Capitulo Siete

3673 Words
Mabilis lumipas ang panahon kapag masaya ka. Hindi mo nalang namamalayan na ilang araw at gabi na pala ang lumipas. Halos ilang buwan na nakaraan ng una akong pumasok dito sa Happy Pit Orphanage. Kung noon ay ako ang binati nila sa pagpasok ko dito, ngayon ay kasama na nila ako sa pagbati sa mga bagong dating. "Power! And love each other..." sabay naming bati sa bata saka nagpapapadyak ng aming mga paa na parang timang. Naalala ko noon halos mawasak ako dahil sa pagkawala ni Ate Roan. Hindi ko matanggap na wala na ang kaisa-isa kong pamilya. Pero heto ako ngayon at kasama sina Mother Superior, ilang staff, at mga batang may mga magulang o kapatid na pumanaw na. Narito kami sa sementeryo at bibisitahin ang mga puntod nila. Binigyan kami ng mga taga-ampunan ng mga bulaklak upang ilagay sa puntod ng aming mga mahal sa buhay. Hindi kami aabot sa sampu na narito kasama na si Garutay at Max. Sabay-sabay kaming pumupunta sa puntod ng mga gusto naming dalawin, pero hindi kami pinaghiwa-hiwalay ni Mother Superior. Ang sabi ay iisa-isahin daw namin ang mga puntod ng mga gusto naming dalawin, pero sama-sama kami. Baka daw kasi may mawala sa amin at ang dami pa namang pasikot-sikot ang sementeryong 'to. Pero kanina ko pa napapansin na wala na si Max at hindi na nakasunod sa'min. Baka naligaw 'yun dito! Sasabihin ko sana iyon kay Mother Superior pero nagsimula na sila sa pagdasal para sa nanay ni Garutay. Hindi na ako nakapagsabi pa kay Mother Superior na wala na si Max sa aming lupon dahil sa kay Ate Roan na kami sunod. Sandaling nawala si Max sa isip ko at napalitan iyon ng kagalakan na makita si Ate Roan muli. Nakangiti ako habang nakatanga at tinitingnan ang puntod ni ate na nasa ikatlong hanay sa taas. Ngunit hindi ko din maipagkakaila ang kirot na laging sumisibol sa loob ko sa tuwing naaalala ko ang malagim na trahediya na nagdulot ng kaniyang kamatayan at ng kaniyang sinapit bago iyon. Umakyat ako sa hagdan at sinindihan ang kandila na nasa babasaging baso. Inilagay ko ito sa gitna at sa gilid ay ang mga puting bulaklak. Hinawakan ko muna ang picture frame ni Ate Roan. Sa litrato ay nakangiti ito at halatang masaya. Hindi ako nagtagal sa itaas at bumaba na rin. Tahimik lang ako at hindi sumabay sa pagdadasal ng isang orasyon nina Mother Superior dahil puno ngayon ang isip ko. Naglalakbay ito ngayon sa kalawakan na puno ng sakit, puot at pagdadalamhati. Natabunan na niyon ang sayang naramdaman ko kanina. Simula ng mamatay si ate ay ngayon lang ako muling nakadalaw sa puntod niya, sa kadahilanang istrikto ang ampunan. Pagkatapos ng skwela ay hinahatid agad kami ng sundo papuntang ampunan. Kung may mga practice or projects na kailangang gawin sa labas ng ampunan ay kailangan pa ng sulat na may pirma ng guro bago sang-ayunan ng ampunan na lumabas nga kami. Iyon ay bilang katibayan na hindi lang gumagawa ng excuse ang isa sa'min para lumabas sa ibang rason. May curfew din ang pag-uwi kung lalabas. Kapag weekends naman ay tanging sa loob lang kami ng ampunan at gagawin ang assignments, projects, at iba pa. Tapos ay pupunta ng Entertainment Room para sa lingguhang pagpapraktis at paghahasa ng aming mga abilidad. 'Ate, pinapangako ko... Hahanapin ko ang hustisyang nararapat sa'yo. Magbabayad ang mga kailangang magbayad. Ipapataw ang karampatang parusa sa kanila sa ginawa nilang pambababoy at pangmomolestiya sa'yo...' Naikumo ko ang kamay sa tindi ng nararamdaman. 'Kung hindi lang mali at labag sa ang nais kong mangyari sa mga may sala sa'yo, ate, ay gagawin ko sana iyon kapag malaki na ako, kapag malakas na ako at marunong ng lumaban. Kung hindi lang mali na ilagay ko din sila sa kinalalagyan mo ngayon ay gagawin ko sana. Pero alam kong ayaw mong madungisan ang mga kamay ko, ate. Alam kong ayaw mong maging kriminal ako, kaya hahayan ko nalang ang batas na sumala sa kanila.' Nagising ako sa aking malalim na pag-iisip nang may kamay na dumantay sa aking balikat. "Ysa, hija, tara na..." Sumulyap akong muli sa nitso ni ate at pilit na ngumiti sa madre. Habang papunta kami sa huling bibisitahin namin na pamilya ng aking kasamahan ay isinatinig ko na kay Mother Superior ang pagkawala ni Max. "Mother Superior." Bumaba ang tingin nito sa akin at ngumiti habang naglalakad. "Bakit, hija?" "Si...si Dane po, hindi na nakasunod sa atin. Kanina ko pa po napapansin na nawala na siya sa ating lupon." Ngumiti lang ito ng makahulugan at hinawakan ako balikat. "Alam ni Dane ang pasikot-sikot dito, hija. May binisita lang iyon. Pupuntahan natin siya mamaya pagkatapos nitong pagdarasal sa ama ni Nancy." Tumango nalang ako at hindi na itinanong kung bakit hinayaan ni Mother Superior si Max mag-isa. At tulad nga ng sinabi ni Mother Superior ay pinuntahan namin si Max. Naroon si Max sa patag na may mga bermuda grass na libingan. Kadalasan ay mga mayayaman lang ang inilibing dito. Mayaman ba noong buhay pa ang binisita ni Max? "Sino po ang binisita niya?" nag-aalangan ko pang tanong kay Mother Superior. Tanging ang puntod lang ng kapamilya ni Max ang na-orasyon na hindi kami kasamang mga bata. Tanging sina Mother Superior lang ang pumunta roon. Kanina pa sila natapos magdasal at bumalik na dito sa kung saan kami iniwan, pero si Max ay nanatiling nakaluhod pa rin at nakadungaw sa puntod. "Ang nanay niya." Patay na pala ang nanay ni Max... "Nasaan po ang tatay niya?" Ngumiti lang si Mother Superior at hindi sumagot. Buhay pa ba ang tatay niya? Nasaan ito? Bakit hindi nito inaalagaan si Max? At kung nanay niya ang nakalibing diyan sa libingan ng mayayaman...bakit nasa ampunan si Max? Wala bang pinamana ang nanay niya sa kaniya? Hanggang sa umuwi ay nanatiling misteryo sa akin ang katauhan ni Max. Ilang buwan na ang lumipas magmula ng pumasok ako rito, pero ang ugali ni Max ay hindi ko nasaksihang nagbago. Noong araw na binigyan niya ako ng regalo na libro ilang buwan na ang nakalipas, ay itinuring ko na siya bilang kaibigan noon. Ang sabi ko'y, "Baka kaya siya mukhang ilag at laging walang imik ay sa kadahilanang wala siyang kaibigan sa ampunan." Oo at kaibigan niya si Thaddeus pero miminsan lang iyon bumisita sa ampunan. Ang huling bisita pa nga no'n ay dalawang buwan na ang nakakalipas. Sinubukan kong isama si Max sa amin nina Garutay, Butchoy at Blacky. Hindi niya tinatanggap ang aming paanyaya minsan, pero may mga pagkakataon namang sumasama siya, pero walang imik. Tango, oo at hindi lang ang lumalabas sa bibig 'pag tinatanong. Kapag pinagkukwento naman ay tinig ng kuliglig lang ang naririnig namin. Sa ilang buwan namin siyang pinipilit na makisabay sa amin—kahit na lagi kaming nagagawaran ng mga masasamang titig mula sa kanila Tiffany at sa ibang fan girls pa ni Max ay hindi kami tumigil. Pero naramdaman kong napapagod na ang mga kaibigan kong pakisamahan si Max, dahil nauuga nalang ang mga laway nila sa kakasalita ay hindi parin sila tinutugon pabalik ni Max. Nawalan na ng pag-asa sina Garutay sa kaniya...pero hindi ako. Hindi ko alam kung ginagawa ko 'to para tulungan siyang maging open ng kaunti sa mga tao at magkaroon ng kaibigan bilang utang na loob at pasasalamat sa ibinigay niyang mamahaling libro sa akin—ingles iyong libro at classical. Tama nga si Max at mas lumawak ang vocabulary ko sa pagbabasa no'n—o ginagawa ko 'to dahil nakikita ko sa kaniya ang nakatatanda kong kapatid. Na tulad nito'y dapat ko din siyang pasayahin. Hanggang ngayon ay inulit-ulit ko ang pagbabasa noong libro at minsan ay ikinukwento ko kay Max ang kaalaman ko tungkol sa classical novel na binigay niya dahil nakikita kong mas responsive siya kapag iyon ang pinag-uusapan. Pero si Max bilang si Max "Kiber" pa rin siya madalas hanggang ngayon. Taong semento pa rin. Kung may nabitak man ako sa pagiging semento niya ay tingin ko hindi halata ang nagawa kong bitak. Ngayong pinagmamasdan ko ang likod niyang nakalaylay ay hindi ko maiwasang isipin na baka dahil ganiyan si Max sa kadahilanang nawala ang kaniyang ina sa kaniya. Ngayon mas naintindihan ko siya—kung bakit siya ganiyan... Dahil nawalan din ako. "Max." Narito kami ngayon sa bench at nakaupo. Naisipan kong bulabugin si Max ngayon. Gusto ko sanang tawagin siyang "Kuya", kaso tinitignan lang ako nito lagi ng masaya na parang 'di siya sang-ayon. Kung noon ay takot ako sa kaniya lalo na 'pag nagsasalubong ang kilay niya. Ngayon, slight nalang. "Hmm?" sagot niya na hindi nawawala ang tingin sa librong hawak. Nagbabasa kasi ito ngayon ng isang akda na gawa ni Sir William Shakespeare, ang "Venus and Adonis". "Ano nga pala ang buong pangalan mo?" tanong ko habang ini-i-swing ko ang paa ko. Hindi ko alam kung sasagutin niya ang tanong kong iyon. Pero ngayon lang sumagi sa isip ko na kaibigan ko si Max—hindi ko lang alam kung tinuturing din ba niya akong kaibigan o hinahayaan lang niya akong disturbohin siya lagi—pero hindi ko alam ang buo niyang pangalan. "Maximus Dane Aetós." Napatingin ako sa kaniya na namimilog ang mata. Namamahanga ako dahil sinagot niya ang tanong ko. Para sa akin personal question 'yung tanungin si Max kung ano ang buo niyang pangalan dahil sobrang uptight nito. At ang isang pang dahilan; ay nakakamangha ang apelyido niyang parang hindi pang pinoy. Kung pagbabasehan sa hitsura ni Max ay mukha itong hindi pinoy. Sobrang tangkad kasi nito para sa isang teenager. Tapos ay malalim ang kaniyang kulay berdeng mga mata na kay sarap pagmasdan, kakulay ng kalikasan ang mga bilugan niyang mata na nanghahalina. May mahahabang pilantik at makapal at itim na itim ang kilay. Tapos ang ilong niya'y matangos. Nakakahiya sa ilong kong maliit pero matulis naman. Ang labi niya'y—napalunok ako—mapupula at manipis kagaya ng isang mansanas. Mabalbon din itong lalaki. Medyo mahaba at pabagsak ang itim na buhok ni Max, natatabunan nito ang noo niya, pero guwapo pa ding tignan. At dahil sa tila pambanyaga niyang apelyido ay sigurado akong may dugong banyaga ito. "Foreynjer ka ba? Iba kasi ang apilyedo mo. Parang apelyido ng mga AFAM." Isinarado niya ang libro at iginalaw ang katawan paharap sa'kin. "'Foreigner' you mean?" "Ay...o-oo nga, sabi ko nga foreigner. Sinadya ko 'yung slang na pagkabigkas." pagsisinungaling ko para hindi mapahiya. Napakamot ako sa batok. Foreynjer? May mga english terms parin na talaga kulelat ako. "I have a Greek blood. What's AFAM?" salubong ang kilay niyang nagtanong. "AFAM...iyong mga 'kano o gaya ng sinabi mo'y 'foreigner'." Mas lalong lumalim ang gitla sa gitna ng kaniyang noo. "And where did you get that word? Hmm?" "Kay... Ate Joy. Foreynjer kasi ang nobyo niya, eh. Haha!" Sinadya ko na talagang mamali ang bigkas. Bumalik ito sa pagbabasa kaya naiwan akong nakatunganga at napagpapanisan ng laway. Si Max kaya lagi din bang napapanisan ng laway? Minsan lang itong nakikipag-usap, eh, gaya ngayon. Parang "once in a blue moon" lang. Gusto niyang lumawak vocabulary ko, pero ang kaniya panigurado "Yes, No, Maybe, Right, Hmm, at '...'" lang ang laman. "Max." "Hmm?" See? Ni hindi nalang um-oo ang ungas. Mahal kasi ang bawat salita niya. One dollar per word, kaya lulubos-lubosin ko na habang nasa mood itong sumagot ngayon kahit tipid. "Knock, knock." "There's no door." Ngumiwi ako. "Huwag mo naman akong barahin agad. Hindi pa nga ako nagsisimula, eh." Tinaasan lang niya ako ng kilay. "Sabihin mo, 'who's there'," dagdag ko pa. "Tss. Who's there?" walang interes niyang usal. "Ang saya mo talaga kausap. Mahal ka ni Lord." Sinamaan ako nito ng tingin. "Resume with your puns and stop the d*mn side comments." "Areglado, boss!" Suminghap ito at umiling. "Ulit. Knock, knock." With matching pagkatok. "Who's...There...?" Magsasalita sana ulit ako tungkol sa pagiging wala niyang interes, pero para akong naging tuta sa nanunusok niyang tingin na parang pinagbabantaan buhay ko. Baka anak talaga ni Grim Reaper 'tong si Max. "M-max." "Max, who?" Alam niya pala kung ano ang lines kapag may nagknock-knock joke, pinaharapan pa ako. "Sa panahon ngayon, MAX mahal pa ang bigas kaysa puso. Hahaha!" Nagpatuloy lang ito sa pagbabasa na parang walang narinig. "Max, alam ko kung ano ang gusto mong maging paglaki mo." Napataas ang kilay nito. "Really?" Tumango ako ng paulit-ulit na parang isang paslit. "What is it, then?" tanong nito na may halong sarkasmo. "Maging Dyanitor!" sigaw ko na aparang nahulaan ang numerong lalabas sa lotto. "Pansin ko kasi ang pagkahilig mo sa paglilinis, eh. Parang gusto mo din laging hawak ang mop at balde." Malawak ang ngiti kong utas. Makailang beses ko na itong nakikitang naglilinis o kaya ay may hawak na mga panlinis. Nagkibit-balikat lang ito, kunwari shy daw. Pero alam kong iyon talaga ang gusto ni Max paglaki. Maayos at legal naman na trabaho iyon. Hindi niya dapat ikinakahiya. "Max?" "O?" medyo iritado na ang boses nito na nagpangiti sa'kin. "Seryosong tanong, katunog ng pangalan mo 'yung Maxx na kendi. Doon ba kinuha ang pangalan mo?" Napanganga ito ng sandali pero agad naman niyang tinikom ang bibig. "You're hopeless." Tumawa ako sa halatang iritado na si Max. Halata ding hindi na ito nakakapagfocus sa pagbabasa. "Maldito," natatawang anas ko. Napatingala ako at pinagmasdan ang sinag ng araw na lumulusot sa mga dahon ng puno. Parang kristal ang mga ito na sumisidlak-sidlak nang magsayawan ang mga dahon. Napapikit ako ng may naramdamang pumatak sa aking pisngi. Hinaplos ko ito at pinakiramdaman hanggang sa dumami na ang patak sa aking mukha. Bigla kong naramdaman ang paghigit sa akin. Si Max na nasa aking unahan at tumatakbo ay hinihigit ako papunta sa tapat kung saan may yero ng gusali. Nagpasilong kami roon pero ako ay nanatiling mangha pa rin sa ginawang paghawak ni Max sa'kin. Parang animo'y naging kristal din ang mga patak ng ulan kapag tumatama ang sinag ng araw sa kanila. Humakbang ako at itinaas at aking kamay upang masapo ang mga patak ng ulan mula sa yero. Nagniningning sa aking kamay ang naipong tubig. Kamangha-mangha dahil kahit patuloy ang pagbuhos ng tubig sa kalangitan ay hindi natinag ang haring araw. Hindi ito nagkubli sa mga madidilim na ulap, bagkus, ay sabay na pinaghaharian ng araw at ulan ang kalangitan. Hindi gaanong malakas ang ulan kaya nakakaengganyong maligo dahil hindi masakit sa ulo ang patak niyon. Napangiti ako at malaki ang ngisi si Max. Matiim itong nakatitig sa'kin at higpit na nasa isang linya ang labi. "Max, gusto kong maligo sa ulan!" "No. You'll get sick." "Hindi! Madalas nga kaming maligo ni ate sa ulan noon pero hindi naman kami nagkakasakit. Kung gusto mo sama ka. Maligo tayo ng ulan," agap ko. Miss ko na ang maligo ng ulan. "No," mariin niyang saad. "We'll go back inside once the subtle rain stops. Don't be stubborn now if you don't want to catch colds and cough, Bella. Payatot ka pa naman..." Hindi ko narinig ang huling sinabi nito at nag-iwas kaagad ito ng tingin. "Uyyy, concerned siya sa'kin." Lumawak ang ngiti ko doon. "Kaibigan na ba ang turing mo sa'kin ngayon? Kasi...friends care for each other." Ang corny ko pakinggan pero keri lang. "Uyyy..." tudyo ko pa habang tinutusok ang kaniyang tiyan. Pero kataka-takang matigas ang tiyan niya parang semento tulad niya, 'yung kay Butchoy hindi naman. Ang lambot pa nga no'n, parang marshmallow. Sandali pa itong napipi at mukhang namangha bago tumikhim at nag-iwas ng tingin. Nahagip ko pa ang pamumula ng pisngi nito. "Tss." "May lagnat ka ba kaya ayaw mong maligo? Namumula kasi ang mukha mo." Itinagilid ko ang ulo ko para masulyapan ang mukha niya, pero iniwas lang nito ang mukha. "Wala." "Ganun pala. O, e'di tara na." Dahil hindi ko madaan sa pakiusap si Max ay wala akong magagawa kun'di...pwersahin ito. Inagaw ko ang libro niya mula sa kaniyang pagkakahawak at nilagay sa may bintana. Kinuha ko ang kamay nito at pilit na hinila para umalis sa pagkakasilong at maligo ng ulan. "Tara...na!" Halos mabali pa ang maliliit kong braso sa paghila kay Max. Binitawan ko muna ito sandali at huminga. "Sandali lang naman tayong maliligo, eh. Halos magkanda-putok na ang mga ugat ko sa katawan sa paghila sa lalaking 'to, pero mukhang hindi ito natinag ni katiting. Pambihira. Ilang hilahan pa ang naganap bago—sa wakas, salamat langit!—ito pumayag. Bumuntong-hininga ito. "Fine. But if you—" "Oo na, oo na. Areglado na boss. Hindi ako magkakasakit, malakas resistensiya ko. Tara na!" Hindi ko na ito hinintay pa at tumakbo na paalis sa pagkakasilong sa ilalim ng yero. Patalon-talon ako habang nasa ilalim ng araw at nadadampian ang balat ko ng malamig na patak ng tubig mula sa umiiyak na langit. "Ang saya!" Humagikhik ako. Binalingan ko si Max na nakatingin lang sa'kin. Ang arte nitong lalaking 'to. Takot lang siguro 'to sa ulan. Paiinggitin ko nga. "Ang lamig ng tubig, Max. Halika na!" sigaw ko sa kaniya. Nabaling ang tingin ko sa mga tawanan at sigawan ng iba na nasa field. Naglalaro sila ng habulan sa gitna ng ulan! Ang saya nilang panoorin. Gusto kong sumali. Pero bago pa man ako makatakbo doon ay may humawak sa braso ko. "And where do you think you're going?" Parang nalaglag ang panga ko sa lupa nang pagmasdan ang hitsura ni Max. Tumatagaktak pa ang tubig mula sa kaniyang pabagsak at basang buhok. Kasabay niyon ay sinuklay niya ang buhok paatras na mas lalong nagpakita sa kaniyang mukha. Ang aliwalas tingnan ng kaniyang mukha sa ganoong estilo ng buhok. Napalunok ako ng dumako ang mata ko sa kaniyang adams apple. Nagtaas baba ito at lalaking-lalaki kung pagmasdan. "S-sasali sana ako sa kanila doon. Makikipaglaro." Naramdaman ko naman ang pagluwag ng kaniyang hawak hanggang sa tuluyan niya na akong binitawan. "Tara sali tayo!" Hinila ko siya kasama ko at nakisali kami roon. Pero sa huli ay ako lang ang nakipaghabulan sa aming mga kasama. At si Max? Ayun, parang loner na nasa may slide nakasadal at pinagmamasdan...kami. "Huwag ka namang feeling emo diyan, Max. Sali ka sa'min. Ikaw taya." Umismid ito. "Hindi ako maghahabol. That's a waste of time." "Ha? Eh, kaysa naman ubusin mo ang oras mo sa kakatunganga diyan." Wala ng pag-asa ang isang 'to. Kaya imbes na makipaghabulan doon tumanganga nalang ako dito kasama niya. Nakasquat ako sa tabi niya samantalang nakatayo siya. "Why don't you join them?" dinig kong tanong niya. Sapo-sapo ko ang mukha ko ng dalawa kong kamay, sumimangot ako. "Huwag na! Marami naman silang naglalaro doon. Ikaw nag-iisa ka lang na nakatayo dito. Sasamahan nalang kitang magmukhang timang dito." Parang bumukas ang langit at nagsi-awitan ang mga anghel ng marinig ko itong humalakhak. "T-tu...tumawa ka..." namamangha kong anas. Santisima... Ang guwapo niya noong tumawa siya. Tumaas ang kilay nito bago bumalik sa pagkaka-poker face. Kinalabit ko ito. "Ikaw taya!" Tatakbo na sana ako pero tinaas lang niya ang mahabang braso at naabot na niya ako. Partida, hindi pa niya hinakbang ang mahahabang biyas niya, ah. "Ang daya!" Tumakbo ito at humalakhak nang makita ang naiirita kong mukha dahil hindi ko na siya ulit mahabol. Pero sa kaloob-looban ko ay masaya ako dahil sa unang pagkakataon ay nakita ko siya ngayong tumatawa. Bahala na kung abutin ako dito ng ilang oras bago siya makalabit para siya ulit ang taya. Kapag naabutan ko naman siya at siya na ang taya ay hindi pa ako nakakatakbo nakakalabit niya na ako. Palagi nalang akong napapakamot sa ulo kapag hindi siya nahuhuli, o agad niya akong nahuhuli. Ang daya! "Ang duga mo naman, Max! Patakbuhin mo naman ako bago gawing taya ulit." "No. Won't let that happen," seryoso niyang saad. Napakamot ako sa ulo. Kanina ko pa napapansin na kamot ako ng kamot sa ulo ko. Hindi kaya natulad na ako kay Garutay? Baka may lumipad na kuto sa ulo niya tapos pumunta sa ulo ko. May kuto na rin ba ako? "Ako nalang palagi taya," reklamo ko. "Bakit pa kita patatakbuhin bago hulihin? When I can easily catch you while you're still near. And as if I will let you get away from me." Napakamot ulit ako ng ulo. "Ang layo naman ng sinasabi mo, Max. Takbo ka nalang ulit. Para kang alien kausap." "Ysa. Psst." Nahinto sa akmang pagsubo ng kanin nang siniko ako ng katabi kong si Garutay. "Oh?" "Alam mo bang pinagsasalitaan ka ng masama ni Tiffany sa iba? Kesyo, nilalandi mo daw si Kuya Dane, chuchu chuchu..." bulong niya. Ininguso pa nito ang labi at tinuro si Max na nakaupo sa puno ng mesa at tahimik na kumakain. Nilapag ko ang kutsara't tinidor at bumuntong-hininga. "Hayaan mo na." Bahala na kung anong sabihin ng iba sa akin. Alam ko namang hindi totoo 'yun. Puro ang intensiyon ko kay Max bilang kaibigan. 'Tsaka nai-i-stress ang bangs kong nonexistent diyan sa pinagsasasabi ni Tiffany. Nilalandi ko si Max? Diyos ko. Kaawaan sana ang kaluluwa mo, Tiffany. "Alam mo ba may progress na sa Oplan: Pangitiin si Max—este Dane?" nakangiti kong bulong kay Tiffany. Umismid ito. "Hindi ka pa rin ba tumitigil diyan? Wala ng pag-asa si Kuya Dane. Ganiyan talaga ugali niyan. Kung gusto mo siyang maging kaibigan tanggapin mo na na mamamatay ka nalang sa dehydration at pagkaubos ng laway hindi pa rin siya makikipag-chikahan sa'yo ng bongga." "Ang O.A naman niyan, Garutay. Syempre gusto ko paring makita si Dane na masaya. Ibang accomplishment 'yun. 'Yung makitang masaya ang kaibigan mo." Gusto kong makitang masaya ang mga kaibigan ko dahil sa kanila ko ibubuhos ang pagmamahal ko na dapat ay ibubuhos ko sa ate ko. Sa katauhan ni Max ay para akong nagkaroon ulit ng nakatatandang kapatid, parang siya ang ipinalit kay ate. Kaya ang sarap sungalngalin ng mga nagsasabing nilalandi ko siya... Hindi ko sinasabing si Tiffany 'to, pero parang ganun na nga. Pero kahit ganoon ay alam ko namang kailanman ay hinding-hindi mapapalitan si ate sa puso ko. Nag-iisa lang 'yon. Kaya ganoon nalang ako ka pursigidong mapangiti si Max, iyon ay sa kadahilanang para ko na ring napasaya ang ate ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD