Chapter 2 : Secretary's Duty

1511 คำ
Sa magulo at kontrobersyal na mundo ni Sebastian Monteverde, iisa lang ang taong alam niyang hindi kailanman nagtaksil sa kaniya— si Freya Dela Merced. At sa loob ng sampung taon, hindi nagbago ang katotohanang iyon. "Are you sure about this?" Nakasandal si Cain sa mesa habang pinagmamasdan ang matalik na kaibigan. Mula sa malaking glass wall ng opisina ay tanaw ang buong siyudad, ngunit tila walang anumang makapagpapawala sa tensyong namamagitan sa kanilang dalawa. "Lahat ng media outlet sa bansa inaakalang engagement gala ang mangyayari bukas. Pati mga magulang mo. Pati ang board of directors." Bumaling ng tingin si Cain sa itim na velvet box na nasa ibabaw ng mesa ng matalik na kaibigan. "Pero ang balak mo talaga?" Hindi kaagad sumagot si Sebastian. Dahan-dahan nitong binuksan ang kahon at agad na kumislap ang diyamanteng nakapaloob doon. Isang wedding ring. Hindi engagement ring. Kung hindi isang wedding ring na mukhang pinag-isipan nang mabuti at pinaghandaan. "Proposal?" natatawang tanong ni Cain. "Matagal na akong over due sa proposal..." Bahagyang umangat ang sulok ng labi ni Sebastian. "Kapag dumating si Freya bukas, uuwi siyang fiance ko." Saglit itong napahinto habang hindi pa rin nawawala ang ngiti. "At kung papalarin..." Nagningning ang mga mata nito. "Asawa ko." Napailing si Cain dahil minsan talaga, hindi niya maintindihan ang lalaking ito. Sa mundong halos lahat ng babae ay handang mapalapit kay Sebastian Monteverde, iisang babae lamang ang pinili nitong mahalin. At ang babaeng iyon ay nasa kabilang panig ng mundo sa loob ng maraming taon. "Bro," buntong-hininga niya. "Hindi ka ba napapagod?" "Hindi," mabilis ang naging sagot ni Sebastian. Punong-puno iyon ng kasiguraduhan, wala man lang kahit konting pag-aalinlangan. "Because Freya is worth waiting for." Tahimik na napatitig si Cain sa kaibigan dahil alam niyang totoo iyon. Noong college pa lamang sila, si Freya na ang laman ng bawat kwento ni Sebastian. Kapag may award ito, ipinagmamalaki siya sa buong mundo ni Sebastian. Kapag may charity project ito, una at pinakamalaking donor si Sebastian. Kapag may problema ito, unang tumatakbo si Sebastian para sumaklolo. At kahit noong umalis ang babae para magtrabaho bilang humanitarian ambassador sa Europe at iba't ibang conflict zones sa mundo, hindi ito sumuko. Hindi ito naghanap ng kapalit...hindi din ito nagmahal ng iba. Sampung taon. Sampung mahabang taon. At hanggang ngayon, si Freya pa rin. "She still calls me, Cain." Bahagyang kumunot ang noo nito. "Not every day, not every month but she still does." Napatingin si Sebastian sa cellphone nito. Makikita doon ang isang old picture bilang wallpaper. Litrato nilang dalawa ni Freya habang masayang magkasama at halatang nangangarap pa lamang noon. "Our connection never disappeared," naging seryoso ang boses nito habang nagsasalita. "People leave, circumstances change, distance happens..." Tiningnan nito ang singsing. "but some things remain, our love still remains." Napabuntong-hininga si Cain. Umaasa siyang tama ang kaibigan niya dahil kung mali ito wala siyang ideya kung paano haharapin ni Sebastian ang pagkawasak. Lalo na ngayong nakasalalay dito ang lahat...literal na lahat. "How's the will?" Biglang tumigas ang panga ni Sebastian. Iyon ang tanong na ayaw niyang marinig ngunit iyon din ang realidad. Tatlong buwan na ang nakalipas mula nang pumanaw ang kaniyang lolo at kasabay ng pagkawala nito ang isang problemang sumasakal sa kaniya araw-araw. Ang 'Last Will and Testament' na iniwan nito para sa kanilang pamilya at ang kayamanang pinag-aagawan ng mga Monteverde magmula noon. At ayon sa dokumentong iniwan ng kaniyang lolo, kailangan niyang makapag-asawa sa loob ng isang taon upang tuluyang mapunta sa kaniya ang kontrol sa malaking bahagi ng Monteverde Holdings. Kapag nabigo siya— mapupunta iyon sa ibang kamag-anak, partikular sa pinsan niyang buong buhay na naghihintay na magkamali siya. Nanggigigil siyang napahawak sa mesa. Pinaghirapan niyang mapalago ang kompanya, pinaghirapan niya ang posisyong hinahawakan niya ngayon, hindi niya hahayaang maagaw iyon dahil lamang sa isang pirasong papel. "I need this marriage." Tahimik si Cain dahil alam niyang hindi kasinungalingan iyon. "This isn't just about inheritance anymore." Bahagyang ngumiti si Sebastian. "For the first time in years, my heart and my responsibilities are asking for the same thing." Magsasalita pa lamang sana ulit si Cain nang bumukas ang pinto ng opisina. Pareho silang napalingon nang tahimik na pumasok si Celestine habang bitbit ang isang tray na naglalaman ng dalawang tasang kape. Maingat ang mga naging hakbang nito, parang natatakot, parang isang maling galaw lang pakiramdam ng empleyado ay matatanggal agad ito ng trabaho. Hindi napigilan ni Cain ang mapangiti sa kaniyang nakita. 'Cute,' iyon agad ang unang pumasok sa isipan niya. Simple lamang kasi ang babaeng nasa harapan nila ng matalik na kaibigan pero hindi mapagkakailang maganda ito at mukhang mabait. Hindi siya tulad ng karamihan sa mga babaeng nakapaligid sa mga Monteverde. Habang inilalapag nito ang kape, napansin ni Cain ang bahagyang panginginig ng kamay ng dalaga. "Thank y—" Pero hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil naunang sumingit ang malamig na boses ni Sebastian. "Don't." Nagkatinginan silang dalawa. "Ha?" "Don't even think about it." Lalong naguluhan si Cain. Samantalang si Celestine naman ay napatigil sa kinatatayuan parang nahuli sa kasalanan kahit wala naman siyang ginagawa. "Sir?" mahinang tawag nito. Hindi man lang ito tinapunan ng tingin ni Sebastian. "If you're done, leave." "Opo." Halos tumakbo palabas ng opisina ang dalaga habang naiwan namang nakakunot ang noo ni Cain. Pagkasara ng pinto ay agad siyang napalingon sa kaibigan. "What the heck, bro. Ano 'yon?" "Wala..." parang wala lang nitong sagot. Pero may parte pa rin ng pagkatao ni Cain na ayaw maniwala sa sinabi ng kaibigan. "Hindi mukhang wala," natatawang sabi ni Cain. "Relax, okay? Hindi ko aagawin ang secretary mo." Naningkit ang mga mata ni Sebastian at doon tuluyang natawa si Cain. ~~~ Samantala, pagkalabas ng opisina ay agad na nakahinga nang maluwag si Celestine. Pakiramdam niya talaga ay mas mahirap kausapin ang boss kaysa mag-exam. Ilang oras pa lamang siya sa Monteverde Holdings, ilang oras pa lamang niya itong nakakasama pero pakiramdam niya ay ilang taon na siyang stressed. Maghapon pa naman siyang naging abala sa pag-aayos ng schedule nito, cancelled meetings, rescheduled meetings, special requests at kung anu-ano pa. Kung tutuusin, nakaka-curious. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang kaseryoso ang paghahanda ng lahat. Para kasing hindi lamang iyon para sa isang engagement party...parang mas mahalaga pa. Sa cafeteria, wala rin siyang narinig na ibang usapan. Lahat ng mga balita ay tungkol kay Freya Dela Merced. "Napakaganda raw." "Mabait." "Galing Europe." "Perfect match kay Sir Sebastian." Sa totoo lang, unti-unti na ring nabubuo ang imahe ng babae sa isipan niya at kahit hindi pa niya ito nakikita, naiintindihan niya kung bakit minahal at nagustuhan ito ng boss niya. Kung ganoon nga ito kaputi, kabait, at katalino baka ito na nga ang babaeng makakapagpabait sa arogante niyang boss. Bandang alas singko ng hapon, akala ni Celestine ay tahimik na matatapos ang unang araw nito sa trabaho ngunit nagkamali siya. Dahil eksaktong limang minuto bago ang out niya, biglang siyang pinatawag sa opisina ng boss. 'Boss naman eh!' muntik na siyang mapadabog sa kinatatayuan. 'Gusto ko na sanang magpahinga at lumamon. Bakit ngayon mo pa ako naalalang tawagin?' Naiinis man ngunit wala siyang nagawa kung hindi sundin ito, pagpasok niya pa lamang sa loob ng opisina ay agad nitong napansin ang isang mamahaling coin purse sa ibabaw ng mesa. "I want you to attend tomorrow's event." Napakurap siya. "Po?" "Use that." Itinuro nito ang coin purse. "Buy a dress." Lalong lumaki ang mga mata niya. "Sir?" "Select the best and make yourself presentable. Don't you dare embarrass the company." Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o maiinsulto pero dahil si Sebastian Monteverde ang nagsasalita, pinili niyang huwag na lang magtanong. "Kailangan ko po bang tumulong sa reception?" Hindi ito sumagot. "Kailangan ko po bang mag-check ng guests?" Nanatili pa rin itong tahimik at walang sagot. "May assignment po ba akong gagawin?" Doon lamang ito tumingin sa kaniya at hindi niya naintindihan kung bakit tila biglang nagbago ang ekspresyon nito. Mas naging seryoso ang titig sa kaniya ng boss kaya pakiramdam nito mas naging mabigat din ang aura ng buong opisina. Pero mas ikinagulat niya nang may kinuha itong isang litrato sa drawer at inilapag sa harap niya. Agad siyang napatingin dahil napakaganda ng babae, mahaba ang buhok, matamis ang ngiti at may mga mata itong parang kayang pakalmahin kahit ang isang nakakatakot at nakakapinsalang bagyo. "She's Freya Dela Merced..." bahagyang lumambot ang boses ng kaniyang boss. "My fiance." Saglit namang natahimik si Celestine bago matamis na ngumiti. "Sobrang ganda po niya." Hindi sumagot si Sebastian. Nakatitig lamang ito sa litrato na para bang may kung anong takot itong pilit na tinatago. "I want you to look for her tomorrow." Napakunot ang noo niya. "Po?" "And if anything happens..." Huminto ito pagkatapos ay muling napatitig sa litrato. "...don't leave her side." Hindi maintindihan ni Celestine kung bakit ngunit sa unang pagkakataon mula nang makilala niya ang boss— nakakita siya ng hindi maipaliwanag na emosyon sa mga mata nito. At iyon ang bagay na lalong nagbigay sa kaniya ng masamang kutob tungkol sa mangyayari sa engagement gala kinabukasan.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม