NANG magising si Selena ay nasa loob na siya ng isang kotse na hindi pamilyar sa kanya. Nakagapos na rin ang kanyang mga kamay at may busal ng tela ang bibig. Subalit nanlaki ang mga mata niya sa dalawang taong nakaupo sa unahan ng kotse.
"Ano ka ba, Max! Pagkakataon mo na 'to! Hindi ba matagal na naging gusto na mawala sa buhay mo 'yang asawa mo? Ito na 'yun, Max! Ito na 'yun!" rinig na rinig niyang usal mula sa likod ng sasakyan. At pakiwari niya ay siya rin 'yung babaeng kalaguyo ng asawa.
"Alam ko, Olivia! Pero hindi mo pa rin maalis sa 'kin na hindi maawa sa kanya dahil asawa ko pa rin siya!"
Nang banggitin ni Max ang pangalan ng babaeng kausap ay nagtaka siya. Kung hindi kasi siya nagkakamali, Olivia Sandoval ang may-ari ng kompanyang pinagtatrabahuhan ng asawa.
"O-Olivia Sandoval? K-kung gano'n, siya ang babae ng asawa ko?" Tuluyan ng lumandas ang mga luha mula sa kanyang mga mata kasabay ng sobrang sakit sa dibdib na nararamdaman. "P-paano mo 'to nagawa sa 'kin, Max? Paano?" tila sinaksak siya ng sampung beses ng isang matalim na bagay sa kanyang dibdib. Pakiramdam niya ay mauubusan na siya ng hininga sa sobrang sakit na nararamdaman.
Hanggang sa hindi na niya kinaya pa ang sakit at poot na nararamdaman kaya't umungol na siya para mapansin siya ng dalawa. Gusto niyang sugurin ang dalawa pero hindi niya magawa dahil nakatali ang katawan at kamay niya habang nakakubling higa mula sa likod.
Ilang saglit lang ay narinig na ng dalawa ang ungol niya kaya't mabilis na itinigil ni Max ang sasakyan. Pagkatapos ay nilingon siya nito. Nakatingin na rin ang babaeng kasama ni Max sa kanya na may mapait pang ngiti mula sa labi nito.
"Oh, gising na pala ang asawa mo, Max," nanunuya pa nitong usal na may mapait na tawa. Pagkatapos ay bahagya itong lumapit kay Selena at tinanggal ang busal sa bibig nito.
"Hayop kang babae ka!" agad na bungad niya sa matinding galit na nararamdaman. Pagkatapos ay ibinaling niya ang paningin sa asawa na tila hindi na mapalagay. "Hayop ka, Max! Mga hayop kayo! Pakawalan niyo ako dito! Ang baboy niyo! Ang sasama niyo!"
"I'm so sorry, Selena!" mangiyak-ngiyak na usal ni Max sa asawa.
"Hayop ka, Max! Mga demonyo kayo! Paano niyo 'to nagawa sa 'kin?" galit na galit niyang usal habang pilit na nagpupumiglas sa mga tali sa katawan. Gusto niyang sugurin si Max at saktan pati ang babae nito. Subalit kahit anong gawin niya ay hindi siya makawala sa higpit ng tali na ginawa ng dalawa.
Humalakhak ng tawa ang babaeng kasama ni Max. Pagkatapos ay gigil siyang pinisil nito sa baba habang nanunuya ang mga mata.
"Akala mo ba makakawala ka mula sa pagkakataling 'yan? Hindi, Selena! Kaya't kung ako sa 'yo, magdasal ka na dahil mawawala ka na sa landas namin ni Max!"
Matapos sabihin iyon ni Olivia ay iwinaksi niya ang baba ni Selena ng malakas. Kaya't lalong nagalit si Selena.
"Hayop ka! Kapag nakawala ako dito, magbabayad kayo!" Idedemanda ko kayo!"
Subalit tila hindi man lang natinag si Olivia. Tinawanan pa siya nito na tila nang-iinsulto.
"Sa tingin mo ba, makakatakas ka pa? Gaga! Mamatay ka na kaya 'wag ka ng umasa!"
"Olivia! Hindi ko kayang patayin ang asawa ko! Pwede naman natin siyang iwan na lang at magpakalayo-layo na lang, hindi ba? 'Wag na sanang umabot pa sa ganito," usal ni Max kay Olivia.
Subalit binalingan siya ng mapait na titig ni Olivia.
"Susunod ka ba sa plano o babawiin ko ang lahat na mayroon ka?" madiing tanong nito na may nanlilisik na mga mata. "Ikaw naman ang may gusto nito, hindi ba? Ikaw din ang nag-plano nito! Baka nakakalimutan mo, Max! Kung hindi dahil sa 'kin, wala ka sa posisyon mo ngayon! Kung hindi dahil sa 'kin, hindi ko makukuha ang lahat ng gusto mo!"
"Ngayon, susunod ka sa plano o sisiguraduhin kong sa kangkungan ang bagsak mo?"
Nang marinig iyon ni Selena ay tila pinagsakluban siya ng langit at lupa. Matagal na palang pinag-planuhan ng dalawa ang pagpatay sa kanya. Napatingin siya sa asawa at umaasa na magbabago ang pasya nito. Subalit nagkamali siya.
"P-patawad, Selena!" lumuluha na nitong usal.
Kaya't halos mawalan na naman siya ng hininga dahil sa sakit na nararamdaman. Tanging hagulgol na lamang ng iyak ang nagawa niya mula sa sinabi ng asawa. At ilang saglit pa'y ibinalik ni Olivia ang busal sa kanyang bibig. Hindi pa ito nakuntento. Kumuha pa ito ng packaging tape at tinakpan pa ang bibig niya.
"Good bye, Selena!" nanunuya pa nitong tugon na may mapait na tawa bago bumalik sa kanyang pwesto. "Let's go, Max!"
Tanging narinig na lamang niya na sinabi ni Olivia bago pinaandar ulit ni Max ang sasakyan. Nagpupumilit pa rin siyang makawala pero hindi niya talaga magawa. Marami pa siyang gustong sabihin sa dalawa. Gusto niya pa itong saktan at murahin nang murahin pero hindi siya makagalaw at makapagsalita.
Wala ring patid ang mga luha na kumakawala sa kanyang mga mata. Takot na takot na rin siya sa maaaring mangyari sa kanya. Gusto niya pang mabuhay. Gusto niya pang maging masaya kahit wala na si Max sa piling niya. Pero paano niya magagawa iyon kung mamatay na siya.
Matapos ang halos isa't kalahating oras ay naramdaman niyang tumigil ang sasakyan. Pagkatapos ay sabay na bumaba ng kotse sina Olivia at Max. Hindi niya rin masilip kung nasaan sila. Nanginginig na rin ang buong katawan niya dahil sa takot sa taong pinagkatiwalaan niya ng husto.
Ilang sandali lang ay naramdaman niyang tila umaandar ang sasakyan. Wala naman driver.
"A-anong nangyayari?" tanong niya sa kanyang isipan. Gusto niyang sumigaw para humingi ng tulong. Pero walang boses ang lumalabas sa bibig niya dahil may busal ito. Halos wala na ring tigil ang kaba na nararamdaman niya dahil pakiramdam niya ay katapusan niya na talaga.
Ilang saglit pa ay nararamdaman niyang muli na tila nahuhulog na ang sasakyan. Hindi nga siya nagkamali. Tuluyan na nga itong nahulog at bumagsak sa tubig.