Palingon-lingon pa si Celestine bago siya huminto sa gilid ng kalsada. Lumanghap muna siya ng hangin at ibinuga para kahit papaano ay mabawasan ang bigat na nakadagan sa dibdib niya. Dulot ng pinaghalong inis, galit, takot at pagkataranta sa nangyari kanina.
Mabilis siyang bumaba sa motor na minamaneho at maingat na binuksan ang kahong pinaglalagyan niya ng mga panindang kakanin para inspeksyonin kung nasira ba ito o hindi naman kahit na malakas ang kutob niya nasira ang cake na nakapatong sa kahon ng mga kakanin. Pero ipinapanalangin parin niya na mali ang kaba niya.
Ngunit ganoon nalang ang panlulumo niya ng lumantad sa harap niya ang sirang icing ng cake. Parang gusto niyang maglumpasay sa iyak o magwala. Five fifty ang bili niya sa cake na iyon at ibinibenta niya iyon ng six fifty. Isang daan lang ang patong niya. Ngunit sa nakikita niya ay siguradong ma'thank you na ang kanyang 550.
Walang hiya talaga ang lalaking iyon. Nagngingitngit siya sa galit sa lalaki. Malas talaga ang araw niya. Kailangan na naman niyang bumalik sa tindahang binibilhan niya ng cake para pampalit sa nasirang cake. Kailangan niyang gawin iyon kahit luging-lugi na siya para lamang hindi masira ang reputasyon niya bilang isang online seller.
Bumuntong hininga siya bago pinaandar ang sasakyang motor pabalik sa bahay nila para iwan ang nasirang cake bago bumalik sa cakeshop.
"Oh bakit ibinalik mo iyang cake dito? Akala ko ba idedeliver mo na iyan." Salubong na tanong ng ina niya na nagtataka.
"May nakasalubong kasi akong demonyo sa daan,ma. Muntik na nga akong nasagasaan, ako pa itong gusto niyang ipadakip sa pulis. Hindi na nga niya binayaran ang nasirang cake ko, kinuha pa ang ID ko at ako pa itong takot na takot at mabilis na umalis." Nanggagalaiting paliwanag niya sa ina niya at pabagsak na inilagay sa mesa ang kahon ng cake. Wala na siyang pakialam kung tuluyang masira ang cake na iyon total sira na iyon at hindi na niya maibenta.
"Aba't bakit ka umalis? Dapat ikaw ang nagreklamo. May mga tao talagang walang modo. Dapat kinuha mo iyong plate number niya at dumiretso ka sa police station at magsuplong." Panggagatong ng nanay niya sa galit niya. Mukhang galit na rin ito.
"Ma, mukhang mayaman iyong tao. Siya pa nga ang tumawag ng police eh para ipadakip ako. Mukhang may koneksyon sa mga police kaya tumakbo na ako dahil alam mo naman na expired na iyong driver's license ko at iyong motor ko hindi ko pa narenew ang lisenya niyan. Hayy.." Napabuntong hininga nalang siya ng malalim. "Tayong mga mahihirap ay wala talagang kalaban-laban sa mga mayayaman."
Naaawa namang nakatingin ang ina niya sa kanya. Mahirap din sa isang ina na walang magawa para ibigay sa anak ang magandang buhay. Alam nito na gaganda siguro ang buhay nila kung nakapagtapos siya ng pag-aaral at makahanap ng mas maganda at permanenteng trabaho. Okay naman ang pag-oonline selling. Kikita naman talaga kung magsipag lang kaso sa lagay niya ay ang kita niya ay napupunta lang sa mga pangangailangan nila sa araw-araw. Nagbibigay pa siya ng pang-allowance ng kapatid niya para may baon naman ito at pangproject sa school. Ang ina naman niya ay may maintenance ring gamot. Kaya kayod kalabaw siya para hindi sila magutom na mag-iina.
"Oh ma, aalis na ako, kailangan ko pang bumalik doon sa cakeshop para maideliver ko na doon sa customer ko baka malate na ako anong oras na." Paalam niya sa ina at binalingan ang orasan sa dingding.
"Oh sige umalis ka na. Mag-iingat ka. Kapag makasagupa ka na naman ng barumbadong drayber, huwag kang matakot basta alam mong wala kang kasalan,okay?" Paalala ng ina niya. Tapang talaga nito.
"Sige po ma, ikaw na bahala dito. Ang gamot mo huwag kalimutan." Paalala niya sa ina at pinaandar na ang motor.
Dumiretso na siya sa cakeshop at binili ang kaparehong cake. This time mas doble ingat ang pagmamaneho niya. Mabagal at maingat ang pagliko niya sa eskinita na kung saan siya muntik ng mabangga kanina. Buti nalang walang sasakyan ng mga oras na iyon at diri-diretso lang ang takbo ng sasakyan niyang motor. Medyo late na siya sa pinag-usapan nilang oras ng paghatid niya ngunit nagpaliwanag siya at humingi ng paumanhin. Buti nalang mabait ang kustomer niya at naintindihan siya nito.
Pagkatapos mailapag ang mga dala sa lamesa at mabayaran si Celestine ay nagpaalam na siyang umalis.
Habang nagdadrive ay iniisip na naman niya ang iba pang hahatiran niya ng kakanin. May nag-order kasi sa kanya ng dalawang kahon ng cassava cake at egg pie.
Patungo pa lang siya sa address ng customer niya ng biglang namatay ang makina ng motor niya.
Bweset, ito na naman. Itinabi niya ito sa gilid ng daan saka sinubukang paandarin uli ngunit napagod nalang siya sa kakapaandar ay wala pa ring nangyari. Tirik pa naman ang araw. Ang init-init.
Ahh..ang malas talaga ng araw niya.
Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Bigla siyang naawa sa sarili niya na hindi niya maintindihan. Pakiramdam niya ay ang malas-malas niya. Iyon bang wala siyang malalapitan na kaibigan, masasandalan na kamag-anak o kapamilya. Walang matawagang nobyo, walang mapagsabihan ng kanyang mga problema sa tuwing bigla siyang makaramdam ng pag-iisa o kailangan niya ng mapagsabihan. Parang bigla ay gusto niyang umiyak, magwala pero hindi niya magawa dahil ayaw niyang ipakita sa ibang tao na mahina siya. Ayaw niyang ipaalam sa ina niya ang mga problema niya dahil ayaw niyang makaapekto iyon sa sakit nito.
Wala na rin siyang matawag na close friend dahil wala na siyang time makipagchit-chat sa mga kaibigan niya. Dahil for how many years ay busy siya sa paghahanap buhay para makakain ng tatlong beses ang pamilya niya.
"What's the problem?"
Nagulantang si Celestine ng marinig ang familiar na boses. Napatingin siya sa lalaking nagsasalita na nasa loob ng asul na sasakyan na ngayon ay dahan-dahang ihininto ang sasakyan sa gilid ng kalsada sa may unahan niya.
Naalala na naman niya ang nangyari kanina. Ito ang nagdala ng kamalasan sa araw niya. Biglang sumikdo ang galit sa dibdib niya. Parang may buwanang dalaw siya dahil ang init-init ng dugo niya sa lalaking ito.
Nakita niya itong bumaba ng sasakyan.
Ayaw niya itong makaharap at baka maupakan pa niya ito kaya dali-dali siyang sumakay sa kanyang motor at pilit na pinaandar iyon ngunit sa kamalasan ay ayaw talagang umandar.
Kaya sa bweset niya ay bumaba siya ng motor at sinipa ang gulong nito.
"Kawawang motor." Wika nito nang makalapit at sa motor niya nakatingin.
Nabaling naman ang paningin niya rito.
"Pwede ba huwag kang makialam at umalis ka na. Ikaw ang nagdala ng kamalasan sa araw ko eh."
Hindi naman ito sumagot na para bang hindi siya narinig nito. Imbes na patulan siya ay sumakay ito sa motor niya at sinubukang paandarin ito ngunit hindi pa rin umandar ang motor.
Nawalan na talaga siya ng pag-asa sa buhay. Ang motor na ito lang ang nakatulong sa kanya para ipagpatuloy niya ang pag-o-online selling. Ano na ang gagawin niya kung tuluyan ng susuko ang motor niya? Ang hirap mag-online selling kung walang sariling sasakyan. Ang mahal kasi ng pamasahe kung magcommute siya kapag magde-deliver, siguradong kulang pa ang tubo niya sa pamasahe niya.
Para naman siyang nanghihinang tuod na nakatayo lang at pinapanood ang ginagawa ng lalaki sa motor niya. May kinalikot ito sa saka sinubukang paandarin naman uli. May mga estratehiya ito sa pagpapaandar na sinubukan nito ngunit wala pa ring nangyari hanggang sa wakas ay umandar rin ito.
Parang gusto namang tumalon ni Celestine sa tuwa sa nakita. Iyong kaninang bigat at wala ng pag-asang pakiramdam ay biglang nawala at napalitan ng saya.
Bumaba naman ang lalaki sa motor niya at nagmuwestra na pwede na siyang sumakay. Kaya mabilis siyang sumakay at aalis na sana ng maalala ang kabutihang ginawa ng estrangherong lalaking ito sa kanya.
Hmmm...nakabawi ang unggoy na ito. Sa isip-isip niya.
"Thanks Mr. Pero may utang ka pa rin sa akin dahil nasira mo ang paninda ko." Maiksing pasalamat niya at pinaharurot na ang motor palayo kay Andrew.
Napailing nalang ng ulo si Andrew na sinundan ng tingin ang papalayong dalaga.
Sumakay na rin siya sa kanyang sasakyan at umalis na rin. Kakatagpuin niya ang kaibigang si Eugine sa isang cafe. Medyo late na siya dahil naisipan pa niyang tulungan ang babaeng hindi bukal sa loob magpasalamat.
Kinuha niya ang ID ng babae na inilagay niya kanina sa harapan.
Celestine...