Kanina pa hindi makatulog si Dorothea, nakatalukbong lang din siya ng kumot. Sa kaliwa niya ay katabi niya si Gray, sa kanan ay si Elnora, nakahiga naman sa kabilang dulo si Amsel na katabi ng kapatid niya.
Kanina ay naglalaro pa ang dalawa sa TV, pero inantok na ang mga ito kaya natulog na rin. Sa totoo lang ay nauuhaw siya.
Tinanggal niya ang kumot sa mukha niya, ngunit nagtalukbong agad dahil madilim at natatakot siya na may makitang multo.
“Nor,” bulong niya sa katabi habang inuuga ito para magising.
Umungol si Elnora at antok na antok na idinilat ang isang mata, ngumuso ito nang lumingon sa kanya.
“Bakit ba?” inis na sabi nito.
“Nauuhaw ako,” aniya.
“Edi uminom ka, nasa’kin ba ang tubig?”
“Samahan mo ko!”
Inis na kumamot ito sa ulo at nakapikit na umupo. “Titingnan kita mula rito. .”
Napasimangot siya, mukhang walang balak bumangon ang kaibigan dahil sa antok. Pero nauuhaw na talaga siya, pakiramdam niya’y natutuyo ang lalamunan niya.
Umupo rin siya at binaling ang tingin sa ibang kasama, nakatihaya si Gray at si Amsel ay nakatalikod sa gawi nila. Tulog nga ang mga ito.
Binalik niya ang tingin kay Elnora na nakaupo pa rin pero nakapikit, dahil nakaupo ito ay nabawasan ang takot niya kahit papaano.
Tumayo siya at tumakbo agad para buksan ang ilaw, napakurap si Elnora at idinilat ang isang mata, halatang nasisilaw ito. Si Amsel at Gray naman ay walang naging reaksyon.
Nagpunta siya sa kusina at binuksan ang ref para kumuha ng tubig, kumuha siya ng baso at nagsalin saka uminom.
Paglingon niya sa may salas ay nanigas siya nang makitang wala na ro’n ang mga kasama, ang higaan na nilatag nila ay wala na rin. Ang mga kagamitan ay iba na naman.
Napahigpit ang pagkakahawak niya sa baso at napamura habang pinagmamasdan ang babaeng nakaupo sa isang sofa, nakatalikod iyon sa gawi niya at mukhang may iniinom ito. Sino ito?
“Sh¡t,” sambit niya at pumikit ng mariin.
Kumakabog ng malakas ang dibdib niya at nanginginig siya dahil sa takot, hindi siya makagalaw.
“Please, tama na,” bulong niya sa hangin.
Gulat na napadilat siya ng mata nang makarinig siya ng parang nabasag na baso, sa may salas ay nakita niya ang babaeng kanina ay nakaupo at nakatalikod sa kanya.
Ang baso na hawak nito kanina ay basag na sa sahig. At kamukhang-kamukha ng mama niya ‘yung multo!
Gulat na gulat din ang itsura nito, nanlalaki ang mata habang pinagmamasdan siya. Maya-maya ay biglang tumulo ang luha nito, agad siyang napaatras nang humakbang ito palapit sa kanya.
“Anak. .” sambit nito habang umiiyak.
“‘W-wag kang lumapit!” sigaw niya at inangat ang hawak niyang baso. “Hindi ikaw si mama!”
Tumigil ito sa paglapit. Pagkatapos ay tuluyan na itong napahagulgol. “Ako ‘to, anak. Si mama. .”
“Hindi mo ako anak,” matapang na sabi niya. “L-lumayo ka sa’kin!”
Kamukhang-kamukha ito ng mama niya, pero ayaw niyang magpaloko ro’n dahil wala ang mama at papa niya ngayon sa bahay nila.
“Ako ang mama mo!” sabi nito at tuluyan na lumapit sa kanya.
Umiling siya ng maraming beses, tumulo ang luha niya dahil sa takot. Napaupo siya habang tinatakpan ng dalawang kamay ang magkabilang tenga.
“Hindi. . Hindi ‘to totoo,” pagkumbinsi niya sa sarili niya.
Agad siyang pumalag-palag nang maramdaman niya ang paghawak nito sa kanya, tinabig niya ng malakas ang kamay nito habang nakapikit pa rin ng mariin.
“Dorothea. .”
Napadilat siya ng mata nang boses ni Amsel ang narinig niya, nakaupo ito sa harap niya at sinisilip ang mukha niya.
Napatitig siya ng ilang segundo sa mukha nito bago niya nilibot ang tingin sa buong paligid, bumalik na sa normal ang lahat.
“Ayos ka lang?” tanong ni Amsel kaya’t bumalik ang tingin niya rito, nag-aalala ang itsura nito. Ngayon niya lang din nalaman na magulo pa ang buhok nito dahil sa pagkakatulog.
Hindi siya nakasagot at mabilis na umiling saka malakas na humagulgol. Nakita niya ang gulat nito nang umiyak siya, pagkatapos no’n ay nagdadalawang isip na hinawakan siya nito sa likod at hinaplos-haplos.
“A-amsel,” saad niya habang humihikbi. “M-may multo talaga rito!”
Hindi ito sumagot at pinanood lang siya. Suminghot siya nang maramdaman niya na tutulo na ang uhog niya, nakita niyang tumaas ng kaunti ang magkabilang gilid ng labi ni Amsel kaya yumuko siya para itago ang mukha niya.
Alam niya na pagtatawanan na naman siya nito.
“B-bakit ba gising ka? Doon ka na!” pagtaboy niya rito.
“Bakit ka ba umiiyak?” mahinahon na tanong nito.
Nag-angat ulit siya ng tingin at tumulo na naman ang luha niya. “May multo nga kasi. Punyeta, a-ayaw niyo kasi maniwala sa’kin!”
Marahan na tumawa ito nang pumiyok siya. Nagulat siya nang iangat nito ang laylayan ng damit nito, tapos ay pinunasan ang luha at sipon niya gamit iyon.
“Para kang bata.”
Tiningnan niya ito ng masama. “Hindi mo kasi nakita.”
“Oo na,” sabi nito at tumayo saka inilahad ang kamay. “Tumayo ka, marumi riyan sa sahig.”
Hinawakan niya naman ang kamay nito at tumayo, pinanood siya nito habang pinapagpagan niya ang sarili niya.
Naghilamos siya pagkatapos at inayos ang buhok, nakita niyang tulog na tulog pa rin si Gray, pati na rin si Elnora na nakahiga na ulit.
Bumaling siya ng tingin kay Amsel na pinapanood siya, nawala ang takot niya dahil nando’n ito. Mabuti na lang ay nagising ito.
Bumaba ang tingin niya sa damit nito. Halos mapamura siya at napangiwi nang makita niya ang bahid ng sipon niya ro’n.
“Samahan mo ako sa taas,” sabi niya kaya tumaas ang kilay nito. “Pahihiramin kita ng damit, may sipon at luha ko na ‘yang suot mo.”
Bumaba ang tingin nito sa suot nito, akala niya ay aakto ito ng nandidiri pero wala naman itong naging reaksyon.
Nilagpasan niya na lang ito kaya naramdaman niyang sumunod ito, pati sa kwarto niya ay pinapasok niya ito dahil natatakot siya pero hindi niya sinara ang pinto.
Naghanap siya ng malaking damit na ginagamit niya kapag nasa bahay lang siya, sigurado siya na magkakasya iyon kay Amsel dahil mataba naman siya.
Binigay niya ang puti na damit na may mukha ni Sanji ng One Piece. Agad siyang nag-iwas ng tingin nang hubarin nito ang damit at sinuot ang binigay niya.
Sabi na nga ba ay kasya.
“Ibalik mo ‘yan a,” kunwari ay galit na sabi niya. Pero sa totoo lang ay gusto niyang magpasalamat dito kaso nahihiya siya.
Umiling ito. “Hindi ko na ‘to ibabalik.”
Magsasalita pa sana siya pero tinalikuran na siya nito at lumabas ng kwarto niya, nagmamadali siyang sumunod dito dahil natakot siya bigla.
Pagbaba nila ay tulog na tulog pa rin ‘yung dalawa sa salas, tiningnan niya ang oras at nakitang mag-aalas-kwatro pa lang ng madaling araw.
Umupo siya sa tabi ni Elnora at nilingon si Amsel na nakatayo na umupo sa may sofa.
“Matulog ka pa, wala ka pang tulog diba?” sabi nito.
Kumunot ang noo niya. “Paano ka?”
“Mamaya ko na lang sa bahay babawiin ang tulog ko,” sabi nito at sumandal. “Sige na, matulog ka na. Babantayan kita.”
Hindi siya nakakibo at pinagmasdan ito. Tama nga si Elnora, puro lang siya Kaleb kaya hindi niya napapansin na gwapo rin ito. Sa totoo lang ay mas manly pa ngang tingnan ito kaysa sa crush niya.
Hindi niya alam kung bakit nag-init ng husto ang mukha niya, agad siyang tumalikod at nagtalukbong ng kumot.
Nagising siya kinaumagahan dahil sa ingay ni Elnora at Gray, nagluluto ang kaibigan at ang kapatid naman ay nanonood ng TV.
Wala na siyang kumot nang magising siya, nakaupo sa tabi niya si Gray kaya napatingin agad ito sa kanya.
“Hay naku, nagising din!” sambit ni Elnora mula sa kusina.
Nag-inat siya. “Anong oras na?”
“One o’clock,” sagot ni Gray.
Bumangon siya at nilibot ulit ang tingin sa paligid. “Nasaan si Amsel?”
“Pagkagising ko wala na e, nabasa ko lang ang chat niya kaninang alas-sais na umuwi na raw siya.”
Tumango lang siya. Hindi niya namalayan na nakatulog siya kanina, sigurado ay dahil napagod ang mata niya sa pag-iyak niya.
Alas-sais na nang umuwi si Amsel, mukhang hinintay muna nito na lumiwanag sa labas bago umalis. Nakatulog din kaya ulit ito? Sabi naman nito ay sa bahay na nito ito matutulog.
Nagbuntong-hininga siya. Bakit niya ba ‘yon iniisip?
Adobo ang niluto ni Elnora, pagkatapos kumain ay naligo siya. Buti na lang ay walang pasok ngayon kaya ayos lang kahit humilata siya maghapon.
Gusto niya sanang ikwento kina Elnora ang nangyari kaninang madaling-araw ngunit hindi niya alam kung bakit siya nahihiya.
Pagkalabas niya ng banyo ay nagulat siya nang sakto na dumating si Amsel, suot pa rin ang damit na pinahiram niya.
“O, bakit?” tanong ni Gray.
“Naiwan ko charger ko,” ani Amsel. “Nandyan ba?”
Wala na ‘yung higaan sa salas, sina Elnora ang nag-ayos ng mga ‘yon kaya hindi niya nakita ‘yung charger.
“Ito, nandito,” sabi ni Elnora at kinuha sa ilalim sa lamesa ‘yung charger pagtapos ay binigay kay Amsel na bahagyang ngumiti.
“Salamat,” sabi nito at lumingon sa kanya pero nilipat agad ang tingin kay Gray. “Alis na ‘ko.“
“Ayaw mo muna tumambay dito?” tanong ni Gray.
Umiling ito. “Hindi pa ko naliligo e, kagigising ko lang.”
“Kumain ka na ba? Gusto mo ng adobo?” tanong naman ni Elnora na agad tumayo.
Hindi namalayan ni Dorothea na napanguso siya, pero agad niyang pinawi iyon dahil lumingon ulit sa kanya si Amsel. Naningkit ang mata nito bago binalik ang tingin sa kaibigan niya.
“‘Wag na, ganyan din ulam namin sa bahay e,” sabi nito kaya malungkot na umupo ulit si Elnora.
Tumayo si Gray at tinuro ang suot ni Amsel. “Parang pamilyar ‘yang suot mo?”
“Hala, oo nga no?” pagsang-ayon ni Elnora.
Nanlaki ang mata ni Dorothea. “A-ano. . Uy, pareho tayong damit. May ganyan din ako e.”
Tumawa siya ng pilit at hindi naman nakapagsalita si Amsel, nagtatakang pinagmasdan siya ni Gray at Elnora kaya tumaas ang kilay niya.
“O, bakit? Pareho lang kami,” defensive na sabi niya.
Umiling si Elnora. “Diba, pina-customized mo ‘yan? Kasama mo nga ako no’n.”
Napakagat siya sa labi nang pigil na natawa si Amsel kaya’t lumipat ang tingin nina Gray dito. Agad niya itong pinanlakihan ng mata.
“Oo nga, pareho lang,” sabi ni Amsel.
“Sabi sa inyo e,” sambit niya at ngumiwi. “Hindi ko na nga gagamitin ‘yung sa’kin, kadiri!”
Mabuti na lang ay natapos ang usapan doon sa t-shirt niya na gamit ngayon ni Amsel, pasalamat na lang siya na naniwala sina Elnora. Nahihiya lang kasi siya na sabihin ang totoo dahil baka kung ano ang isipin ng mga ito.
Umuwi rin naman agad ito dahil may lakad din daw ng hapon.
“Dorea. .” pagtawag sa kanya ni Elnora habang nakahiga sila sa higaan niya sa kwarto niya.
“Ba’t?”
Dumapa ito at nagpangalumbaba habang nakatingin sa kanya. “Diba sabi mo ay ayaw mo na gamitin ‘yung damit mo na kapareho no’ng kay Amsel?”
Natigilan siya dahil doon. “O, ano naman?”
“Sa’kin na lang, please? Para pareho kami.”
Napangiwi siya at hindi nakasagot. Sh¡t, paano niya sasabihin na hindi totoo na pareho lang sila at ‘yung kanya mismo ang suot nito?
Baka lalo pa itong maghinala ‘pag inamin niya iyon, dahil magtataka kung bakit siya nagsinungaling.
Sorry, bestfriend, aniya sa isip niya. Tutal ay nasimulan na niya ang pagsisinungaling, itotodo na niya.
Tumango siya. “Kapag nahanap mo sa cabinet ko, sayo na.”
“Yehey! Thank you!”
Nagmamadaling tumayo ito at binuksan ang cabinet niya. Napabuntong-hininga siya, nakokonsensya siya dahil maghahanap lamang sa wala ang kaibigan.
Kapag napagod na itong maghanap ay sasabihin niya na lang na hindi niya alam kung saan na iyon napunta.
Kukunin niya pa ba kay Amsel iyon para ibigay kay Elnora? Napasimangot siya, parang ayaw na niyang kunin.
Tsaka parang ayaw na niyang ibigay kay Elnora iyon kung sakali man na ibalik ni Amsel. Inis na ginulo niya ang buhok niya, hindi niya alam kung anong nangyayari sa kanya bigla.