“ATE, TUMAWAG ang mama ninyo. Umuwi daw kayo agad kasi nilalagnat si Robin,” salubong sa kanya ni Gigi, ang assistant niya sa Faith’s Design, ang printing and souvenir shop niya. “Tinatawagan daw kayo sa cell phone, hindi ninyo naman daw sinasagot.”
Tumango lang siya. As usual, hindi na naman niya narinig ang tawag dahil nasa loob iyon ng bag niya. Hindi naman niya ugaling maglabas ng cell phone sa kalye dahil nag-iingat siya na baka maging mitsa pa ng buhay niya iyon kahit na nga ba hindi naman sobrang mamahalin ang cell phone niya.
Kaagad niyang dinampot ang landline at tumawag sa bahay. “Hello, Ma? Kumusta si Robin?”
“Natuloy sa lagnat ang sinat niya kanina. Pinainom ko na ng paracetamol saka decongestant. Noong isang araw pa ito sinisipon, di ba? Eto, kakausapin ka raw.”
“Hello, Robin? Kumusta ang baby ko?”
“Mommy naman, eh. Hindi na nga ako baby. Kinder na ako,” maktol agad ng bata. “Uuwi ka na ba?”
Sinupil niyang mapangiti. Ayaw na ayaw na ngang magpatawag ng baby ng anak niya pero nasa pagsasalita pa rin naman nito ang pagiging baby. “Uuwi ako agad. May-sakit ka, eh. Aalagaan kita. Ano ang gusto mong iuwi ko?”
“Ice cream.”
“Puwede ba iyon sa iyo? May lagnat ka saka sipon.”
“Eh, sa inuubo lang naman yata bawal ang ice cream, eh. Gusto ko ng ice cream, Mommy. Iyong rocky road.”
“Sige, mag-uuwi ako mamaya. Bigay mo na sa akin si Lola. Bye, Robin. I love you.”
“I love you din, Mommy.”
Ilang segundo lang at tinig na uli ng mama niya ang narinig niya. “Tumawag na ba kayo sa doktor niya?”
“Oo. Siya na nga rin ang nagsabi na tama lang na pinainom ko ng gamot ang anak mo. Faith, ako ang nagpalaki sa iyo. Iyong ganitong simpleng sakit, kahit hindi na matingnan ng doktor, kaya ko na. Tiningnan ko na rin ang lalamunan. Hindi naman namamaga ang tonsils. Pero alam ko naman na mas may paniniwala ka sa sasabihin ng doktor kaya tumawag na rin ako kay Doc.”
“Mama, hindi naman po sa ganoon. Iba lang po kasi iyong may advice ng talagang doktor. Uuwi na ako agad, Ma. Iaayos ko lang ang mga iiwan ko dito. Si Gigi na ang pagsasarahin ko nitong shop.”
“Mag-iingat ka.”
“Yes, Ma. Thanks.” Pagkababa niya ng telepono ay nakaabang na sa kanya si Gigi. “Sa itsura mo pa lang, mukhang may problema ka.”
“Eh, Ate, gusto ko sanang magpaalam. Magbabakasyon ako ng apat na araw. Uuwi ako sa Bicol kasi mahina na raw ang tiya kong nagpalaki sa akin. Gusto ko sanang dumalaw bago man lang siya… alam mo na. Cancer ang sakit niya, eh. Nasa terminal stage na raw sabi ng nanay ko. Sabi nga ni nanay, baka daw ako na alng ang hinihintay. Alaga kasi ako noon.”
“Marami pa naman tayong tanggap na trabaho ngayon,” naiiling na sabi niya.
“Oo nga, Ate. Nahihiya nga ako sa iyong magpaalam kaya lang nakokonsensya naman ako kung hindi ko madadalaw ang tiya ko.”
“Kelan mo ba balak magbiyahe?”
“Kung papayagan mo ako, kukuha na ako ng ticket. Naihanda ko na nga rin ang babaunin kong gamit, eh. Mag-e-eroplano na sana ako para mas mabilis kahit namamahalan ako sa pamasahe.”
“Babalehin mo ba iyong suweldo mo para sa buwang ito?”
“Kahit hindi na, Ate. Basta payagan mo lang ako.”
Si Gigi na ang kasama niya sa shop buhat nang magsimula siya ng negosyong iyon. Ayaw man niya ay pinayagan na rin niya ito. At siya na rin ang nagkusang magbigay ng advance na suweldo nito.
“Sagot ko na iyong pamasahe mo papunta at pabalik. Sabihin mo lang sa akin kung magkano. Mag-iingat ka sa biyahe. Bumalik ka agad, ha?”
“Oo, Ate. Salamat din.”
Hindi niya nagawang umuwi nang maaga. Ilang araw din siyang mag-isang magtatrabaho sa shop kaya inayos nila ni Gigi ang mga mabibinbin nitong trabaho. Nang magsara siya, sarado na rin halos ang lahat ng puwestong kahilera niya sa Recto.
Nagmamadali na siyang makauwi. Nakasakay na siya sa jeep nang maalala niya ang ipinabibili ni Robin. Dumaan siya sa convenience store na malapit sa kanila at bumili ng ice cream. Naglalakad na siya pauwi nang madama ang pagod at antok. Pero alam niya, hindi pa siya agad makakapagpahinga kapag ganitong alam niyang hinihintay siya ng anak.
“Si Robin?” tanong agad niya sa ina nang pagbuksan siya nito ng pinto.
“Nasa kuwarto ninyo. Nagmamaktol. Ang tagal mo raw umuwi.”
“Tumawag uli ako kanina, di ba? Ang dami naming inayos ni Gigi kaya hindi ako agad nakapagsara. Pansamantalang ako muna sa shop. Kelangan niyang umuwi sa Bicol.”
“Akyatin mo na iyang anak mo. Ikaw ang makipag-usap. Hindi nga iyan nag-dinner kahit anong pilit ko. Bumaba na rin ang lagnat niya nang pawisan siya.”
Inilagay lang niya sa freezer ang ice cream at pinuntahan na ang anak.
“Robin,” tawag niya nang pumasok sa kuwarto.
Gising pa nga ang anak niya. Nakaupo ito sa gitna ng kama at hindi maipinta ang mukha.
“Bakit ngayon ka lang?” sumbat nito.
“Di ba, nasa shop si Mommy?” malumanay na sagot niya. “Halika na, baba na tayo. Magdi-dinner tayo tapos kakain tayo ng ice cream. Rocky road, as you requested. Nag-uwi din ako ng apa. O, wala ba akong kiss?”
Lumapit ito sa kanya at walang tunog siyang hinalikan. “Mommy, hindi ko pa ba makikita ang daddy ko?”
Natigilan siya. “Anak, iyan na naman ba ang itatanong mo sa akin?” aniya sa kawalan ng isasagot sa mismong tanong nito.
“May program kami sa school. Silang lahat, may mga daddy na manonood. Ako, wala.”
“Nandito naman kami ni Lola, di ba? Manonood kami ng program.”
“Gusto ko rin na may daddy!”
Nakagat niya ang mga labi. “Alam mo, Robin, masarap ang uwi kong ice cream,” pag-iwas niya sa paksa. “Iyon nga ang request mo, di ba? Kumain na tayo para makapag-ice cream na rin tayo pagkatapos. Pag kumain ka ng ice cream, mawawala na rin ang lagnat mo.”
“Kailan ko makikita si Daddy?”
Bumagsak na lamang ang mga balikat niya.
Hanggang sa mahiga sila, hindi na naalis kay Faith ang isiping iyon. Tinititigan niya ang anak na mahimbing nang natutulog. She wished she could explain things to him easily. Pero hindi nga madali. Dahil siya rin, kung minsan ay hindi niya maunawaan kung bakit nangyari ang mga iyon sa buhay niya.
Hanggang ngayon, wala siyang ibang maisip na naging kasalanan niya.
Nagmahal siya. Umibig. At nagtiwala.
At kahit kailan, hindi niya magawang isipin na kasalanan iyon.