“ONE YEAR old pa lang po ako nu’ng maghiwalay ang mommy at daddy ko. Si Daddy ang nag-alaga sa akin. Dito na kami sa Baguio nakatira ngayon. Pero nu’ng mas maliit pa ako, nasa Manila daw kami. Mas madalas, doon ako kina Tito Greg. Kalaro ko iyong mga pinsan ko. Si Mommy, pag birthday ko, dinadalaw niya ako. Pero hindi palagi. May birthday din ako na wala siya. Pag Christmas, nagpapadala siya ng gifts, ang dami! Pero hindi ko siya nakakasama. Minsan nasa abroad siya, minsan nandito lang sa country pero busy naman. Pag tumatawag siya, palagi niyang sinasabi na busy siya.”
Huminto sa pagsasalita si Twinkle at sumubo ng pagkain. Ang dessert na hinihiling nito kanina ay naging kanin at beef caldereta. Nang makita ang ulam sa mesa ay iyon na ang itinuro nitong kakainin. Of course, may nakaabang pa rin dito na leche flan.
At dahil talagang naaliw na si Andie sa bata, nang maupo ito sa bakanteng mesa ay tumabi na rin siya. Nasa trivia ng mga bagong kasal ang emcee. Ang nakararami sa bisita ay doon ang atensyon. Ni wala ngang pumapansin kay Twinkle kaya naman parang sa kanya na rin nabuhos ang pansin nito. Hindi naman siya nagtanong dito. Ito na ang mismong nagkuwento ng animo ay family history nito. Hinayaan lang niya tutal ay masarap namang magkuwento ang bata. Bibo pa.
“Mabait po ang daddy ko, Miss Andie. Kanina, para lang iyong masungit pero mabait talaga iyon. Pogi pa!” At ngumisi ito nang maluwang. “Madaming girlfriends ang daddy ko. Lahat magaganda. Iyong iba, nice. Iyon namang iba, hindi masyado. Tinatanong ko nga si Daddy kung bakit marami siyang girlfriends. Sabi niya, pogi daw kasi siya. Ano sa palagay mo, Miss Andie? Pogi ang daddy ko, di ba?”
Napaangat ang kilay niya. At parang top secret ang itutugon niya kaya bago siya sumagot ay saglit pa siyang luminga sa paligid. “Well, yes. Magkamukha naman kayo. Cute ka, handsome naman siya. Mabait ba iyon? Sa tingin ko, suplado, eh.”
“Kunwari lang iyon. Eh, kasi, mali naman po ako kanina, di ba? Alam mo ba, ang daddy ko mismo ang naghahatid at sumusundo sa akin sa school. Kapag may program kami, palagi siyang nandoon. Dati nga, sabi niya, hindi siya a-attend kasi may board meeting siya.
“Pero nu’ng nasa stage na ako, nakita ko siya na papasok sa auditorium. Ang saya-saya ko nu’n, Miss Andie. Kasi nga sad na ako dahil akala ko hindi na nga siya talaga pupunta. Pero dumating pa rin siya. Alam mo, iyong iba kong classmate, hindi nanonood ang parents nila kapag may program. Yaya lang o kaya driver. Ako, sabi ni Tita Tricia, lucky ako kasi hindi lang si daddy ang nanonood sa akin. Nandoon din sila ni Tito Greg. Tapos binigyan pa nila ako ng party.”
“Tricia? Iyong kapatid ni Artemis?”
“Yes. Si Tito Greg, brother in-law ni Tito Art, sabi ni Daddy. Kuya ni Tito Greg ang daddy ko. Ako, ate naman ng mga anak ni Tito Greg.”
Napangiti siya. Kitang-kita sa anyo ni Twinkle kung gaano ang pagmamahal nito sa pamilya lalo na sa mismong ama nito. Kahit na nabanggit na nitong hiwalay ang parents nito, tila hindi naman ito apektado sa bagay na iyon. Mukha namang busog ito sa pagmamahal ng ama at iba pang kapamilya. Buhos na buhos ang atensyon nito sa pagbibida ng tungkol sa ama nito.
“Miss Andie, puwede bang humingi pa ng caldereta?” Itinaas pa nito ang platito sa kanya.
“Sure!” Kasabay ng pagtayo niya upang abutin ang platito ay ang lalo pang pagtulak niyon ni Twinkle sa kanya. Lumigwak ang sarsa niyon sa laylayan ng blouse niya.
“Naku!” halos sabay na bulalas nila ng bata.
Mabilis siyang dumampot ng napkin at idinampi iyon sa namantsahang damit. Si Twinkle naman ay nakatingin lang, halata sa anyo ang guilt.
“S-sorry,” anito nang magtama ang tingin nila.
“Okay lang,” sagot naman niya. Hindi naman na bago sa kanya ang mamantsahan ang suot niya. Sa trabaho niyang iyon, masuwerte nang hindi aksidenteng matilamsikan ng sarsa o anupamang pagkain ang damit niya. Kaya nga palaging puti ang blouse niya. Babad lang sa detergent powder ang katapat niyon.
“Nasira ko ang damit ninyo,” tila may takot din na wika nito.
“Hindi nasira, narumihan lang,” nakangiti pang katwiran niya. “Pag nalabhan iyan, okay na uli. Ano, ikukuha pa kita ng caldereta?”
“Hindi na lang po.” At sa itsura nga ay mukhang nawalan na ng gana.
“O, sige, tutal naman marami ka nang nakain. O, itong leche flan, ito ang request mo kanina pa, di ba? Sige, iyan na lang ang bunuin mo.”
Nakamata lang ito habang siya pa mismo ang naglalagay sa platito ng dessert. Bago nito tinanggap iyon ay tinitigan pa siya. “Talagang hindi po kayo galit? Ang pangit na ng damit ninyo ngayon.”
“Nakita mo ba akong nagmukhang masungit? Hindi naman, di ba?” Tinapik niya ang pisngi nito. “Pag sinabi kong okay lang, okay lang talaga.”
“May-asawa na po ba kayo, Miss Andie?”
Nagulat siya. “Bakit?”
“Kasi ang bait ninyo. Sana kapag nagkaroon ako ng mommy kagaya ninyo.”
Napatanga siya. Hindi niya alam kung dapat siyang mapangiti o itikom na lamang ang mga labi.
NAPAKUNOT ANG NOO ni Jesse nang mamataan ang anak. Hindi na bago sa paningin niya na pagkain ang kaharap ni Twinkle, kaso nga lang, iyon ang isang bagay na sinisikap niyang makontrol. At sa nakikita niya ngayon, pakiramdam niya, talo na naman siya sa anak.
“Twinkle,” he said in a deep tone.
“Daddy!” gulat na sagot ng kanyang anak, nasa mukha agad ang guilt.
“Di ba, sabi ko kanina, you already had enough?”
“Kasi, Daddy, gutom pa ako, eh.”
Isang tikhim ang umagaw sa sana ay sasabihin niya.
“Ako ang nagbigay sa kanya. Nakakatuwa kasing pakainin, eh. Magana.”
Bumaling siya sa babae. “Salamat. Kaya lang I monitor her food intake.” Iniusod niya ang platito palayo sa anak. “Come on, kid. Hinahanap ka ni Lola Marina.” At bago tuluyang lumayo, naalala niyang lingunin ang babae. “Thanks again, miss. I appreciate your attention to my daughter. But I hope you also understand my point.”
“Yes,of course,” sagot nito na tila pinipigil na maging stiff ang tinig.
Tipid siyang ngumiti at tumalikod na subalit hindi nakatakas sa pansin niya ang patagong pag-irap ng babae. Nagtaka siyang bigla.
“Daddy, ang bait ni Miss Andie!” untag sa kanya ni Twinkle.
“Miss Andie?” baling niya dito.
“Yes. Iyong nagbigay sa akin ng food.”
Napatango lang siya at tiningnan ng pormal ang anak. “Nakalimutan mo ang bilin ko, Twinkle.”
“Sorry na po, Daddy.”