“MAGBABAGONG taon pa lang, mukhang nasabugan na ng plapla ang kamay mo. Bakit ba?” usisa ni Baby kay Elisa. Nasa kusina sila at tumutulong sa kanilang ina sa paghahanda ng pagkain. Iyon talaga ang papel nilang magkapatid kapag bisperas ng Bagong Taon, tagahimay sila o tagabalat ng mga ingredients sa ihahandang putahe ng kanilang ina.
“OA mo,” ani Elisa sa kapatid.
“Eh, wala kang kibo. Daig mo pa ang pasan ang mundo. Hindi ka ba nag-enjoy sa bakasyon mo?”
“Pagod lang ako. `Sabi ko nga, malayo ang Claveria. Maghapon din akong nagbiyahe.”
“Eh, noong isang araw ka pa dumating. Huwag mong sabihing hindi ka pa nakakabawi sa pagod? Kahapon, maghapon ka lang na nakahiga.”
“Sa pagod nga ako. Ang kulit mo,” napipikon nang sabi ni Elisa.
“Tumigil nga kayong dalawa. Kanina pa kayo nagbabangayan,” saway ng kanilang ina. “Ikaw, Baby, sumaglit ka sa palengke. Nakalimutan kong bumili ng pickles. `Yong kinikilo ang bilhin mo. One-fourth lang.”
“Mommy, ang dami-daming tao sa palengke!” reklamo ni Baby.
“Natural, magbabagong taon. Sige na, sa bungad lang may mabibili ka na. Kapag hindi ka bumili, hindi sasarap itong sarsa ng hamon.”
Palibhasa paborito ni Baby ang homemade ham ng mommy nila, napilitan na rin itong sumunod.
Mayamaya ay lumapit sa kanya ang daddy niya. “Anak, hindi mo man lang ako binabalitaan tungkol sa naging lakad mo. Pumasyal ka ba sa Sta. Praxedes?”
Tumango si Elisa. “Nakita ko ang villa, Dad. Pero hindi ko na hinanap ang sinasabi ro’n sa journal. May nakatira sa villa. Apo mismo ni Señor Arturo.”
Tumango ito. “Hindi ka naman nahirapan sa pagpunta roon? Medyo na-guilty rin ako dahil buong bakasyon mo ay hindi mo naalalang mag-text man lang. Nag-alala ako na baka napahamak ka na roon.”
“Hindi naman, Dad. Wala lang signal doon ang cell phone kaya hindi ako naka-text.”
Ngumiti ito. “Masaya akong narito ka na. Iba pa rin kung sama-sama ang buong pamilya kapag bagong taon.”
“S-siyempre naman, Dad,” sagot niya.
Pero sa tingin ni Elisa, ang darating na bagong taon ang pinakamalungkot para sa kanya. Nami-miss niya si Art. At iniisip din niya kung ano ang naging reaksiyon nito nang malamang umalis siya.
Kung mayroon man siyang hiling para sarili sa bagong taon, iyon ay ang mahalin sana siya ni Art. Hindi naman siguro masamang humiling.
Sumapit ang gabi. Habang lumalapit ang pagpatak ng alas-dose ay lalong nagiging maingay ang paligid.
Masaya ang ambience sa bahay nila kaya naman pinilit na rin niya ang sarili na maging masaya. Kung may lungkot man siyang nararamdaman ay sasarilinin na lang niya.
Maliwanag na ang buong kalsada. Inilabas na ng mga kapitbahay nila ang mga fountain at paputok na inihanda ng mga ito. Gaya ng nakagawian ay lumabas din sila at nakinood sa pailaw ng mga kapitbahay. Naroon sila sa may gate hanggang sumapit ang alas-dose.
Nang matapos ang putukan ay nakipagbatian sila ng “Happy New Year” sa mga kapitbahay, pagkatapos ay nagyaya na ang mommy nila na pumasok sa bahay para pagsaluhan ang pagkaing inihanda nito.
Sa buong panahong iyon ay sinikap maging masigla ni Elisa. Walang dapat na makahalata na nagdurugo ang kanyang puso. Pero nang makakain ay hindi na rin siya nakatiis, nagpaalam na siya na magpapahinga na.
“Bukas na lang ako tutulong magligpit, Mommy. Inaantok na ako, eh,” pagdadahilan niya.
“Sige, magpahinga ka na. Kayang-kaya ko na ito,” sagot naman ng mommy niya na ipinagpasalamat niyang hindi napansin ang pagiging matamlay niya.
Nang makahiga ay nagtalukbong siya ng kumot kahit hindi niya ugali iyon. Tiniis niya ang init kaysa makita ng kapatid ang lungkot niya. Ipinikit niya ang mga mata. Mas mabuti kung makakatulog agad siya.
“ATE, BUMANGON ka diyan. May bisita ka,” ani Baby kay Elisa habang niyuyugyog siya sa balikat.
Hindi pa man dumidilat ay nakasimangot na siya. Ramdam niya ang pagkirot ng kanyang ulo dahil hindi naman siya nakatulog agad nang nagdaang gabi. “Sino ba iyon? Ang aga-aga naman,” reklamo niya.
“Lumabas ka nang makita mo. Hindi rin namin kilala. Kinakausap nga ni Daddy. Manliligaw mo ba iyon? Ang aga-aga namang pumorma.”
Napilitan siyang bumangon. “Tumigil ka nga sa kakatalak mo, Baby,” asik niya sa kapatid. Dinampot niya ang suklay at inihagod sa buhok.
“Ate, guwapo siya,” nakangising sabi pa nito mayamaya. “Kaya kung ako sa iyo, mag-ayos ka nang mabuti para naman hindi ka mukhang namamagang palaka sa hitsura mo kapag hinarap mo siya. ‘Art’ daw ang pangalan.”
“Art?!” Muntik nang nabitawan ni Elisa ang suklay. “Art?”
“Art. A-R-T. Art. Saan mo nakilala iyon? Sa Claveria? Mukhang ang layo ng pinanggalingan, eh, puno ng alikabok ang pickup.”
Pickup? Si Art nga iyon!
Daig pa niya ang pinainom ng energy drink at biglang sumigla ang kilos. Sa ilang minuto ay nagawa niyang gawing presentable ang sarili.
Kumabog ang kanyang dibdib nang matanaw si Art. Oh, God, she missed him! At gusto niyang maawa sa hitsura nito. Larawan ng pagod at puyat ang mukha nito.
“O, gising na pala ang anak ko,” sabi ng daddy niya nang tuluyan siyang makalapit sa mga ito. “Siya na muna ang bahala sa iyo. At dito ka na nga pala kumain. Ang layo pa pala ng pinanggalingan mo.”
“Salamat po,” magalang na sabi ni Art. Pero nang lumipat ang tingin nito sa kanya ay nawala ang ngiting iyon. “Bakit mo ako iniwan?” sumbat agad nito nang mapagsolo sila.
“I’m sorry, Art,” mahinang sagot niya.
“You said you love me. Malinaw na nabasa ko iyon sa sulat na iniwan mo. Kung totoo iyon, bakit mo ako iniwan?”
Bumuntong-hininga si Elisa. “Mahirap umasa, Art. Masakit ang pinagdaanan mo. Hindi ko alam kung kailan ka magiging handang magmahal uli. K-kasalanan ko na nahulog agad ang loob ko sa iyo pero hindi ko napigilan ang sarili ko.”
Umisod ito sa kinauupuan at inabot ang kanyang kamay. “I missed you, Elsie. Alam mo bang nag-alala ako nang husto no’ng umalis ka nang walang paalam? Paano kung dinukot ka ng mga taong-labas? Napanatag lang ako nang magpunta ako sa Magno. Nagbaka-sakali ako na maabutan pa kita roon. Ipinagtanong kita sa mga driver na bumibiyahe sa San Luis. Mabuti at natatandaan ng isa sa kanila na naisakay ka. Alam mo naman sa baryo, halos magkakakilala ang lahat. Natatandaan ang isang estranghera na kagaya mo dahil bago ang mukha.”
“Nakauwi ako nang ligtas,” sabi ni Elisa.
“I know. Pero ako, alam mo bang hindi nagkaroon ng kapayapaan ang damdamin ko? Hinahanap-hanap kita sa villa.”
“Dati naman akong wala roon,” papilosopong sabi niya.
“Pero nag-iba ang lahat nang mapunta ka roon,” anito. Pinisil nito ang kanyang kamay. “Elsie, I have to tell you this. Hindi ka dapat na naduwag at iniwan ako. Mali ka sa inaakala mong hindi pa ako handang magmahal uli. Because I’m in love again. I fell in love with you, Elsie.”
“Art?”
Ngumiti ito. “Totoo. Nasa villa ka pa ay sigurado na ako sa damdamin ko para sa iyo. Pinili kong sarilinin muna iyon dahil baka hindi ka maniwala. Masyadong mabilis ang lahat. Pero hindi ako puwedeng magkamali. Kilala ko ang sarili ko. Alam ko kung ano ang totoong nararamdaman ko. Ikaw ang palaging ibinubulong ng puso ko, ang laman ng isip ko. I love you, too.”
Napalunok si Elisa. Hindi niya kayang ipaliwanag ang kaligayahang pumuno sa kanyang dibdib.
Tumayo ito. “Tara sa ibaba. May sorpresa ako sa iyo.”
Magkahawak-kamay silang lumabas ng bahay at pinuntahan ang pickup ng binata. Inalis nito ang mga throw pillows na nakatambak sa backseat, kapagkuwan ay kinuha ang isang malaking kahon. Halatang mabigat iyon dahil lumitaw ang mga ugat nito sa braso at bumukol ang mga kalamnan nang buhatin iyon.
“Pakisara ang pinto. Sa itaas na natin buksan ito,” sabi nito.
Tumalima si Elisa, pagkatapos ay sumunod na siya rito pabalik sa bahay.
Ipinatong ni Art sa ibabaw ng mesita ang kahon. “Buksan mo,” nakangiting utos nito sa kanya.
“Art!” bulalas niya nang makita ang laman niyon. “B-baul ito.”
Tumango ito. “Ang baul ng kayamanan, Elsie. Open it.”
Nanginginig ang mga kamay na iniangat ni Elisa ang takip ng baul. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang makikinang na iba’t ibang uri ng bato. Sa ilalim niyon ay mga bareta ng ginto.
“Totoo ang kuwento,” sabi nito. “Sinunod ko ang hiling mo sa sulat. Kahit na gustung-gusto na kitang hanapin, inuna ko ang bagay na iyan. Gusto kong gawing sorpresa sa iyo iyan kung sakali man na totoo. At totoo nga pala.”
Ibinalik niya ang pagkakalapat ng takip ng baul at isinara ang kahon. “Saan mo nakita ito?” hindi pa rin makapaniwalang tanong niya.
“Sa lugar na dinadaanan ng tubig,” sagot nito. “Ang totoo ay hindi naman ako nahirapang hanapin `yan. Ang ibang bahagi ng villa ay naipaayos ko na. Ang mga lugar na napalitan ko na ng tiles, sigurado akong hindi doon matatagpuan iyan. Sa banyo sa master bedroom, Elsie. Sa mismong ilalim ng toilet bowl.”
“Paano mo nakita?”
“Binaklas ko. Iyon lang at ang banyo sa itaas ang hindi ko pa naipapaayos kaya ang dalawang lugar na iyon ang tiningnan ko.” Umiling ito. “Hindi rin ako makapaniwala nang makita ko iyan. All this time, hindi ako naniwalang may kayamanang nakatago sa villa.”
“Pero totoo palang meron,” halos pabulong na sabi niya. Nakakatawa pero ngayong nakita na ng mismong mga mata niya ang baul ng kayamanan ay parang hindi pa rin siya makapaniwala.
“Para sa iyo iyan, Elsie.”
Gulat na napatitig siya sa binata. “Nagbibiro ka ba?”
Umiling ito. “I’m serious. I’m giving all the treasures to you.”
“Pero sa iyo iyan. Ikaw ang Samaniego. Ikaw rin ang nakakita.”
“Mayaman ako, Elsie,” walang halong pagyayabang na sabi ni Art. “Totoo, malaking karagdagan ang laman niyan sa mga minana ko, pero gusto kong ibigay sa iyo iyan.”
“Bakit?” namamangha pa ring tanong niya.
“Because I love you.”
“I... I love you, too, Art. Hindi mo kailangang ibigay sa akin iyan.”
“Elsie, darling, hindi ko malalaman ang tungkol diyan kung hindi dahil sa iyo. And looking back, hindi naman kita makikilala kung hindi dahil sa paghahanap mo sa baul na iyan. Accept it, darling. Bagong taon ngayon, isipin mong New Year’s gift ko `yan sa iyo.”
“Pero n-napakamahal na regalo naman nito,” sabi niya.
“Mas mahal ang naging regalo ko, Elsie. Because I found you. Nabuhay akong muli. At hindi matutumbasan ng anumang kayamanan ang nararamdaman kong kaligayahan, lalo ngayong alam kong mahal natin ang isa’t isa. Our love is priceless, don’t you agree?”
Napangiti na lang siya.
“Can I kiss you?” pabulong na tanong ni Art.
Umiling siya. “Baka makita tayo ng parents ko, nakakahiya,” aniya.
“Hindi mo ba sasabihin sa kanila ang tungkol sa atin?”
“Sasabihin. Later. `Di ba, inimbita ka ni Daddy na dito magtanghalian?”
Tumango ito. “Elsie, may sasabihin pa ako sa iyo.”
“What?”
“I would like to marry you.”
Nanlaki ang mga mata ni Elisa. “Nagbibiro ka ba?”
“Of course not. I love you. Ayaw ko nang mawala ka sa akin. Pick the date, darling, at papakasalan kita.”
Huminga siya nang malalim. “Wait a minute, Art. Isa-isa lang. Baka isipin kong nananaginip ako sa mga nangyayari ngayon sa buhay ko.”
“You’re not dreaming, darling.” Kinabig siya nito at maalab na hinalikan sa mga labi.
Aaminin ni Elisa na miss na miss na niya si Art kaya nagpaubaya siya sa halik. Ibinuhos nila roon ang pangungulila sa isa’t isa.
Isang tikhim ang umagaw ng pansin nila. Ganoon na lang ang pag-iinit ng kanyang mukha nang makita ang ama na nakatingin sa kanila.
“D-daddy.”
“Handa ko pong pakasalan si Elsie kahit anong oras,” sabi naman ni Art, pagkatapos ay humarap sa kanya. “I told you, darling, gusto kitang pakasalan. Kung mamadaliin ng daddy mo `yon ay matutuwa ako.”
Hindi nakakibo si Elisa dahil napapahiya pa rin siya sa ama.
“Habang-buhay na commitment ang kasal,” seryosong sabi ng kanyang ama. “Kung hindi ka sigurado, huwag mong banggitin ang tungkol diyan.”
“Siguradung-sigurado po ako, Sir,” sagot ni Art.
Tumango ang daddy niya, parang umaliwalas ang mukha. “Buweno, kayo ng anak ko ang mag-usap tungkol diyan. Kayo ang magsasama sa mahabang panahon.” Pagkasabi niyon ay iniwan na sila nito.
“I’m very much willing to marry you, Elsie,” sabi ni Art sa kanya.
“Ang bilis naman kasi,” aniya kahit maligayang-maligaya.
“Then let’s set the date a year from now. We’ll have a year to be engaged and get to know each other better.”
“At kung marami pala tayong differences?”
“Mahahanapan natin ng solusyon iyon. Ang importante sa lahat ay mahal natin ang isa’t isa.” Kinabig siya nito at niyakap.
“Art, sandali, ano ang gagawin natin sa baul?”
Tumawa ito nang mahina. “Sa iyo na iyan, `di ba?”
“Ayokong nandito iyan! Baka maging mitsa pa ng buhay namin iyan.”
“Then, itabi natin sa bangko. Siguro naman, darating ang panahong maiisip mo na kung ano ang gagawin mo riyan.”
“S-siguro.”
“Elsie, do you really love me?” malambing na tanong nito.
Nakangiting tumango siya. “Of course. Iyan ang siguradung-sigurado ako.”
--- wakas ---