Nitong nagdaang araw ay magaan na iyong pakiramdam ko, pero ang laki pa ring tulong nitong pagpunta namin sa Tagaytay dahil mas gumaan nga ang loob ko. Parang lahat ng kautangan ko ay biglang nawala.
Iyong sariwa at malamig na hangin na siyang yumayakap sa katawan ko, mga huni ng ibon mula sa kalangitan ang tila nagsilbing background music namin ni Brent habang nakatanaw sa Taal.
Nasa bandang likod ko siya habang ang parehong kamay ay naroon nakahawak sa railings, rason para makulong ako sa gitna niya. Kung titingnan kami ng iba, mukha siguro kaming magkarelasyon.
Mukha kaming sweet na couple na piniling mamasyal dito sa Tagaytay. Ang hindi nila alam, mababaw lang ang relasyon namin ni Brent. Casual séx lang para ibsan ang lamig sa katawan ng bawat isa.
Na kapag kailangan ako ni Brent, isang kalabit lang ay kailangan kong pumayag. Syempre ay ayos lang din naman sa akin. Siya ang dahilan kung bakit nakaluwag-luwag ako ngayon— literal.
Simple akong bumuntonghininga, kapagkuwan ay itinaas ulit sa ere ang cellphone ni Brent. Nakita ko ang itsura ni Brent sa camera, humalik siya sa tuktok ko, kasabay nang pag-click ko.
Ang dami na naming pictures sa gallery nito. Hindi ko nga alam kung ia-upload niya ba iyon, pero mukha namang hindi. Humilig ako sa dibdib nito at saka ulit nag-selfie, kuha pati ang braso niya.
Tinanggal na kasi nito iyong jacket niya kanina. Kaya kitang-kita sa litrato ang matipuno at masculine niyang braso. Bagay siguro iyong kantang ‘A Gangster Wife’ rito sa picture na 'to.
“Daddy, let me know that I'm your only girl, the only man that I need in this gangster world," pagkanta ko pa.
"What's that?"
"Kanta sa Tiktok." Natawa ako.
"I am not a gangster," giit ni Brent dahilan para bumulanghit ako ng tawa.
Lakas ng tama nito.
"Kapag sinabi ko bang tumalon ka rito, tatalon ka?" Kinakausap ko siya mula sa camera ng cellphone niya.
"Basta kasama ka."
Sabay na kaming natawa. Nailing ako sa kawalan, malakas nga ang tama.
"Malapit na lang ang Skyranch dito 'di ba? Punta tayo," suhestiyon ko para may alaala naman kami rito, hindi iyong tamang nagkape lang kami rito sa Tagaytay.
Pumayag si Brent at tumango bilang sagot. Hinawakan niya ang kamay ko at hindi pinakawalan hanggang sa makarating kami sa naka-park niyang motor sa labas ng coffee shop.
Siya ulit ang nagsuot sa akin ng helmet, mayamaya ay umangkas na ako sa likod niya. Niyapos ko ito kagaya kung paano niya gustong yakapin ko siya.
"Dahan-dahan lang, ah?" sabi ko dahil tunay na gusto kong namnamin ang tanawin sa Tagaytay.
Bawat madaanan kasi naman ay tila kayganda sa paningin ko. Puro puno at nililipad iyon ng hangin. Mahamog man ngunit sumisilip pa rin iyong sikat ng araw mula rito sa kalupaan.
Sobrang lapit lang ng Skyranch mula roon sa pinanggalingan namin kaya kaagad din kaming nakarating.
Una naming pinuntahan ang gitnang bahagi kung saan nakalagay ang malaking pangalan ng Skyranch. Nag-picture kami roon ni Brent, salitan kami, may magkasama rin at maraming selfie ko.
Mas maganda kasi itong camera ni Brent, since updated ang cellphone niya. Sa akin ay masyado ng luma, pangit na ang camera at ma-lag, ginagamit ko na lang iyon pangtawag sa mga kapatid ko.
Bumili kami ng pang-isahang ticket para unli rides, bahala na kung kaya naming sakyan lahat iyon. Inuna pa talaga namin iyong Drop Tower kung saan dahan-dahan kaming iaakyat sa ere, saka ibabagsak pababa at vice versa.
Para kaming bata ni Brent, hindi alintana ang tinginan ng mga tao sa amin dahil sobrang ingay naming dalawa. Lalo iyong part na nakasakay kami sa Super Viking. Kapit na kapit ako sa kaniya, natatakot na baka mahulog, pero ang lakas naman ng tili at sigaw ko sa sobrang saya.
Grabe lang itong bond namin ni Brent, parehas kami ng gusto at ito iyon. Kaya pareho rin kaming nag-enjoy. Lahat yata ng extreme rides ay hindi namin pinalampas, kagaya ng Log Coaster, Wonder Flight at Express Train.
Nang tila mapagod ay huminto na kami. Kumain muna kami saglit sa mga nakapilang food stall sa gilid.
"Ang saya!" sigaw ko, hindi halos maka-get over kaya hanggang ngayon ay tawang-tawa pa rin si Brent.
Alam ko, madalas na mas natatawa pa siya dahil sa mga ginagawa ko.
"Uminom ka muna," anang Brent at inabutan ako ng bottled water, binuksan na niya iyon para sa akin.
Bumili siya ng hotdog sandwich at waffle naman sa kabilang stall. Mayamaya ay nilapitan niya ako sa nakuhang pwesto. Pareho kaming nakaupo sa pavement, nakasilong din dahil tumaas ang araw.
"Here."
"Thank you," masaya kong sambit nang ibigay niya sa akin iyong waffle.
Nagsimula kaming kumain habang pinapanood ang ibang mga tao na sumasakay sa Sky Eye, o iyong ferris wheel. Bawat pumapasok sa cabin ay may taga-picture na lalaki.
"Dati ka nang nagpunta rito?" Nilingon ko si Brent na ngumunguya pa sa kinakain niyang hotdog sandwich.
Madali kong pinunasan ang ketsup na naroon sa gilid ng labi niya. Wala pang anu-ano nang sipsipin ko iyon sa daliri ko. Natulala si Brent sa ginawa ko at tumitig sa akin, ngumiti ako rito.
"Ako, first time ko," dagdag ko at muling kinagatan ang waffle.
"First time rin... na ganito kasaya, pero rati na kasama ang pamilya."
Umarko ang kilay ko. "Imposible, pamilya mo 'yon, tapos hindi ka masaya?"
"Hindi naman lahat ng pamilya ay masaya," makahulugan niyang pahayag.
Tumitig ako kay Brent, siya naman ay nag-iwas ng tingin. Inabala na niya ang sarili sa pagkain habang tila umiiwas sa topic na iyon. Ayaw niyang pag-usapan ang pamilya nito? Pero nabanggit niyang may mga kapatid siya.
Ibig sabihin lang ay totoong may kaniya-kaniya silang mundo na walang pakialam sa isa't-isa? Ganoon ba iyon?
Kung sabagay, may parte namang totoo ang sinabi niya. Hindi rin lahat ng may kompletong pamilya ay masaya at hindi lahat ng broken family ay malungkot.
Iyong iba ay pinipili na lang na humiwalay alang-ala sa kapayapaan, para sa susunod ay masaya na. At iyong iba naman ay pinipilit na maging buo para lang masabing kumpleto, kahit pa hindi na payapa, kahit hindi na masaya.
Tumango ako bilang pagrespeto sa gusto ni Brent. Hindi na rin ako umimik pa.
Pagkatapos namin doon ay tinungo namin iyong mga pila-pilang souvenir shop. Bumili kami ng couple shirt ni Brent, iyong may naka-imprintang ‘Tagaytay’ sa harap ng t'shirt. Binilhan din niya ako ng bucket hat na kulay itim.
"Picture tayo!" nagagalak kong sinabi habang suot-suot iyong sumbrero.
Ngumiti siya kaagad at niyakap ako mula sa balikat ko. Ilang shot iyon at tuwang-tuwa na naman ako sa mga nakuha kong picture.
Mamaya ay subukan ko ngang maki-log in dito kay Brent, doon na lang ako sa account ko mag-a-upload ng picture. Syempre ay puro mukha ko lang. Mahirap nang matsismis ng mga kapitbahay.
"Ang ganda-ganda! May pamalit na ako ng profile picture." Malakas akong tumawa.
"Try mo 'yung picture ko," ani Brent.
Humalakhak ako. "Ayoko nga."
"Bakit?" Tumaas ang kilay niya.
"Maraming marites sa amin, ano ka ba! Wala ka bang social media?"
"Wala, email lang," simple niyang sagot.
"As in wala?" Gulat na gulat ako, pero hindi naman nakapagtataka, hindi naman yata uso ang social media sa mga abalang mayayaman, wala silang oras doon.
Umiling siya at ngumiti. Inakbayan na niya ako, saka nag-umpisang maglakad. Palabas na kami ng Skyranch at kung saan kami papunta ay hindi ko alam.
Gusto ko pa sanang magtagal doon, kahit hanggang dapit hapon para mapanood ko iyong paglubog ng araw. Mukhang masaya iyon— kasama si Brent.
Nakanguso ako habang kinakabitan ako ng helmet ni Brent. Nakabusangot din na animo'y batang inagawan ng lollipop.
"What?" natatawa niyang usisa.
"Mamaya na tayo umuwi. Maaga pa naman." Nakahawak na ako ngayon sa laylayan ng jacket niya.
"Bakit?"
"Manood tayo ng sunset."
Napangiti siya. "All right."
"So, saan tayo?"
"Check in muna," aniya habang nakangisi ng nakaloloko, sabay kindat sa akin.