Nanatili lamang akong nakatitig sa pinto na kung saan lumabas si Ariane. Ilang araw na nga ba akong nandito sa loob ng silid? Isa, dalawa o mahigit pa? Hindi ko na alam dahil simula noong matapos na ang labanan ay nanatili lamang ako dito sa aking silid at sinulit ang oras na nakahiga ako sa pinakamalambot na kama.
Walang atubiling tumayo na ako sa pagkakaupo at naglakad patungo sa aking banyo. Maliligo muna ako bago humarap sa kanila. Nakakahiya rin kasi sa mga magulang ko na haharap ako ng walang ligo ng ilang araw, at dugyot na dugyot ang pananamit.
Bago ako nakarating sa pinto ng aking banyo ay nadaanan ko muna ang isang malaking salamin. Hindi ko mapigilan ang mapahilamos sa aking mukha nang makita kung gaano kagulo itong buhok ko at ilang marka ng unan sa aking mukha.
Ganito ba ang mukha ko noong kaharap ko si Ariane? Baka pinagtatawanan na ako ng babaeng iyon dahil sa hitsura ko. Hindi ko naman kasi talaga alam na magiging ganito pala ako kapag na sobrahan sa pahinga. Isang marahas na hangin ang aking ibinuga bago ako dumeritso sa banyo. Nang tuluyan na akong makapasok ay hindi ko mapigilan ang hindi malula sa ganda ng buong silid.
Hindi ko inaasahan ang disenyo at ilang kagamitan na narito. Tila ba nasa isa akong lugar na hindi pwedeng hawakan ang kahit na anong bagay na makikita mo dahil sa sobrang mahal nito. Halos lahat yata na naririto ay kumikintab at nakakasilaw. Wala yatang bagay rito na hindi gawa sa ginto at pilak.
Agad kong hinubad ang aking mga damit atsaka nagsimula ng maligo. Lumipas ang ilang sandali at na tapos na rin ako sa wakas. Kinuha ko na ang tuwalya atsaka napatingin sa may pinto na nasa gilid. Pumasok ako roon at nakita ang napakaraming damit na ngayon ko lang nakita.
Paano nagkaroon ng ganitong karaming damit ang isang silid? Seryoso ba ito? Bakit parang pakiramdam ko ay nasa isang panaginip pa rin ako at ayaw akong magising.
Hindi kaya ay talagang patay na talaga ako at panaginip lamang ang lahat ng ito? Huwag naman sana.
Nagsimula na akong pumili ng susuoting damit. Ilang minuto ang nakalipas ay hindi pa rin ako nakakapili dahil sa dami nito. Sobrang ganda nilang lahat at hindi ako sigurado kung ano ang pipiliin ko. Maari ko bang suotin na lang ang lahat? Parang ang sayang kasi ng mga ito.
Patuloy pa rin ako sa pagpili ng damit hanggang sa may na pili na rin ako. Kinuha ko ito ngunit labis ang aking pagkagulat nang bigla na lang itong nawala sa aking kamay. Inilibot ko ang aking paningin ngunit hindi ko pa rin ito nakikita.
Nasaan na kaya iyon? Hindi kaya ay talagang panaginip lamang ang lahat ng ito? Ano ba iyan.
Pipili na sana ako ng panibagong damit nang bigla na lang umilaw ang aking tuwalya at hindi nagtagal ay na palitan na ito ng damit na pinili ko kanina.
Teka.
Ano iyong nangyari? Bakit sobrang mahiwaga nito? Hindi naman sa hindi ako sanay sa mahika pero ngayon ko lang yata nasubukan ito.
Huminga ako ng malalim atsaka hinaplos ang tela ng damit. Sobrang lambot at gaan nito, lumipas ang ilang minuto bago ako nagsawa at napagpasiyahan na lumabas ng silid. Sa paglabas ko ay tamang-tama lang din ang pagbungad ng dalawang malalakas na presensiya sa aking harapan.
"Magandang tanghali, Mahal na Prinsesa,"bati ng mga ito sabay yuko sa aking harapan, "Nasa baba na po ang Mahal na Hari at Reyna, gayun na rin ang iyong mga kaibigan at naghihintay sa inyong presensiya."
Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita. Isa silang mga alipin dito sa aming palasyo? Ang lalakas ng kanilang kakayahan. Sa tingin ko nga ay mas malakas pa sila sa aking kaibigan na si Elfrida.
"Ganoon ba?" Tanong ko sa mga ito.
"Opo, Mahal na Prinsesa,"saad nito.
"Salamat sa inyong dalawa, maari na kayong tumayo riyan,"sabi ko sabay ngiti. Agad na sumunod naman ang mga ito ng walang pagdadalawang isip at tumingin sa akin, "Maari na kayong umalis, kaya ko na rin ang sarili ko pumunta sa baba. Kung may kailangan pa kayong gawin ay ito na ang tamang oras, hindi niyo na ako kailangan pa sundan at pagsilbihan. Kaya ko na naman ang sarili ko."
Tumango lamang ang dalawa atsaka nagpaalam na sa akin. Ngumiti lamang ako at nagsimula ng maglakad. Habang nasa pasilyo ako ay manghang-mangha ako sa ganda ng disenyo. Sobrang lawak ng pasilyo at sobrang ganda. Iyon nga lang at wala akong masiyadong nakikitang tao o kawal o kahit mga alipin man lang na naglilinis.
Ito lang yata ang kaharian na sa tingin ko ay walang bantay sa bawat sulok ng palasyo. Tila ba ay hindi nila kailangan ng mga bantay, iyong ang hari at reyna rito ay hindi man lang nanganganib ang buhay.
Ang aking ina at ama ay isa sa mga makapangyarihang tao sa buong kontinente. Kung kaya ay marami talaga ang nagbabalak na kalabanin sila, labis lamang ang aking pagtataka kung bakit walang masiyadong bantay rito.
Patuloy lamang ako sa paglalakad nang bigla na lamang akong nakarinig ng sobrang lakas na pagsabog sa labas ng palasyo. Hindi mapigilan ng aking mga mata ang lumaki nang bigla ko na lang naalala ang mga pagsabog noong nakipagdigmaan pa kami.
Huwag mong sabihin na may digmaan na naman na nagaganap dito sa aming kaharian? Ano na naman ba ito? Sino na naman ba?
Akala ko ba ay wala akong dapat ipag-alala? Akala ko ba ay tapos na ang lahat? Bakit nakarinig na lamang ako ng malakas na pagsabog sa labas? Huwag nilang sabihin na ang totoo niyan ay hindi pa talaga namin na talo ang aming kalaban? Ibig sabihin ba nito ay panibagong sakripisyo na naman ang mangyayari?
Bigla kong naalala ang mga katawan ng mga kaklase ko na nakahandusay sa sahig at wala ng buhay. Punong-puno ng dugo ang kanilang mga damit.
Hindi.
Hindi maari. Hindi ako papayag na muli itong mangyari.
Naramdaman ko na lang ang pag-init ng aking katawan at pagbabago ng kulay ng aking mga mata.