FARRAH Titig na titig ako sa dalawang magkapareha na halos kulang na lang ay maghalikan sa harap ko. Nasa hindi ako kalayuan sa mga ito. Simula ng magsimula ang event ay sila agad ang nakita ng dalawang mata ko. Kung hindi lang ako kailangan dito ay hindi na ako pupunta dahil alam kong masasaktan lang ako. Pagkatapos ng nangyari sa pagitan namin ni Zick kahapon ay nanatili lamang ako sa silid ng ilang minuto. Sinabi ko rin kay Lenny ang nangyari. Humingi na rin ako ng pasensya dahil umuwi ako agad. Hindi naman ako makakapag-concentrate sa trabaho kung masakit ang puso ko. Pagdating sa bahay ay sinalubong agad ako ni papa. Tinanong ako nito kung bakit maaga ako umuwi pero yakap at iyak ang binigay kong sagot dito. Hindi ko kinaya ang sakit kaya nilabas ko ang lahat ng iyon kay papa.

