Chapter 3- Sebastian 'Baste' Dela Cruz

1820 คำ
"Basura! Basura!” malakas kong sigaw habang nakasabit sa likurang bahagi ng truck ng basura. “Labas niyo na mga basura ninyo. Nariyan na ang mga basurero!” Hiyaw ng matandang babae na sige rin ang pagwawalis sa paligid ng kaniyang bahay. “Mga kapitbaler, labas niyo na mga basura ninyo!” Maarteng sigaw naman ng isang bakla. Naiiling na lumapit ako sa kanila para kuhanin ang kanilang mga basura. “Ang gwapo!” malanding wika ng bakla at pumilantik pa ang mga daliri nito sa kamay. Nginitian ko ito dahilan para lalo lamang itong magtititili. “Ang yummy mo namang basurero!” Humawak ito sa may bandang tiyan ko. Inamoy-amoy niya ako at ‘di inalintana ang amoy ng basurang kumapit sa’king katawan. “Hmmm… Ang bango!” Pinisil-pisil pa nito ang mga bukol sa aking tiyan. “At ang maskulado pa!” natitilihan pa niyang wika. “Oist, sobra ka na ha!” nangingiting anas ko at saka inalis ang kamay nitong panay haplos sa'king katawan. “Akin ka na lang. Paliligayahin kita!” Hirit nito at kumindat-kindat pa sa’kin. “May asawa na ako!” anas ko sa kaniya. Nakita ko ang pagbusangot ng mukha nito at lihim akong natawa sa kaniyang itsura. “Tara na, Baste!” Tawag sa’kin ni Melchor, ang siyang truck driver ng truck ng basura. Naiiling na nilayuan ko na ang dismayadong bakla. ‘May asawa na ako!’ ‘yan ang madalas kong idahilan sa mga bakla at sa mga babaeng nagpapakita ng interest sa’kin. Hindi naman dahil sa mapili akong tao pero hindi ko lang din talaga priority sa ngayon ang pagkakaroon ng karelasyon. Bukod sa mahirap ang buhay ay wala rin naman talaga akong permanenteng trabaho. Tanging pagbabasura lamang ang siyang pinagkukuhanan namin ng kabuhayan. Namulat kaming magkakapatid na pagbabasura ang aming kinalakhan dahil iyon lang ang tanging hanapbuhay na kayang gawin ng aking mga magulang. Hindi ko naman iyon ikinahihiya bagkus ay mas ipinagmamalaki ko pa nga sila dahil isa iyong marangal na trabaho at para sa mga kagaya naming kapus-palad ay isa na iyong malaking biyaya mula sa Diyos. Kaya, kahit hirap kami sa buhay ay nagsusumikap akong makapag-aral kahit sa gabi man lang. Ilang beses na rin akong nahinto sa pag-aaral dala nang kakulangan sa pera. Pero, hindi ko ginawang dahilan iyon para humintong mangarap. Umabot na nga ako sa edad na bente otso pero patuloy pa rin akong nangangarap na makapagtapos nang pag-aaral hanggang sa magkaroon ako ng magandang kinabukasan. “Tol, may alam ka bang ibang raket?” tanong ko kay Melchor nang makaupo na sa tabi nito. “Tamang-tama Tol, may inaalok sa’kin ‘yong kakilala kong security guard na nagtatrabaho roon sa LiquidDoze Bar. “LiquidDoze Bar?” Pag-uulit ko sa sinabi nito. “Iyan yong exclusive bar diyan sa may kanto banda, Tol,” sagot naman ni Melchor. “Kung gusto mo mamayang hapon mag-iinuman kami riyan sa may malapit sa kanto, pumunta ka para maipakilala kita kay Gabriel,” dagdag na sabi pa nito. “Sige, darating ako! Tamang-tama wala akong klase mamaya.” Sang-ayon ko rito. Kinahapunan ay nagpunta nga ako malapit sa may kanto. Nakita ko roon si Melchor kasama ang mga kalalakihang nakapaikot sa isang bilog na lamesita. Nagtatagay ang mga ito nang mapansin ako nito. “Baste!” tawag nito at saka kumaway sa’kin. Pinalapit ako nito sa kanila. Lumapit naman ako sa kanila at ipinakilala ako nito sa mga kasama. Pagkaupo ko ay siyang dating naman ni Gabriel, ang security guard ng LiquidDoze Bar. Pinakilala ako ni Melchor kay Gabriel at tinanong ito ng una tungkol doon sa inaalok nitong trabaho sa LiquidDoze Bar. “Nagpapahanap kasi ‘yong manager nang kukuha at mag-aayos ng mga basura roon sa bar,” salaysay ni Gabriel at saka tinungga nito ang laman ng baso. “Baka, pwedeng ako na lang Tol, ang irefer mo sa manager ng bar?” pakiusap ko kay Gabriel. “Sige, Tol! Punta ka na lang mamayang alas nuwebe ‘y media ng gabi para maipakilala kita sa manager,” nakangiting sagot naman nito. “Salamat, Tol!” Tinanggap ko ang tagay na inabot sa’kin ni Melchor. Mga apat na tagay lang ay nagpaalam na rin ako sa kanila at umuwi na sa aming bahay. Pagdating ko ng bahay ay nakita ko ang mga nakababatang kapatid na naglalaro ng ‘pick a stick,’ tanging si Botchok lang ang nasa may bandang kusina na naghuhugas ng mga pinggan. Sa aming magkakapatid, si Botchok ang pinakamasipag at siyang pinakamaaasahan pagdating sa pangangalaga ng bahay. “Botchok, gusto mong sumama sa’kin mamayang gabi?” tanong ko rito nang makalapit ako sa kaniya. “Ako, Kuya! Gusto kong sumama,” sagot naman ni Susie, ang bunsong kapatid namin. “Ako rin Kuya, gusto ko ring sumama,” saad naman ni Sonia, ang ikatlo kong kapatid. “Hindi kayo pwedeng sumama, si Kuya Botchok lang pwede,” tanggi ko agad sa kanila. “Ang daya! Lagi na lang si Kuya Botchok ang paborito mong isama, Kuya,” nakalabing wika ni bunso, si Susie. “Hindi naman sa gano'n, si Kuya Botchok kasi ay kaya niya nang magtrabaho. Kayo po kasi ay mga baby pa kaya hindi pa kayo maaaring isama sa labas lalo na't gabi.” Paliwanag ko kay Susie. “Ewan ko sa’yo Kuya!” Irap naman sa’kin ni Sonia. Natawa naman ako sa itsura ng aking mga nakababatang kapatid. Akala mo kasi ay mga dalaga na talaga kung umasta ang mga 'to. “Bakit kayo ba magkakarga ng mga kakargahin naming mga lalaki?” pasabad na tanong ni Botchok kina Sonia at Susie. “Hindi po! Pero kayo na lang ni Kuya Baste ang madalas lumabas na magkasama,” nakalabing sagot ni Sonia. “Eh kasi nga po, bawal na kayong lumabas sa gabi lalo na at mga bata pa kayo. Tanging kami lang naman ni Kuya Botchok ninyo ang pwede nang lumabas dahil malalaki na kami," paliwanag ko sa kanila. “Bakit ba kasi hindi pa kami lumaki para naman makalabas na rin kami sa gabi. Tuloy ‘di kami makalabas ng bahay,” malungkot na anas ni Susie. “Kapag malalaki na kayo, saka na kayo lumabas sa gabi. Mabuti na rin 'yong nag-iingat bunso,” paliwanag ko pa ng husto kay Susie. Lumapit sa’min si Botchok at kiniliti sa baywang ang dalawa naming kapatid na babae. Napuno nang tawanan ang aming munting tirahan. ========== LiquidDoze, ang pinakatanyag at pinakamahal na bar dito sa aming lugar. Sadyang dinadayo pa ng mga mayayamang tao lalo na ng mga kababaihan. Pagpasok namin ni Gabriel sa loob ay sinalubong ako ng madilim na kapaligiran at malakas na tugtugan na nakabibinging pakinggan. Napansin ko ang maraming tao sa loob lalo na ang mga kababaihang halos gasaplot na lamang ang mga suot na damit. “Boss, siya po si Baste ‘yong pinapahanap mo pong mag-aayos ng basura rito sa LiquidDoze tuwing gabi,” inporma ni Gabriel sa manager ng bar. Lumingon ito sa’min at sinipat ako ng tingin mula ulo hanggang paa. “K-kanto Boys…” usal nito. “Ano raw?” tanong ko naman kay Gabriel. “Kanto Boys daw, Tol, ‘yan kasi ang tawag sa mga lalaking nagsasayaw rito kaya dinadayo ng mga kababaihan ang bar na ‘to,” pahayag naman ni Gabriel. “Ah,” tumatangong turan ko sa kaniya. “Sebastian po pala, a.k.a. Baste!” nakangiting pagpapakilala ko at saka inilahad ang palad ko sa manager ng bar. Nakipagdaupang palad naman ito sa’kin. “Oh, I’m sorry. By the way, sigurado ka bang ang basura ng LiquidDoze lang ang gusto mo rito? Baka gusto mong maging empleyado namin?” patanong nitong hayag sa’kin. “Pasensiya na, Boss, nag-aaral din po kasi ako sa gabi kaya hindi ko na ho kakayanin pa ang mag-full time employee sa gabi. Pero, willing po akong asikasuhin ang basura ng LiquidDoze,” nakangiting sagot ko naman dito. “I see, okay. Ikaw ng bahala sa kaniya, Gabriel. Ituro mo na lang ang lagayan ng mga basura sa labas.” Utos nito kay Gabriel. Lumabas kami ni Gabriel at umikot sa may bandang likurang bahagi ng LiquidDoze Bar. Tinuro niya sa’kin ang lagayan ng basura kung kaya't tinawag ko na si Botchok, ang aking kapatid. Kasalukuyan na naming kinakalkal ang mga basura ng LiquidDoze para ibukod ang mga nabubulok sa ‘di nabubulok nang biglang may bumagsak na bote sa ulo ni Botchok. “Aray!” hinaing ni Botchok. Itinaas nito ang boteng bumagsak sa kaniyang ulo. Mabuti na lamang at ‘di nabasag ang bote sa ulo ni Botchok. Kinuha ko iyon sa kaniya at tinitigan nang mabuti ang bote. Isang uri ng mamahaling alak ang laman niyon at tiyak na galing iyon sa loob mismo ng LiquidDoze bar na exclusive para sa mayayamang mga tao. “Sino naman kaya ang naghagis ng bote na ‘to?” tanong ko kay Botchok. “Si Miss Ganda!” Nilingon ko ang nagsalita at nakita ko ang taong grass na may tinuturo. Sinundan ko ng tingin ang tinuturo nito at doon ko nakita ang limang magagandang dalaga na mukhang mayayaman at nasa mataas na estado ng buhay. Naagaw nang aking pansin ang isang seksi, hantad ang mga mapuputing hita sa ikli ng suot niyang skirt at may mapupulang mga labi na babae na siyang mismong itinuturo ng taong grasa. “Dito ka lang Botchok at may kakausapin lang ako na tao. H‘wag kang aalis dito.” Bilin ko sa nakababatang kapatid. Tumango naman ito sa’kin at tinalikuran ko na ito upang puntahan ang taong sinasabing naghagis ng bote. ******* Hanggang sa makauwi kami ng bahay ni Botchok ay panay pa rin ang kantiyaw nito sa’kin. “Totoo bang mabaho ang hininga ni Ate Ganda, Kuya?” Pangungulit pa ng aking nakababatang kapatid. “Hindi ka rin makulit, Botchok!” inis kong turan sa kaniya. “Eh kasi naman Kuya, ang sabi mo mag-toothbrush siya kasi mabaho ang hininga niya. Para naman kasing ang bango-bango ni Ate Ganda, tapos sinabihan mo lang ng mabaho. Eh bakit mo hinalikan nang matagal kung mabaho siya?” nakalabing maktol nito. Lihim naman akong nangiti sa sarili nang maalala ang enkwentro naming dalawa ng magandang babae. Sa totoo lang ay napakabango niya kahit pa nga amoy alak ang kaniyang hininga. Pinigil ko na nga lang ang sarili at baka kung saan na kami mapuntang dalawa ‘pag hinayaan ko pang magtagal ang halikan na ‘yon. “Sabi ko na nga ba at hindi totoo ang mga sinabi mo kay Ate Ganda, dahil nagagawa mo pang ngumiti riyan, Kuya. Daig mo pang baliw!” litanya sa'kin ni Botchok. “Ewan ko sa’yo Botchok! Matulog ka na nga!” asik ko naman sa kapatid. “Sana makita natin ulit do’n bukas si Ate Ganda,” nasasabik na wika ni Botchok. Patay! Na-love at first sight pa yata si Botchok sa babaeng ‘yon.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม