Kabanata 10

2682 Words
Siguro’y mahigit isang oras kaming nagkausap ni MJ bago binaba ang tawag. Kasabay nito ang pag-ubos ko sa binili niyang pagkain. Pinagsabihan ko pa nga siya tungkol sa pagbili niya nito kahit na sa totoo lang ay sarap na sarap naman ako rito. Na-appreciate ko naman ang ginawa niya. Pero hindi lang ako sanay na ginagastusan ako ng kahit na sino. Kaya naman sa kabila ng kanyang pagtutol, agad kong inihulog sa account niya ang perang inilabas niya. Dahil sa tagal ng pag-uusap namin, mainit ang phone ko nang alisin sa pagkakatapat sa tainga. At dito ko lang din nakitang may text message pala akong natanggap. Hindi naka-save ang number pero mukhang galing ito kay Elijah. Hindi ko ito napansin agad dahil abala ako sa pakikipag-usap sa kaibigan ko. Kung tutuusin ay ayos lang naman sana ito dahil dapat oras na ng pahinga ko. Pero dahil pagdating sa trabaho ay nasanay akong hangga’t maaari ay available ako twenty-four seven, binasa ko ito para malaman kung anong kailangan niya. UNKNOWN NUMBER: Hi Ms. Dimagiba, this is Elijah. Let’s talk. Room 201. Nandito na rin si Sir Rey. Room 206 ang assigned room ko. And I’m currently on the same floor, at the fire exit. So, he’s probably just right across the hall. Mukhang tungkol na naman sa concert ang pag-uusapan namin kaya inaaya niya ‘ko. Kaya kasama rin namin si Sir Rey. Niliteral yata ni Elijah ang sinabi kong pag-usapan na lang namin ito pagkatapos ng event. Gusto ko nga lang ipaalala sa kanyang may second day pa. Baka kasi nakalimutan niya ito. There’s plenty of time to prepare for the concert. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit parang hindi sila makatulog nang ‘di ito napag-uusapan. At dahil gusto ko na ring magpahinga, hindi ko na sana balak pansinin ang text nito. Ayon lang ay pabalik na sana ako sa kwarto nang mapatingin ako sa hawak kong papel. Nabitbit ko kasi ‘yong sequence guide na inabot ni Eunice sa ‘kin kanina. Naisip ko tuloy na wala naman sigurong masama kung pupuntahan ko na si Elijah ngayong gabi. Pwede ko na rin siyang masabihan tungkol sa mga pagbabago para sa event bukas. Baka kasi makalimutan ko pa ang tungkol dito kapag naging abala na kami sa ibang bagay. Kaya naman nagpunta ako sa Room 201 katulad ng sinabi nito, nagbabakasakaling makakahabol pa ako sa meeting nila. Pero laking gulat ko nang ibang meeting ang naabutan ko. Nalaglag ang panga ko dahil pagbukas ng pinto, imbes na si Sir Rey ang kasama ni Elijah sa kwarto, si Alexa ang nakita ko! Nagulat ako dahil ang alam ko, sila talaga ni Sienna sa totoong buhay. Hindi lang sila basta magka-love team. Nakahiga sa kama si Alexa. Mukhang pagod at inaantok pero nang makita ako’y, mabilis niyang tinakpan ng kumot ang itaas na bahagi ng kanyang katawan. Halatang hindi nito inasahan nang pagbuksan ako ni Elijah ng pinto. “Lij!” saway ni Alexa kay Elijah. Napasinghap ako nang bigla akong hinawakan ni Elijah sa braso at hinila papasok ng kwarto. Sinarado niya ang pinto sa likod ko at dito lang ako hinarap. Pinalis ko naman ang kamay niyang nakahawak sa akin at hindi nagpasindak. “Sinong nagpapunta sa ‘yo rito?” malalim ang tingin ni Elijah sa ‘kin. At imbes na tumiklop ay nagawa kong makipagtitigan sa kanya. “Anong sino? Nandito ako kasi nag-text ka sa ‘kin. Pero siguro naman wala sa ilalim ng kumot si Sir Rey kaya aalis na ‘ko.” “What the f*ck are you talking about?” singhal niya. Nakaamoy ako ng alak sa kanya kaya mukhang lasing siya para maintindihan ako. Kaya siguro hindi niya matandaan ang text niya sa ‘kin kanina. “Sa susunod na lang tayo mag-usap. I’m sorry for disturbing your night,” sabi ko at tumalikod na sa kanila. They have their own issues to deal with at ayaw kong makisali. Ayon lang ay pipihitin ko na sana ang doorknob nang magsalita pa si Alexa. “Is it okay that she knows about us?” nag-aalalang tanong nito. “She’ll know it soon. Might as well figure it out now,” sagot naman sa kanya ni Elijah. At para bigyan sila ng peace of mind ay hinarap ko silang dalawa. “Wala akong balak magsayang ng oras para makisali sa drama niyo. So, don’t worry, I won’t remember anything that I saw tonight.” Inirapan ako ni Alexa. Mukhang hindi ito naniniwala kahit na totoo naman ang sinabi ko. Makakatrabaho ko lang naman sa isang project si Elijah. Hindi ibig sabihin nito ay magiging parte na ‘ko ng buhay niya. Kaya ano man ang gawin niya sa kanyang career, bahala na sila ni Sir Rey mamroblema. Bumaba ang tingin ni Elijah sa hawak kong papel. “Ano ‘yan?” “Changes lang para sa event bukas. Iwan ko na lang dito,” pinatong ko ito sa ibabaw ng lamesa ‘di kalayuan sa ‘kin. “Bukas na lang tayo mag-usap—o pagbalik sa Maynila.” O pwede bang ‘wag na kahit kailan? Lalabas na sana ako ulit nang magsalita pa si Elijah. “Gusto kong ma-sold out ang first major solo concert ko.” Napapakit ako nang mariin dahil ito na naman kami. Pagdilat ko’y nakita ko ang malamig niyang tingin. “’Yan din naman ang gusto kong mangyari. We will do our best—” “Don’t just do your best. Make it happen,” mariin ang bigkas niya sa bawat salita. Para bang sobrang laki ng nakataya rito. “Syempre gagawin namin ang lahat pero nakadepende pa rin sa fans mo kung maso-sold out ang concert mo o hindi. Hindi ako magician, event coordinator ako.” At hindi ko na nga napigilan ang sarili ko magtanong. “Tsaka, bakit ba obsess na obsess ka sa concert mo?” Nagkaroon ng sandaling katahimikan bago ako sinagot ni Elijah. “The management would only consider my request… if I give them a sold-out concert.” “Request?” “Gusto kong humilaway sa love team—” “You want to dissolve EliSie?!” Hindi ako makapaniwala sa gustong mangyari ni Elijah. Agad nanayo ang buhok ko sa batok at braso. Hindi pa ito nangyayari pero alam kong magkakaroon ng malaking gulo kapag nalaman ito ng publiko. Sobrang dami ng fans nila at tingin ko hindi nila basta-basta matatanggap ang hiwalayan ng dalawa. “Kung malinaw na ang gusto kong mangyari, you know your way out,” sabi ni Elijah bago ako talikuran. Pero ako naman ang may pahabol na tanong dito. “Akala ko ba masaya kayo? Hindi ba’t pinag-uusapan niyo na rin ang kasal?” Hindi ko man intensyon mabasa o mapanuod ang mga interviews nila, kalat na kalat sa social media ang kahit anong may kinalaman sa kanila. I’m not a fan, but it’s inevitable. At base sa kanilang interviews, they seemed madly in love with each other. They were already talking about marriage, having children, and building a home. I thought they were dreaming of having a future together. Natawa si Elijah. “Hindi ko alam na pati pala ikaw naniwala sa pag-arte namin. Oo’t naging kami ni Sienna, probably for a year or two, pero matagal na kaming hiwalay. May kanya-kanya na rin kaming relasyon ngayon. Kahit tanungin mo pa siya. Nanatili lang talaga ang EliSie dahil sa RSE.” I can’t believe RSE would force them to stay in a love team and pretend like they’re in a loving relationship for many years. Kaya hindi talaga dapat basta-basta pinaniniwalaan ang mga nakikita lang sa telebisyon at online. I want to ask him why he wants to dissolve their love team, but figured that it’s too personal. Wala rin namang dahilan para malaman ko ito. Nabaling ang atensyon ko kay Alexa na masama pa rin ang tingin sa akin hanggang ngayon. Akala yata niya ay may intensyon akong agawin sa kanya si Elijah. Pero ‘wag siyang mag-alala dahil kahit ito pa ang kaisa-isang lalaking matira sa mundo, wala akong balak na patulan ito. *** Buong gabi kong inisip ang mga sinabi ni Elijah sa akin – ‘yong tungkol sa love team nila ni Sienna at sa kanyang upcoming solo concert. Now, everything makes sense. Kaya pala ganuon na lang ang pagpipilit niyang matuloy ang concert na ito. May mas malalim pang rason bukod sa kasikatan. Nakakagulat lang malaman na ‘yong reel-to-real love team na kinababaliwan ng maraming tao ay hindi pala totoo. Tumagal lang ito dahil sa pagpapanggap. I can’t imagine faking love. I can’t see myself loving someone at all. I don’t even know what love is. And I’m not sure if it even exists… Hindi ako sigurado kung saang punto ng gabi ako nakatulog. Naalimpungatan lang ako kaya ako nagising. Pagdilat ko’y napatingin agad ako sa kamang katabi ng akin. Nagtaka ako dahil bakante na ito. Bukas din ang pinto ng banyo kaya mukhang walang tao rito. Napabangon agad ako nang mapagtantong wala si Eunice sa apat na sulok ng kwarto. Pati mga gamit niya ay hindi ko na makita Para tuloy akong binuhusan ng malamig na tubig. Kinabahan ako dahil baka na-late na pala ako ng gising at naiwan ng mga kasama ko! Tiningnan ko agad kung anong oras na. At kahit papaano, nakahinga ako nang maluwag. Tama lang naman kasi ang oras ng gising ko. Naunahan ko pa nga ang alarm ko. Pero saan kaya nagpunta si Eunice? Para malaman ang sagot ay nag-asikaso na rin ako ng sarili. Nagmadali na ako kaya ilang minuto lang ang nakalipas, nasigurado kong handa na ako sa araw na ito. Dala ang mga gamit ko, paglabas ng kwarto ay didiretso na sana ako sa elevator. Ayon lang ay nakita ko ang mga kasama kong nagkukumpulan sa hallway. Nandito rin si Eunice. Hindi man lang niya ‘ko ginising eh mukhang nagmi-meeting na sila para sa second day ng event namin. Kaya naman nagmadali na ‘kong lumapit sa kanila. Sumiksik ako sa pagitan nina Irene at ng isang intern namin. “Good morning! Sorry, ako na lang pala ang wala sa meeting,” bungad ko. Pero parang may kakaiba sa kanila. Sabay-sabay kasi silang tumingin sa akin at bakas ang pagtataka at pangamba sa kanilang mukha. Ang iba’y ‘di natagalan ang tingin ko at yumuko. Si Luigi ay naiiling pa. Parang may nangyari habang tulog ako. Kaya kinutuban ako ng masama. “May problema ba?” nag-aalangang tanong ko. Nakita kong may seryoso silang pinag-uusapan ngayon lang pero tumahimik lahat pagdating ko. Ilang beses ko nang naranasan ang ganitong scenario noon. Kaya naman alam kong kadalasan, ganito ang reaksyon ng mga tao sa bigla mong pagdating dahil ikaw ang pinag-uusapan nila. Kung ako man ang pinag-uusapan ng mga katrabaho ko. Gusto kong malaman kung tungkol saan ito. Hindi naman na kami mga bata. Kung may problema sila sa akin, dapat ay sabihin nila ng harapan, hindi ‘yong kailangan ay sa likod ko pa. Dito lumapit si Sir Edward sa akin. Hinawakan niya ako sa braso at bahagyang inilayo sa iba bago kinausap. “Mauna ka nang bumalik sa Maynila ngayong umaga.” Nagsalubong naman ang kilay ko. “Bakit, Sir? Cancelled ba ang second day ng event natin?” “Hindi. Pero kami na ang tatapos. Kaya naman na namin dito. Sinabihan ko na rin si Irene pati interns—” “Wait, Sir Edward. Naguguluhan ako. Ano bang nangyayari?” Napapikit nang mariin si Sir Edward. Napasapo siya sa kanyang noo at para bang pinapasakit ko ang ulo niya. At dahil nauubusan na ako ng pasensya ay hinarap ko na pati ibang katrabaho ko. “Pwede niyo bang sabihin sa ‘kin kung anong nangyayari? May dapat ba ‘kong malaman?” tanong ko sa lahat. At mabuti naman nagkusang sumagot si Irene. “Hindi mo pa ba nakikita ang pictures na kumakalat ngayon online?” “Pictures?” Hindi ko maisip kung anong kinalaman ko sa tinutukoy nito. Pero inilabas ko agad ang phone ko. Pag-log in ko sa social media account ko, nalaglag ang panga ko sa unang picture na bumulaga sa feed ko. Nalaglag ang panga ko dahil nakuhanan ng litrato ang pagpunta at paglabas ko sa kwarto ni Elijah kagabi! At dahil lang dito, ang kumakalat ngayon ay may relasyon kaming dalawa! Ang sinasabi pa nila ay nilandi ko si Elijah! “Ikaw ba ‘yung nasa pictures? Kaya ba ang tagal mong bumalik sa kwarto natin kagabi?” tanong ni Eunice na mukhang hindi pa man naririnig ang paliwanag ko, naniniwala na sa tsismis na kumakalat. “Oo, ako ‘yung nasa pictures. Pero nagpunta lang naman ako sa kwarto ni Elijah kasi—” “Whatever your reason is, this is a big scandal, Tiffany.” Nang tingnan ko ang mga mata ni Sir Edward, mukhang pati siya ay naniniwala sa kumakalat na tsismis. “Nakarating na ito sa management. At ang gusto nila, hindi ka pasamahin ngayong araw para makaiwas sa gulo. Mas makakabuti rin kung mauuna ka nang bumalik sa Maynila.” “Bakit parang tumatakas ako? Eh wala naman akong ginawang masama?” “Sa tingin mo ba ‘yan ang iniisip ng mga tao ngayon? Tiffany, si Elijah Charlesworth ang pinag-uusapan natin dito. EliSie ang binangga mo!” “Talaga bang dahil lang sa pictures, naniniwala na kayong may relasyon kami ni Elijah? Na nilalandi ko siya?” Tiningnan ko rin ang ibang mga kasama ko para malaman kung anong opinyon nila. At sa kanilang lahat, si Irene at mga interns lang namin ang mukhang nakikisimpatya sa akin. “Well… walang matinong babaeng pupunta sa kwarto ng lalaki ng madaling araw,” sagot naman ni Eunice. “Kunwari ka pang hindi interesado sa lalaki eh bigatin lang pala ang gusto mong kalandian. Boyfriend pa ng iba,” gatong naman ni Luigi. Kinuyom ko ang mga palad ko. Huminga ako nang malalim para pakalmahin ang sarili. Pakiramdam ko kasi ay umaakyat na ang dugo ko sa ulo. “Hindi ako ganyang klase ng babae. Tungkol sa trabaho ang ipinunta ko sa kwarto ni Elijah.” Natawa pa si Luigi. “Nagtrabaho lang naman pala si Tiffany, Sir Edward. Magkano ba ang binayad sa ‘yo ni Elijah? Per hour ba o fixed rate?” Nagpanting ang tainga ko sa kabastusan nito kaya hindi na ako nakapagpigil pa. Lumapit ako sa kanila at nang makita ko ang iniinom na hot choco ng isang intern namin, agad ko itong kinuha at sinaboy sa mukha ni Luigi. Nagsisisigaw si Luigi nang malakas habang sinusubukang punasan ang mukha gamit ang suot na puting polo. Sunud-sunod ang pagmumura niya sa akin. Pasalamat pa nga siya at walang kumukulong mantika malapit sa akin! At nang akmang lalapitan niya ako para makaganti, hindi ko naman siya inurungan at lumapit din. Baka nagkasakitan na kami kung hindi kami nagawang awatin ng mga kasama namin. Pumagitna na si Sir Edward. “Tumigil na kayong dalawa! Para kayong mga bata!” sigaw nito. Nang maglayo kami ni Luigi ay itinuon ko ang atensyon ko kay Sir Edward. “Unless there’s someone who can testify that nothing happened inside that room between you and Elijah, anything you say now would be meaningless,” sabi nito. Naalala ko naman agad si Alexa kaya dapat ay sasabihin ko ito sa kanila. Pero natigilan ako. Naisip ko kasing kapag sinabi kong nanduon din si Alexa sa loob ng kwarto, aalamin na rin nila kung anong ginagawa nito rito at bakit magkasama sila ni Elijah. Panibagong issue na naman ang puputok. “Makinig ka sa ‘kin at bumalik ka na sa Maynila ngayong umaga. Bago pa may gawin ang fansclub ng EliSie sa scandal na ‘to,” utos ni Sir Edward. Napayuko ako dahil dito. Inihilamos ko ang dalawang kamay sa mukha dahil sa sobrang frustration. Mabigat ang paghinga ko at sobrang gulong-gulo ako sa mga nangyayari. Pero isang tao lang ang malinaw sa akin – ang paulit-ulit kong naiisip sa mga oras na ‘to dahil gusto kong hingan ng tulong. MJ.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD