[CHAPTER 7]
◌●◌
MASUSING BINUSISI ni Francine ang pagkakalapat ng grappling hook. Siniguradong naaayon ang posisyon nito sa pagkaka-kabit sa bakal ng rooftop sa building. Mataas-taas din ang kinalalagyan niya. Isang pagkakamali lang paniguradong hindi siya mabubuhay kapag bumagsak sa lapag.
Hindi nakakatulong ang malamig na hangin nang gabing iyon. Inaagaw kase niyon ang konsentrasyon niya sa ginagawa. Hinahangin ang maikli niyang buhok habang ang bangs niya naman ay wala na sa ayos. Ang kamay niya naman ay tila naninigas na dahil sa matinding lamig. Ilang ulit niya pang pinagkikiskis ang palad upang uminit. Muli niyang inaayos ang maskarang suot upang masiguradong maayos ang pagkakalapat niyon at hindi matatanggal kapag bumaba na siya.
Matagal ang naging pagsasanay niya bago payagan ng lolo niya na sumabak sa mahihirap na operasyon. Kontra ang papa niya sa mga ganitong gawain ngunit walang makakapigil sa kanya. Naroon sa pagkatao niya ang layunin na makatulong sa kanilang clan.
Hindi rin habang panahon ay pwede siyang itago ng mga ito sa totoong mundo. Hindi na siya bata para malamang hindi normal ang buhay nila. Maraming gulo na kinakaharap ang pamilya nila. Alam niya ring may mga kalaban ngayon ang papa niya. Habang ang lolo niya naman ay ginagawa ang makakaya upang maprotektahan ang mga nasasakupan. Kaya, sino siya para tumunganga at magbuhay prinsesa?
“I am twenty. I can decide for myself, I guess?” hindi niya siguradong wika bago isuot ang gloves sa kanyang kamay.
Muli niyang sinuri ang lubid na gamit. Hinihila-hila niya iyon upang masiguradong matibay at hindi siya mahuhulog kung sakaling magsimula siyang bumaba. Nasa tenth floor siya at nasa eighth floor ang lugar na kailangan niyang puntahan.
Nagpatihulog siya paibaba nang masugiradong ligtas at maayos ang pagkakatali. Dama niya ang pressure sa kinalalagyan. Parang sumisipol ang hangin at nilalabanan ang kanyang katawan.
Tinanggal ng dalaga ang pagkakasarado ng bintana nang makarating doon. Hindi niya maiwasang huwag mapangisi. Maling-mali na naglagay ang mga ito ng kahit anong daanan na madaling pasukan ng magnanakaw. Pero kahit pa mahirap ang dadaanan niya, hindi rin naman siya susuko. Hahanap pa rin siya ng ruta upang magawa ang hangarin niya.
Ito ang isa sa mga misyon nila ni Eros na hindi siya masyadong nahirapan. Mukha kaseng hindi nag-iisip ang mga kalaban nila. Mukhang baguhan lang ito sa ginagawa at puhunan pa lang ang mayroon sa negosyo.
Mga kompidensyal na papeles, dito lang nila inilalagay? Nakangising tanong niya nang tuluyang makapasok. Hindi ba sila nag-iisip? Sabagay, mas mapapadali ang trabaho ko. Sino ba ako para magreklamo? Pumasok si Francine sa loob ng kwarto nang may pag-iingat. Kung saan-saang bahagi nakakarating ang mga mata niya.
Parang tanggapan ng mga sulat ang lugar dahil sa dami ng mga nakasobre. May mga nakasalansan ding papel sa magkakaibang bahagi. Maaaring front lang ito ng mga kalaban upang hindi paghinalaan ang lugar.
Muli niyang naalala ang naging pag-uusap nila ng ama dahilan para mapahinto sa kinatatayuan.
Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ng dalaga. Iwinaksi ni Francine sa isipan ang mga agam-agam. Hindi makakatulong iyon sa kanyang trabaho.
"Problem?" tanong ni Eros na nasa kabilang linya.
"Pinipilit ako ni Dad na magpa-tattoo kahit maliit lang daw," simple niyang pag-amin.
Tinawanan lang ng nasa kabilang linya ang sinabi niya. "Why don't you say yes to your dad?"
Umiling siya. Alam niyang nakikita siya ni Eros dahil maaaring sa oras na ito at na-hack na ng kaibigan niya ang mga CCTV camera roon.
“Bakit nga?”
“We need to work,” saad niya na lang dito upang makaiwas sa tanong ng kaibigan.
Bakit siya papayag sa isang bagay na wala namang maayos na rason? Katawan niya ang lalagyan ng tattoo kaya may karapatan naman siya sigurong magtanong. Napapagod na rin siyang parating naglilihim ang daddy niya. Malaki na siya. Maiintindihan niya na kung sakaling magsasabi ito.
Sineryoso ni Francine ang trabaho. Ayaw niya nang isipin pa. Nandito siya para sa trabaho hindi para mamroblema. Hindi makakatulong sa kanya ang masyadong pag-iisip.
"Combination..." agad siyang tumingala at nag-isip. "Alam mo 'di ba, Eros?" tanong niya sa kaibigan.
"On it. Give me a minute, I'll find it," sabi nito.
Si Eros ang pangatlong taong pinagkakatiwalaan niya bukod sa ama at lolo niya. Hindi siya nito iniwan lalo na noong mga panahong nangangailangan siya ng makakaramay. Matagal din siyang nawalan ng memorya pero dahil kay Eros kaya maayos siya ngayon. Hindi na mahalaga kung sino siya sa nakaraan. Ang nasa isip niya ngayon ay ang kinabukasan.
Matyaga namang naghintay si Francine. Kailangan kaseng i-tampered sa vault ang parang magnet na hawak niya saka ito kokonekta sa computer ni Eros. Bubusisiin pa iyon ng binata. Aabutin ng ilang minuto depende sa dami ng kailangan nitong daanan. Nasa bahay nila si Eros. Hindi mapapansin ng mga kalaban ang ginagawa nito ngayon dahil sa mga bagong teknolohiya na gamit nila. Doon lamang ang lugar na pwede nitong gawin ang pangha-hack ng walang nakakapansin.
Naririnig ni Francine ang mabilis na pagtitipa ni Eros kahit hearing device lang ang nasa taynga niya.
Kinain na naman si Francine ng malalim na pag-iisip. Nag-aalala siya para sa kalagayan ng lolo na nasa loob ng Fortress. Gusto niya itong kamustahin ngunit hindi niya alam kung papaano. Hinaharang ng Fortress ang komunikasyon sa loob. Hindi pwedeng makausap ang mga nasa labas. Kahit ang lolo niya na isa sa mga makapangyarihang tao ay kailangang sumunod. Isa iyon sa mga batas na hindi niya maintindihan ngunit kailangang gawin para sa ikabubuti ng nakararami.
Bumalik siya sa reyalidad nang sumigaw si Eros.
"Thirteen, forty-three, forty, what a good combi!" Humalakhak pa ito. "He's not thinking, huh?"
Bumusangot si Francine. Kahit naman pag-isipan pa ng pagnanakawan niya ang pagkarami-raming password, kung si Eros naman ang tutulong sa kanyang magbukas, paniguradong mag-aaksaya lang ng oras ang taong mag-iisip. Wala yatang sikreto ang naitatago kay Eros pagdating sa usaping teknolohiya.
"What kind of document?"
"About poisons?"
Hindi na siya sumagot at hinanap ang tinutukoy ni Eros sa loob ng vault. Inabot din siya ng ilang minuto dahil marami-rami iyon.
Kinuha kaagad ni Francine ang folder nang makasiguradong iyon ang kailangan nila.
Papaalis na sana siya roon. Walang balak na magtagal ang dalaga sa loob. Malaking aberya kase kapag nahuli siya. Hangga’t maaari, iiwas siya sa gulo. Hindi pwedeng makilala siya ng kahit sino. Kung mangyayari iyon, kailangan niyang patayin ang taong makakakita sa kanya.
Pero isang folder ang pumukaw sa atensyon ni Francine. Nakahiwalay iyon. Kulay itim na may lining na ginto. Hindi na siya nag-isip pa. Kusang gumalaw ang katawan niya at kinuha ang folder. Binuksan niya kaagad iyon. Kinain na naman siya ng pagiging mausisa.
"Diezel Dela Vega..." kumunot ang noo niya sa nabasa.
"What about him?" tanong kaagad ni Eros sa kabilang linya.
"Mukhang gusto siyang itumba," sagot ni Francine kay Eros ng nagtataka. “Pero bakit naman?”
"Not again! Can you give me some details?"
"Poison, Eros," simple niyang sagot ngunit labis ang pagtataka. “Poison.”
Sumunod namang umagaw sa pansin ni Francine ang tube na may nakasulat na 'antidote'. Kumunot na naman ang noo niya. Bakit may antidote pang kasama kung gusto naman palang patayin ng mga ito si Diezel?
"Ano ang kailangan nila?" hindi niya maintindihang tanong. May mali sa nangyayari. Kung anuman iyon, wala na siyang balak na alamin. Dadagdag na naman ito sa kanyang iisipin.
Pero hindi nakatiis si Francine. Kinuha niya pa rin ang antidote at isinuksok sa bulsa ng kanyang leather jacket. Hindi siya papatulugin ng konsensya kapag may nangyaring hindi maganda sa bunsong Dela Vega. Kung nagkataon man talaga, ibig sabihin may isang buhay na ipinagkatiwala sa kanya. Desisyon niya na lamang kung tutulungan ito o pipiliing magsawalang-kibo.
Binalikan niya ang ginamit kanina para makapasok sa loob ng kwartong iyon. Hinila-hila niya pa ang lubid para suriin kung matibay pa rin ba ang pagkakatali. Nang makasiguradong ganoon pa rin iyon at ligtas siya ay lumabas na ang dalaga ng bintana. Kumapit si Francine sa handle ng grappling hook saka nagpatihulog paibaba...
Sapat lang ang haba ng lubid na iyon para makarating siya sa susunod na bintanang bukas sa ibaba. Iyon kase ang gagamitin niyang escape route sana kung sakaling may makahuli sa kanya. Wala na siyang panahon na bumalik sa itaas at tanggalin ang kalawit ng grappling hook niya. Tumatakbo ang oras. May buhay na nakasalalay sa mga kamay niya.
Dali-dali ang naging pagpanaog niya sa hagdan. Hindi niya na inisip pang magpahinga. Kung maaari lang siyang dumaan sa elevator ay baka mas pinili niya kung saan siya mapapadali. Ngunit hindi niya naman pwedeng gawin iyon. Buhay niya ang malalagay sa panganib. Kailangan niya pa ring mag-ingat.
Kinuha niya kaagad sa bulsa ang susi nang makarating sa pinagparadahan ng kotse niya. Nang makasakay ay kaagad niyang tinawagan ulit si Eros. Ibinato niya rin ang mga nakuhang folder sa passenger seat.
"Find Diezel, Eros, he needs it," seryosong turan ni Francine bago paharurutin ang sasakyan paalis sa lugar. Magkikita na lang sila ni Eros sa lokasyon na sasabihin nito.