MARIEL PENINCULA
"Bitiwan n'yo ko! Mga amoy laman lupa!" tinitigan ko sila ng masama pero s'yempre wala rin namang effect 'yon sa kanila.
Sino ba naman ako para katakutan nila 'di ba? Ako lang naman ang hinahabol nila at gusto nilang makuha kanina pa.
Nakakaasar!
Naging kampante kasi ako kanina kaya hindi ko namalayan na nakalapit na pala sa akin ang mga amoy putok na 'to. 'Yong tipong nanghihina na ko pero mas lalo akong nakakaramdam ng panghihina dahil sa baho ng amoy nila. Konti na lang ay mahihimatay na ko sa amoy putok nilang pagkatao.
Hindi ba nila naaamoy 'yon? Tsk!
"Sumama ka na sa amin. Pinahirapan mo kami sa kakahanap sa 'yo kaya pahihirapan ka rin namin mamaya!"
Bigla na lang nila kong kinaladkad papasok ng kotse nila.
"Ouch! Grabe makahawak ah. Huwagas kung huwagas!"
Hindi ako makasigaw ng mas malakas dahil tiyak na sasaktan nila ako ng todo. Ang pag-asa ko na lang ay kung may mapadaang tao rito. Napapakagat labi na lang ako sa tuwing didiinan nila ng husto ang pagkakahawak nila sa dalawang braso ko.
Nanggigil ako sa kanila dahil napaka kinis ng balat ko at sinusugatan lang nila ngayon. Ito na nga lang ang maipagmamalaki ko kahit mahirap lang ako. Tsk!
Pasimple akong tumingin sa paligid habang hinihila pa rin nila ko papunta sa kotse nila. Med'yo malayo kasi ang sasakyan nila sa kinalalagyan namin ngayon dahil malayo-layo na rin ang tinakbo ko sa kanila.
Nakakainis talaga dahil wala man nadaan na tao at puro sasakyan lang.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko. Parang naiiyak na tuloy ako sa sitwasyon ko ngayon dahil hindi talaga ako makawala sa kanila. Ito na yata 'yong panahon na wala na kong kawala sa kanila.
Bye universe! Shet! Hindi ko pa nahahanap ang kuya ko!
Nakikita ko ang sasakyan ng mga humihila sa akin pero pare-pareho kaming natigilan nang bigla na lang may humintong van sa harapan naming lahat.
Hala! Shet! Kasamahan pa yata nila 'to. Mas lalo akong walang kawala at pagkatapos, pinaaga pa nila pagsakay ko sa sasakyan nila. Mga mautak din talaga.
Bumukas ang pinto ng van at nagtataka ako dahil mas lalong humigpit ang pagkakahawak nila sa dalawang braso ko. Muntikan na nga akong mapasigaw ulit dahil sa sakit at may nakikita na rin akong dugo sa magkabilang braso ko na hawak nila pero naudlot din ang pagsigaw ko dahil nakuha ang atensiyon ko sa mga taong bumaba ng van.
Wait. Familiar 'tong mga 'to sa 'kin. Sila 'yong kasama ng bata kanina!
"Bitiwan n'yo 'yong babae kung ayaw n'yong mamatay ng maaga."
Natigilan ako nang bigla na lang nilang tinutukan ng baril 'yong mga lalaking may hawak sa akin.
Nanginig ako bigla sa kinatatayuan ko at bumilis din ang t***k ng puso ko dahil kaba.
Shet! Mapapaaga pa 'yong buhay ko. Paano ba ko napunta sa ganitong sitwasyon?!
Nagpalipat-lipat ang paningin ko sa direksiyon ng mga tao na may hawak sa akin at sa direksiyon ng mga tao na nasa harapan namin ngayon.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko dahil hindi rin naman ako makatakbo. Wala akong magawa kundi pakinggan lang ang usapin nila habang nasa pagitan nila ako.
Shet! Kung maglalabas din ng baril itong may hawak sa akin ay baka ako na talaga ang unang matamaan. Mukha ba kong hayop para makaranas ng ganito sa kanila?!
Hindi ko alam kung masuwerte ako at may choice pa kong mamili kung kaninong panig ako magpapabaril ngayon.
Lumipas ang ilang minuto at nagtitigan lang silang lahat sa isa't isa. Wala ni isang kumilos sa kanila pero nakarinig ako ng pagkasa ng baril mula sa loob ng van.
Narinig din 'yon ng mga lalaking may hawak sa akin ngayon at sa isang iglap ay bigla na lang nila kong binitiwan. Pagkatapos bigla na lang silang tumakbo.
Nabigla ako sa sobrang bilis ng pangyayari kaya napatingin na lang din ako sa kanila habang tumatakbo sila palayo sa akin.
Waah! Teka! Sandali! P'wede bang makitakbo na lang din katulad nila?! Bakit sa akin pa rin nakatutok ang baril ng mga 'to?!
"Ahm, p'wede na po ba kong umalis? May gagawin pa kasi ako." Ngumiti ako sa kanila kahit na sobrang kaba pa rin ang nararamdaman ko sa mga oras na 'to.
Ngumiti ako sa kanila pero tinawanan lang nila ako.
"Pinagsasabi mo? Pumasok ka na sa loob at hinihintay ka na ni boss."
Bigla na lang niya kong tinulak papasok ng van kaya hindi na ko nakaiwas at nakaisip pa ng paraan kung paano ako makakawala sa kanya.
"Ouch!"
Napasimangot na lang ako nang tuluyan na kong mapaupo sa loob ng van. Med'yo nagasgasan pa nga 'yong siko ko dahil 'yon ang pinangtungkod ko pagkatulak niya sa akin. Gusto ko pa nga umangal sa kanya pero mas ayos na sa akin 'to kaysa naman makatikim ako ng baril niya.
Nabaling ang atensiyon ko sa mga taong kasama ko pala sa loob ng van. Nakaupo sa tabi ko 'yong lalaking tatay ng bata kanina at hindi nga ko nagkamali ng dinig. Siya nga 'yong narinig kong biglang nagkasa ng baril.
Shet! Kailangan kong manatiling tahimik kasi hanggang ngayon ay hawak pa rin niya 'yong baril at parang nililinis niya lang ito.
Nabaling naman 'yong atensiyon ko sa bata na katabi niya. Nanlaki 'yong mata ko dahil halos magkatabi lang 'yong bata pati 'yong baril na hawak niya.
"Hoy! Baliw ka ba? Bakit hawak mo 'yang baril malapit sa anak mo? Paano kung bigla mong mapindot 'yan at matamaan 'yong bata?" inis kong tanong sa kanya.
Tinitigan ko 'yong lalaki ng masama at saka ko lang napansin ang lahat nang magtama na ang mga mata namin.
"Can you shut up now? We will talk later after we arrive to my house."
Pagkatapos niyang sabihin ang mga katagang 'yon ay binaling na niya ang kanyang atensiyon sa unahan at bumuntong hininga pa siya ng malalim.
Napakamot na lang ako sa aking ulo pagkatapos niyang magsalita.
Nakakaasar naman 'tong lalaking 'to. Paano ako tatahimik at kakampante kung hindi ko alam ilang oras na lang ang itatagal ko sa mundo.
Isa pa, ano bang pakay nila at kinuha nila ko?