Sa gitna ng mapanglaw na atmospera sa loob ng Bulwagan, isang palakpak ang umani ng atensyon. Mahina lamang iyon. Ni hindi alam ni Faizal kung lahat ba ay maririnig iyon sa napakalaking lugar na iyon. Ngunit siya, dinig na dinig niya ang tunog ng bawat paghampas ng mga palad ni Elizeo sa isa't isa. May determinasyon sa mukha nito kahit pa pilit nitong itinatago ang sakit na nanggagaling sa bali nitong braso. Kahit sina Drago at Tatang ay natigilan sa paghatak ng mga bangkay. Ang iba pang manlalaro na malalamlam na ang mga mukha ay napatingin din; nagtataka. Hanggang sa ang iba pang Preso ay nagsimula na ring magpalakpakan. Mayroon pang sumisipol. Pinaingay ng palakpak ng mga Preso ang kabuuan ng napakalaking lugar-palaruan na iyon. Para bang ang bawat palakpak ay pagbati sa mga nailigta

