KABANATA 4

1802 คำ
Kabanata 4: Mana PUTING t-shirt na bakat na bakat sa kanyang magandang katawan at makikita mo roon kung gaano niya inaalagaan ang sarili niyang pangangatawan. Kitang-kita ang kanyang muscles dahil masyadong maliit para sa kanya ang damit ni Papa. Sa kulay abo naman niyang pajama ay masyado ring bitin sa kanya dahil hindi man lang iyon umabot sa ankle niya. Ang kaso lang ay parang nabalot nga talaga sa kanya ang tela nito. Magulo ang buhok niya dahil basang-basa iyon pero hindi man lang makabawas sa guwapo niyang mukha. Sumimsim na lamang ako ng kapeng tinimpla ni Ate Lessa. Samantala, si Attorney Franklin ay dalawang baso ng kape na raw ang naubos niya habang hinihintay niya kami. “Ate Lessa. Nakapaghanda na po ba sila ng dinner natin?” tanong ko kay Ate Lessa sa mababang tono lang iyon upang hindi ako marinig ng mga bisita namin. “Oo, Señorita. Kanina pa bago pa lamang kayo bumaba,” sagot niya sa akin at napatango ako. “Señorita Lorainne. Puwede na po ba akong magsimula?” tanong ni Attorney Franklin na humihingi lamang sa akin ng permiso upang magsalita. “Sige po,” sabi ko at hinawakan ko lamang ang tasa ng kape ko dahil gusto ko ang init nito sa aking mga palad. Nilalamig pa naman ako. “Alam kong mabibigla po kayo pero matagal na po talagang pinaghandaan ito ni Señor Nazareno,” sabi niya. Binanggit niya ang pangalan ng Papa ko. Alam ko naman na may ibang pinagkakaabalahan ang aking ama maliban sa mga lupain namin sa probinsya. May rice mill din kasi kami. “Huwag ninyo po akong alalahanin. Ipagpatuloy niyo lang ang pinag-uusapan natin,” sabi ko. Humugot muna siya ng buntong-hininga saka siya nagpatuloy sa pagpapaliwanag. Sinabi niya lang ang mga ari-arian ng aking ama at ang iba pang negosyo nito. Maliwanag na naintindihan ko na nagkaroon siya ng investment sa kabilang kompanya at may shares na siya roon. “Upang makuha mo ang mana mo sa iyong ama, Señorita ay may kahilingan siya rito at kailangan mo raw tuparin iyon. Malayang-malaya mong makukuha ang pinaghirapan noon ng mga magulang mo pero nakalaan din ito sa ’yo,” saad niya at marahan akong tumango. Nag-iisang anak lang naman nila ako kaya inaasahan ko rin na sa akin iyon maiiwan. “Walang problema sa akin, Attorney. Magagawa ko naman dahil alam kong madali lang iyan,” sabi ko pa at sumimsim ng kape. “Kailangan mong manatili sa mansion ng Brilliantes clan, Señorita,” sabi niya at naibaba ko ang kape ko. “Ano ang ibig ninyong sabihin?” nagtatakang tanong ko sa kanya. Dahil bakit mananatili ako sa bahay ng ibang tao? Eh, may mansion naman kami. “Sa madaling salita—” “You need to marry me,” kaswal na saad ng lalaking kasama ni Attorney Franklin. Nagulat ako, siyempre sino naman ang hindi magugulat doon, ’di ba? Pakakasalan siya? Tama naman siguro ang narinig ko hindi ba? Para makuha ko ang mana ko sa aking yumaong mga magulang ay kailangan kong pakasalan ang lalaking ito na hindi ko naman kilala? Na kahit mismo ang kanyang pangalan ay hindi ko rin alam? Seryoso ba si Attorney Franklin? O tamang sabihin si Papa? Ang magsulat siya ng last will niya na dapat pakasalan ko ang lalaking napili niya? Wala sa sariling napatingin ako sa lalaki. Wala namang problema sa akin ang hitsura niya at nakikita ko ang pagiging mabait niya. Ayoko nga lang tingnan ng matagal ang mga mata niya dahil may kung ano nga akong nakikita room sa kanya. Nang magtagpo kasi ang mga mata namin ay nakita ko roon sa kanya na may isang tao siyang iiyakan niya ng sobra-sobra. Na kinakatakutan niyang mawala sa buhay niya. Base pa nga lang sa mga nakikita ko sa kanya ay siya rin ang tipong lalaki na mahirap makuha ang loob niya, seryoso siya at makikita mo rin na palaging walang ekspresyon ang bukas ng mukha niya. May isang bagay—o tamang sabihin na may isang tao siyang katatakutan niyang mawala sa kanya at iiyakan niya ng sobra-sobra. Pero mahaba pa ang buhay niya at mas mauuna pa nga yata ako kaysa sa kanya, eh. “Bakit? Bakit iyon ang last will ni Papa?” naguguluhan ko pa ring tanong sa attorney at ibinigay nito sa akin ang last will ng aking papa. Napabuntong-hininga na naman ako. Dahil sulat kamay ito ng Papa ko at malinaw kong nababasa ang gusto niyang mangyari para makuha ko na ang mana sa kanya. Subalit... “Paano kung hindi ko kukunin ang mana sa akin ng aking ama, Attorney?” tanong ko para lang makuha ko ang buong atensyon ng lalaking katabi niyang nakaupo. “Lahat po ng ari-arian ay mapupunta sa Brilliantes clan, sila po ang bahala sa lahat upang ibigay ito sa mga taong nangangailangan ng tulong at sa mga bahay-ampunan,” paliwanag nito sa akin. Maganda naman ang second option dahil kahit hindi ko makuha ay mapupunta pa rin naman iyon sa mabuting kamay, sa mga kapus-palad at sa mga taong nangangailangan nga ng tulong. “Sa halip na iba ang makinabang. Bakit hindi mo na lamang tanggapin? Bakit hindi mo na lang sundin ang nakasulat sa last will ng iyong ama?” sunod-sunod na tanong sa akin ng lalaki. “Ikaw ang mas karapatdapat na tumanggap ng pinaghirapan ng mga magulang mo,“ dagdag pang saad niya. “Tama po iyon, Señorita,” pagsang-ayon naman ni Attorney Franklin. “Bakit kailangan ko pang pakasalan ang katulad mo?” tanong ko rin. “Iyon ang nakasaad sa huling habilin ng Papa mo,” kaswal na sagot niya lamang. Wala lang din ba sa kanya na pakasalan ang isang babae na hindi naman niya kilala? “Pero wala na bang ibang paraan pa bukod sa pagpapakasal ko sa kanya, attorney?” muli kong tanong. “Ang bigyan ako ng anak at malaya ka pa rin sa buhay mo,” diretsong saad niya at nag-init ang magkabilang pisngi ko. Mas malala pa ang ibang paraan kung anak naman ang hihilingin niya. Ano naman ang akala niya madali ang magbuntis? Ang nagluwal ng bata? At ano raw? Bigyan ko siya ng anak? Nagpapatawa ba siya? “Parang wala naman yatang pinagkaiba iyon,” sarkastikong saad ko. “Mayroon. First option mo ay ang pakasalan ako at makakasama mo pa ako hanggang sa pagtanda. Second option ay ang bigyan ako ng anak pero malaya ka pa rin sa buhay mo, na puwede ka pa ring magpakasal sa ibang lalaki o sa nobyo mo. Ang makukuha namin para maging donasyon ay iyon ang huling pagpipigil mo.” Napahilot ako sa sentido ko. “Wala naman akong nobyo,” saad ko at tumaas ang sulok ng mga labi niya. “Piliin mo na lamang ang first option kung ganoon,” sabi niya. Alin man sa pipiliin ko ay alam ko naman na magkakaroon pa rin kami ng anak. Psh. Pero kung magkakaroon naman kami ng anak tapos hindi pa namin mabibigyan ng kompletong pamilya ay huwag na lang. Mas gugustuhin ko pa na bigyan na lang ng donasyon ang bahay-ampunan. Kaysa naman ang lumaki ang mga anak namin na hiwalay ang mga magulang nito. Teka lang, sandali... Magiging anak namin? Hindi ba ako nabibigla rin sa mga pinagsasabi ko? Lumalabas din kasi na parang pinag-uusapan na naming dalawa ang future namin. God... “Kamamatay lang ng mga magulang ko, Attorney,” pagdadahilan ko na lamang. “Isang buwan lang ang palugit,” sabi niya na mukhang wala na nga akong panahon pa para pumili na lang ng isang bagay na mas madali sa akin na gawin iyon? “Tumila na ang ulan. Uuwi na kami, Señorita. May isang buwan ka pa naman upang pag-isipan ang last will ng iyong ama,” paalam ni Attorney Franklin. Tumango ako at tumayo pa para ihatid sila sa labas. “Hindi po ba kayo kumain muna rito ng dinner, attorney?” tanong ko. “Salamat sa pag-imbita, Señorita. Pero kailangan na rin namin pong umalis,” giit niya at tiningnan ko naman ang lalaki. Saglit lang siyang tumitig sa akin at bago siya sumunod sa kasama niya. Hindi ko man lang nakuha ang pangalan niya. Gentleman nga siya pero kahit ang magbigay ng pangalan ay hindi niya ibinigay sa akin. I took a deep breath at bumalik ako sa sala upang ubusin ang kape ko. “Señorita, bakit hindi ka na lang pumayag sa gusto ng iyong ama?” tanong ni Ate Lessa. Si Ate Lessa, alam ko na kailangan niya rin naman akong iwan upang bumuo na rin ng sarili niyang pamilya. Darating din naman kasi ang isang araw na ang mga taong malapit sa akin ay mawawala rin. Walang permanente sa mundong ito. “Pag-iisipan ko pa iyan, Ate Lessa. Saan kaya nakuha ni Papa ang ideyang magpapakasal ako para lang makuha ko ang mana ko sa kanila ni Mama. May option nga siya ngunit ang hirap namang gawin,” problemadong saad ko. Napasapo pa ako sa mukha ko. “Pero Señorita, baka iniisip lang po ni Señor Nazareno ang iyong kalagayan kapag bigla na lamang sila mawawala ng iyong ina. Baka noong nabubuhay na sila ay itinakda ka na talaga sa binatang iyon. May hitsura naman siya, malamig man ang ekspresyon ng mukha niya ay alam kong alam mo na nakikita ko sa kanya ang pagiging mabuting tao. Sa mga ikinilos niya lang kanina ay alam kong mapagkakatiwalaan siya,” sabi niya para lang din mahulog ako sa malalim na pag-iisip. Maganda ba talaga ang ideyang iyon? Kailangan ko bang sundin ang huling habilin ni Papa para sa akin? Ito ba tama? Ang magpakasal ako sa lalaking gusto niyang makasama ko habangbuhay? “Pag-iisipan ko kung ano ang magandang option, Ate Lessa. May isang buwan pa naman ako at marami pa akong oras. Kung puwede ko nga lang makausap si Papa kahit sa panaginip ko lang,” ani ko at hinaplos niya ang braso niya. “Alam kong may kakayahan kang magtawag ng isang kaluluwa, Señorita pero pakiusap, huwag na po,” natatakot na sabi niya at malakas akong natawa. Ang bigat sa dibdib ko ay naglaho na lamang bigla. “Nagbibiro lamang ako, Ate Lessa. Masyado kang matatakutin, eh,” sabi ko at tumayo na ako na dala-dala ang tasa ng kape ko. “Tara na lang kumain ng dinner natin. Tinapay lang ang kinain ko kanina at gutom na ako,” sabi ko pa at mabilis naman siyang sumunod. “Pero aminin mo, Señorita. Guwapo ang binatang iyon, hindi ba? Tiyak ako na magaganda at guwapo ang nagiging anak ninyong dalawa.” Tumikhim ako at sinamaan ko siya nang tingin pero sa huli ay napangiti na lamang ako. “Inaamin ko iyon, Ate Lessa. May hitsura nga siya at maginoo rin.”
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม