CHAPTER TWELVE
“KAMUSTA NA siya, Granny?”
Bakas ang pag-aalala sa boses ni Ceddie nang salubungin sila ni Selina sa hallway na katapat ng hospital room.
Tatlong araw lang ang lumipas ay tinawagan sila ni Selina upang ipaalam na inatake sa puso ang kanilang Lolo at isinugod ito sa ospital.
“Nandito. Wala pa rin siyang malay pero ang sabi ng Doctor baka magising na raw siya mamaya,” sagot ni Selina na mangiyak- ngiyak.
Agad itong niyakap ni Ceddie at hinalikan sa buhok.
“He'll be fine, Granny. Kilala natin si Lolo, malakas siya.”
Nang yayain sila nitong pumasok sa loob ay hinawakan ni Ceddie nang mahigpit ang kamay niya. Nandoon na rin sina Amanda at Raffy na magkatabing nakaupo sa sofa at nakaupo naman sa tapat ng mga ito si Maggie na may katabing matandang lalaki. Magkausap naman sina Ziggy at hindi niya kilalang lalaki sa tabi ng pintuan. Nang makita siya nito ay napatayo ito habang nanlilisik ang mga mata.
“Ikaw! Ikaw ang may kasalanan kung bakit inatake sa puso si Don Alejandro!”
Agad naman siyang kinabig ni Ceddie palapit dito.
“Hanggang dito pa ba naman, Maggie, manggugulo ka?”
“Maggie, ano ka ba? Nasa'n ang manners mo?” saway ni Selina dito na pumagitna.
“Hindi na dapat isinama ni Ceddie ang babaeng 'yan dito. Pa'no kung magising na si Lolo at makita siya? Tiyak na lalong lalala ang kalagayan niya!”
“Menandro, sawayin mo naman 'yang apo mo,” sabi pa ng ginang sa matandang nananahimik lang.
“Maggie, sit down. Ikaw ang nagpapalala sa sitwasyon dahil sa inaasta mo,” sabi naman ng matandang lalaki.
Pabagsak na umupo naman ang dalaga sa tabi nito.
“Si Papa, gising na siya!” sabi naman ni Amanda at agad na tumakbo sa tabi ni Don Alejandro.
HINDI GUSTO ni Chelle ang nararamdaman niya. Nasa labas siya ng hospital room kasama sina Amanda at Raffy dahil gusto raw makausap ni Don Alejandro si Ceddie kasama si Selina. Medyo nagulat lang siya nang magpasyang magpaalam sina Maggie at ang lolo nito.
“Ano na kaya ang pinag- uusapan nila sa loob?” mahinang sabi ni Amanda.
“Hindi ko alam, Ma. Sana walang gawin si Lolo para manipulahin na naman tayo dahil sa kalagayan niya,” seryosong sagot ni Raffy.
“Rafael! Bakit mo nasasabi ang bagay na ganyan?” nanlaki ang mga matang sabi ni Amanda.
“Ma, kilala naman natin si Lolo. Lahat kaya niyang gawin. But don't get me wrong. I was worried to death sa nangyari sa kanya. Mahal ko si Lolo alam niyo 'yan.”
Mariing napapikit si Chelle. Kung may katotohanan ang sinabi ni Raffy, may posibilidad na gamitin ni Don Alejandro ang kalagayan nito para lalo silang paghiwalayin.
Mahal na mahal niya si Ceddie pero hindi naman yata niya kakayanin na may pamilyang tuluyang masisira nang dahil lang sa kanya.
Parang napakatagal ng dalawampung minutong pag-uusap na iyon ng mag-lolo. Nang lumabas sina Selina at Ceddie ay kapwa tahimik lang ang mga ito.
“Ma, Kuya, kayo naman ang gustong makausap ni Lolo,” sabi nito.
Pinisil ni Amanda ang balikat niya bago tahimik na pumasok ang mga ito. Si Ceddie naman ang pumalit sa pwestong iniwan ni Amanda.
Kinabig siya nito at isinandal sa dibdib nito sabay halik sa buhok niya.
“K-kamusta?” mahina niyang tanong.
“Kahit ano'ng mangyari, walang iwanan, ha?” sa halip ay sabi nito.
“Pangako. Kahit na anong mangyari walang iwanan,” sabi niya kasabay ng pag-iinit ng mga mata niya.
Wala pang sampung minuto ay magkasunod nang lumabas ng hospital room sina Amanda at Raffy. Ang huli ay abala pa sa pagdial sa cellphone nito at pagkatapos ay itinapat iyon sa tenga nito.
“Pa, nasa'n ka?”
“Chelle, kung pwede raw sanang makausap ka ni Papa?”
Pareho silang nagulat ni Ceddie sa sinabing iyon ni Amanda na nakatayo sa harap nila kaya naman napaayos sila ng upo.
“Bakit, Ma? Ano'ng kailangan ni Lolo sa asawa ko?” tanong ni Ceddie at naramdaman niyang humigpit ang pagkakaakbay nito sa kanya.
“Hindi ko alam pero mukhang importante. Sige na, Chelle. Wala namang masama kung pagbibigyan mo ang kahilingan ng Papa.” Nakakapagtaka na nakangiti pa si Amanda.
“Sasamahan ko siya.”
“Hindi, Ceddie, ako na lang mag- isa,” sabi naman niya.
“Sigurado ka ba?” hindi- kumbinsidong tanong pa nito.
“Kaya ko ang sarili ko. Tama si Mama. Walang masama kung makikipag- usap ako kay Don Alejandro.”
“Good luck, hija. Kaya mo 'yan,” sabi naman ni Selina nang pisilin ang kamay niya.
Nginitian niya ito at pagkatapos ay tahimik na pumasok ng silid. Sina Ziggy at ang lalaking ngayon ay kilala na niya na ama pala nito ay tahimik lang na nakaupo sa sofa at kapwa nag- iisip. Tinanguan lang siya nito nang magkatinginan sila. Habang papalapit siya sa kama ng matandang Montreal ay abot- abot ang kaba sa dibdib niya.
Handa ba siya sa mga maririnig niya? Ano'ng pagtitimpi pa ang gagawin niya para lang hindi lalong mapasama ang kalagayan nito? Nagdasal na lamang siya sa Itaas na sana ay ituro sa kanya ang dapat gawin.
“Hindi ko inaasahan na makikita kita dito,” sabi sa kanya ng don at hindi niya mapigilang mahabag dito. Mahinang- mahina ito at kung anu- ano ang nakakabit dito.
“Sa maniwala kayo at sa hindi, nag- aalala rin po ako sa inyo,” sagot niya.
“Hindi mo hiniling na sana ay matuluyan na ako?”
Gulat na napatitig siya dito. “Hindi po ako gano'ng klaseng tao. Kahit kailan ay hindi ko inisip ang anumang makakasama sa kapwa ko. Ano po ba ang dahilan niyo at kinausap niyo pa 'ko? Iinsultuhin niyo na naman po ba ang hanap- buhay ko?”
“Talaga bang hindi mo hihiwalayan ang apo ko?”
Natigilan siya. Sinasabi na nga ba niya.
“A-alam ko na po ang lahat. Sinabi na sa 'kin ni Ceddie ang nangyari sa pamilya ninyo. Alam ko rin kung gaano nila kagusto na tanggapin niyo ulit lalong- lalo na sa nangyari ngayon sa inyo. Hindi nila kayo matitiis kasi mahal na mahal nila kayo. Magiging masaya ako kung magkakaayos na kayo. At kung iniisip niyong gawing dahilan 'yon para layuan siya...”
Isipin pa lang niyang makikipaghiwalay siya kay Ceddie ay sinasaksak na siya pero kung iyon lang ang tanging paraan para magkaayos ang isang nagkasirang pamilya sa loob ng matagal na panahon...makakaya ba niyang ipagkait iyon sa lalaking mahal niya?
“Masyado ko pong mahal si Ceddie. Pero kung iyon ang--”
“Sampung milyon,” putol nito kaya natigilan siya.
“Hindi niyo na 'ko kailangang bayaran pa.”
“Labinlimang milyon.”
“Kakasabi ko lang na--”
“Sapat na ba 'yon para mapaaga ang araw ng kasal ninyo?”
Doon na umagos ang mga luha niya. Hinawakan niya ang kamay nito at napaluhod habang yumuyugyog ang kanyang mga balikat.
“Hindi lahat ng tao ay kasing palad ko na umabot sa ganitong edad at mabigyan ng pagkakataong maitama ang kanyang mga pagkakamali. Sana ay hindi pa huli ang lahat. Gusto kong makitang sumaya ang mga apo ko hanggang sa huling mga sandali ng buhay ko. Hindi nagkamali si Ceddie na ipaglaban ang katulad mo. Hanggang kanina ay ipinaglalaban niya ang pagmamahal niya sa'yo. Alam ko nang wala na akong magagawa para mabago ang isip niya kaya hiling ko na lang ang kaligayahan niya. Ang mga apo ko ang kayamanan ko, hija. Ingatan mo si Ceddie para sa akin.”
“Don Alejandro...tama ako. Hindi nga kayo masamang tao...Salamat...maraming- maraming salamat...Hindi ko kayo bibiguin.”
“Lolo na lang ang itawag mo sa 'kin.”
***
“NO MATTER what you do, yeah...”
Mula sa kusina ay dinig na dinig ni Chelle ang boses ni Cedfrey habang abala siya sa pag- aayos ng plating ng niluto niyang chicken and tuna salad.
“Oh, I'll be there for you!”
Natawa siya nang mahina at umiling- iling. Ang ganda talaga hindi lang ng speaking voice nito kundi maging singing voice na rin.
“And everytime you close your eyes, I will be by your side...”
At ilang sandali lang ay naramdaman na niya ang presensiya nito sa likuran niya.
“'Cause everytime you make me sing. Baby, I will be your everything...”
Napahawak siya sa braso nito nang yakapin siya nito mula sa likuran at kinuha ang tatlong pink na rosas na hawak nito na siyang paborito niya.
“I'll be your shelter, I'll be your storm...”
Pansamantala niyang itinigil ang ginagawa at sumandal dito.
“I'll make you shiver, I'll keep you warm. Whatever weather, baby, I'm yours.”
Pagkatapos ay pinaharap siya nito at awtomatikong napahawak siya sa mga balikat nito.
“Be your forever, be your fling. Baby, I will be your everything.”
“'Ayan tayo, Mister ko, eh,” nangingiting sabi niya habang magkadikit ang mga noo nila.
“Nagustuhan mo ba, Misis ko?”
“'Yong tula? Maganda siya.”
“Hindi 'yon tula. Kanta 'yon.”
“Ah, kanta pala. Pasensiya na. Hindi ko nahalata, eh. Hindi ko alam na kumakanta ka pala. Akala ko may nire- recite ka lang na kung anong poem. Sorry,” sabi niya at binuntutan pa iyon ng hagikhik.
“Misis naman, eh,” kunwari ay ingos nito.
“Ikaw naman kasi ang dami mong naiisip na kalokohan, eh. Baka nagugutom na 'yong mga tao sa labas, halika na.”
Isang buwan na matapos ang kanilang kasal at isang buwan na simula nang lumipat sila sa bahay na binili ni Ceddie. Doon na rin tumira si Aling Cynthia kagaya ng kagustuhan ni Chelle at in fairness sa asawa niya, tuwang- tuwa naman ito sa ideya.
Nang araw na iyon ay naghanda sila ng lunch para sa buong pamilya ni Ceddie bilang isang simpleng get- together. Siyempre hindi pwedeng mawala si Selina at si Don Alejandro na naka- wheelchair na.
Lahat sila masaya. Iyon bang parang walang nangyari thirty years ago at para lang silang typical na pamilya. Masaya at maraming kwentuhan kapag nagtipon.
“Kaya naman pala. Excited nang kumain ang lahat pero nandito pa rin kayong dalawa,” sabi ni Cynthia na may mapanuksong ngiti habang nakatayo sa may entrance ng kusina.
“Sorry, Nay. Hindi ko lang talaga matiis ang asawa ko,” sagot naman ni Ceddie.
“Ako na nga lang ang magdadala nito,” sabi nito at kinuha ang salad. “Kayong dalawa sumunod na kayo, ha.”
“Opo, Nay,” tugon naman niya.
“Pwede bang mamaya na?” hirit naman ni Ceddie nang makaalis na ang Nanay niya.
“Ano'ng mamaya na? Tiyak na hahanapin nila tayo kaya tara na.”
“I love you, Mrs. San Diego.”
“I love you, too, Mr. San Diego.”
Magkaakbay silang lumabas sa balkonahe kung saan naka- set up na ang mesa.
“Parang narinig kong umiiyak si Ceddie kanina,” si Raffy na katabi si Jasmine na ngayon ay nobya na nito.
“Umiiyak ba? Akala ko nagwawala,” sabi naman ng huli.
“Kumakanta nga sabi ako, eh,” giit naman ng asawa niya.
“Kamusta po, Lolo? Ayos ba 'yong luto ko?” tanong naman ni Chelle kay Don Alejandro na inaalalayan pa ni Selina sa pagkain.
Sumenyas pa ito ng thumbs up kaya napangiti siya.
“Parang luto ng maganda kong asawa.”
“Ang matandang 'to kahit kailan bolero,” kunwari ay pakli ni Selina pero ngiting- ngiti naman ito.
“Ngayon alam niyo na kung kanino kayo nagmana,” ani Amanda na katabi naman ni Jasmine.
“Kaya ka pala bolera, Hon,” sabi naman ni Antonio.
“Shut up, Hon.”
“Sandali may isa pa 'kong request,” si Don Alejandro kaya naman natahimik sila sandali nang napatingin dito. “Pwede bang mag- group selfie tayo? Pang- IG lang.”
*END*