kabanata 10

1406 Words
Tahimik na nakaupo sina Dorothea at Amsel sa loob ng guidance office. Pinagmamasdan sila ng guidance counselor. Tumikhim ito. “Maaari niyo bang ikwento sa’kin kung ano ang nangyari?” Hindi nagsalita si Amsel, nakasandal lang ito sa upuan at nakatingin sa sahig. Halatang badtrip pa rin ito base sa itsura nito ngayon. “Uh,” panimula ni Dorothea. “Nakita ko ang phone ni Darien na may mga larawan ko, pati ‘yung habang nagpapalit ako ng damit sa banyo kanina.” Tumaas ang kilay nito at nilingon si Amsel. “Kaya mo ba sinaktan si Darien?” Hindi ito sumagot. Nagtataka rin si Dorothea, hindi niya sigurado kung ano ang totoong dahilan ni Amsel. Pero ayaw niyang isipin na dahil sa kanya kaya nito ginawa iyon. Huminga siya ng malalim. “Hindi—” “Iyon nga ang dahilan,” sabi bigla ni Amsel at nag-angat ng tingin. “Matagal nang ginagawa ni Darien iyon, kinukuhanan niya ng litrato si Dorothea at sinesend sa’kin.” Napasinghap siya dahil doon. Ang bigat sa pakiramdam na ngayon niya lang nalaman iyon, wala siyang kaalam-alam. Ano ba kasing gustong gawin ng Darien na ‘yon? Hindi naman siya maganda, bukod doon ay mataba pa siya. May kaakit-akit ba sa katawan niya? Wala. “Anong sa tingin mo ang dahilan kung bakit ginagawa ito ni Darien?” tanong ng counselor. “Bakit niya sinesend sayo?” Nag-iwas ng tingin si Amsel. “Hindi ko alam.” “Anong ginagawa mo sa mga larawan na sinesend niya sayo?” Kumunot ang noo nito. “Binubura ko.” “Binubura mo? Pwede ko bang makita ang phone mo?” Galit na nag-ayos sa pagkakaupo si Dorothea. “Teka, bakit parang siya ang may kasalanan dito? Diba, dapat ang bwisit na Darien na iyon ang ginigisa rito?” “Nasa clinic siya ngayon, kakausapin namin siya mamaya pagkatapos niyang gamutin,” sagot nito at binaling muli ang tingin kay Amsel. “Ano ang eksaktong dahilan bakit mo sinaktan si Darien?” “Sinabi na niya sayo, dahil sinesend—” “Hindi ikaw ang kausap ko, Costanza,” pagputol nito sa kanya at muling bumaling kay Amsel. “Esguerra, ano ang dahilan mo?” Nag-angat ng tingin si Amsel. “May ginagawa siyang kagaguhan, hindi pa ba sapat na dahilan ‘yon?” “Kung gano’n, bakit hindi mo agad sinabi ang tungkol dito?” Saglit na tumingin si Amsel kay Dorothea ngunit agad din na nag-iwas ng tingin. “Dahil ayokong malaman ni Dorothea ang tungkol dito.” Kumabog ng malakas ang dibdib nya, hindi niya alam kung bakit. “Kaya sinubukan mo na solusyonan ito gamit ang pananak¡t?” Tumango ito. “Hindi ko na napigilan.” Huminga ng malalim ang counselor. Ilang segundo itong natahimik muli habang salitan ang tingin sa kanilang dalawa, kahit si Dorothea ay walang masabi dahil hindi niya alam kung ano dapat niyang sabihin. Pinagmamasdan niya lang si Amsel na nakayuko, sa tingin niya’y ayaw nito ipakita sa kanya ang mukha nito. “Costanza,” sambit nito kaya’t napalingon siya. “Ikaw ang biktima rito, pasensya na sa nangyari. Kaya walang magiging parusa sa’yo. .” Binalik niya ang tingin kay Amsel kaya nagpatuloy ito sa pagsasalita. “Ikaw, Esguerra, magpahinga ka muna ng isang linggo sa pagpasok. You are suspended.” Nanlaki ang mata ni Dorothea. “Bakit? Tinulungan niya lang naman ako! ‘Yung Darien na ‘yon, anong mangyayari sa kanya?” “Gusto pa namin marinig ang side niya,” sagot nito. “Pero sisiguraduhin ko na mapaparusahan siya, huwag kang mag-alala.” “Side? Para saan?” Kumunot ang noo nito. “Ayaw mo bang malaman ang dahilan kung bakit niya ginawa ito?” Natahimik siya. “Gusto. .” “Okay.” Tumango ito at sumandal sa upuan. “Pwede na kayong makaalis. Kapag nakausap na namin si Darien ay ipapatawag ulit kita, Costanza.” Bumaling ito kay Amsel. “Pwede ka nang umuwi ngayon, see you next week.” Tumango si Amsel at tumayo kaya napatayo na rin si Dorothea. Lumabas na ito kaya sumunod agad siya, nauuna itong maglakad kaya binilisan niya para mahabol ito. Lumingon ito sa kanya at nang makitang hingal na hingal siya sa pagsunod ay binagalan nito ang lakad. Huminga siya ng malalim. “Ang hirap mo habulin!” Marahan itong natawa at tumigil kaya’t napatigil din siya. Pinagmasdan siya nito at walang sinabi. Kumabog ng malakas ang dibdib niya habang nakatingala siya rito, pakiramdam niya’y para siyang kinikiliti. “Mabuti wala kang parusa,” sabi nito. “Dapat lang! Ako ang biktima rito,” sabi niya. “Pero paano ka? Hindi ka ba pagagalitan sa inyo? Isang linggo kang hindi papasok.” “Hindi naman umuuwi sila mama sa bahay, nasa ibang bansa.” Kumunot ang noo niya. “Bakit?” “Nagtatrabaho sila ro’n.” “Wala ka bang kapatid?” Ngumisi ito. “Curious ka na ba sa’kin?” Nag-init ng husto ang buong mukha niya. Bwisit, nagtatanong lang naman siya! Umirap siya at nag-iwas ng tingin. “Siya nga pala. . gusto ko lang magpasalamat sayo, Amsel. Sa totoo lang, hindi ako makapaniwala na ginawa mo ‘yon para sa’kin, sino ba naman ako diba? Pero salamat pa rin, may tinatago ka rin pala na kabaitan.” Nilingon niya ito at nang makita niyang nawala ang ngiti nito ay napapikit siya ng mariin at tumakbo palayo. Hindi siya lumingon pero nararamdaman niyang hinahabol siya nito kaya’t mas lalo niyang binilisan. Nahihiya siya sa mga sinabi niya! Ayaw niya munang kausapin ito! “Dorothea!” sigaw nito at ayon na rin sa boses nito ay halatang tumatawa ito. “Hala! Naghahabulan ‘yung dalawa!” narinig niyang sabi ng isa nilang kaklase. Lalo siyang nakaramdam ng hiya. Kinagat niya ang kanyang labi at tumigil sa pagtakbo, nanlaki ang mata niya nang paglingon niya ay saktong tumigil ito sa harap niya kaya napaatras siya. “B-bakit ka ba sumusunod?” tanong niya habang naghahabol ng hininga. “Magpapaalam lang ako sayo, ang tagal kong hindi papasok e,” sabi nito. Nag-iwas siya ng tingin. “Ba’t kailangan pa? Pwede ka naman magpunta sa bahay.” Kahit hindi siya nakatingin, nakita niya sa gilid ng mata niya na natigilan ito. Nakita niyang pinagmamasdan siya nito at pakiramdam niya’y kakainin siya ng lupa. “Kasi nga, diba? Naglalaro kayo ni Gray, kaya siguradong makikita rin kita sa bahay! Wala naman ako magagawa kung nandoon ka na, tsaka nakatulog ka na nga ro’n e,” defensive na sabi niya. Mabagal na tumaas ang magkabilang gilid ng labi nito habang nakatingin pa rin sa kanya. “Sige. . pupunta na lang ako sa inyo.” Binuka niya ang bibig niya pero wala na siyang masabi, bago pa ito magsalita ulit ay tumakbo na siya papunta sa loob ng room nila nang hindi nagpapaalam. Hinihingal na umupo siya sa upuan niya, sapo ang kanyang dibdib. Tumabi sa kanya si Elnora na pinagmamasdan siya. “Anong nangyari?” tanong nito. “Ayos na ba? Naparusahan ka ba pati si Amsel?” Umiling siya na parang wala sa sarili. “Ako. . lang ang hindi naparusahan.” “Ibig sabihin. .” Nanlaki ang mata nito. “Anong parusa ang ginawa kay Amsel?” Ginawa kay Amsel? Teka, ano ba ang ginawa kay Amsel? Hindi siya makapag-isip ng diretso! Hindi niya malaman kung bakit. “Uh. .” Naningkit ang mata niya. “Suspended siya ng isang linggo?” “Ano? Kawawa naman ‘yon!” Ngumiwi ang kaibigan. “Bakit niya ba kasi ginawa ‘yon? At bakit ka naki-bugbog kay Darien?” Natigilan siya. Hindi nga pala nito alam ang dahilan dahil hindi naman nito nakita ang phone ni Darien. Ayaw niyang sabihin iyon sa kaibigan niya, nahihiya siya sa nangyari na iyon at alam niyang magagalit ito ng sobra. Kilala niya si Elnora. “Trip ko lang,” sagot niya. “Gaga ka! Kawawa naman si Darien!” Sumimangot siya. “Hindi kawawa ang hayop na ‘yon, Nor.” “Bakit? Ano ba kasi ang dahilan? Bakit ginawa ni Amsel iyon at sa loob pa talaga ng school?” Bakit nga ba? Wala sa sarili na napakagat siya sa kanyang labi. Mahirap man paniwalaan at tanggapin, siya ang dahilan kung bakit iyon ginawa ni Amsel. Niyakap niya ang kanyang bag. Iyon ang unang beses na may gumawa no’n para sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD