, gusto mo ng kape?”
“Hindi na. Salamat, Evelyn.”
Bumalik na siya sa upuan niya at nang dumaan naman si Jack sa harap niya ay binati niya ang kanyang boss. Umaga pa naman at ilang oras lang namang nahuli ang boss niya at may ilang minuto pa bago sila umalis papunta sa meeting nito sa ibang branch ng opisina ni Jack. May araw na binibisita nito ang mga branch ng clothing line ng S2J Black Stitch para masiguro na walang pagbabago sa kalidad ng produkto nila at para kumustahin na rin ang mga empleyado niya roon. Ang bibisitahin nila ay ang opisina nito sa lugar ng Makati City. Mahigit sampu ang branches ng kumpaniya ni Jack at napananatili niya ang kalidad ng mga produkto dahil mitikuloso siya sa mga simpleng detalye. Ang mahigit sampung branches na iyon ang nagdi-distribute sa iba’t ibang lugar sa bansa at hinihiling ni Jack na sana ay ibang bansa naman ang susunod nilang padadalhan ng mga damit ng lalaki.
Kinumusta naman ni Charles ang naging pagbisita ni Jack kay Wilson, umupo ito sa tabi niya at niluwagan ang neck tie nito bago sabihing maayos lang ang naging pag-uusap nila ni Wilson. Tumingin siya kay Charles para sabihin na ihingi siya ng kape kay Evelyn.
Ngumisi naman si Charles. “Jack, bakit hindi mo tingnan ang table mo? May inilagay na roon na kape si Evelyn. Wala pa siyang isang buwan pero kabisado na niya tuwing kailan mo kailangan ng kape na iyan.”
Muli itong tumayo para kuhanin ang kape sa mesa niya. “Pagkaubos ko ng kape na ito, aalis na kami papuntang Makati. Ikaw muna ang maiwan dito sa opisina para kung may kailanganin sila ay sa iyo sila lalapit.”
“Akala ko ba hindi mo na ako sekretarya? Baka isipin nilang may-ari rin ako ng S2J,” pagbibiro pa nito dahil kahit na pinag-resign ni Jack si Charles para bantayan ang kalusugan nito ay gusto pa rin ni Jack na nandito sa opisina si Chalres dahil ang tingin naman nila sa isa’t isa ay magkapatid kaya kung ano ang pag-aari na mayroon si Jack ay kayang-kaya niyang ibahagi kay Charles.
“Sa iyo rin naman ito, Charles.”
“Masyado ka na maraming naitulong sa akin kaya ang kumpaniya mo ay sa iyo lang lalo na at pinaghirapan mo ito. Hindi ko kaya ang ginagawa mo kaya pagsisilbihan na lang kita habambuhay.”
Napa-iling na lang si Jack at hinigop ang huling lagok sa kape niya pagkatapos ay pinalabas na si Charles para sabihin kay Evelyn na maghanda na dahil aalis na sila.
TAHIMIK SINA JACK AT Evelyn habang nasa biyahe nila. Kung ano ang tanong ni Jack ay iyon lang ang sinasagot ni Evelyn. Hindi pa rin nawawala sa isip ni Evelyn ang nangyari kagabi at ayaw niya na uminit na naman ang ulo ni Jack kaya tumahimik na lang siya kahit hirap na hirap siyang gawin iyon.
“Nakausap ko na po ang taga-pangasiwa sa Makati branch at nakahanda na po ang lahat ng kailangan mo pati na rin po ang mga bagong disenyo na natapos na nila ay ipakikita sa iyo bago ibenta sa publiko.”
“Good.”
Nang makarating naman sila sa Makati ay kaagad na inasikaso ni Jack habang si Evelyn ay nakasunod lang sa boss niya habang ini-inspeksyon ang mga produkto niya. Iyon ang unang pagkakataon na nakita ni Evelyn kung gaano ka-pursige si Jack sa trabaho niya at kung gaano niya iniingatan ang pangalan ng kumpaniya niya na nakilala sa pagkakaroon ng dekalidad na produkto.
Nakabantay lang siya kay Jack at kapag may sinasabi ito sa kanya ay kaagad naman niyang sinusulat para hindi iyon makalimutan. Kapansin-pansin na mababait ang mga empleyado ni Jack dahil halos lahat ng tao roon ay binabati sila at maging siya na bagong sekretarya ni Jack ay binabati nila na may mainit na pag-welcome pa sa kanya sa kumpaniya ni Jack.
Kahit naiilang si Evelyn na halos hindi man lang maipakita ni Jack ang ngiti sa mga labi niya ay nginingitian pa rin ni Evelyn ang mga nakasasalubong nila lalo na ang mga kumakausap sa kanya.
“Natutuwa ako na napanatili ninyo ang kalidad ng mga produkto sa branch na ito, umaasa ako na hindi ito magbabago. Alam niyo na ayaw kong nakatatanggap ng pangit na feedback mula sa kliyente natin kaya dapat ay consistent kayo. Ang sabi mo sa akin ay may nasirang makina rito sa patahian, hindi ba? Ilang makina iyon?” tanong ni Jack kay Rhea, siya ang kanang kamay niya sa Makati branch ng S2J.
“Dalawa po, Sir Jack. Naipaliwanag ko na po sa inyo kung bakit po iyon nangyari.”
“Nabasa ko ang mensahe mo. Sigurado ba na walang nasaktan nang masira iyon?”
“Wala po, ligtas po ang lahat.”
“Mabuti naman at walang nasaktan. Si Charles na ang makikipag-usap sa iyo kung kailan iyon papalitan.”
“Maraming salamat po, Sir Jack.”
Hindi maiwasan na matuwa ni Evelyn sa narinig niya dahil hindi iyon ang unang pagkakataon na mas inuna nitong tanungin ang kaligtasan ng empleyado niya kaysa kwentahin ang magagastos sa mamahaling makina na nasira. Ang sarap palakpakan ng ganoong ugali ni Jack.
PAGKATAPOS NG INSPECTION AT meeting ni Jack sa Makati branch ay babalik naman kaagad sila sa opisina sa main branch sa Manila City. Hindi lang mapakali si Evelyn ngayon dahil naiihi na siya at sobrang trapik sa dinaraanan nila. Hindi niya magawang utusan ang boss na huminto kapag may nakitang rest room ngunit napansin ni Jack ang pagiging balisa ni Evelyn.
“What’s wrong?” tanong ni Jack.
“Ah, wala naman po, Sir Jack.”
“Something is bothering you. Ano iyon?” tanong ulit nito kaya napagpasyahan ni Evelyn na sabihin na iyon sa kanya.
“Sir Jack, ano kasi . . . puwede ka po bang huminto kapag may nadaanan tayong rest room? Ihing-ihi na po kasi ako. Pasensya na po.”
“Sure.”
Hindi naman nagtagal ay nakalagpas na sila sa bahagi ng daan na trapik kaya nang makakita ng rest room si Jack ay kaagad namang bumaba si Evelyn para umihi. Bumaba rin si Jack para may bilhin at mabilis siyang nakabalik kaya nang dumating si Evelyn ay nandoon na si Jack at hindi nito nalaman na bumaba rin ang boss niya.
Nang makarating naman sila sa opisina ay bababa na sana si Evelyn nang kausapin siya ni Jack.
“Kuhanin mo ang cold compress na binili ko. Ilagay mo iyon sa pasa mo para mawala kaagad. And I apologize for what happened last night.” Pagkatapos niyang sabihin ay bumaba na ito para ibigay sa guwardiya niya ang sasakyan para dalhin sa parking space na nakalaan sa sasakyan niya.
Kinuha naman ni Evelyn ang biniling cold compress ni Jack at habang hawak niya iyon ay hindi napigilan na mapangiti. “He said sorry again!” sigaw niya sa isip sa paghingi ng tawad ni Jack.
Naramdaman na lang din ni Evelyn ang mabilis na pagtibok ng puso niya. Hindi niya maalala kung kailan niya huling naranasan ang ganoong pakiramdam pero isa lang ang sigurado niya . . . masaya ang ganoong pakiramdam.