Ang tingin ko sa lahat ng lalaki ay malaking kamalian. Lahat ng gawin nila ay nagdadagdag lang ng dahilan para hindi sila magustuhan. Bawat salita na lumalabas sa bibig nila ay nagiging dahilan lang para mas lalo silang kamuhian.
Pero siya?
Simpleng good morning lang ay para na akong mawawala sa ulirat. Or maybe this is not just about his good morning, but because I didn’t expect that he would be here also, waiting for me.
“Amber,” tawag niya.
Nilingon ko siya. Inaabot niya sa akin ang phone niya, alam ko na agad ang ibig nitong sabihin. Kinuha ko iyon at nagpatugtog ng ginawa kong playlist.
“Ang tahimik mo, may problema ba?” bigla niyang tanong.
Simula kasi nang sunduin niya ako at kumain kami ay madalang na lang ako magsalita. Paano naman ako makakadaldal kung lagi kong kinakastigo ang sarili ko sa utak? Kailangan kong paalalahanan ang sarili na wala lang ang ginagawa niya at talagang pinalaki lang siya ng maayos ng magulang niya.
But can you blame me? Sa tulad kong babae, ito ang unang beses ko na makatanggap ng ganitong pagtrato sa isang lalaki. Masasabi ko na madalang na lang ang mga tulad niya.
Ayaw ko man aminin pero maswerte ang mapapangasawa niya.
“Busog lang… thanks nga pala sa breakfast.”
Hindi na muli siya nagsalita buong byahe. Kahit inaantok ako ay pigil na pigil ko ang sarili dahil nakakahiya naman kung tutulugan ko siya. Hindi na kami umuwi at dumiretso na sa university kung saan ako mag-a-apply. It’s either, maipasa ko iyon para kalahati na lang ang tuition na babayaran ko o magbabayad ng buo—iyon ang sinabi sa akin ni Don Miguel.
Hindi ako iniwan ni David buong proseso. Kahit na habang nagte-take ako ng entrance exam ay naghihintay siya sa labas. Pagtapos ko ay may lunch na rin kami na kinain namin sa loob ng kotse niya.
“Should we buy for your school materials?” aniya habang palabas ng school.
“Hindi pa muna, kapag sumweldo na lang ako. Hindi pa rin naman magsisimula ang klase.”
“What? Nandito naman ako. I can pay for it.”
Sumimangot ako habang nakatingin sa labas ng bintana. Lahat na lang ay siya ang gumagastos. Simula nang inasikaso ko ang mga requirement ko ay siya ang nagbayad, ang ginastos ko lang ay Jollibee at mga murang bayad sa requirements.
Bahagya siyang tumawa. “What’s with the scowl?”
“Eh, paano inako mo na lahat. Kulang na lang ay ampunin mo na rin ako.”
Mas natawa siya. “Ampunin agad? Ang pangit naman ng term na napili mo.”
“Ano bang gusto mo? Kulang na lang kasi ay sabihin mo na bubuhayin mo ako. Ang dami mo ng nagastos sa akin. Sabagay, barya lang kasi sa ‘yo lahat ng iyon, ‘no?”
Tinignan ko siya. Nakatingin siya sa daan pero alam ko na nakikinig siya sa akin.
“Kung barya lang sa akin ang mga nagastos ko ay mamimigay ako ng barya sa lahat ng nangangailangan. I don’t know if you’re pretending not to know but I am being obvious here. Tss! Pwede naman sabihin mo na kaunti na lang ay sabihin kong gusto kita na pakasalan dahil sa lahat ng ginagawa ko.”
“P-Pinagsasabi mo? Pwede rin naman na ampunin mo ako tutal matanda ka na, bata pa ako.”
“Really?” he asked sarcastically. Ako naman ang natawa dahil hindi niya nagugustuhan kapag sinasabihan ko siya ng matanda na.
“Joke lang. Alam ko naman na nagbibiruan lang tayo rito. Part ng paglago ng friendship natin.” Mabilis akong umiwas ng tingin. Nakagat ko ang labi ko dahil ang awkward ko talaga.
“I don’t know, basta ako hindi nagbibiro.”
Tangina mo ka, David! Wala kang ibang alam gawin kung hindi ang guluhin ang utak ko!
Pagdating sa bahay ay nagpalit lang ako ng damit saka tumulong na rin sa gawain na bahay. Nakasimangot pa sa akin si Aling Mirasol at tinanong kung bakit hindi ako umuwi kahapon kaya sinabi ko sa kaniya ang dahilan. Dahil sa inis niya ay ang pinalinis niya ang pool at pinalaba ang mga kurtina.
Sa pool muna ako. Dahil may malaking puno sa gilid ay laging nahuhulugan ng dahon. Gamit ang mahabang net ay kinuha ko ang mga dahon. Hindi pa ako tapos ay may lumukso na agad sa tubig. Mula sa ilalim ng tubig ay kita ko ang tattoo niya. Sa isip ko ay binilang ko kung gaano siya katagal sa ilalim bago umahon.
Tukso!
“Nililinisan ko pa,” masungit ko na sabi sa kaniya.
“Okay, hindi naman kita binabawalan.” Saka siya sumisid ulit.
I groaned before proceeding with my job. Pero ang loko, kung nasaan ang net ay doon siya malapit na lumalangoy! Sa inis ko ay sinadya ko na tamaan siya kaya napaahon siya. Umasta ako na walang ginagawa at nagpanggap na nangunguha pa rin ng dahon.
“Tinamaan mo ‘ko!” gulat niyang sabi pero may nakakalokong ngiti na sabi niya.
“Hindi, ah. Bakit naman kita tatamaan?”
May ngiti sa labi ko na iniwan siya roon. Nagpunta ako sa laundry area para simulan na labhan ang mga kurtina at basahan. Hindi pa umiinit ang makina ng washing machine ay naroon na naman si David. Wala pa rin itong damit pang-itaas.
“Ano?” tanong ko.
“Maglalaba rin ako ng damit ko,” walang emosyon niyang wika.
Naglaglag ang panga ko. Marami silang washing machine, may automatic pa pero ang ginamit niya ay ‘yong manual washing machine. Wala tuloy akong nagawa na naroon din siya, binabantayan ang bawat pag-ikot ng mga damit niya.
“Pwede mo na iwan, ako na lang ang mag-aahon.”
“Ako na, focus ka na lang sa nilalabhan mo.Walang pakialaman ng nilalabhan.”
Alam na alam niya talaga paano ako inisin. Napaka-random ng ginagawa nitong paglalaba dahil ngayon ko lang siya nakita na naglaba. Tsaka, iilang piraso lang ang damit niya.
Ang konti ng nilabhan niya pero sabay lang kami na natapos. Kahit sa pagsampay ay nakikisabay siya. Kahit noong lumabas ako para magwalis sa garden nila ay naroon din siya at bigla na lang nag-workout. Masama tuloy ang tingin ko sa kaniya habang siya ay nagja-jumping rope.
“May gym naman kayo, bakit hindi ka roon?”
“Dito ko gusto,” sagot niya habang tumatalon-talon pa rin.
Nagkahiwalay lang kami noong bumalik na ako sa kwarto ko. Naligo ako at natuto na ako at nagdala na ng damit. Dahil madadaanan ko ang kusina ay nakita ko siya roon na nakatingin sa loob ng ref, halatang nag-iisip kung ano ang iluluto.
Hindi ko na sana siya papansin pero tinawag niya.
“Hey, what do you want?”
“Kahit ano lang,”
“Wala kang cravings?”
Sandali akong nag-isip. Gusto ko ng sabaw pero ayaw ko naman maging makapal ang mukha. “Wala naman… po.”
Hindi niya na pinansin ang pagsabi ko ng po sa kaniya kahit na kumunot sandali ang noo niya. “Okay, anong unang ulam ang pumasok sa isip mo kapag galing ka sa nakakapagod na byahe?”
“Tinola?” mabilis kong sagot sa tanong niya. Ngumisi siya at kumuha ng mga ingredients. Umawang ang labi ko. Grabe, pati sa ganito ay ang galing niya. Hindi ko namalayan na parang nasabi ko na rin sa kaniya ang gusto kong kainin.
“Magpahinga ka na muna sa kwarto mo, mabilis lang ‘to matapos.”
Wala siyang ibang ginawa kung hindi guluhin ako sa trabaho ko. Paminsan-minsan ay nakita ko siya na nagtatrabaho sa sala pero madalas ay wala siyang ginagawa kung hindi ang istorbohin ako. Tulad ngayong umaga, nagdidilig ako at nasa isang gilid na naman siya, nag-e-exercise.
Kahit magsalita ako ay hindi niya ako maririnig dahil may suot siyang airpods. Kapag titingin siya sa direksiyon ko ay mabilis akong iiwas ng tingin. Ang unfair lang! Pawisan na siya at lahat pero nagmumukha lang siyang bagong ligo. Samantalang ako, nagdidilig lang pero hulas na agad.
“Hey,”
Nilingon ko siya. Sakto na ibinabalik na niya ang airpods sa lagayan nito.
“Oh?”
Kumunot ang noo niya. “Oh?”
“Ay, bakit po SIR?”
“Let’s eat breakfast.” Hindi iyon patanong, kung hindi isang utos.
“Mauna na PO kayo, tatapusin ko lang itong dinidiligan ko.” Inalis ko na ang tingin sa kaniya at pinagtuunan na lang ng pansin ang mga halaman.
Simula ng pumunta ako rito ay naging libangan ko na rin ang pagdidilig. Natutuwa kasi ako kapag nakikita ko nagiging maganda ang tubo nila, lalo na ang mga bulaklak.
Akala ko pipilitin niya ako pero hindi, pumasok na siya sa loob at iniwan akong mag-isa rito. Hindi dapat pero nakaramdam ako ng inis. Hindi man lang talaga niya ako pipilitin? Sa inis ko ay pati ang pwesto kung saan siya nag-e-exercise ay binasa ko—na akala mo naman ay magagawa, eh tapos na nga siya.
“Amber,” muling tawag niya sa akin.
“Kayo na lang talaga ang kumain—”
“Hindi pinaghihintay ang pagkain. Come here, sandwich lang ito. Ubusin mo bago bumalik sa pagdidilig.”
Lumingon ako at nakita siya na nag-aayos sa lamesa na gawa sa bato. May dalawang plato ng sandwich doon at dalawang baso ng orange juice. Simple lang pero para sa akin ay sobra-sobra na. Napatay ko tuloy ang hose at lumapit doon. Kahit sandwich ay kaya niyang gawin ng ganito? Ang galing talaga.
Nakadalawang kagat pa lang ako ay tapos na siya. Seryoso, ang laking tao niya para maubos ng ganito ang chicken sandwich. Hindi naman maliit ang sandwich dahil mataba ito dahil as chicken na nasa loob.
“Huwag kang magmadali, ako na ang tatapos sa dinidiligan mo.”
Before I can protest, he stood up and went his way. Kaya ang ginawa ko ay pinanood ko siya na magdilig habang kumakain. Mas masarap talaga kapag kumain kapag nanunuod. Likod lang niya pero ang ganda na tignan.
“Me or the sandwich?” tanong niya pero nakatalikod pa rin siya.
Muntik pa ako mabulunan. “Ano?”
“I know your gawking at me. Sabi ko enjoy-in mo ang sandwich na ginawa ko, hindi ako. But oh, well, you can enjoy me too.”
Napainom ako ng orange juice at tinalikuran na lang siya. Minsan talaga ang kapal ng mukha niya.
Pagkaubos ko ay tapos na rin siya. Nauna na akong pumasok sa loob para samahan si Aling Mirasol sa kusina. Siya raw kasi ang magluluto ngayon dahil wala ng maiisip si David.
“Amber, kumusta na ang kapatid mo?” biglang tanong ni Aling Mirasol kaya nagulat ako. Oo, nabanggit ko sa kaniya si Elvi at may sakit ito kaya ako nandito pero hindi ko inaakala na magiging concern siya.
“Hinihiling ko na mas bumuti pa ang kalagayan.”
Sagot ko habang naghihiwa ng sibuyas. Wala na siyang itinanong pa bukod doon pero nakaramdam ako ng gusto kong maglabas ngayon ng saloobin. Simpleng tanong niya lang iyon pero parang may mabigat sa pakiramdam ko na gusto kong sabihin. Hindi lang ako sigurado kung ano ang magiging reaksiyon.
“Alam niyo po, tuwing uuwi ako ay parang lagi akong galing ibang bansa kasi ganoon pa rin siya ka-excited. Nalulungkot lang ako na nasa bahay lang siya, parang naghihintay na matapos lang ang bawat araw. Kapag nakaipon ako ay gusto ko siyang ipagamot sa mas malaking hospital at mapag-aral siya.”
“Alam kong magagawa mo ‘yon. Hindi palagi na ang buhay ay masalimuot sa atin. Hindi man ngayon pero malay mo bukas, maayos na ang lahat. Ang bawat araw ay isang regalo, hindi natin alam kung ano ang mapupunta sa atin.”
Hindi ko iyon inaasahan na sasabihin niya pero dahil doon ay gumaan ang pakiramdam ko. Kaya lang ay mabilis yata mag-expire ang kabaitan ni Aling Mirasol dahil napagalitan na ako agad dahil mali raw ang hiwa ko sa sibuyas.
“Sibuyas na lang, hindi mo pa alam paano gayatin. Doon ka na nga, baka may maiutos pa sa ‘yo si Sir David.”
Iniwan ko na siya roon dahil malapit na magbuga ng apoy. Nakita ko na naman sa sala si David, nakaupo sa sahig. Nakasandal siya sa sofa habang nasa harap ng laptop na nakapatong sa center table. Ang alam ko ay sa library siya lagi kapag may trabaho kaya nagtaka ako na nandito na siya sa sala lagi kahit na may ginagawa.
Lumapit ako sa kaniya. Tinignan ko na muna kung may kausap siya pero wala naman. “Gusto mo juice?”
“Just water, please.” Hindi niya man lang ako tinignan. Pasimple kong sinilip ang ginagawa niya sa laptop. Nanunuod siya ng movie! “Hey, privacy!” masungit niyang sabi.
“Bakit pórn ba ‘yan?” pang-aasar ko.
Tinaasan niya ako ng kilay. “If yes, manonood ka kasama ‘ko?”
Nag-init ang mukha ko. Ang galing talaga niya mambaliktad.
“Tango ka lang para sa kwarto na tayo manuod.”
Argh! Iniwan ko siya roon na tumatawa dahil nagtagumpay na naman siyang asarin ako.