Chapter 3
Lumipas ang araw, buwan at taon. Tumira sa amin sila ate Aiza at asawang niyang si Kuya Lito. Maging si nanay Delia na panganay ni nanay Asuncion ay tumira doon kaya tila wala akong laya. Nakakaranas at nakakarinig pa rin ako sa kanya ng masasakit na salita.
Naroon pa rin ang mga tingin ni kuya Lito sa akin kaya talagang umiwas na ako sa kanya. Hindi ko ginustong mapag-isa kami sa iisang lugar. Lalo na kapag ako ang nagbabantay ng sari-sari store na pinatayo nila.
Minsan ay doon din ako natutulog. Ngunit kapag alam kong parating siya roon ay umuuwi ako sa bahay. Pinakitunguhan si nanay Delia na mainit lagi ang dugo sa akin.
Bago mag fourth year high school, bakasyon noon ay nag-aral ako ng cosmetology at hair science na siyang proyekto ni Mayor Salvacion. Doon na rin ako kumukuha ng ibang pagkakakitaan. Suki ko ang ibang guro, kaklase at iba pang propesyunal. Ako ang nagmamanicure at pedicure sa kanila.
"Lea, halika nga rito, anak," tawag sa akin ni nanay Asuncion. Nasa sala siya samantalang katatapos ko lamang maghugas ng pinggan sa kusina. Hindi sumabay sa amin sila nanay Delia.
Agad kong dinaluhan si Nanay at naupo sa tabi niya. Hinaplos niy ang aking buhok.
"Gusto mo bang magpatayo tayo ng isang maliit na parlor sa isang lote malapit dito?"
Namilog ang mga mata ko sa kanyang sinabi. Excited at nakangiting kinuha ko ang kanyang kamay at pinisil.
"Opo, Nay. Maganda rin pong negosyo ang salon," ika kong sabik na sabik sa planong iyon. Pakiramdam ko ay may magandang aportunidad na muling nagbubukas para sa akin.
"Kaya mag-aral kang mabuti, Lea. Pag-aaralin kita hanggang makakaya ko anak. May maliit akong lote, doon natin ipatayo. Puwede rin tayong tumira doon. Ibibigay ko na kay ate Aiza mo ang bahay na ito."
Masayang napatango ako kay nanay. Punong-puno ang puso ko sa galak.
Ngunit gaya ng dati. Si Nanay Delia ang pinakamalaking sagabal at kontabida sa buhay ko.
"Palayasin mo na siya rito, inay? Hindi mo siya anak!" rinig kong sabi ni nanay Delia. Matas ang boses niya kay nanay Asuncion.
"Anak naman, bata pa si Lea ay nasa atin na, hanggang ngayon pa ba..."
"Nay, kung hindi ninyo palalayasin ang babaeng iyan, ako ang aalis dito. Kung mas pinipili ninyo ang babaeng iyan kesa sa sarili ninyong anak, magkalimutan na lamang tayo!" banta nito kay nanay Asuncion.
Napalunok ako at gusto sanang sumagot. Pinaghihirapan ko rin naman lahat ng natatanggap ko mula sa kanilang pamilya. Kung utang na loob ang ibig niyang sabihin ay pinupunuan ko iyon ng pag-aalaga kay nanay at pagsisilbi sa kanila.
"Huwag niyo ring sabihing pag-aaralin ninyo iyang babaeng iyan!"
Natigilan si nanay Asuncion sa akusa ni Nanay Delia. Napatingim siya sa akin. Tila humihingi ng paumanhin.
"Hi...hindi ko na siya kayang pag-aralin pa. Mahina ang kita ng copra. Mahihirapan akong itaguyod siyang mag-isa."
Tila ako pinagsakluban ng langit at lupa. Sinara lahat ng pintong bukas maging mga bintana. Nawala lahat ang pag-asa kong makaahon. Biglang pinutol ni nanay Asuncion ang matayog kong pangarap sa sinabi niya. Hindi na niya ako pag-aaralin.
Naiiyak akong lumayo habang rinig ko pa rin ang pag-aaway nilang mag-ina dahil sa akin. Sa isang sulok ay tuluyang naiyak sa aking kalagayan. Sa sulok na iyon sa kuwarto ang tanging naging karamay ko sa lihim kong pagluha.
Lalong nadagdagan ang hinanakit na nararamdaman ko kay Nanay Delia dahil doon. Punong-puno na ako ngunit dahil may respeto pa ako kay nanay Asuncion ay tinimpi at kinimkim ko ang galit sa loob ko. Kung kailan puputok ay hindi ko alam.
Sa pag-iyak ko itinuon ang aking sarili. Para sa ganoon ay mabawasan man lamang ang bigat sa aking dibdib. Kung hindi ako pag-aaralin, gagawa ako ng paraan para makapagpatuloy. Walang makakapigil sa akin. Muli kong bubuuin at paulit-ulit na pagdudugtungin ang taling nag-uugnay sa aking mga pangarap. Makakaahon ako sa hirap na kinalalagyan ko. Ipinapangako ko iyon sa aking sarili.
"Hindi kita mapag-aral ng kolehiyo, Lea."
Isang araw ay pagkausap sa akin ni nanay Asuncion. Pinanindigan niya ang sinabi kay nanay Delia. Para hindi na lumaki pa ang away nila. Inaasahan ko na iyon pero masakit pa rin palang marinig.
"Pasensiya ka na anak," ika niyang nilapitan ako. Hindi ko kasi kayang lumapit sa kanya. Nanahimik lamang akong nakatingin sa kanya.
Aaminin kong masama ang loob ko. Ngunit may magagawa pa ba ako? Wala naman. Hindi ko maipipilit ang mga bagay na gusto ko.
Kaya nang makauwi ang isa sa pamangkin ni nanay Asuncion at inalok akong mangatulong ay agad akong pumayag. Makakaipon ako para sa pag-aral ko. Hindi sapat na nasa probinsiya lamang ako.
Masakit man iwanan at alam kong magtatampo sa akin si nanay Asuncion, nagpaalam pa rin ako rito.
"Sigurado ka ba, Lea?" paulit-ulit na tanong ni nanay Asuncion. Tila gusto akong pigilan.
"Opo, Nay. Kailangan ko pong gawin ito."
Nasaktan ako sa lungkot na nabanaag ko sa mga mata ni nanay. Nasasaktan akong ako ang dahilan ng kalungkutang iyon. Hindi bale, babalikan ko naman siya. Babalik akong tagumpay. Babalik akong maipagmamalaki niya sa lahat.
Sumama ako kay ate Helen sa kanilang bahay sa Parañaque. Doon ay muli akong bumuo ng pangarap.
May asawa si ate Helen. Si kuya Lando--vice president sa isang branch sa malaking korporasyon na ang produkto ay pawang mga karne. Madaling makapalagayan ng loob si kuya.
Okay naman ang pakikitungo nila sa akin. Katulong, oo, pero nakakakain ako ng maayos. May maayos na tulugan at walang nanay Delia na ang tingin sa akin ay palamunin. One thousand five hundred ang suweldo kada buwan. Hindi ko kinukuha, gusto kong ipunin sa kanila.
Maayos ang lahat, ngunit nagsimulang maging kalbaryo ulit ang buhay ko nang lumipat sila sa Laguna. Nagpatayo kasi ng restaurant si ate Helen. Siya rin na naoperahan si kuya at kinailangan mamalagi sa bahay.
Maayos ang takbo ng restaurant. Mga kasama sa bahay ang tauhan. Ako? Tumutulong lamang sa pagluluto. Ngunit nang maoperahan ang mga mata si kuya Lando. Ako na ang nagmistulang nurse niya lalo na at busy si ate Helen sa resto.
Mabait si kuya, walang malisya ang kabaitan niya sa akin. Ngunit iba na pala ang tingin ni ate sa akin. Malandi, haliparot! Masakit sa akin na pag-isipan ng kung ano-ano. Kahit gaano ko pa patunayang hindi ako ganoon.
"Lea, gusto mo bang mag-aral? Nursing." Isang umaga habang pinapatakan ko ng gamot ang mga mata ni kuya ay kinausap ako.
Tila tumalon ang puso ko noong marinig na pag-aaralin ako. Tengga na kasi ako ng dalawang taon. Eighteen na ako. Ngunit may agam-agam ako na agad naman niyang pinawi.
"Ako ang bahala sa ate mo. Mag-aral ka. Kahit hindi na nursing, basta pag-aralin kita."
Kita sa mukha ni ate Helen ang disgusto sa plano. Ngunit wala siyang nagawa. Nag-enroll ako at pumasok. HRM ang kursong kinuha ko. Sa wakas, uusad na muli ang buhay ko. Isang hakbang. Kahit mabagal.
Tumutulong pa rin ako sa bahay kahit na nag-aaral. Nagluluto ako nang hindi ko napansin na nasa likod ko na pala si kuya.
"Ano'ng niluluto mo?"
Nagulat ako sa biglang pagsasalita niya ngunit mas nagulat ako sa galit na tono at mga mata ni ate nang madatnan niya ang ganoong itsura namin sa kusina. May iba namang tao roon pero hindi ko alam kung bakit ako ang napagdidiskitahan ni ate. Pakiramdam ko ay pinagseselosan niya ako.
"Ano'ng ginagawa mo riyan, Lando?" mataray na sita niya sa asawa.
"Tinitignan ko lamang ang ginagawa nila..."
"Pumasok ka na sa loob, makakasama pa sa iyo eh," utos niya sa asawa.
Ramdam ko na lahat ng kilos ko ay binabantayan ni Ate. Kaya nga noong tinanong ako kung gusto ko sa boarding house sa likod ng resto ay pumayag ako. Para na rin makalayo sa mainit na mga mata niya.
"Lea, nandiyan na naman ang manliligaw mo." Isang umaga ay bulong ni April. Parang binalaan niya ako dahil alam nilang tinataguan ko ang mga gustong manligaw. "Kami na muna bahala sa labas, dito ka na lamang."
"Salamat, April. Bawi ako sa susunod."
Trabaho sa umaga, pag-aaral sa hapon hanggang sa gabi. Iyon ang naging routine ko sa araw-araw. Mahirap pero sige pa rin ako. Nagbago lamang ulit ang lahat nang mamatay bigla si kuya sa hindi malamang dahilan. Ibinalik kaming muli sa bahay nila ate. Pagkatapos ay dumating pa ang kanyang pamangkin na siyang naging mata niya. At ako ng laging puntirya.
Nahihirapan ako ngunit pilit kong pinagpatuloy ang pag-aaral ko hanggang sa matapos ko ang unang semester.
"Lea, kaya mo pa ba? Alam ko ang ginagawa sa iyo nila Ate. Ayaw ni kuya ito...kung sana ay narito pa siya," umiiyak na pahayag ni Shirley. Kapatid ni kuya Lando. Nakatira rin siya sa bahay. Naging saksi sa pagpapahirap sa akin.
Tipid akong ngumiti. Alam kong wala rin siyang magagawa. Wala na si kuya na laging nagtatanggol sa amin.
Akala ko, kaya ko pang tiisin. Akala ko makakapagpatuloy pa ako. Ngunit isang araw. Hindi ko inaasahang magagawa akong palayasin bigla-bigla. Umagang-umaga iyon sa resto. Nagtaka ako dahil wala ang mga kasamahan ko. Pinagday-off daw bigla.
"Makakaalis ka na, Lea. Hindi ka na namin kailangan dito," malamig na saad ni ate Helen. Nakahalukipkip habang katabi nito ang pamangkin na nakangising minamaliit ako sa tingin. Alam kong siniraan na naman niya ako kay ate. Kung ano-ano na namang kuwento ang sinabi niya rito. Kuwentong walang katuturan at katotohanan.
"Ate..."
Gusto ko ng paliwanag. Bakit ako tinanggal bigla. Anong nagawa ko? Ngunit hindi niya ako sinasagot sa bawat tanong ko.
"Umalis ka na Lea!" ika niyang naglatag ng pera sa counter.
Napatingin ako roon. Pinapalayas ako sa halagang tatlong libo at limang daan. Sa loob ng dalawang taon mahigit. Iyon lang ang nakuha ko.
Umiling ako sa kanya. Gusto kong isumbat lahat ng hirap ko. Perang hindi ko kinuha dahil may tiwala ako sa kanya. Dahil nirerespeto ko sila.
Napaiyak ako habang nag-eempake. Natanong sa sarili kung anong nagawa ko para maparusahan ng ganito? Lahat na lang ng taong pinagkatiwalaan ko. Taong bumubuhay sa pangarap ko ay ang bigla ring magtutulak sa akin sa kadiliman. Ano pa ba ang kulang? Ginagawa ko naman ang lahat.
Kaya ko pa ba? Kakayanin ko pa ba?