Kabanata 4
K I M
“Labas ulit tayo mamayang gabi. Ang daya mo, eh! Hindi mo ko sinipot. May ipapakilala pa naman sana ako sa’yo.”
Umirap ako at napailing.
“Baka manyak nanaman ‘yang ipapakilala mo sa akin, ah?”
‘Yong huling ipinakilala niya kasi sa akin. Kakakilala ko lang hinipuan agad ako sa dibdib. Nasampal ko tuloy sa inis ko. Gusto pa akong idemanda dahil napahiya daw siya sa maraming tao. Gago pala ‘yon, eh. Pasalamat nga siya at hindi ko binasag ‘yong itlog niya, eh!
“Hindi. Matino itong ipapakilala ko sa’yo,” ani Jade. Tamad ko siyang tinignan at umiling.
“Ayoko. Ilang beses mo na ba ‘yang sinabi sa akin. Ayoko sa mga nirereto mo. Saan mo ba nahahagilap ang mga iyon?” tanong ko salubong ang kilay.
“Sa bar! Saan pa ba? Pero itong ipapakilala ko sa’yo disente talaga. Schoolmate ko ‘to ng high school at may sarili na siyang negosyo ngayon.”
Tumaas ang kilay ko.
“May sariling negosyo? Disente? May kakilala ka pa lang ganoon, Jade?” may halong panunuksong sabi ko. Humalakhak si loko. Pati siya natatawa na lang dahil alam niya sa sarili niya kung anong klaseng mga lalaki ang ipinapakilala niya sa akin. Puro may mga saltik sa utak at mga manyakis kasi ang nirereto sa akin ng babaeng ito.
“Gaga! Bakit, ikaw? Hindi ka ba disente?” aniya natatawa pa din. Nagkibit balikat ako.
“Malay ko. Loka-loka din ako kaya sumasama ako sa’yo, eh.”
“Buti naman aware ka, girl. Pinalampas mo nga iyong masarap na ulam na nakahain na sa’yo kagabi. Anong tawag doon? Loka-loka, di ba?”
Tumawa ako at umiling.
“Pero seryoso na talaga ako dito. Mabait ‘to at disente. Matalino din. Sigurado akong matitipuhan mo na ito.”
“Baka naman masiyadong mabait ‘yan?”
“O, eh di mabuti. Ayaw mo ba noon? Gusto mo ng siraulo?”
“Hindi naman. Iniisip ko lang baka bigla akong ayain sa bible study niyan.”
Humalakhak ang loka. Napatingin tuloy sa amin ang mga katrabaho namin.
“Ano nanamang pinag-uusapan niyo diyang dalawa. Share niyo naman sa amin ‘yan.”
“Magpapainom daw si Kim mamaya dahil hindi siya nakarating kagabi," anunsyo ng loka. Sinamaan ko siya ng tingin.
"'Yon oh! Saan tayo?"
Bumuntong hininga ako.
"Doon na lang ulit," sabi ko na lang dahil wala naman na akong magagawa. Kakulitin lang ako ng mga 'yan buong maghapon kaya hindi na ako makikipagtalo pa.
Pagkatapos ng trabaho ay nagpaalam muna ako sa kanila para umuwi at makapag-ayos. Sa isang maliit na condominium lang ako tumitira. Hindi kasi ako pinanganak na kasing yaman ng mga kaibigan ko. Hindi naman din kami mahirap. Hindi lang kami sobrang yaman tulad nina Alianna, Louise at Yakira. Silang tatlo ang matalik kong kaibigan mula pa noong high school. Sa aming tatlo ako na lang 'yong hindi pa kinakasal. Lahat sila may mga asawa na. Dalawang beses na ngang ikinasal si Alianna tapos si Yakira magiging dalawa na rin ang anak. Si Louise masaya sa buhay may asawa. Kaya nga siguro hindi ko na sila madalas makasama. Busy na rin kasi sila sa kanya-kanya nilang buhay. Hindi naman ako nagtatampo sa kanila dahil naiintindihan ko naman ang sitwasyon nila ngayon. Ganoon naman talaga kapag may mga pamilya na.
Ako na lang itong palaging available sa kanila pero kapag nag-aaya sila ako pa itong hindi nakakapunta. Hindi nila alam may iniiwasan lang ako. Syempre gusto ko rin naman siyang kalimutan 'no? Pero ilang taon na ba akong ganito? Ilang taon ko na bang sinasabing magmo-move on na ako pero hanggang ngayon heto pa rin ako't patay na patay sa kanya. Ni hindi ko nga matiis iyon kagabi. Hindi nga rin yata nabawasan 'yong pagkakagusto ko sa kanya. Nakakaasar. Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito sa isang lalaking never namang naging akin. Wala naman kaming malalim na pinagsamahan para mahirapan akong kalimutan ang feelings ko sa kanya? Baliw na ba ako? Hindi ko na alam. Pati ako naguguluhan sa sarili ko. Matatanggap ko pa itong sitwasyon ko kung may naging relasyon kami ni Ethan at may pinagsamahan kaming dalawa. Kaya lang wala naman, eh. Kaya anong dahilan at ganito ako kabaliw sa kanya? Ewan ko ba! Tuwing iiwas o lalayo ako sa kanya parang may malakas na pwersang humihila sa akin pabalik sa kanya. May sumumpa yata sa akin kaya ako nagkakaganito. Ang malas ko naman kung gano'n. Kung sino mang sumumpa sa akin. Malasin din sana siya para alam niya 'yong feeling.
Napa-iling na lang ako. Maghahanap na lang akong bagong boyfriend para matigil na akong sa pag-iisip ng ganito. Sino kaya 'yong ipapakilala ni Jade sa akin? Seryoso ba talaga siya doon? Baka mamaya manyakis nanaman 'yon. Gano'n kasi lahat ng ipinakilala niya sa akin. Wala pa sa kalahating oras kong kausap at kung saan-saan na agad naglalakbay ang kamay. Nakakabwisit! Buti sana kung boyfriend ko na sila, eh hindi naman, kaya anong karapatan nila?
Naka-order na ng mga inumin ang mga kasamahan ko nang dumating ako. Thanks God, wala namang Ethan ang humarang sa daanan ko ngayon. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko kapag makasalubong ko nanaman 'yon ngayon. Baka maloka na talaga ako no'n. Iyong iwas ka ng iwas tapos itong si tadhana pilit kayong pinagtatagpo. Kikiligin sana ako kung mahal namin ang isat-isa kaso hindi, eh. Ako lang 'yong nagmamahal. Siya walang pakialam sa akin.
Agad kong napansin ang lalaking nakaupo sa tabi ni Jade. Naka-coat and tie pa ito na para bang kagagaling lang sa trabaho. Maamo ang mukha ng lalaki at mukhang disente ngang talaga. Ewan ko lang. Minsan wala naman 'yan sa itsura. Si Ethan nga mukhang anghel pero barumbado naman. Kaya hindi pa rin talaga ako nakakasigurong matino ang isang ito. Tignan na lang natin. Wala namang masama kung susubukan. Wala naman akong boyfriend. Libre akong humarot.
Puro babae ang nasa lamesa namin kaya agaw pansin talaga ang lalaking nasa tabi ni Jade. Nakita ko ang ngisi sa labi ni Jade nang makita niya akong palapit sa lamesa namin. Pasimple ko siyang inirapan habang patuloy na lumalapit sa kanila. Ngumiti ako nang nasa harapan na ako ng lamesa nila.
"Sa wakas dumating din ang bida ngayong gabi," pang-aasar ni Jade.
"Akala namin hindi ka nanaman sisipot," ani Tessa, isa sa mga kasamahan namin sa trabaho.
"Nagkaroon lang talaga ng emergency kahapon, Tess. Kailan ba ako hindi sumipot sa inuman?" Natatawang sabi ko.
"Kung sabagay."
Madramahang tumikhim si Jade. Bumaling ako sa kanya at sa lalaking katabi niya. May ngiting naglalaro sa mga labi ko.
"Uh, Kim, si Tom pala. Iyong sinasabi ko kanina sa'yong ipapakilala ko," ani Jade, may ngisi din sa mga labi nito.
"Tom, si Kim, kaibigan ko."
Tumayo iyong Tom at agad na naglahad ng kamay sa akin. Halos matawa ako sa pagiging pormal niya pero tinanggap ko rin naman agad ang pakikipagkamay niya. Mukhang disente nga talaga itong lalaki. Saan naman nahagilap ni Jade ito? Schoolmate daw, eh.
"Nice to meet you, Kim," aniya habang nakikipagkamay. Ngumiti ako at tumango. Sobrang pormal. Hindi ako sanay masiyado pero mukhang okay naman siya. Nagsasawa na rin ako sa mga gagong pinapakilala sa akin nitong si Jade kaya tingin ko ayos na sa akin ito. Ang gwapo din kaya bakit pa ako mag-iinarte?
Inilahad niya ang kayang upuan para doon ako paupuin. Agad naman akong naupo doon. Humila siya ng isa pa at inilagay iyon sa tabi ko at doon naman siya naupo. Nagpasalamat ako sa kanya nang makaupo na siya sa tabi ko. Pinagmamasdan lang kami ni Jade na akala mo'y nanunuod ng sine. Tinaasan ko siya ng kilay at sinenyasan na huwag na kaming panuorin. Paano ako makakaharot dito kung manunuod siya d'yan. Gaga rin 'tong isang 'to, eh. Akala ko ba gusto niyang humarot ako dito?
“Uh, may I know your full name, Kim?” anang katabi ko. Bumaling ako sa kanya at malambing na ngumiti. Sa lahat ng lalaking ipinakilala sa akin nitong kaibigan ko itong isang ito lang ang nagtangkang magtanong ng buong pangalan ko. Mukhang seryosong tao ito, ah. Mabiro nga.
“Kim Kardashian,” malawak ang ngising sabi ko. Kumunot ang noo niya pero agad din namang tumango.
“Your name sounds familiar to me.”
Tumawa ako kaya mas lalo lang tuloy kumunot ang noo niya.
“I was just kidding. I’m Kim Hernandez… and Kim Kardashian is an American socialite.”
Agad na nagliwanag ang kanyang mga mata na tila ba biglang nalinawan.
“Oh!” tumawa na rin siya at napailing. Nagsilingunan tuloy sa pwesto namin iyong mga tsismosa kong kasamahan. Pare-parehong may ngiti sa mga labi nito. Tinaasan ko sila ng kilay.
Mga gagang ito, napaka-tsismosa.
“Sabi ko na pamilyar ‘yong pangalan.”
“Bibiruin sana kita kaya lang hindi mo pala kilala,” malambing akong tumawa.
“Oh, I’m sorry.”
“No, it’s okay. Parang iyon lang naman. How about you? What’s your full name?”
“Uh, Tom Cruise?” aniya na parang hindi pa siya sigurado sa sinabi niya. Sandali akong napanganga at natigilan.
“Oh my god,” sabi ko at humagalpak ng tawa. Ngumisi siya at napakamot sa kanyang batok. Omg, he’s cute.
“I’m sorry… Ang korni ba masyado? Hindi ako marunong sa mga ganyang birua,” aniya habang nangingisi. Napailing ako habang tumatawa.
“It’s okay, huwag mo na lang uulitin,” biro ko. Tumawa siya at bahagyang namula ang mukha. Oh, he’s really cute.
“At least I made you laugh with my corny joke, right?”
Tumango ako, hindi mawala ang ngiti sa labi. Nagpakilala naman siya ng buong pangalan niya. Mukhang galing sa marangyang pamilya ang isang ito. Sa kilos at ugali pa lang niya malalaman mo nang pinalaki sa karangyaan, eh. Pero bakit naman sina Ethan, lumaki rin namang mayayaman ang mga iyon pero hindi naman sila ganito. Pare-parehong barumbado iyon, eh.
Nagpatuloy kami sa pag-uusap ni Tom. Masarap naman siyang kausap. Hindi nakakairita kasi kahit may sarili siyang kompanya hindi siya mayabang. Hindi rin siya bigla na lang nanghihipo kahit kanina pa kami nag-uusap dito. Wala nga yatang plano ang isang ito na hawakan ako, eh. Sa kalagitnaan ng pag-uusap namin ni Tom ay bigla akong siniko ng katabi ko. Bumaling ako kay Jade.
“O, ano? Pasado ba?” pabulong niyang sabi sa akin. Ngumisi lang ako. Ibabalik ko na sana ang atensyon ko kay Tom nang biglang mapadako ang tingin ko sa hindi kalayuang lamesa.
Muntik ko nang mabitawan ang hawak na shot glass. Naglaho ang ngisi sa mga labi ko. Napatiim bagang ako. Namuo ang iritasyon sa sistema ko nang makita si Ethan sa kabilang lamesa. May nakakandong sa kanyang babae at humahalik pa ito sa kanyang leeg. Kung saan-saan na dumadapo ang kamay ng babae pero wala siyang pakialam doon. Hindi ko maiwasang makaramdam ng pandidiri sa dalawa. Napapikit ako ng mariin. Nang dumilat ako ay nakatingin na rin siya sa akin. Madilim ang mga mata niya. Sa inis ko ay agad akong tumayo sa kinauupuan ko.