Rinig niya ang tunog ng doorbell. Subalit hindi niya iyon pinapansin. Hinayaan niya lang iyon, iniisip na mapapagod man ang kung sino na nasa labas. Wala siyang inaasahan na bisita ngayon. At wala rin naman nasabi si Luke sa kaniya. Isa pa, kung meron man na nais makita siya, wala siyang balak na harapin ito. Nanatili siyang nakahiga sa may couch, sinubukan niyang ipikit ang kaniyang mga mata upang bumalik sa pagtulog. Pero hindi talaga tumigil ang kung sino man na nasa labas sa pag-dodoorbell. Dahil sa inis ay tumayo siya. Napatingin sa may orasan at nakita na alas quatro pa lamang ng hapon, kaya mas lalo siyang nainis. Pero naalala niya, kung minsan ay nagpapadeliver si Luke ng pagkain lalo pa kung wala ito sa bahay. Kaya siguro ay ayaw umalis ng nasa pintuan dahil food delivery ito.

