Babaeng Nakamaskara
Hindi ko alam kung kakayanin ko ang araw-araw na pangungulila. Sa ngayon ang kailangan ko ay mabuhay na malayo sa lahat.
Sa isang maliit na kuwartong inuupahan ko, kinalap ko ang gamit ko papunta sa aking trabaho. Nagawa kong makapasok sa tindahan ng mga gulay. Maliit lang ang kita pero ayos na kesa sa wala. Walang-wala kasi ako ngayon. Ang perang naipon ko mula sa pagsasayaw noon ay tila bulang naglalaho. Hindi ko pa man nahahawakan ay napupunta na sa mga utang. Utang na hindi naman ako ang nakinabang.
Nang maayos na ako'y naglakad na ako patungo roon. Labin-limang minutong lakad. Wala akong pambayad sa trycicle kaya nanaisin ko na lamang lakarin iyon. Mainam pa na ehersiyo sa kalagayan ko.
Tatlong linggo na rin ako kay Aling Joy. Mabait siya at itinuturing niya akong parang anak, hindi niya ako itinuring na iba nang mapadpad ako sa bayan nila. Bayan ng Sta. Lucia.
"Sana ay makarami tayo," puno ng pag-asang sabi niya at naupo na sa monoblock chair at naghintay ng mamimili.
Inabala ko naman ang aking sarili sa pagtatali ng ibang paninda. Ganito bawat araw-araw. Maghapon sa pagtinda pagkatapos ay uuwi para naman magprepara para sa panghapong trabaho. Dalawang trabaho ang kailangan ko para matustusan ang aking pangangailangan.
Ngayon naman maglilinis ako sa isang maliit na klinika. Ipinakilala sa akin ni Aling Joy ang may-ari at napakiusapang ako ang magiging caretaker noon tuwing nakauwi na ang lahat. Babayaran ako buwan-buwan. Maliit na halaga ngunit alam kong kapag naipon ko'y malaking tulong na rin.
Napatigil ako dahil nakaramdam ako ng hilo at kinapos ng hininga. Napaupo ako sa mahabang bangko kung saan umuupo ang mga pasyenteng naghihintay sa tuwing check-up. Huminga ako ng malalim at pumikit para kahit papaano ay maibsan naman ang hilong nararamdaman ko.
Ilang araw na akong nahihilo ng ganito, alam kong sinasabi ng katawan ko na tumigil ako at magpahinnga, ngunit hindi maari iyon.
Nagmulat ako ng mata at tumitig sa dingding. Kinukuwestiyon pa rin ang sarili ko kung tama ba ang naging desisyon ko para pakawalan ang lahat ng mayroon ako. Pakawalan ang kaligayahan ko at hindi na lamang ipaglaban iyon.
Mayroon akong pagsisising nararamdaman. Pero para sa ikatatahimik ng lahat, gusto kong magpakalayo-layo. Gusto kong buuin muli ang sarili ko.
"Narito ka pa rin pala?"
Napalingon ako sa nagsalita mula sa b****a ng pinto. Pilit kong nilagyan ng ngiti ang labi ko kahit alam kong hindi iyon uubra. Naglakad siya papunta sa akin at naupo sa tabi ko.
"Here!" Iniabot niya sa akin ang isang styrofoam. Napabuntong hininga ako dahil alam kong may lamang pagkain na naman iyon.
"Hindi ka na sana nag-abala pa. Kakain naman ako pagdating sa bahay," ika kong napanguso.
Tinaasan niya ako ng kilay at binuksan ang styro na hawak para naman sa kanya.
"Just eat and go home. Baka kung mapano ka pa! Look at you! you're too skinny!" puna niya kaya napababa ang tingin ko at sinipat ang sarili.
"Doktor ka nga!" palatak kong natatawa at binuksan na rin ang ang para sa akin at nag-umpisang kumain.
Gaya ng dati, gulay na masustansiya at karne ang kanyang dala.
Nakilala ko si Dr. Jimenez dahil kay Aling Joy. Doon niya ako dinala noong nawalan ako ng malay. Simula noon naging malapit siyang kaibigan sa akin. Kaibigan na gusto akong tulungan, ngunit tinatanggihan ko dahil ayokong magkautang na loob. Ayokong maugnay sa kanit na sino.
"Tapos ka na?" tanong niyang akmang kukunin ang pinagkainan ko. Pinigilan ko siya at inilingan
"Ako na. Umuwi ka na kaya, tatapusin ko na rin ang trabaho ko para maka-uwi na rin."
Tinitigan niya ako ng matagal. Alam kong nahihiwagaan si Braden sa pagkatao ko. At balak kong hayaang mahiwaga ang pagkatao ko sa kanila. Balak ko rin namang umalis muli pagkatapos kong makaipon.
Kung hindi nga lamang sana siya nagpapakita ng intetes sa akin, malamang dito ako mananatili sa lugar na ito. Ngunit dahil nga espesyala ang turing niya sa akin, mapipilitan akong umalis. Ayokong may taong handang manatili sa tabi ko.
Ginagap niya ang aking kamay ngunit agad ko iyong hinila. Malungkot siyang napatango at tumayo.
"May gagawin pa ako sa opisina ko. Tapusin mo na ang ginagawa mo, sabay na tayong umuwi mamaya," saad niyang tinalikuran agad ako at hindi ako binigyan ng pagkakataong tumanggi.
Nagsisinungaling si Braden. Alam kong tapos na ang gagawin niya dahil iilan lang naman ang pasyente kanina. Ginawa lamang niyang dahilan iyon para muli akong maihatid at makasama.
Napabuntong hininga ako. Bigla kong naalala ang isang lalaking naging karamay ko, hindi man matagal ay nakapitan ko naman sa huling sandali na magkasama kami.
"Are you sure? Hindi mo kailangang umalis!" Pigil niya sa akin at nakikiusap. Inilingan ko lamang siya.
"Ito ang nararapat kong gawin, ang lumayo. Hindi ako puwedeng manatili sa tabi mo!"
Tumalikod ako dahil hindi ko kayang salubungin ang titig niya. Alam kong nagiging makasarili ako dahil ginusto kong tumakas muli. Takbuhan ang lahat.
"Baka may mangyari sa iyo, baka kung anong..."
"Magiging okay ako."
Malakas ang loob ko ngunit hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko kung kakayanin ko nga ba talaga. Kakayanin ko bang mabuhay na ako lang? Walang sila.
Tinalikuran ko siya nang magsimula siyang lumuha. Sa harap ko, nagiging malambot siya. Sa harap ko, naipapakita niya ang tunay na siya.
"Patawarin mo ako kung hindi ko magawang pakawalan ka. Hanggang ngayon ay makasarili ako dahil hindi ko kayang maibigay ang kalayaang gusto mo. Na hanggang ngayon, nagdudusa ka pa rin at hindi maligaya."
Napapikit ako noong niyakap niya ako mula sa aking likod. Hindi ko na siya sinisisi ngayon. Tanging nakikiayon na lamang ako sa agos na ibinibigay ng buhay sa akin. Sa aking pag-alis, hahayaan kong ang tadhana ang magpatakbo ng aking buhay. Hindi ko ipipilit ang anumang bagay na maaaring masaktan ako o ang ibang nasa paligid ko.
Muli akong napabuntong hininga habang pinagpatuloy na lamang ang paglilinis. Hindi ko dapat kaawaan ang sarili ko. May mga pinagdadaanan din naman ang mga taong iniwanan ko. May kanya-kanya silang hinaharap na problema.
Naalala ko si Ali bigla. Kumusta na kaya siya. Nasa mabuting kalagayan kaya siya? Hindi maganda ang aming paghihiwalay. Hindi naging maganda ang huling alaala namin sa isa't isa.
Napangiti ako noong maalala ko kung gaano siya kapursigidong makilala ako. Ang mga mata niyang nangungusap. Ang kalungkutang nasa likod ng mga matang iyon.
Biglang tumulo ang luha sa aking mga mata. Napapunas agad ako nang biglang lumabas si Braden sa kanyang opisina.
"Are you okay?" nag-aalala niyang tanong at agad na lumapit sa akin.
Pinatong niya ang kamay sa aking balikat kaya napatingala ako sa kanya. Nagkasalubong ang aming mga mata.
"Okay ka lang ba talaga?"
Tumango ako. Ayokong ipakitang mahina akong babae. Kakayanin ko ang buhay mag-isa. Lalo na ngayon na hindi na lamang ako pagkatapos ng halos pitong buwan.
Napahaplos ako sa aking tiyan, muling tumulo ang aking luha. Hindi ko na naamin sa kanya na kanya ang nasa sinapupunan ko. Hinayaan ko siyang paratangan ako ng isang bagay na alam kong mahirap kalimutan at mahirap patawarin. Hindi ko na rin alam kung sino sa aming lahat ang makasarili.
Siya ba na galit ang pinairal? Ang kanyang ama ba na nagmahal at hindi ako kayang pakawalan? O ako na mas ginustong hindi na lamang itama ang lahat at lumayo.
"Elyssa..."
"Ayos ako Braden, huwag mo akong alalahanin," saad kong lumayo sa kanya. Hindi ko na hahayaan pang magkaugnay ako sa kahit sinong lalaki. Magbabagong buhay ako kasama ng anak ko.
Kaming dalawa ang haharap sa mundo. At ipinapangako kong hindi niya kailanman mararanasana ang mga bagay na naranasan ko. Hindi ko hahayaang maghirap siya gaya ko.
Oo, ako at ang babaeng nakamaskara ay iisa. Bilang babaeng nakamaskara, nakagawa ako ng kasalanan. Pinuno niya ang puso ko ng galit at paghihiganti. Bilang babaeng nakamaskara, isinisi ko ang lahat ng pangyayari sa akin sa isang tao. Bilang babaeng nakamaskara, nagawa kong lokohin ang sarili ko, maging ng lalaking mahal ko.
Ngayon, tuluyan ko ng ibabaon ang babaeng nakamaskara sa aking alaala. Hindi na siya kailanman lilitaw sa buhay ko. Mamumuhay ako bilang si Elyssa Prieto. Mamumuhay ako kasama ng isang napakagandang regalo. Regalo galing sa tao at lalaking pinakamamahal ko. Si Ali.