"Nakita mo diba? Nakita mo na hindi ako ang tumulak kay Kuya diba?!" Galit na pagsusumamo ng binatilyong si Rene John.
Pero gaya kanina ngiting nakakaloko lang ang sinagot ng kausap.
"M-Mae". Bulong ng binatilyo na tila naguguluhan sa inaakto ng dalagita.
"Ano naman ngayon kung nakita ko? Wala akong pakialam sa buhay mo o ng kahit na sino, sa susunod na haharangin mo dinadaanan ko baka sumunod ka na sa Kuya mo." Mataray na sabi ng dalagita bago iwinakli ang dalawang kamay ng binatilyo na nakapatong sa balikat niya at nagpatuloy sa paglalakad.
Naiwan ang naguguluhang si Rene John.
Akala niya matutulungan siya ng dalagita na malinis ang pangalan niya sa pamilya niya. Pero bakit ginagawa ito ng dalaga sa kanya? Bakit ayaw siyang tulungan nito? Nakalimutan na ba nito ang pagkakaibigan nila? O ang nararamdaman nila sa isa't-isa? Akala niya pareho sila ng nararamdaman, O baka... Akala lang niya ang lahat?
Kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan, ay ang pag-agos din ng mga luha sa mga mata na kanina pa niya pinipigilan.
Saan ba siya nasasaktan? Sa hindi siya matulungan nito o sa isipin na baka siya lang pala ang nagmamahal dito at wala pala itong nararamdaman para sa kanya?
Mas lalo siyang napaiyak sa isiping iyon. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad.
Akala niya masakit na ang puntong pinagbintangan siya ng sarili niyang pamilya, pero mas masakit pala kapag tinalikuran ka ng babaeng ni sa panaginip hindi niya inisip na tatalikuran siya.
Nang makita niya ang isang truck na sobrang bilis na minamaneho ay wala sa katinuan na naglakad siya papunta sa gitna ng kalsada.
"Kung wala man lang din maniniwala sa akin, mas mabuti pa na mawala na lang din ako. Hindi ako mamamatay tao, hindi ako ang pumatay kay Kuya." Umiiyak na sambit niya habang nakatingin sa sasakyan na bumubusina papunta sa kanya, hindi ito makapreno dahil sa sobrang dulas ng daan.
Nang papalapit na sa kanya ang sasakyan ay pumikit siya.
"Hanggang sa muli." Bulong niya pa.