Kabanata 2
K I M
Pagpasok ko sa kwarto ni Ethan ay agad ko ding narinig ang pagpasok ng napaka-wrong timing sa lahat na si Walcott. Bakit naman kasi nandito ang isang 'to? Wala ba siyang ganap ngayon at talagang ngayon pa niya naisipang magpunta dito sa condo ni Ethan? Diyos ko naman! Hindi ko talaga alam kung anong gagawin ko kapag nakita niya akong nandito. Paniguradong hindi kami titigilan ng isang 'yon ng asar. Wala namang alam 'yon kundi ang tuksuhin ako kay Ethan kahit noon pa man. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip niya at naisip niya pa talaga kaming tuksuhin sa isat-isa gayong palagi naman kaming magkaaway ng lalaking 'yon.
Ewan ko do'n sa Walcott na 'yon! Parang alam niyang may gusto ako kay Ethan kahit anong pagsusuplada ko do'n sa tao. Obvious ba ako masyado? Hindi naman ah! May sa aso lang yata 'yong lalaking 'yon at ang bilis maka-amoy ng kung ano.
Agad kong itinapat ang tainga ko sa pinto upang marinig ang pinag-uusapan nila sa labas. Malay ko ba kung anong sabihin ng Ethan na 'to kay Walcott. Mamaya sabihin niyang nandito ako at kung ano nanamang isipin sa amin ng lalaking 'yan. Baka sabihin may something sa amin kahit wala naman talaga. Wala ngang nangyari sa amin kagabi. Akala ko pa naman lahat ng lalaking nakakainom ay nagiging hot? Itong si Ethan parang hindi naman. Nagiging emotional lang. Hindi manlang ako hinalikan pero ayos na din 'yong yakap.
"Bakit ang tagal mong buksan? May tinatago kang babae?" Nahihimigan ko ang ngisi ni Walcott habang sinasabi iyon.
"Kung meron bakit ko itatago sa'yo?" pasupladong sagot naman ni Ethan.
Kaya nga. Tanga din 'tong si Walcott, eh. Pero may tinatago naman talaga siya. Hindi niya nga lang babae dahil never akong magiging isa sa mga babae niya 'no. Girlfriend na lang, pwede pa. s**t, Kim! Umayos ka.
"Ano bang kailangan mo?" Halata ang pagkairita sa boses ni Ethan.
"I saw her..."
Natigilan ako sandali sa pagiging seryoso bigla ng boses ni Walcott. Matagal bago ko narinig na magsalita si Ethan.
"I don't care, man."
Sandali uling nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila bago muling nagsalita si Walcott.
"Akala ko ba gusto mo siyang makita? I think she needs you..."
Napangisi ako at napailing. She needs him? Bakit noong si Ethan ba ang may kailangan sa kanya nasaan siya? Hindi ba wala? Iniwan niya si Ethan ng walang kadahidahilan tapos ngayon biglang kailangan na niya si Ethan? Ang kapal, ah! Ayokong magalit kay Kristine dahil kahit kailan naman hindi naging panget ang trato niya sa akin. Actually, she's nice. Kaya hindi ko talaga maintindihan kung bakit bigla na lang siyang umalis. Bigla na lang siyang nakipaghiwalay kay Ethan ng walang kahit anong dahilan. Sinong matutuwa sa ginawa niya? Kahit si Yakira na kaibigan din namin ay sobrang nagalit noong umalis siya.
Mas malapit si Yakira kina Ethan at Kristine kaya isa din siya sa mga naapektuhan sa paghihiwalay ng dalawa. Napakawalang kwenta ng paghihiwalay nila na kahit sino ay maiinis. Handa siyang pakasalan ni Ethan pero anong ginawa niya? Sinayang niya lang! Siguro isa na ring rason kung bakit ako nagagalit ng ganito sa kanya ay dahil gusto ko si Ethan. Hindi ko matanggap na sinayang niya lang 'yong taong pinapangarap ko lang.
"Wala na akong pakialam sa kanya," malamig na sabi ni Ethan.
LIAR! Kaya pala kagabi wala kang bukang-bibig kung hindi ang babaeng 'yon. Ako 'yong nasa tabi mo pero siya 'yong iniisip mo! Tapos ngayon sasabihin mong wala ka ng nararamdaman kay Kristine? Tanga! Sinong niloko mo?
"Are you sure you don't want to see her?"
Ang kulit din nitong si Walcott! Tulak pa ng tulak kay Ethan doon sa babaeng 'yon! Kung gusto niya siya na lang ang makipagbalikan doon!
"Yan lang ba ang pinunta mo dito?" iritadong sabi ni Ethan.
Narinig kong humalakhak si Walcott.
"Kung makapagsalita ka parang naka-move on ka na talaga. Bakit? May ibang babae ka na ba?"
Hinintay ko ang sagot ni Ethan sa tanong na iyon ni Walcott pero hindi iyon dumating.
"Payo lang, tol. Bago ka muling pumasok sa isang relasiyon taposin mo muna ang lahat sa inyo ni Kristine."
"Matagal ng tapos ang lahat sa amin, Wacott. Salamat na lang sa payo mo," malamig paring sinabi ni Ethan.
"Paanong tapos na? Alam mo na ba kung anong dahilan niya kung bakit siya nakipaghiwalay sa'yo?"
Naiinis na sumimangot ako. Ang kulit din ng Walcott na ito, eh! Tapos na nga sila! Bakit nagpupumilit ka pa? Ikaw na lang kaya ang bumalik doon kung gusto mo.
"Hindi na ako interesado pang alamin."
Natahimik si Walcott. Hindi ko na siya narinig na magsalita pa hanggang sa may pumihit ng doorknob. Agad kong tinakpan ang bibig ko. Mabuti na lang at nai-lock ko iyon.
"Anong gagawin mo d'yan?" Iritadong boses ni Ethan ang narinig ko. Malakas iyon at malinaw halatang nasa tapat lang sila ng silid na kinaroroonan ko.
"Bakit naka-lock 'to gayong nasa labas ka naman?"
Muntik na akong mapamura sa tanong na iyon ni Walcott. Bwisit! Akalain mong nag-iisip din pala ang lintek na 'to.
"Anong pakialam mo? Umalis ka nga r'yan!"
"May tinatago kang babae!"
"Gago! Umalis ka na nga dito!"
Humalakhak si Walcott.
"Uy, gago! Sinong babae tinatago mo dito? Bakit ayaw mong ipakita?"
"Wala nga. Bobo mo! Umalis ka nga dito!"
Ngunit ang tarantadong si Zachary Walcott ayaw talagang magpaawat. Kinatok niya pa talaga ang pinto.
"Miss, huwag kang papaloko dito! May mahal pa 'to!"
Napairap ako sa kagaguhan ni Walcott. Siraulo talaga! Isip bata kahit kailan. Buti hindi naiirita si Kira dito.
"Seriously?" Halata sa boses ni Ethan na nababanas na talaga siya sa pinaggagawa ng kaibigan niya. Parang tanga kasi. Ilang taon na ba siya at kung umakto siya ngayon ay para pa din siyang bata?
"Joke lang, bro. Masiyado ka namang seryoso pero sino nga kasi 'yan? Bakit ayaw mo pakilala? Huwag kang mag-alala, 'di ko aagawin."
Napairap muli ako sa kawalan. Hindi ko narinig na sumagot si Ethan.
"Gago, tol! Sino ba kasi yan? Model ba?"
Hindi ulit sumagot si Ethan.
"Ayaw mo ng designer? May kilala akong designer. Sabihin mo lang bigay ko sa'yo agad number ni Kim," ani Walcott bago humalakhak na parang demonyo.
Bwisit na bwisit ako. Pakiramdam ko makakasakal ako ng lalaki ngayon. Tarantado ba siya? Kung ano-anong kalokohan ang pinagsasabi.
"O, bakit? Takpan mo lang bunganga no'n kapag magka-date kayo, ayos na 'yon."
Narinig ko ang pagtawa ng walanghiyang si Ethan mula sa labas. At talagang pati siya ay nakikitawa pa sa kalokohan ng Walcott na ito? Gustong-gusto ko na silang labasin mabuti na lang at kahit papaano ay marunong na akong magtimpi ngayon. Nakakabwisit ang dalawang ito at ako pa talaga ang naisip na pagkatuwaan. Siraulo kasing Walcott ito. Kung ano-anong pinagsasabi! Bakit hindi na lang kaya niya itahimik ang bunganga niya para masaya. Nakakapang-init ng ulo.