2014 NIYAKAP ni Khloe ang kanyang unan. Halos hindi siya makausap buong summer pagkatapos na iwan ni Zantiago. Halos hindi makakain. Sa unang linggo, inintindi siya ng kanyang pamilya. Hinayaan lang siya sa pagluluksa at pagmumukmok. Hindi pinilit na kumain o lumabas ng silid. Ngunit pagkatapos ng pitong araw ay nainis na rin ang mga ito. “Tumigil ka na nga, Khloe! Daig mo pa ang iniwan ng asawa!” singhal ni Kuya Konrad nang makita siyang umiiyak sa silid. Hindi niya ito pinansin, nagpatuloy lang siya sa pag-iyak. “Isipin mo ngang maigi kung bakit umalis sina Tiago at Goryo. Kailangan nila iyong gawin. Hindi ka puwedeng sumama sa kanila dahil nandito ang buhay mo, nandito ang pamilya mo. Nakakagalit isipin na handa kang iwan kami nang gano’n-gano’n lang. Ganoon lang ba talaga kadali

