HAJIE:
PARANG naka-magnet na ang palad ko sa malambot at mainit nitong palad! Idagdag pang nakakalunod na mapatitig sa mga mata niya. Kahit may kaunting kinang sa mga iyon, mababakasan pa rin ng lungkot na tila pilit niyang ikinukubli.
"Nice to meet you po, Ma'am JM," wika ko at kahit ayoko pa sana, pinakawalan ko na ang kamay nito.
"Don't say po, para namang ang tanda-tanda ko na. Mukha ba akong matanda sa paningin mo?" aniya na may ngiting naglalaro sa mga labi.
Nag-init ang mukha ko na nahihiyang napakamot sa ulo. Mabuti na lang, bumaling na ulit siya sa harapan namin. Kabado ako na isinama niya ako dito lalo na't wala naman ito sa usapan namin nila Red. Wala pa naman akong ideya kung ano ang gagawin ko at kung anong oras ako makakauwi. Mabuti na lang, wala akong klase bukas.
"Do you want some coffee?" tanong nito na nakamata sa harapan namin.
Pilit akong ngumiti na tumango. "O-okay lang ba?" balik tanong ko.
Tipid siyang ngumiti na tumango. "Yeah, let's go inside." Tugon nito.
Nalilito man, sumunod ako sa kanya. Nakakatuwa lang na ang gaan kaagad ng loob ko sa kanya. Ramdam ko rin naman na komportable siya sa akin. Kahit bagong magkakilala lang kami at lalake ako, hindi siya naiilang na kasama ako ngayon.
Nakasunod ako dito na pumasok muli ng elevator. Akala ko ay tutuloy kami sa ground floor pero, isang palapag lang ang binabaan namin. Bumukas kaagad ang pintuan at nagpatiuna siyang lumabas. Sumunod naman ako dito at hindi ko kabisado ang hotel na ito.
"May coffeeshop ba dito?" usal ko sa isipan at puro mga nakasaradong pintuan lang naman ang nadaraanan namin dito sa hallway.
Hanggang makarating kami sa pinakadulong pintuan. Namamangha ako na may inilapat lang siyang access card at bumukas na ang pintuan.
"Come in, baby boy. Don't worry, I won't bite you." Natatawa niyang wika na naunang pumasok.
Napalunok ako na kumabog ang dibdib. Kabado man, sumunod ako sa kanya na pumasok ng silid. Binuksan nito ang ilaw at unti-unting lumiwanag ang madilim na silid. Namamangha pa ako na makita ang buong silid. Akala ko, ordinaryong hotel room lang ito pero-- nagkamali ako.
Para na itong condo sa laki niya at kumpleto na rin sa gamit! May kusina at sala na ito na parang may nakatira dito. May malaking flat screen TV siya dito sa sala at nagsusumigaw sa karangyaan ang silid! Napakagara tignan ng chandelier dito sa gitna ng ceiling lalo na't ang laki nito. Kahit ang sahig, napakakintab ng tiles na pwede ka nang magsalamin doon!
"Come here, let's have some coffee," aniya na iginiya ako sa kusina.
"Uhm, binayaran mo 'tong silid na 'to, ma'am?" tanong ko.
Natawa naman ito. "Nope, I own this place, Hajie. This is my suite here in our hotel. It's called-- presidential suite." Sagot niya na napakindat pa sa akin.
"Ha? Sa'yo 'to?" nakatulala kong tanong dito na nagtungo sa coffeemaker niya sa sulok.
"Yeah, gano'n na nga. Have a sit, baby boy." Tugon nito na gumawa ng kape naming dalawa.
Nahihiya akong ngumiti na hindi nakasagot. Alam kong mayaman siya pero hindi ko lang inaasahan. . . na may pag-aari siyang suite dito! Ang bata pa niya kung titignan at nakatitiyak akong kaedaran ko lang siya. Maging ang mga silya at mesa na gamit niya dito, napakagara din na halatang mamahalin. Lahat ng mga gamit dito ay hindi basta-basta ang presyo. Naiilang na tuloy ako at pakiramdam ko, hindi ako nababagay dito, lalo na ang maidikit sa isang katulad niya.
Matapos nitong matimpla ang kape, lumapit na siya sa akin dala ang dalawang mug. Ngumiti siya na maingat na inilapag ang kape sa mesa at saka naupo kaharap ko.
"Here, Hajie." Aniya.
"Salamat, ma'am."
"Stop calling me ma'am too. Nakakatanda masyado. You can call me by my name, Hajie. Sa tingin ko naman e. . . hindi nagkakalayo ang edad natin." Wika niya na napasimsim sa kape niya.
Pilit akong ngumiti na tumango. Inabot ang ginawa niyang kape at sumimsim doon. Natigilan pa ako na malasahan. . . kung gaano kasarap ang ginawa niyang kape!
"How is it? Hindi mo ba nagustuhan?" tanong nito.
Kaagad akong umiling at ngumiti sa kanya. "Hindi po-- ay, hindi naman, JM, ano-- uhm, masarap siya." Nagkandautal-utal kong sagot.
Ngumiti naman siya na tumango. Ngayong nasa maliwanag kaming lugar, mas kitang-kita ko na ang mukha niya. Napakaputi niyang babae at ang kinis ng balat. Slim lang din ang pangangatawan at hindi naman gano'n katangkaran pero. . . sobrang ganda niya. Napakaganda niya. Para siyang buhay na barbie sa sobrang ganda at liit ng mukha niya. Hindi lang ako makapaniwalang. . . may gan'to ako kagandang kasama ngayon!
"So, what do you do, Hajie? Don't tell me, you're a macho dancer nga?" tanong nito habang nagkakape kaming dalawa na magkaharap.
"Uhm, hindi naman. Nag-aaral pa ako, JM. Pero-- graduating na. Criminologist. Ano, uhm, nagpa-part-time job ako sa isang bar. Waiter at dishwasher ako doon. Maniwala ka man o hindi? Ngayon lang ako sumubok na sumama sa mga katrabaho ko. Sila talaga ay mga macho dancer sa bar namin." Sagot ko dito na napangusong tumango-tango.
"Oh, got it. I knew it. Una pa lang at nahalata ko nang hindi ka talaga macho dancer katulad sa mga kasama mo," saad nitong ikinangiti ko na napasimsim sa kape ko.
"Ikaw, ano'ng ginagawa mo sa buhay? Nag-aaral ka pa?" tanong ko dito.
Napangisi naman ito na tumaas ang isang kilay habang nakamata sa akin, hawak ang kape niya.
"Bakit? Mukha ba akong teenager sa paningin mo?" tanong nitong ikinatikhim ko.
"Medyo," nahihiya kong sagot.
Napahagikhik pa ito na hindi naman na-offend sa sagot ko. Napailing siya na nangingiti.
"I'm already twenty-five, Hajie. Tapos na ako sa pag-aaral. Ikaw, how old are you?" tanong nito.
Napaawang ako ng labi na natulala sa kanya. Twenty-five na siya?! E parang sixteen years old lang siya a!
"Hindi nga? Niloloko mo ba ako? Paanong twenty-five ka na? Mas matanda ka pa sa akin?" hindi makapaniwala kong tanong dito.
Natawa ito na inabot ang purse niya sa mesa. Binuksan niya iyon na kinuha ang isang I'D mula doon. Iniabot niya sa akin. Napalunok ako na inabot iyon at binasa.
"Jen Madrigal," usal ko sa isipan at napakurap-kurap na makita ang birthday niya at twenty-five na nga siya!
"Woah," usal ko na namimilog ang mga mata.
Natawa ito na ibinalik din sa purse niya ang I'D. "Do you believe me now?" tanong niya.
Napahinga ako ng malalim. Hindi pa rin ako makapaniwala. "Twenty-two pa lang ako. A-ate pala kita." Nakangiwi kong saad.
Natawa siya sa tinuran ko. "But don't call me ate ha? Okay na 'yong tawagin mo ako sa pangalan ko, Hajie." Sagot nitong ikinatango ko na alanganing ngumiti sa kanya.
"S-sige kung doon ka mas komportable." Tugon ko.
"Do you have girlfriend?"
Nasamid ako sa kanyang diretsong tanong. Napatikhim ako na parang may batong bumara tuloy sa lalamunan ko.
"W-wala pa. Naka-focus ako sa pag-aaral at trabaho ko e. Alam mo na, estudyante sa maghapon at waiter naman sa bar sa gabi. Wala na akong oras para sa bagay na iyan." Sagot ko dito na napanguso.
"Hmm. . . pinagsasabay mo ang trabaho at pag-aaral? Mabuti at nakakaya mo. Mahirap mag-aral na puyat ka ha?" wika niya.
Napangiti ako. "Kailangan e. Saka sanay na ang katawan ko. Isa pa, iyong pinagtatrabahuan kong bar, nasa harapan lang ng apartment na tinutuluyan ko. Kaya nagtatrabaho ako sa gabi para may extra akong pera." Sagot ko dito na napanguso.
"Do you want sideline?" tanong nito.
"Ha?"
Napakurap-kurap ako sa kanyang tinuran. Inubos na muna nito ang kape niya bago muling nagsalita. Nakamata lang naman ako sa kanya.
"Sideline. Work for me. Ako na ang bahala sa sahod mo. Hindi ka na mapupuyat gabi-gabi at madali lang naman ang trabaho mo sa akin. Name your price. Magkano ang gusto mong sahod sa akin?" aniya na bakas ang kaseryosohan.
Napalunok ako. Parang nanikip ang dibdib ko at natuyot ang lalamunan ko sa kanyang tinuran.
"N-nag-aaral kasi ako e. Sa gabi lang ako available." Saad ko.
"That's not a problem. E 'di sa gabi tayo lalabas, 'di ba? Siguro naman available ka ng weekend, 'di ba?" aniya na ikinalunok ko.
"Ano ba ang magiging trabaho ko sa'yo, kung sakali?" lakas loob kong tanong sa kanya na napanguso.
"Well, it's very simple, Hajie." Aniya na ibinaba sa mesa ang mug niyang wala ng laman. "I will rent you. . . as my boyfriend. "I will pay you, baby boy. Just be. . . my boyfriend for six months. Name your price."
"H-ha?" bulalas ko ditong mahinang natawa sa reaks'yon ko.
"Sabihin na nating. . . may gagantihan lang ako. Someone na iniwan ako at ipinagpalit sa ibang babae. I just want to show him that I can live my life even without him. Na minahal ko lang siya. . . pero kaya ko siyang palitan at hindi siya kawalan." Saad nitong ikinatigil ko at napalunok sa kanyang tinuran.
Hindi ko lang lubos akalaing ang isang katulad niya. . . iiwanan pa rin at ipagpapalit sa iba!
"Pero--"
"Ten million for six months. Be my rented boyfriend for six months." Putol nitong ikinalaglag ng panga ko sa kanyang tinuran!
"Te-te-te-ten million? Million?" bulalas ko ditong tumango-tango na ngumiti.
"Yeah. It's all yours. Pero syempre-- tayong dalawa lang ang may alam nito. Deal?" aniyang ikinalunok ko.
"P-pwede bang pag-isipan muna? nakangiwi kong tanong dito na umiling at inabot ang kamay ko.
"Nope. Sinabi ko na e. It's a deal. You are my boyfriend now. You're not allowed to court anyone else anymore, okay?" pinal nitong saad na hindi pa man ako pumapayag!
"A-ang bilis mo," tanging naibulalas ko ditong napahagikhik na napisil ang palad ko.
"Mainam na 'yon. Kaysa babagal-bagal, hindi ba?" nakangising sagot nito sabay kindat na ikinangiwi ko.
"Ngee."