CHAPTER 7

2038 Words
Chapter 7: Pain “PERO Bythesea... Hindi mo makakausap ng ganyan ang asawa mo. Tingnan mo siya. The Lucas we used to know ay ibang-iba siya sa Lucas na kaharap natin ngayon.” Inilingan ko si Jaydel. Mas gusto ko pa rin ang kausapin ang asawa ko, baka sakaling mapilit ko na siyang sumama sa amin pauwi. Ngayon na nandito na nga siya at alam na namin pareho na buhay siya at nakaligtas ay hindi ko siyang puwedeng iwan dito. Kasama...kasama ang babaeng ito. “K-Kauusapin ko lamang siya, Jaydel. Please,” nakikiusap na sambit ko. Baka sakaling makikinig siya sa akin. “Bythesea, sa totoo lang ay wala na kaming pakialam pa kay Lucas,” mariin na saad ni Poirier at alam kong hindi iyon nakaligtas sa pandinig ni Lucas. Narinig niya iyon pero hindi man lang siya nag-react. Tumigas lang ang ekspresyon ng mukha niya. “Sa ginawa niya ngayon sa ‘yo? Ewan ko na lang, ang hirap na niyang patawarin pa,” dugtong niya dahilan na sumikip ang dibdib ko. Isa ako sa mga naging saksi ng magandang samahan at pagkakaibigan nila. May malasakit sila sa isa’t isa at iniingatan nila ang friendship nila, pero nang dahil lang sa trahedyang iyon ay nawala sa amin si Lucas. Tapos nang mahanap na namin siya ay ibang-iba na siya sa Lucas na kilala naming lahat. Tama si Jaydel sa sinabi niya kanina. Magkamukhang-magkamukha man sila ng asawa ko ay magkaiba naman ang pag-uugali nila. Pero kahit ganoon pa man ay gagawin ko ang lahat. Maibalik ko lang ang dating Lucas na kaibigan nila, ibabalik ko pa rin ang asawa ko na mahal na mahal niya kaming pamilya niya. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko. “Ano’ng gagawin mo, Bythesea?” tanong sa akin ni Oriphyn. “Bigyan niyo ako ng sapat na oras upang pilitan siya na sumama sa atin pabalik sa Manila,” sagot ko na may himig na pagkadesperada ang boses ko. “But you can’t force him to go home with us, Bythesea. Kahit sino mang tao riyan ay hindi pa rin natin puwedeng pilitin sa bagay na ayaw naman nila,” Jaydel blurted out. “Please? Hindi natin puwedeng iwan dito si Lucas.” Sabay pa silang bumuntonghininga. Naunang lumabas ng bahay si Jaydel na alam kong masama talaga ang loob niya. Si Oriphyn ang sumunod na masama pa niyang tiningnan ang asawa ko lalo na sa babae. “Alam mo... Pamilyar sa akin ang boses mo,” wika ni Poirier at itinuro pa niya ang babae. Nakita ko naman ang gulat at pagtataka na nakaguhit sa mukha nito. Pero mabilis din siyang nakabawi. “Poirier,” Lucas warned him. Ipinagtatanggol niya talaga ito laban sa amin. “Wow, kilala mo pala ako,” nang-aasar na saad ni Poirier kaya umigting ang panga ng kaibigan niya. “Tandaan mo ‘to, Lucas. Hindi namin tatantanan ang kinikilala mong asawa ngayon. Ang ganyang klaseng mukha? Inosente at mukhang hindi makabasag pinggan?” nanunuyang usal pa niya. “Stop it, Poirier. Umalis na lang kayo!” bulalas ni Lucas. Mabilis na napigtas ang pisi ng kanyang pasensiya. “Poirier, tara na sa labas!” sigaw ni Jaydel mula sa labas ng bahay. “Mapanglinlang ‘yan, Lucas. Alam ko...alam kong may ginawa siyang hindi maganda... Magsisisi ka sa bandang huli,” huling saad pa ni Poirier bago siya tuluyang umalis at may pagdadabog pa. “Bakit hindi ka pa sumunod sa kanila? Umalis ka na rin, Bythesea,” malamig na usal niya. Hinila niya ang babae at magtutungo na sana sila sa isang kuwarto nang mabilis ko siyang pinigilan. Mahigpit kong hinawakan ang braso niya at hinila siya palapit sa akin. “L-Lucas, please... M-Makinig ka na m-muna sa akin. M-Mag-usap tayo, please...” “Bythesea, ano pa ba ang pag-uusapan natin ngayon?” tanong niya na malamig pa sa yelo ang kanyang boses. Hindi ako sanay na ganito siya. Hindi ako sanay na ganito kalamig ang trato niya sa akin. Hindi ako sanay na tila wala na nga talaga siyang pakialam pa sa akin. Iba na ba talaga? I-Iba na ba talaga ang mahal niya at hindi na ako? Iba na ba ang gusto niyang makasama at sa piling ng babaeng ito ay bubuo na nga talaga sila ng bagong...pamilya? Ngunit paano ako? Paano na kami ng mga anak n-namin? Sina LZ at Daphne... Hindi pa niya nakikita ang bunso naming anak. “Hindi ako aalis dito hangga’t hindi mo ako kinakausap ngayon, Lucas!” sigaw ko at tinabig niya ang aking kamay. Dahilan na bumigat ang pahinga ko, parang sinasakal lang ang leeg ko dahil nahihirapan na akong huminga nang maayos. “Ganyan ka na dati pa, Bythesea. Kung may gusto ka na isang bagay ay dapat makuha mo ‘yon. Mapilit kang tao,” mariin na sambit niya at tila naging isang gripo ang pag-agos ng mga luha ko. Isa nga iyon sa pag-uugali ko na ayaw ng lahat pero hindi siya... Dahil tanggap niya iyon. Tanggap niya ako, tanggap niya ang pagkatao ko pero bakit ngayon...Bakit ngayon ay sinasabi niya sa akin ang lahat ng iyon? Parang isa na rin siya sa mga taong ayaw na ang pag-uugali kong iyon? “L-Lucas... B-Bakit... B-Bakit g-ginagawa m-mo ‘to sa a-akin? Lucas...” “Mahal ko. Pagbigyan mo na siya. Kausapin mo na siya.” Naikuyom ko ang kamao ko dahil sa sinabi ng babae. Ang lambing ng boses niya at sa paraan na mahinhin pa. Tila pinipilit niya rin ang asawa ko nang hindi ito magagalit sa kanya. “Pero Nenina--” “Sige na. Kausapin mo na siya para sa akin, pakiusap Franco,” sabi niya at natigil sa pagtulo ang mga luha ko. Ang boses na ‘yon... Hindi ako dapat magkamali... Narinig ko na iyon. “Hindi Franco ang pangalan niya,” matigas na saad ko. “Bythesea,” nambabanta na sambit niya sa pangalan ko. “Hindi naman Franco ang pangalan mo, Lucas...” “Shut up!” “Franco, kausapin mo na siya para matapos na ang lahat,” giit pa ng babae sa aking asawa. “Huwag mo siyang sigawan, kausapin mo siya nang maayos.” Sunod-sunod ang pagkurap ng mata ko at nanghina lang ang mga tuhod ko nang makita ko ang paghaplos niya sa pisngi nito na bumaba pa sa balikat. Nanlalabo ang paningin ko nang makita ko rin ang magaan na paghalik niya sa noo nito. Ang sakit makita ang eksenang ‘yon. “L-Lucas...” sambit ko sa pangalan niya na halos pabulong na lamang iyon. Saka hindi na niya narinig pa iyon. “Hintayin mo ako sa kuwarto natin, mahal ko.” Parang paulit-ulit lang akong inapakan sa dibdib, sinaksak ng patalim nang paulit-ulit at pakiramdam ko nga ay nagkasugat-sugat na ang puso ko. Tila mahahati na siya ng sampung beses. Bumagal na ang aking paghinga, may bumabara na sa lalamunan ko. Bumalik siya sa kinauupuan niya kanina at talagang nilagpasan niya ako. “L-Lu...cas...” “Ano pa ang ginagawa mo? Hindi ba ay mag-uusap pa tayo ayon sa gusto mo?” Uupo sana ako sa tabi niya pero bigla siyang umiwas. “What the hell are you doing? Nasa bahay ka namin, Bythesea. Nasa loob din nito ang asawa ko at hindi maganda ang makita na may katabi akong ibang babae bukod sa asawa ko,” inis niyang saad. Ako ang asawa mo, Lucas... A-Ako iyon at dapat ako lang iyon... Paano mo... Paano mo nasasabi sa akin ang bagay na ito? Bakit ang dali-dali mong sabihin at nagagawa mo rin akong saktan? “Lucas...” “Wala ka na bang ibang kayang sambitin pa bukod sa pangalan ko, Bythesea? Nakasasawang pakinggan.” Mahigpit kong hinawakan ang kamay ko at sa paraan na iyon ay kumukuha na ako ng lakas ng loob upang kausapin siya kahit alam kong masakit ang mga katagang lumalabas mula sa kanyang bibig. Pero titiisin ko ang sakit na iyon, makausap ko lamang siya. “A-Ano’ng nangyari, Lucas? Ang aksidenteng ‘yon--” “Puwede bang iwasan mong banggitin sa akin ang trahedyang iyon? Ayokong marinig pa,” putol niya sa aking sinabi. Napayuko at bumuntonghininga. Pilit na pinapakalma ko ang sarili ko. “D-Dalawang taon kang nawala sa amin, Lucas... Sa mga panahon ba ‘yon ay nandito ka lang ba? N-Nakaligtas ka mula sa kapahamakan pero bakit... Bakit hindi ka nagpakita sa amin? Bakit hindi ka bumalik? Bakit hindi mo sinabi sa akin na...buhay ka?” sunod-sunod na tanong ko. Isa ito sa gumugulo sa isipan ko. Buhay siya at mukhang maayos na rin ang kalagayan niya pero bakit... Bakit nanatili siya sa lugar na ito? Sa lugar na ito na malayo sa siyudad. Bakit hindi niya pinaalam sa amin ang kaligtasan niya? Bakit pinaabot pa niya ng dalawang taon bago... Hindi... Ang mga kaibigan niya ang nakahanap sa kanya at mukhang wala siyang balak na umuwi at bumalik pa. “Ang alam ko lang ay mas gusto ko rito, kasama ko ang babaeng mahal ko.” Mas lumaki ang bikig sa lalamunan ko dahil sa aking narinig. Nanginginig ang mga kamay ko at nanigas din ang aking katawan. Parang puputok ang ugat sa ulo ko. Parang wala na ring kawala pa ang puso ko sa sobrang sakit, pakiramdam ko... Aatakihin ako sa puso. “L-Lucas... P-Paano m-mo n-nasasabi ‘yan... s-sa... a-akin?” tanong ko, nauutal na ang boses ko at nahirapan na akong magsalita. Nagsugat ang likod ng kamay ko at palad nito dahil bumaon ang mahaba kong kuko. Pero hindi ko man lang maramdaman ang sakit na iyon. Walang-wala ang nararamdaman ko sa puso ko. “Uuwi rin ako kung gusto ko, Bythesea. Sinabi ko na sa ‘yo kanina. Hindi mo ako mapipilit na sumama ngayon sa inyo pauwi. Marami pang mahahalagang bagay ang gagawin ko rito bago ako babalik sa Manila.” “L-Lucas...” Tumayo siya at namulsa lang. Ni hindi niya ako magawang tingnan ng diretso sa mga mata ko. Iniiwasan niya iyon. “Sumama ka na sa kanila,” saad niya at natatarantang tumayo naman ako. Lumuhod ako sa harapan niya at hinawakan ko ang kamay niya. “H-Hindi ako aalis dito nang hindi ka kasama, Lucas... Hindi... A-Ayoko...” “Bythesea...” Umiling ako sa kanya. “S-Sumama k-ka n-na sa amin pauwi, Lucas... S-Sumama ka na, please... H-Hindi... Hindi ako...aalis n-ngayon... Hindi kami aalis nang hindi ka n-namin k-kasama, Lucas...” Malakas akong humikbi nang marahas na niyang binawi ang kanyang kamay kaya tuluyan akong napaupo sa sahig. “Ganito ka na ba talaga, Bythesea? Desperada na at hindi mo titigilan ang isang tao hangga’t hindi mo talaga nakukuha ang gusto mo?” “Lucas... M-Mahal kita... Mahal na mahal kita, p-please... H-Huwag mong gawin ‘to sa akin... Huwag m-mo n-namang gawin ito sa akin... M-Matagal ka n-naming h-hinanap... H-Hindi mo a-alam... H-Hindi mo alam ang s-sakit na m-malaman ko na w-wala ka na! Lucas... H-Hinahanap ka na ni Louie Zhi...” nagmamakaawang saad ko. Sa kabila nang nararamdaman kong sakit na ‘to, mga salitang sinabi niya ay unti-unting naglaho ‘yon nang makita ko ang imahe ng aming mga anak... “I-Ipakilala ko na sa ‘yo si Daphne Ahlala... Lucas...” Alam kong masisiyahan siya kapag nakita na niya si Daphne. Maging ang aming anak ay ganoon din ang mararamdaman niya. Lalo na si LZ na matagal din siyang hindi nakita. “Hindi. Hindi ko naman kilala ang mga taong tinutukoy mo at wala akong pakialam sa kanila. Hindi ko sila gustong makilala pa at hindi ako interesado.” Sa sinabi niyang iyon... Iyon na ang pinakamasakit na katagang narinig ko mula sa kanya. Sobrang sakit...sobrang sakit na kay hirap gamutin ang sugat sa puso ko. Hindi ko na siya pinigilan pa at hinayaan ko na siyang umalis... Hinayaan ko na siyang pumasok na sa silid na iyon, kung saan na roon naghihintay sa kanya ang kinikilala niyang asawa... N-Nagawa niya...nagawa niya akong talikuran dahil lang sa babaeng iyon. Nasabi niya rin ang mga iyon nang hindi pa niya... Nang hindi pa niya nakilala ang mga anak niya at... Hindi niya...hindi niya naaalala si Louie Zhi. Paanong nakalimutan niya? Paanong hindi niya nakilala ang aming anak?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD