PALABAS na ng bahay niya si Jude nang mamataan niya si Andrew sa may malapit. Tila malungkot ito at malalim ang iniisip. Kaagad namang nilapitan ni Jude ang matalik na kaibigan para alamin kung ano ang nangyayari dito.
“Andrew? Bakit? Bakit malungkot ka ngayon? May problema ba?”, kaagad na naitanong ni Jude sa kaibigan.
Hindi tumingin si Andrew sa kanya. Malalim talaga ang iniisip niya. Tila nag-aalala na si Jude sa kaibigan. Sinubukan pa rin niya itong tinanong.
“Ano ba ang problema Andrew? Maaari mo namang sabihin sa akin.”, muling pagtatanong ni Jude.
Napasulyap si Andrew kay Jude. Maya-maya pa’y mahigpit siyang napayakap sa kaibigan.
“Iniwan na niya ako Jude!”, tila malungkot na pagkakawika ni Andrew.
Hindi naman maintindihan ni Jude ang sinasabi ni Andrew. Umalis na daw si Hannah at iniwan si Andrew.
Si Hannah ay ang nobya ni Andrew. Dalawang linggo pa lamang noong maging sila ni Andrew. Higit pang pinagtakhan ni Jude kung bakit hindi man lang nagpaalam si Hannah kay Andrew.
“Kailan pa siya umalis?”, tanong ni Jude.
“Kahapon lang daw sabi ng mama niya. Nagpunta daw ng Cebu. Baka doon na siya mag-aaral.”, may pagdaramdam sa tinig ni Andrew.
Nakaramdam ng awa si Jude sa kaibigan. Niyakap niya ito. Nasasaktan din siya kapag nakikita niya si Andrew na nasasaktan. Mahal na mahal ni Jude ang matalik na kaibigan. Ayaw niyang nakikita itong nasasaktan. Mas mabuti pang siya na lang ang masaktan kaysa si Andrew. Masuwerte nga raw si Andrew sabi ng mga kaibigan nila dahil raw sa bukod sa mabait na at mabuti ay matulungin rin si Jude.
Madali lamang lapitan upang hingan ng tulong. Kahit si Jude ay nabibilang sa third s*x ay buong puso siyang tinanggap ni Andrew bilang matalik na kaibigan. Hindi kasi katulad ng ibang mga baklang pagala-gala sa daan si Jude. Katunayan nga ay hindi nagdadamit pambabae si Jude.
May mga panahon na tinutukso siya ngunit nandiyan si Andrew upang idepensa siya. Mahal na mahal rin naman ni Andrew si Jude dahil siya lamang ang nakakaintindi at nahihingan niya palagi ng tulong. Sabi pa nga niya noon, kung naging babae lang daw si Jude ay matagal na niya itong niligawan. Natatawa lamang si Jude sa mga sinabing yun ni Andrew ngunit sa puso niya’y sana ganun na nga ang nangyari.
Sa mga panahong naging malapit sila sa isa’t isa ay natutunan ni Jude na mahalin si Andrew. Walang mga araw na hindi niya ito naiisip ngunit alam niyang isang malaking pagkakamali ang iniisip niya. Alam niya na kapag ipinagpatuloy niya ang damdamin niyang ‘yun ay mawawasak ang pagkakaibigan nila ni Andrew. Ayaw naman niyang mangyari yun kaya naman itinago na lamang niya ang nararamdaman niya para dito.
Tiningnan ni Jude si Andrew.
“Hindi ka naman siguro iiwan ni Hannah nang ganun-ganun na lang, Andrew. Baka naman madalian ang pagpunta niya ng Cebu kaya hindi na siya nakapagpaalam sa’yo. Alam mo naman hindi ba na may inaasikaso rin si Hannah doon.”, pag-a-assure ni Jude sa kaibigan.
Ngunit bakas pa rin sa mukha ni Andrew ang kalungkutan. Kaagad naman iyong napansin ni Jude. Ipinaliwanag niya ang lahat-lahat para naman hindi mawalan ng pag-asa si Andrew. Alam ni Jude kung gaano kamahal ni Andrew si Hannah. Minsan ay nagseselos siya pero hindi niya ito masabi ng harap-harapan kay Andrew. Tinitiis na lamang ni Jude ang sakit na nararamdaman sa puso niya.
“Babalik din si Hannah, Andrew. Magtiwala ka lang sa akin, okay?”, ani Jude.
Tila ngumiti na si Andrew. Napangiti na rin si Jude dahil sa nakita niyang medyo naibsan ang kalungkutan ng kaibigan. Nagyakapan silang dalawa.
MAG-IISANG linggo na mula noong umalis si Hannah ngunit hindi pa rin ito bumabalik. Nag-aalala na si Jude sa ikinikilos ni Andrew. Awang-awa na siya sa kaibigan. Halos bukang-bibig na ni Andrew ay si Hannah. Parang gusto nang magalit ni Jude kay Hannah. Ano ba talaga ang dahilan ng kanyang pag-alis? Bakit kaya hindi ito nagpaalam kay Andrew o sa kanya man lamang na aalis siya para naman malaman nila kung kailan ang kanyang balik. May duda si Jude na may dahilan kaya ito umalis nang walang paalam.
Alalang-alala na si Jude para sa kaibigan. Hindi naman umiiyak si Andrew ngunit bakas sa mukha nito ang kalungkutan at pananabik sa babaeng minamahal. Ang suwerte-suwerte nga naman ni Hannah dahil nag-aalala si Andrew sa kanya. Minsan ay yun ang nasasagi sa isip ni Jude. Sana siya na lang ang minahal ni Andrew ngunit alam niyang talagang kaibigan lang ang maituturing sa kanya nito.
Ngunit konsolasyon na lamang ni Jude ang pagkakaibigan nila ni Andrew. Sapat na sa kanya ‘yun. Talagang ganoon ang buhay ng mga katulad niya. Kung bakit pa kasi naging ganun ang pagkatao niya. Pero okay na rin at least tinanggap siya ni Andrew ng buong puso bilang matalik niyang kaibigan at ang maganda pa diyan ay talagang desisyon ni Andrew yun.
Dumating pa ang ilang linggo ay inaasahan pa rin ni Andrew ang pagbabalik ni Hannah. Araw-araw ay inaaksaya ni Andrew sa paghihintay. Wala namang magawa si Jude kundi ang ikomporta si Andrew. Natatakot siya na baka mabaliw si Andrew sa kahihintay sa wala. Pakiramdam kasi ni Jude ay hindi na babalik si Hannah. Hindi naman niya ito masabi kay Andrew dahil baka ito magalit. Ayaw naman niyang ma-offend.
“Andrew, wag mong sayangin ang buhay sa kahihintay sa kanya. Maawa ka naman sa sarili mo. Maawa ka sa akin at sa lahat ng mga kaibigang nagmamahal at nag-aalala na sa’yo. Andrew, please!”, kalimitang sinasabi ni Jude kay Andrew.
May araw na nakita ni Jude ang mga luha sa mga mata ni Andrew. Nasasaktan si Jude sa nakikita niyang nasasaktan din ang kaibigan. Ngayon lang napatunayan ni Jude kung gaano niya kamahal si Andrew.
SAMANTALANG si Hannah Dominguez, ang nobya ni Andrew ay nasa Cebu pa rin hanggang ngayon. Napilitan siyang umalis ng Cagayan de Oro dahil na rin sa pagtutol ng ina niyang si Donya Esperanza Dominguez sa relasyon nilang dalawa ni Andrew Escarlan sapagkat mahirap lamang ang lalake at mayaman sila. Ngunit mahal ni Hannah si Andrew kaya ayaw niya itong masaktan kaya nagdesisyon na lamang siyang umalis nang hindi nagpapaalam kay Andrew dahil baka hindi maunawaan ng lalake ang kanyang sasabihin. Kagustuhan rin ng mama niya ang magtungo siya rito sa Cebu.
Ayaw niyang damdamin ni Andrew ang kanyang pag-alis at ayaw rin niyang humantong pa sa kaguluhan ang relasyon nilang dalawa. Alam din ni Hannah na mahal ni Jude si Andrew at ayaw din niyang ipadama kay Jude na siya lamang ang mahal ni Andrew. Alam din niya kung gaano ka-importante si Jude kay Andrew. Masakit sa kanya ang iwanan ang taong natutunan niyang mahalin sa loob ng maikling panahon.
NAGTUNGO ng eskwelahan si Jude upang kuhanin na ang kanyang report card dahil Abril noon at isang linggo na mula noong graduation nila. Nagpapirma muna siya sa mga kulang niyang mga pirma mula sa kanyang iba’t ibang mga guro sa kanyang school clearance. Kinausap si Jude ng kanyang adviser.
“O, ano Jude. Sigurado ka na bang nursing ang kukunin mong kurso?”, tanong ng class adviser niyang si Gng. Susan Manaloto.
“Opo ma’am.”, pangiting ganti ni Jude.
Iniabot sa kanya ang kanyang report card matapos ipasa ang kanyang kumpletong clearance. Mataas din naman ang kanyang mga marka lalung-lalo na ang kanyang average.
“Bakit hindi mo kasama si Andrew?”, napatanong muli si Gng. Manaloto.
“Marami pa siguro ‘yung ginagawa ma’am. Alam niyo naman ‘yun.”, pormal na pagkakasabi ni Jude.
Hindi na lamang niya ipinagsabi sa guro na may problema ngayon si Andrew sa buhay-pag-ibig para hindi na humaba pa ang katanungan at konbersasyon nilang dalawa.
PAUWI na si Jude nang masalubong niya si Rafael, isa ring kaibigan niya at ni Andrew.
“Oh, Rafael. Saan ang punta mo?”, tanong ni Jude kay Rafael.
“Kina Lola Isang ako pupunta Jude. Birthday niya ngayon. Kanina ka pa nga hinahanap ni Andrew eh.”, ani Rafael.
“Birthday pala ni Lola Isang ngayon. Ganun ba, hinahanap pala ako kanina pa ni Andrew. Nandoon ba siya kina Lola Isang?”
“Oo”.
Niyaya na rin ni Rafael na sumama si Jude sa bahay ng matandang Isang. Malapit-lapit lang din naman ang bahay ng lola kaya mabilis din nila itong narating. Nadatnan nga doon ni Jude si Andrew. Nang mapansin ni Andrew ang dalawang kaibigan ay nilapitan niya ito.
“Jude. Rafael. Halina kayo. Jude halika na. Sabay na tayo”, pag-aanyaya ni Andrew.
Hinawakan niya ang kamay ni Jude. Si Jude na kahit sanay nang hinahawakan ni Andrew ang kamay ay hindi pa rin niya mapigilan ang magbuntong-hininga. May kuryente effect kumbaga.
Nagsimula silang mag-celebrate. Tuwang-tuwang ang sisenta y ciete años na matandang babae sa pagdalo ng mga bisita sa kanyang kaarawan. Maya-maya lamang ay nagsimula nang mag-inuman ang ilan sa mga bisita.
“Hoy, Andrew. Halika uminom ka.”, sabi ng isang bisita na kakilala rin nina Jude.
“Ahm, hindi umiinom si Andrew.:, sabi ni Jude.
“Sige. Sige. Iinom ako”, pag-iinterbino ni Andrew.
Labis na ikinagulat ni Jude ang ginawa ni Andrew. Halos hindi siya makapaniwala na umiinom na pala si Andrew.
“Andrew, ang akala ko ba’y……”
“Okay lang ‘yan Jude.”, sabi ni Andrew.
Napabuntong-hininga siya. Kailan pa natutong uminom ang kaibigan? Inanyayahan din siyang uminom ngunit umayaw siya. Lumapit naman sa kanya si Rafael.
“Oh anong problema Jude?”, tanong ni Rafael.
“Nag-aalala lang ako kay Andrew, Raf. Kailan pa ba siya natutong uminom? Ngayon ko pa yata siya nakitang umiinom.”, ani Jude.
Tinapik ni Rafael ang balikat ni Jude at napangiti. Normal lang daw ‘yun kay Andrew na uminom.
“Naku Jude. Okay lang yan. Ikaw talaga. Sobrang concern mo lang ‘yan kay Andrew. Siguro crush mo ang bestfriend mo ‘no?”, panunukso ni Rafael kay Jude.
Napalingon si Jude kay Rafael. Alam niya?
“Anong sinabi mo?”, tanong ni Jude.
Biglang sumeryoso si Rafael.
“Alam ko na noon pa na may lihim kang pagmamahal kay Andrew. Halata kaya kita.”, pangiti ngunit seryosong pagkakasabi ni Rafael.
Hindi naman makapagsalita si Jude.
Ngumiti muli si Rafael at nagwika.
“Ang gwapo ni Andrew ah.”, at humalakhak ito.
“Tumigil ka nga!”, natawa si Jude.
Pero gwapo naman talaga si Andrew. Isa sa mga dahilan kung bakit nagka-crush at di naglaon ay minahal siya ni Jude.
ILANG oras na ang dumaan. Lasing na lasing na si Andrew. Pipigilan na sana siya ni Jude para tumigil na siya sa pag-inom.
“Andrew, itigil mo na yan. Lasing ka na. Hindi ka sanay malasing. Sige na.”, ani Jude.
Todo tawa naman ang mga kainuman ni Andrew.
“Siya ba ang sinasabi mo sa amin na si Jude, pare?”, tila may pangungutya na tanong ng isang kainuman ni Andrew.
Ngumiti lamang ang lasing na si Andrew.
“Oo pare. Siya yung sinasabi kong kaibigan ko!”, lasing na pagkakawika ni Andrew.
Todo tawa muli ang mga kainuman niya.
“Hindi na ako natutuwa, Andrew. Ano ba! Hindi ka sanay uminom. Tigilan mo na nga yan!”, medyo galit na si Jude.
Si Andrew, na parang na-offend sa sinabi ni Jude, ay biglang tumayo. Hinarap niya si Jude na ikinabigla naman niya.
“Ano ba ang tingin mo sa sarili mo! Ha! Jude ! Bakit dikit ka na lang nang dikit sa akin ha! Wag ka ngang mag –astang parang asawa ko”, galit na hinarap niya si Jude.
Lalong nagulat si Jude sa inasta ni Andrew. Bunga na siguro ng pagkakalasing nito.
“Ano ba ang pinagsasabi mo! Hindi kita maintindihan ah. Andrew lasing ka lang. Kaibigan mo ako. Masama ba ang maging concern ako sa’yo!”
“Hindi ka na nakakatulong sa totoo lang Jude eh. Alam mo hindi na kita kailangan eh. Hindi ko kailangan ang katulad mong bakla!
Umalis ka na!”, isang hindi kapani-paniwalang tinuran ni Andrew kay Jude.
Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ni Jude. Nagtatakbo siya palayo at umiyak nang umiyak.
ISANG linggo ring hindi nagkausap ang magkaibigan. Nalaman na lamang ni Jude na umalis na si Andrew patungong Cebu upang sundan si Hannah. Nagsimulang malungkot si Jude . Talaga ngang hindi na siya kailangan ni Andrew. Nawalan na siya ng matalik na kaibigan. Noong araw ding yun ay nakatanggap ng masamang balita si Jude mula kay Rafael.
“Jude! Jude! Jude!”, isang nanghihikahos na Rafael ang nadatnan ni Jude sa pinto ng bahay niya. Nagpapahiwatig ‘yun ng masamang balita.
“Oh, Rafael. Bakit? Anong nangyari?”, tila naguguluhan si Jude.
Ilang segundo pa bago muling nakapagsalita si Rafael. Isa ngang masamang balita. Dahil bumabagyo noon ay lumubog ang isang barko at walang isang pasahero ang nakaligtas. Isa si Andrew sa mga pasahero ng barko. Hindi makapaniwala si Jude sa sinabi ni Rafael.
“Hindi totoo ‘yan! Hindi totoo ‘yan! Sabihin mo sa akin na hindi totoo yan!”, at nagsimulang maghisterya si Jude.