Chapter 8

1002 Words
DUMATING ang araw ng paghaharap ng mga magulang namin ni Roselle. Hindi namin kasama si Yasmin dahil may tinatapos silang project ng mga kaklase niya. Nag-tricycle kami papunta rito at sarado ang front door ng bahay nila. Sarado rin ang gate. Seryoso ang mukha ni Nanay pero halata na ayaw niyang makipag-usap. Si Tatay naman ay kalmado. Sabi niya sa ’kin kagabi, kung ano’ng maging desisyon ko ay igagalang niya. Pinindot ko ang doorbell at naghintay na pagbuksan kami. Maya-maya’y lumabas ang isang dalagita at binuksan ang gate. “Ikaw si Kuya Wulf?” tanong niya sa ’kin. Tumango ako at bahagyang ngumiti. “Pasok po kayo.” Nagpasalamat ako at ang aking mga magulang. Kamukha ng dalagita si Roselle kaya ito siguro ang isa sa nakababata niyang kapatid. Nang makarating kami sa loob ay pinaupo niya kami saglit at binigyan ng maiinom. Tahimik ang buong kabahayan. Para bang nagbabadya ng isang surpresa. “Narito na pala kayo. Salamat sa pagpunta,” walang emosyon na bati sa ’min ni Mrs. Fernandez. Alam kong hindi siya natutuwa na buntis ang anak niya pero siya ang nag-imbita sa amin dito para mapag-usapan ang gagawin. Ngayon ko lang siya nakita at nakaharap dahil sa maraming beses na pagpunta ko rito sa kanila ay lagi siyang wala pati ang iba niyang anak. Sa litrato ko lang siya nakita pero sa personal pala ay parang kapatid lang siya ni Roselle kung pagtatabihin sila. “Carmela, tawagin mo nga ang ate mo at sabihing narito na ang bisita niya.” Hindi nagtagal at lumabas na si Roselle ng silid. Hindi siya nagmano sa mga magulang ko pero tumabi siya sa akin. Nakita ko pa ang dumaan na inis sa mga mata ni Nanay. Palagi niyang sinasabi na magiging impiyerno ang buhay ko kapag si Roselle ang naging asawa ko. Kapag ganoon ang kanyang sinasabi, tumatahimik na lang ako. Hindi ko rin ipinaalam sa kanya ang nalaman ko mula kay Ryan dahil lalo lang siyang magagalit. “Buntis ang anak ko, ano’ng plano mong gawin? Ano’ng pangalan mo pala? Ni hindi kita nakitang umakyat ng ligaw dito sa bahay. Ganyan na ba ang ang mga kabataan ngayon? Sa kalye na lang,” patutsada ni Mrs. Fernandez. Umismid si Nanay. “Wulfric ang pangalan ng anak ko at hindi ko siya tinuruang manligaw sa kalye. Pero kung ang palay ang lumalapit sa manok, mahirap tanggihan.” Sinulyapan niya si Roselle at saka ibinalik ang tingin sa kausap. “Misis, alam n’yo naman siguro na pumupunta sa bar ang anak n’yo?” “Oo. Alam ko. Normal ’yon sa mga babaeng ka-edad niya. Mas may-edad ka sa ’kin kaya siguro noong araw iba ang nakamulatan n’yo. Moderno na ang panahon ngayon.” “Hindi mahalaga kung noon o ngayon ang nakasanayan. Ang mahalaga, may respeto sa sarili ang isang babae.” “Sinasabi mo bang walang respeto sa sarili ang anak ko?” Tumalim ang mga mata ng ina ni Roselle. Nakita ko ang namumuong galit sa mga mata niya. “Wala akong sinabi. Sa ’yo nanggaling ’yan.” Bahagyang napaismid si Nanay. “Ngayong buntis ang anak ko, ano ang plano n’yo?” Tumingin siya sa ’kin pagkatapos ay sa mga magulang ko bago bumalik sa akin. Tumikhim ako. “Pananagutan ko ang bata. Hindi ko tatakbuhan ang responsibilidad ko.” “At ang anak ko? Hindi mo pakakasalan?” Halos magdikit ang kilay niya nang marinig ang sagot ko. “Hindi po.” “Ano? Nagbibiro ka ba? I don’t appreciate this even if you are joking,” galit na wika niya. “Hindi nila kailangang magpakasal dahil wala silang relasyon. At isa pa, ayaw kong insultuhin ka, pero paano namin malalaman na sa anak ko ang ipinagbubuntis ng anak mo?” Matapang si Nanay pero namimili ng laban. Ginagawa niya ito para sa akin. “Walang relasyon? E, paano nabuntis ang anak ko?” “Malay ko. Itanong mo sa kanya! ’Yang anak mo naman ang habol nang habol sa anak ko.” Kinapitan ko ang kamay ni Nanay para pakalmahin siya. “Kaya kami nagpunta rito dahil ipinapatawag mo ang anak ko at kaming mga magulang niya. Wala kaming pinag-usapan na kailangan kong ipakasal ang anak ko sa anak mo dahil buntis siya. Nag-aaral pa ang anak ko katulad ng anak mo. Ano sa tingin mo ang magiging buhay nila na magkasama?” “Problema na nila ’yon. Ang mahalaga, hindi maging dalagang ina ang anak ko at lumaking bastardo ang apo ko.” Nakipagtagisan ng tingin si Nanay sa kanya. “Ina ka rin. Alam mo kung gaano kahirap ang pagdadaanan nila. Hindi sila magkakilala ’tapos ikukulong mo sa kasal dahil lang sa bata? Ikaw na rin ang nagsabi na moderno na ang panahon ngayon. At sa panahon ngayon, hindi na kailangang magpakasal dahil lang nabuntis. Ikinalulungkot ko pero hindi ako makapapayag na ikasal sila.” “Kung ayaw n’yong makasal ang dalawa, wala akong magagawa. Hindi ko ipipilit ang anak ko. Makakaalis na kayo kung gano’n,” taboy niya sa ’min. Tumayo siya at itinuro ang pinto kaya tumindig na rin kami nina Nanay. Ayaw kong manatili rito kahit ilang segundo pa. Pero si Roselle ay biglang humagulhol nang magsimula kaming humakbang. “Please, Wulf. Stay. Let’s talk about it. Huwag mo naman akong iwan na ganito.” Garalgal ang boses niya at halos hindi ko maintindihan ang sinasabi. Kahit paano ay nakadama ako ng awa sa kanya sa kabila ng aking mga pagdududa. Nagtatalo ang loob ko. Ano ba ang dapat kong gawin? Nagkatinginan kami ni Nanay at sa pagkakataon na ito ay hindi ko alam kung tama bang umalis na kami at saka na lang pag-usapan ang gagawin sa bata. Naisip ko rin na baka hindi ito ang tamang oras para mag-usap kaming lahat dahil mataas ang emosyon. “Sa ibang araw na lang tayo mag-usap, Roselle. Hindi ko naman pababayaan ang bata.” Nagpahid siya ng luha at saka tumitig sa mga mata ko. “Kapag hindi tayo nagpakasal, magpapakamatay ako.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD