"Mamaya na ang resulta ng final exam natin sa Calculus," wika ni Lani kay Kathleen habang nagla-lunch sila sa cafeteria.
"Oo nga eh. Kinakabahan ako kung ano ang magiging grade ko sa subject na 'yun."
"Kakabahan ka pa? Sa tingin mo ba ibabagsak ka pa ni Sir Laurenti eh halos bakuran ka na nga dito sa loob at labas ng campus."
"Kunsabagay, sumunod naman ako sa kasunduan namin."
"Anong kasunduan?"
Hininaan niya ang boses dahil baka may makarinig sa kanila at umabot iyon sa Dean ng University. Kahit wala naman siyang nilabag na batas dahil pinaghirapan nila ni Laurenti ang makapasa siya sa exam, baka iba ang maging interpretasyon ng karamihan.
"Na magpapanggap akong girlfriend niya kapalit ng pag-tutor niya sa 'kin." Ikinuwento niya sa kaibigan ang kasunduan nila. Itinago niya rin ang pagkadismaya na matatapos na ang pagpapanggap na 'yun ngayong tapos na rin siyang i-tutor."
"Naku, style lang ni sir 'yun. Naniwala ka naman na kailangan niyang itaboy ang babaeng naghahabol sa kanya? Baka ginamit lang niya 'yun na dahilan para mapapapayag ka na maihatid sundo. Para namang hindi mo alam noon pa may gusto sa 'yo si Sir Laurenti."
"Sa tingin mo ganoon nga ba?" alanganin niyang tanong. Hindi pa man ay nalulungkot na siya sa paghihiwalay nila. Tuluyan nang nahulog na ang loob niya sa binata na noon pa niya iniiwas-iwasan.
"Oo naman! Maniwala ka sa 'kin."
"E pano ko malalaman?" Nangalumbaba siya sa mesa habang pinaglalaruan ng kamay ang kutsara sa pinggan na wala nang laman. "E kanina nagpaalam na baka hindi niya 'ko masusundo bukas dahil may lakad siya. E di ibig sabihin nun tinapos niya na ang kasunduan namin ngayong araw."
"E baka naman kasi wala siyang nakitang sign sa 'yo."
"Anong sign? Ano ba ang dapat kong gawin?"
"E di iparamdam mo rin na gusto mo siya."
"Ano? Nakakahiya naman yata 'yun. Hindi na nga nagtatanong eh. Hmp... Sabi na isasama lang ako nun sa pinaglalaruan ang damdamin eh..." tila bata niyang pagmamaktol.
"Uy, Kathleen, ikaw nga ang naglalaro ng damdamin niya eh. Tinulungan ka na't lahat sa Calculus, ikaw pa ang pinaglalaruan? Hay naku, kung ako sa 'yo, hindi ko na palalagpasin ang isang Laurenti Albano. Aba, baka masulot pa ng iba 'yan."
"Hayaan mo na nga siya. Kung tapos na ang usapan naming, e di tapos na."
"Kunsabagay... At least nakapasa ka na sa Calculus. Ibibigay niya ang class card natin mamaya tapos ilang araw na lang graduation na natin."
"E kung hindi?"
"Ipapasa ka niyan."
"E kung hindi nga?"
"O sige, let's play a dare. Kapag hindi ka pumasa sa Calculus, hindi na rin ako aakyat sa stage para kumuha ng diploma. Dadamayan kita."
"Okay."
"Anong okay? May isa pang dare no? Kapag pumasa ka naman sa Calculus..."
"Uy wag mong pahirapan ang consequence ha!"
"Magpapasalamat ka kay Sir Laurenti at hahalikan mo siya sa labi. Smack lang."
"Ayoko nga!"
"O e bakit kanina pumayag kang hindi ako aakyat sa stage?"
"Hindi ko naman kayang gawin 'yung dare mo no? First kiss ko ganun? Wala man lang kakilig-kilig."
"Doon mo nga malalaman kung saan papunta ang nasimulan niyo eh. Don't tell me hindi ka na-fall sa gwapo na 'yun ni Sir Laurenti? Hatid sundo ka pa araw-araw. Nakita kong kumikislap ang mga mata mo huwag kang mag-deny."
"Eh, hindi ko naman kaya 'yun, Lani..."
"Kaya mo 'yun. Gusto mo bang maputol na ang uganyan niyo bukas na bukas din? Sige ka, iba na ang ihahatid-sundo nun kapag nagpakipot ka pa."
"Nakakahiya!"
"Dare natin 'yan. Smack lang naman. Maipakita mo lang na may gusto ka na rin sa kanya. Huwag kang mandadaya ha! Malalaman ko kay Sir Laurenti kapag hindi mo ginawa 'yung dare!"
Hindi pa rin siya makasagot. Ngayon pa lang ay abot abot na ang kabang nararamdaman niya hindi pa nga siya umo-oo kay Lani.
Sa huli ay napapayag din siya nito. Huling subject nila ang Calculus pero late nang dumating si Laurenti. Tahimik ang lahat sa classroom habang isa-isang ibinibigay ang classcarda nila. Pagdating sa kanya ay may note lang na nakalagay na malalaman niya ang resulta ng grades niya mamaya pagkahatid sa kanya ng binata.
Habang naglalakad pa lang siya sa campus ay natanaw niya na itong nakatayo sa VIP parking na naghihintay na sa kanya. Casual lang ang kasuotan nito na naka-sneakers, walking shorts at puting polo shirt. Tulad ng dati ay pinagtitinginan na naman ito ng mga kababaihan.
Tumuloy na siya sa nakabukas na pinto sa pasenger's seat. Mabilis naman itong sumakay sa driver's seat at pinaandar ang sasakyan. Wala silang imikan hanggang makarating sila sa isang fine dining resturant.
"Bakit dinala mo pa 'ko dito?" tanong niya nang tanggalin ang seatbelt.
"Kumain muna tayo bago umuwi sa inyo."
"M-may lakad ka kahapon?" kaswal niyang tanong. Bumaba ito at hindi na sinagot ang tanong niya. Nadismaya man ay hindi na siya nagtanong ulit lalo nang hawakan nito ang kamay niya pagpasok sa restaurant.
Nagkwentuhan sila sa maraming bagay pero hindi pa nito binabanggit ang resulta ng class card niya. Siya naman ay hindi na mapakali habang tumatagal na kasama niya ito. Kapag hindi siya pumasa ay hindi siya makakaakyat sa stage. At dahil doon ay madadamay pa ang kaibigan niya dahil talagang dadamayan siya ni Lani. Pero kapag pumasa naman siya ay kailangan niyang halikan si Laurenti na ikalalaglag yata ng puso niya. Ngayon pa lang ay gusto niya nang himatayin.
"Are you okay?" tanong ni Laurenti nang palabas na sila sa resturant.
"O-oo. O-okay lang ako..."
Binuksan nito ang pinto ng kotse at pinasakay siya. Kalahating oras lang ay nasa tapat na siya ng bahay nila. Natitiyak niyang wala pa ang Papa niya dahil naka-lock pa ang gate sa at nakapatay pa ang lahat ng ilaw sa bahay nila.
Pagpasok sa bahay nila ay kaagad niyang in-on ang ilaw. Nakasunod lang sa kanya si Laurenti na matagal nang umiiwas na tumambay sa bahay nila kapag wala siyang kasama. Isinara niya ang kalahati ng pinto habang ang isa ay nanatiling nakabukas. Inaasahan niya na aalis kaagd ito.
"Ang classcard ko..." paalala niya.
"Oh, yeah..." Kinuha nito ang wallet kung saan nito inipit ang maliit na papel. "What do you think is the result?"
"Syempre papasa ako," biro niya. "Ilang gabi kong pinagpuyatan 'yan no..."
"You are right, sweetheart. You've passed your exam and I gave you an A+. Binalewala ko na lahat ng resulta ng mababa mong quizzes dati."
"T-thank you..." wika niya nang abutin ang maliit na papel sa kamay nito.
"Thank you lang? Where's my reward?"
Sinamantala niya ang hirit na iyon ni Laurenti para isagawa ang usapan nila ni Lani kanina lang. Sa isang iglap na hindi inaasahan ni Laurenti ay tumingkayad siya at inilapat ang labi sa mga labi nito.
Sandali itong natulala. Nang makabawi ng pagkabigla ay inangkin nitong muli ang mga labi niya at tila inutusan siyang tumugon. Napahawak siya sa kwelyo ng polo nito habang inaanalisa kung paano tutugon o kailangan ba niya itong itulak. Naghahanap ang mga halik nito at ginagalugad ang ilalim ng bibig niya.
Nang huminto ito ay para siyang nanggaling sa malalim na balon na pinuno ng hangin ang dibdib dahil para siyang kakapusin ng hininga. Magsasalita pa lang sana si Laurenti nang may bumusina sa labas ng gate. Naroon na ang Papa niya na natitiyak niyang kagagalitan na naman siya dahil pinapasok niya si Laurenti gayung binilinan na silang dalawa.
Agad siyang tumakbo pabalik sa gate. Nakasunod naman si Laurenti na kaagad nagpaalam sa kanya at sa Papa niya. Nadismaya man ay ngumiti na lang siya nang sumakay ito sa kotse. Hindi rin naman niya alam kung paano ito haharapin pagkatapos ng nangyari.
"Kumain na ho kami ni Laurenti, Pa." Nakangiti siyang ipinakita ang classcard sa ama at ang balitang kasama siya sa mga ga-graduate ngayong semestre. Bahagya lang ngumiti ang Papa niya na tila may malaking suliranin.
"Nanliligaw ba sa 'yo ang Laurenting 'yun, Kathleen?" tanong ng Papa niya. Hindi siya sumagot dahil hindi naman niya alam kung ano ang plano ng binata pagkatapos ng usapan nila.
"H-hindi ho," agad niyang tanggi.
"Pero natitiyak ko na may gusto siya sa 'yo anak. Tapos ka naman na ng pag-aaral. Mapapanatag ako kung si Laurenti ang magiging kasintahan mo lalo na sa kalagayan ng kompanya ngayon."
"Bakit ho?"
"Hindi ko na alam kung paano pa isasalba ang agency. Kapag mayaman ang napangasawa mo ay mapapanatag ako na hindi ka maghihirap kapag nawala na 'ko."
"Pa... Ngayong tapos na 'ko sa college matutulungan ko na ho kayo."
"Mas malaki ang tyansa mong makapag-asawa ng isag katulad ni Laurenti kaysa ang makabangon pa ang agency, Kathleen. Gusto ko nang isara ang kompanya kapag sa susunod na buwan ay negative ulit ang kalalabasan ng financial report. It's not worth it anymore."
Bumigat kaagad ang pakiramdam niya sa mga binanggit ng ama. Kanina lang ay magkahalong excitement at kilig ang dibdib niya. Ang maganda lang sa sinabi ng Papa niya ngayon ay malaya na siyang puwedeng makipagrelasyon kay Laurenti.
Kung pagbabasehan niya ang halik nito ay masasabi niyang nagkakamabutihan na sila.
At kung magtutuloy-tuloy na ang relasyon nila, hihilingin niya ang pagbabalik ng account ng Albano Corp. sa advertising agency nila. Siya ang magsasalba sa kompanyang tanging alaala ng Mama niya.