HINDI ko namalayang nakatulog ako sa byahe. Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. Ilang araw na akong walang maayos na tulog at nag-iiyak. Nakaupo ako sa may tabi ng bintana at nakahilig ang aking ulo sa balikat ni Aila. Bigla akong nagising dahil sa malakas na pagpreno ng bus. “Walang-hiya naman, o! Magpapakamatay ka ba?!” sigaw ni Manong Driver sa lalaking muntikan nang masagasaan sa kalsada. Kakamot-kamot ng ulo si Manong Driver at muling itinuon sa kalsada ang atensyon nito. Inayos ko ang aking pagkakaupo at nadako ang tingin ko sa kabilang upuan. Naroon pa rin ang lalaking pinagbintangan kong nanghipo sa ‘kin. Nagising din siya dahil sa biglaang pagpreno. “Besty, ano’ng nangyari?” hihikab-hikab na tanong ni Aila. “Muntikan nang masagasaan yata ‘yong tumatawid, besty,” sagot ko.

