Chapter 18

3870 Words
"Dale, may bagong member." Lumapit si Rebecca kay Dale. Kasama nito ang lalaking tinutukoy na bagong member sa gym. "Ikaw na bahala sa kaniya." Tumango siya bago nilipat ang tingin sa lalaking katabi nito. Katamtaman lang ang katawan at mukhang hindi baguhan sa mga gawain sa gym. Iniwan silang dalawa ni Rebecca. "Gem nga pala." Nilahad ng lalaki ang palad sa harap niya kasabay ng pag-kindat. "Dale," pakilala niya rin kay Gem. Nakipagkamay siya rito. "Ang laki ng gym na 'to. Maganda." Nilibot ni Gem ng tingin ang paligid at tumingin muli sa kaharap. "Kasing ganda ng kaharap ko," sabi nito sabay kindat kay Dale. Tinaasan ni Dale ng kilay ang lalaki. "Mukhang hindi mo na kailangan ng personal trainer. Mukhang hindi ka na baguhan sa loob ng gym." Sinuyod niya ng tingin ang lalaki—mula itaas papunta sa ibaba. Nakasuot ng asul na t-shirt ang lalaki, short at asul din na rubber shoes. Nagawi ang tingin ni Dale sa biceps nito. Malaki at batak na ito sa work-out. Tatalikod na sana siya sa lalaki subalit hinawakan siya nito sa braso. Tumitig siya rito nang masama. "Anong kailangan mo?" tanong niya. "Easy, ang totoo niyan..." Hinawi ni Gem ang buhok. "Interesado talaga ako sa 'yo" Kumunot ang noo ni Dale. Pakiramdam niya ay nahihibang na ang lalaki. Unang beses pa lang siya nitong nakikita pero interesado na agad ito sa kaniya. "Pinaglololoko mo ba ako?" naiinis na tanong niya. Lumapit sa kaniya si Gem. Umatras siya pero hindi niya namalayan ang equipment sa likod niya kaya napatid siya. Hahawak pa sana siya sa equipment na nasa gilid niya para hindi siya tuluyang matumba subalit mabilis ang pangyayari. Hindi niya naabot ang bakal na dapat ay kakapitan niya. Nakuha ni Gem ang kamay ni Dale at hinatak niya ito patayo. Napayakap sa kaniya ang babae nang hatakin niya ito. "Oh, anong ginagawa mo?" Mapanlokong ngumiti si Gem kay Dale. Nakababa ang tingin niya sa babaeng nakayakap sa kaniya. Tumingin sandali si Dale sa paligid. May kaniya-kaniyang ginagawa ang mga nasa loob. Abala sa paggamit ng mga equipments doon. Nang masigurong walang nakatingin sa kanila ay tinulak niya si Gem. "Lubayan mo ako," utos niya sa lalaki at tinalikuran na ito. "Sandali." Humarap siya muli sa lalaki. "Seryoso ako. Interesado ako sa 'yo." Ngumiti sa kaniya si Gem kasabay ng paghawi nito sa buhok. Kinuyom ni Dale ang kamay. Iyon ang pangalawang araw niya sa gym at mukhang hindi magiging maganda ang araw na iyon sa kaniya. Palayo na sana siya sa lalaki pero bigla niyang narinig ang mahinang atungal nito. Kumabog ang kaniyang dibdib at napalingon dito. Nakadapa ito at hawak-hawak ang dibdib. Kinakapos din ito sa paghinga. Lumapit siya kay Gem. "Anong nangyari?" nag-aalalang tanong niya. Tinulungan niya itong tumayo pero bigla niya itong binitiwan nang marinig niya ang pagtawa nito nang malakas. "Sumakit ang dibdib ko nang ma-reject ako ng babae," natatawang biro nito. Tumingin siya sa paligid. Abala pa rin ang mga tao sa loob, walang pakialam sa nangyayari sa kanila. Binalik niya ang tingin sa lalaki na nakasalampak sa sahig. Tawa pa rin ito ng tawa. 'Pinagtitripan siya ni Gem!' Nilipat niya ang tingin sa palad nito na nakahawak sa sahig. Palihim siyang ngumiti sa naisip niya. Habang abala si Gem sa pagtawa ay sinamantala niya iyon para apakan ang kamay nito. Hindi pa siya nakuntento dahil inikot-ikot niya pa ang paa sa ibabaw ng kamay nito. Sumigaw nang malakas si Gem. Hindi katulad kanina, totoo na ang pag-atungal nito dahil sa sakit ng kamay. Nagtinginan ang mga tao sa direkyon nito kaya pinigilan nito ang sarili na lumikha pa ng ingay. Pinilit din nitong iayos ang ekspresyon ng mukha upang itago na nasasaktan ito. Tumayo si Gem at tumingin sa kaniya. Ginantihan niya lang ang lalaki ng mapang-asar na ngiti. Lumapit siya kay Rebecca na kasalukuyang ginagamit ang battling ropes. Kinuha niya rin ang tubig niya malapit doon at tuloy-tuloy na tinungga ang tubig doon. "Mukhang badtrip ah," sabi ni Rebecca. "Sino ba talaga 'yong Gem na 'yon?" tanong niya. Tinuon niya ang tingin sa mga ropes na humahampas nang mabilis at malakas sa sahig. "Ah, ang lalaki na 'yon. Bago lang talaga siya rito. Pero ang sabi niya, gusto ka niyang makilala." Ngumiti si Rebecca sa kaniya habang patuloy sa paghambas ng battling ropes. Nilalaro lang ng dalawa nitong kamay ang rope na hawak. Walang kahirap-hirap niya iyong hinahampas nang pataas at pababa. Paalon ang paghampas ng dalawang rope sa hangin na tumatama sa sahig. Salitan din ang mga kamay ni Rebecca sa paghampas dito. Sumusunod sa galaw ng mga kamay niya ang hawak na para bang sumasayaw. "Bakit daw?" tanong niya. Kibit-balikat ang sinagot sa kaniya ni Rebecca. "Baka may gusto sa 'yo." Muntik nang mabuga ni Dale ang tubig sa bibig. Mabuti at napigilan pa niya. Tumingin siya kay Rebecca na ngiting-ngiti pa rin. "Bakit? May problema ba sa kaniya? Pogi naman ah. Saka wala ka pa naman atang jowa." Makahulugang tumitig si Rebecca sa kaniya at saka sinabi, "Maliban na lang kung kayo na ni Sid." Hindi na napigilan ni Dale ang paglabas ng tubig sa bibig. Kung hindi niya ilalabas iyon ay sa ilong niya dadaan ang tubig. Tumawa nang malakas si Rebecca. "Ibig-sabihin, may relasyon talaga kayo ni Sid?" Tumalikod siya rito. "Wala." Naglakad na siya palayo kay Rebecca para kumuha ng basahan. "Dale, 'yong kalat mo rito!" Kahit nakatalikod ay alam niyang tumatawa pa rin si Rebecca. Hinayaan niya na lang ito. "Alam ko," sagot niya kasabay ng pagtakla. Alas dose ng tanghali nang lumabas si Dale sa gym. Sa labas na lang siya kakain ng tanghalian. Paglulutuan pa sana siya ng pambaon ni Aling Lolit sa bahay ni Reggio subalit tumanggi siya. Naghahakot na ngayon sina Celine at Sid ng mga gamit papunta sa bahay na tutuluyan nila. Tutulong sana siya sa paglilipat ng mga gamit pero naisip nila na mas mabuti na pumasok na lang siya sa trabaho kung sakaling magpakita na naman ang dalawang pulis. Pinagkatiwala na rin niya kay Sid ang ilan pang kagamitan na kakailanganin nila. Katulad ng mga upuan, lamesa, mga plato at higaan. Mga basic na gamit lang para maging maayos ang kondisyon nila roon. Kapag natapos siya rito ay pupunta siya ng condo para makapag-impake ng kaunting damit. Pansamantala lang naman sila sa bahay na iyon kapag hindi na mainit ang mata sa kanila ni Officer Ronald. Pagkalabas niya sa main door ay sumalubong sa kaniya si Gem. Nakangiti ito at kumakaway sa kaniya. "Dale." Dumiretso lang siya sa paglalakad pero naramdaman niya ang patuloy nitong pagsunod. Huminto siya. "Ano na naman ang kailangan mo?" "Let's eat. Libre ko." Lumingon siya kay Gem na naghawi ng bangs. Bagsak at tuwid ang kulay tsokolate nitong buhok. Kahit anong hawi ng lalaki sa buhok ay patuloy lang iyong bumabalik sa dating puwesto kung saan bahagyang natatakpan ang gilid ng mata nito. Naalala niya ang sinabi ni Sid. 'Para mas maging kapani-paniwala ang impormasyon na binigay mo, dapat makita rin nila ang social life mo.' Tumitig siya sa lalaki. Nakasuksok ang mga kamay nito sa bulsa habang naghihintay ng sagot niya. Nagpakawala siya nang mahinang buntong-hininga. Puwede niyang gamitin ang lalaki para mas maging kapani-paniwala ang social life niya. "Sige," sagot niya rito. Pumalakpak ng isang beses sa hangin ang kaharap bago hinawi ang bangs. "Ibig-sabihin ba nito, payag ka nang ligawan kita?" nakangising tanong ni Gem. "Huwag kang umasa. Pumayag lang ako para hindi mo na ako kulitin." Nag-iwas siya ng tingin sa lalaki at nagpatuloy sa paglalakad. Aaminin niyang magandang lalaki ang kaharap. Hindi na siya lugi kung ito ang magiging karelasyon niya. Napailing siya. 'Ano ba 'tong naiisip niya!' "Sa'n tayo kakain?" tanong nito. "Bahala ka," sagot niya pero nanatili pa rin sa daan ang tingin. Wala siyang ganang makipaglapit ng loob sa lalaki. Kapag napaniwala na niya sina Officer Ronald ay lalayuan na niya agad ito. "Ang sungit mo talaga. Kaya kita lalong nagustuhan eh," sabi ni Gem at kinindatan siya. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin sa lalaki. Pumuwesto kasi ito sa harap niya kaya wala siyang nagawa kundi ang mapatingin dito. "Ang pula ng pisngi mo," sabi nito. Lalo siyang nag-iwas ng tingin sa lalaki. Kahit niliko niya na ang ulo sa ibang direksyon ay kitang-kita niya pa rin kung paano tinuturo ni Gem ang mukha niya. "Wala talagang nakakaligtas sa karisma ko. Kahit masu—Aray!" Hindi natuloy ni Gem ang sasabihin dahil inapakan ni Dale ang kaniyang paa. Naglakad palayo ang babae sa kaniya. "Sandali!" sigaw niya at hinabol si Dale. "Biro lang naman ikaw tala—." "Manahimik ka." "Easy. Oh sige na mananahimik na ako." Pumasok sina Dale at Gem sa mamahaling restaurant—European Cuisine. Wala masiyadong tao sa loob. Mga piling personalidad lamang, mga taong nakakaangat sa buhay. Limitado lang ang bilang ng mga mesa sa loob. Lahat ng iyon ay para lamang sa dalawang tao. Lalaki at babae ang mga magkakasama sa mesa. Mga magkakasintahan at mga mag-asawa ang kadalasang customers ng restaurant. Seryosong tumingin si Dale sa lalaki. Mayaman ang lalaking kasama niya. Hindi naman iyon magtatangkang pumasok doon kung wala itong pera na pambayad. "Bakit? Sabihin mo lang kung inlove ka na sa akin," sabi ni Gem sabay kindat. "Kahit mayaman ka pa, hinding-hindi ako magkakagusto sa 'yo," seryosong sagot niya. Napahawak si Gem sa dibdib at nagpanggap na nasasaktan. "Ang sakit naman. But...I'm willing to wait hanggang sa magustuhan mo ako." Inapakan ni Dale ang paa ng lalaki mula sa ilalim ng mesa. "Kumain na tayo," patay-malisyang sabi niya. Si Gem lahat ang namili ng pagkain. Para itong nagsayang ng pera sa dami ng pagkaing inorder nito. "Ubusin natin 'to, mahal," pagbibiro sa kaniya ni Gem. Matapos ang appetizer ay nilabas ng waiter ang steak, salad, oyster, baked fish at barbeque. Main course pa lang iyon. Mamaya pa ilalabas ang dessert. "Tigilan mo 'ko," sagot ni Dale dito. Kinuha ni Gem ang table napkin. Nagpunas ito ng bibig bago nagsalita. "Wala ka pa namang boyfriend diba?" tanong nito. Napahinto siya sa pagsubo ng pagkain sa tanong ng lalaki. "Ha?" "Kasi kung mayroon na, titigilan ko na ang pangungulit sa 'yo..." Binaba ni Dale ang kutsara. Kailangan niya ngayon ang lalaki kaya dapat gumawa siya ng paraan para mapanatili ito sa tabi niya ng 'pansamantala'. Nag-angat siya ng ulo. "Wal—" "Maliban na lang kung gusto mong agawin kita sa kaniya," sabat ni Gem bago pa makapagsalita si Dale. Kumindat ito muli sa kaniya. Natawa si Dale sa sinabi ni Gem pero pinigilan niya ang sarili na ipahalata ito sa kaharap. Mahangin ang lalaki pero hindi maikakaila na masarap din itong kasama. Pagkatapos kumain ay hinatid siya ni Gem sa main entrance ng gym. Buong akala niya ay papasok pa ang lalaki sa loob pero tumigil ito sa paglalakad nang nasa pinto na sila. "Una na ako sa 'yo." Naglakad na ito palayo sa kaniya. "Sandali," pigil niya kaya humarap ito muli. "Kita tayo sa Lunes." Matapos sabihin iyon ay nagmadali na siyang maglakad. Hindi niya na hinintay pa ang magiging reaksyon ng lalaki dahil ang totoo ay nakaramdam siya ng hiya sa sinabi niya. "Bye Dale! Aminin mo na lang kasi na inlove ka na sa akin kaya gusto mo ulit ako makita!" Napatigil siya sa paglalakad sa sinabi ni Gem. Malakas ang boses nito. Napatingin sa kaniya ang mga tao na pumapasok at lumalabas ng gym. Napailing at napasampal na lamang siya ng noo dahil sa sinabi ng lalaki. 'Eskandaloso ka talaga Gem!' Yumuko siya at nagmadaling maglakad. Sa kabila ng kahihiyan ay bigla na lamang siyang napangiti. Umiling siya at pilit na pinapakalma ang sarili. Huminga siya nang malalim bago binalik ang normal na reaksyon ng kaniyang mukha. Sasakyan niya na lang muna ang kalokohan ng lalaki para makumbinsi si Officer Ronald na wala silang tinatago. "Celine, bumangon ka na." Binuksan ni Dale nang bahagya ang pinto sa kuwarto ni Celine. Unti-unti namang nag-unat ang dalaga sa kaniyang kama. Umupo si Celine at tumingin kay Dale na nasa pinto. "Bumangon ka na. Bilisan mo." Madilim pa sa labas dahil alas kuwatro pa lang ng umaga. Nagsisisayawan pa ang mga dahon sa puno dahil sa hampas ng hangin. Pinunasan ni Celine ang pawis na namuo sa transparent window glass. Sumilip siya sa baba at nakita niya si Dale na nag-uunat na ng katawan. Naghilamos siya at nagtali ng buhok pagkatapos ay bumaba na rin. "Ang aga pa Ate." Umupo si Dale at inunat ang kaniyang paa. "Mas maaga pa dito ang oras ng ensayo ko dati." "Talaga po?" "Tama na ang tanong. Gayahin mo ako." Nagsimula sila sa basic stretching. Ginagaya lang ni Celine si Dale. "Iunat mo pa," utos ni Dale. Sumunod naman siya agad at saka tinodo ang pag-unat ng kamay sa likod. "Thirty sit-up and push-up," utos muli ni Dale sa kaniya. Mabilis siyang nahiga. Seryoso sa kaniya si Dale at mukhang wala itong balak na tratuhin siyang bata. "Umpisahan mo na." Inumpisahan niya nang mag-sit-up. Natataranta siya sa tuwing magsasalita si Dale dahil ma-awtoridad ang boses nito. Pakiramdam niya ay kaunting maling galaw niya lang ay mapapagalitan siya. 'Kailangan alerto siya sa iuutos nito.' "Pagkatapos mo diyan ay umikot ka sa bakuran natin ng tatlumpung beses." "Sige po," nauutal niyang sabi. Wala naman siyang problema sa pagiging istrikto nito. Mas mabuti nga iyon para mas matuto pa siya. Kailangan niyang lumakas para maipaghiganti niya ang pagkamatay ng ama niya. Bumalik si Dale sa labas. Pumasok muna kasi siya sandali upang magtimpla ng kape. Umupo siya sa silya sa labas at pinanood ang dalagang si Celine na tumatakbo pa rin. Uminom siya ng kape pagkatapos ay pinatong ang kaniyang tasa sa malapad na bato sa tabi niya. Kahapon lang nang lumipat sila sa bahay na iyon. Kahapon pa sana niya dapat sinimulan ang pagte-train kay Celine pero napansin niyang napagod ito sa paglilipat nila ng gamit. Tumingala siya at uminom muli ng kape. Bilog ang buwan subalit walang mga bituin na makikita sa kalangitan. Mga makakapal lang na ulap ang nandoon. Dumadaan ang ulap na iyon sa buwan kaya sandaling nawawala ang liwanag sa puwesto nila. Huminto si Celine sa pagtakbo. Malalim ang paghinga nito. "Bakit huminto ka? Ipagpatuloy mo." Sumunod agad si Celine kay Dale. Kahit kinakapos na ng hininga ay nagpatuloy pa rin siya sa pagtakbo. Napako na ang tingin ni Dale sa dalaga. Naalala niya ang panahon na nagsisimula pa lang siya sa pagsasanay. Ganoon na ganoon din ang nangyari sa kaniya. Mabilis hingalin at mabilis mapagod. Subalit mahigpit si Benjamin sa kaniya. Ayaw na ayaw nitong sumusuko siya agad. Naputol ang pagbabalik-tanaw niya nang lumuhod si Celine. Yumuko ito at habol pa rin ang paghinga. Tumayo siya. "Labing limang ikot pa lang ang nagagawa mo pero hiningal ka na agad. Kung hindi ka aayos paano ka lalakas!" Hindi niya napigilan ang sarili na magtaas ng boses. Napansin niya ang panlalaki ng mata ni Celine. Huminga siya nang malalim. "Tandaan mo ang nangyari sa ama mo..." Kinuyom ni Dale ang kamay. "Tandaan mo ang nangyari kay Yona. Namatay sila. Kung susuko ka kaagad, paano mo mahahanap ang pumatay sa kanila?" Tumalikod na siya at akmang papasok na sa loob subalit napahinto siya sandali nang magsalita si Celine. "Tatapusin ko ang pagtakbo!" determinadong sabi nito. Lihim siyang napangiti bago tuluyang pumasok sa loob. Iniwan muna ni Dale sandali si Celine sa bahay nila dahil bibili siya ng almusal. Tumatakbo pa rin ito ng umalis siya. Malayo ang kabahayan sa lugar nila. Kailangan pa niyang lumakad para makabili ng pandesal. Mga puno at mabatong lupa ang binabagtas niya dahil hindi gaanong kaunlad ang lugar doon. Mas pinili ni Sid ang bayan na iyon para mas maging kapani-paniwala sa dalawang pulis na naghihinala sa kanila. Nakalabas siya sa liblib na daan. Paglagpas sa rutang binagtas niya ay sasalubong ang iba't ibang mga paninda. May mga nagtitinda ng mangga, mansanas at dalandan. Ginawi niya ang tingin sa hilera ng mga nagtitinda ng isda at karne. Bibili na rin siya ng pagkain para sa tanghalian. Ang lugar na iyon ang pinaka-palenke ng bayan. Dahil magkakalayo at mga tago ang bahay sa lugar nila, kailangan pang dumayo ng pamilya para bumili dito. "Halagang benteng pandesal nga," sabi niya sa lalaking bantay sa bakery na nilapitan niya. Kasalukuyan nitong pinapasok ang tray na may laman na mainit na Spanish bread sa loob ng glass display counter. Parami nang parami ang tao sa lugar dahil pasikat na ang araw. May mga bumibili nang karne at mayroon ding bumibili ng gulay. "Miss, ito na." Inabot niya ang bente pesos sa lalaki. "Salamat." Dumiretso siya sa bilihan ng isda. Iba't ibang uri ng mga isda ang nandodoon. May isang tumpok ng Tilapia na fifty five ang kalahati, may Bangus at may Galunggong din. "Kalahati nga sa Galunggong." Naglagay ang tindera ng mga isda sa timbangan pagkapos ay nilagay iyon sa plastik. "Ito oh." Kinuha niya ang plastik at inabot sa tindera ang kaniyang bayad. Unang beses niyang bumili ng mga paninda sa ganitong mga lugar. Kadalasan kasi ay si Benjamin ang namimili para sa kaniya. Dinadalhan lang siya nito sa condo noon. Noong mawala naman ito, sa loob ng mall siya namimili. Bibihira lang din siyang bumili ng mga karne at isda dahil wala rin siyang hilig sa pagluluto. Napahinto siya sa paglalakad. 'Dapat pala mga process food na lang ang binili niya para madaling lutuin.' Huminga siya nang malalim. Noong nasa condo pa kasi siya, ang madalas niyang niluluto ay ang pritong hotdog, itlog at tocino. Iyon lang kasi ang mabilis lutuin. Prito lang ay makakakain na siya. Sa halip na maglaan ng oras sa pagluluto, ginugugol niya ang mahabang oras sa pagsasanay na makipaglaban. "Miss, sukli mo." Napahinto siya at lumingon sa tindera. Winagayway nito mula sa malayo ang perang papel na sukli niya. Bumalik siya para kuhain iyon. "Salamat." "Ikaw talaga Miss, ang laki-laki ng pera mo tapos iniwan mo ang sukli mo," pagbibiro ng tindera. Naalala niya na limang daan ang binayad niya rito. Noong una pa nga ay nanlaki ang mata ng tindera at masamang tumingin sa hawak niyang pera. Nagtanong pa ito sa kaniya kung wala raw ba siyang ibang pera. Sa huli ay tinanggap din nito ang limang daan dahil nagdagdag siya ng kalahating kilo ng Bangus. "Salamat," sabi niya at tumalikod dito. Unang impresyon niya sa tinderang iyon ay masungit subalit may taglay rin naman pala itong sense of humor. Tapat din ito sa mga mamimili. "Wala 'yon. Basta dito ka na bumili palagi ah," pagbibiro ulit nito kaya napangiti siya. "Dale! Kumusta?" Napalingon si Dale sa tumawag sa kaniya. Si Officer Ronald at ang alalay nitong pulis. Lumapit ang mga ito sa kaniya. Inalis niya ang ngiti sa labi nang makita ang dalawa. 'Anong ginagawa ng mga asungot na 'to rito?' Akmang tatalikod na siya sa mga ito nang may humawak sa braso niya. Mabilis niyang tinabig ang kamay nang humawak sa kaniya at sinamaan ito ng tingin. 'Si Gorrilla.' "Gorrilla!" saway ni Officer Ronald. "Sir Gorrillo po." Lihim siyang natawa. 'Gorrillo pala.' "Ano ba ang kailangan niyo?" Tumikhim si Officer Ronald bago nilagay ang kamay sa bewang. "Gusto lang namin tingnan ang bahay niyo...Okay lang naman diba? Kung wala naman kayong tinatago." Mapang-asar itong ngumiti sa kaniya. Tumalikod na siya sa mga ito. "Bahala kayo," sabi niya at nag-umpisa nang maglakad. "Gorrillo tara na!" utos ni Officer Ronald sa kasama. "Hala Sir, sa wakas! Nabanggit niyo na ng tama ang apelyido ko." Malawak ang pagkakangiti ni Gorrillo kay Officer Ronald. Pilit nitong sinasabayan ang hakbang ng kasama. "Dale, tulungan na kita sa dala mo." Tumingin ang payat na pulis sa bitbit niya. Wala namang pagdadalawang-isip na binigay iyon ni Dale. "Oh, kung mapilit ka." "Ang dami mong pinamili. Parang marami kayong kakain," mapanuring sabi ni Officer Ronald. Kasalukuyan na nilang binabagtas ang malubak na ruta papunta sa kanila. "Wala akong choice. Wala raw panukli ang tindera." "Baka sobrang laki kasi ng pera mo," singit ni Gorillo. Ngumisi si Officer Ronald habang naglalakad. "Mukhang malaki naman ang sahod mo sa gym na pinagta-trabahuan mo. Bakit mas pinili mong tumira sa lugar na 'to?" Nilibot nito ng tingin ang mga puno sa gilid na dinadaanan nila. Lihim na napakagat-labi si Dale. Nasa likuran niya ang dalawa kaya malabong makita ng mga ito ang reaksyon niya. 'Hinuhuli talaga siya nito!' "Mas masaya at tahimik kasi sa lugar na 'to," maiksing sagot niya. Kung hahabaan niya pa ang isasagot dito ay baka mas lalo siyang may masabing mali. Kailangan niyang mag-ingat baka mabuko siya. "Sabagay. Tama ka. Ang tahimik nga rito. Pero puwede rin namang may pinagtataguan kayo kaya mas napili niyong tumira sa lugar na 'to." Tumawa si Gorrillo. "May punto ka Sir." Nagpatuloy lang si Dale sa paglalakad. Sa tingin niya kapag pinatulan niya si Officer Ronald sa mga sinasabi nito ay mas lalo itong maghihinala. 'The more na itinatanggi niya ang sarili o sinasagot niya ang mga sinasabi nito, mas lalong magiging alanganin ang sitwasyon niya." Humawak si Officer Ronald sa kaniyang baba. "At isa pa, hindi halata sa kutis mo na mahirap lang kayo." Lumakad nang mabilis si Gorrillo para maharap si Officer Ronald. "Diyan ako hindi agree Sir. Porket ba mahirap kailangan pangit ang kutis." Tinaas nito ang braso at pinakita ang balat nito. "Tingnan mo ang balat ko Sir. Mahirap lang kami pero tingnan mo naman ang biyaya ng Diyos." Ginalaw-galaw nito ang payat at maitim na braso. "Tumigil ka Gorri—" Malakas na putok ng baril ang nagpahinto sa sasabihin ni Officer Ronald. "Dumapa kayo!" sigaw nito. Nagmadali sila sa pagdapa. May naka-itim na lalaki ang nagtatago sa likod ng puno. Huhugutin na sana ni Dale ang dalang baril subalit napahinto siya. 'Hindi puwede, makikita siya ni Officer Ronald.' Inalis niya ang kamay sa likod at inayos ang damit upang matakpan ang baril sa likod. Nagpatuloy sa pag-baril ang naka-itim na lalaki. "Magtago ka Dale!" sigaw ni Officer Ronald. Sinunod niya ito. Gumapang siya papunta sa pinaka-malapit na puno sa kaniya. Sina Officer Ronald at si Gorrillo ang nakipag-palitan ng bala sa lalaking naka-itim. Napakagat-labi si Dale. Kating-kati na siyang hawakan ang baril para tamaan ang lalaking naka-itim. Sa posisyon niya ay kayang-kaya niyang puntiryahin ang lalaki subalit hindi siya puwedeng makipag-barilan dahil maghihinala ang mga kasama. Napakuyom siya. Gusto niyang mahuli ang lalaki para matanong kung sino ito pero hindi niya magawa. Hinabol ng dalawa ang tumakbong lalaki. Malayo na iyon sa direksyon nila. Malabong mahuli pa nila iyon. Nagbaba siya ng tingin sa mga kamay. Hindi niya namalayan na nabunot niya na pala ang mga damong nasa lupa. Halos masabunutan niya iyon na parang buhok ng tao. Binitawan niya ang d**o sa kamay at humawak sa ulo. Limitado lang ang galaw niya dahil sa dalawang pulis na kasama. Sumilip siya sa likod ng puno para makita ang dalawa. Pabalik na ito sa direksyon niya at bigong mahabol ang lalaki. Tumayo na siya at nagpagpag ng kamay. 'Ang ibig-sabihin lang nito ay alam ng mga hindi niya kilalang kalaban ang tirahan nila ni Celine!' "Si Celine!" Nanlaki ang mata niya nang maalala na mag-isa lang si Celine sa bahay. Kung alam ng mga kalaban kung nasaan sila, ang abig-sabihin lang nito ay, 'Dilekado si Celine!'
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD