Bigla akong napadilat ng may marinig akong ingay sa labas. Parang nahulog na takip o kaldero siguro. Kahit pupungas-pungas pa ako ay bumangon ako agad upang lumabas ng aking kwarto. Pagkalabas ko ay derecho na ako sa kusina pero nagulat ako nang nakita ko ang pagtayo ni Sir Bernard. May hawak siyang takip na babasagin. Siguro yun ang narinig kong nalaglag. Pero napagawi ang aking mata sa makasalanan niyang abs na natatakpan ng kulay itim niyang apron.
“I’m sorry nagising ba kita?”
Itinikom ko ang aking bibig at kamot ulo akong tumalikod sa kanya.
“Opo Sir, akala ko kasi pusa yung kumalampag.” Sagot ko sa kanya habang hindi pa rin siya tinitignan. Jusko! Parang yung nakikita ko na lamang ang gusto kong gawing almusal!
Kinaltukan ko ang aking sarili. Kakasabi lang sa akin ni Sir kahapon na hindi ako pwedeng ma-in love sa kanya ito ako ngayon nangangarap ng kagigising pa lamang.
“Cat? Walang pusa dito allergic ako sa mga mabalahibong hayop kaya hindi ako nag-aalalaga ng pet.” Wika niya. Hindi ko alam kung babalik pa ako sa kwarto ko ano naman kaya ang ginagawa niya sa kusina? Nagutom ba siya?
Napatingin ako sa wall clock sa may bandang itaas ng dingding sa sala.
“Hala! Late na ako!” Bulalas ko, patakbo akong pumasok sa kwarto dahil mag a-alas-syiete na ng umaga. Hindi ko na nga nalingon si Sir Bernard at kaagad na rin akong pumasok sa banyo upang maligo. Napuyat kasi ako kagabi dahil naglaba pa ako ng mga damit ko sa banyo. Ayoko namang storbohin siya at makigamit ng washing niyang halatang pangtao lamang kaya nag tiyaga akong magkusot sa lababo. Hindi ko napaghandaan na kailangan ko nga pala ng maraming pamalit pang opisina kaya kung ano ang suot ko kahapon yun pa din naman ang susuotin ko ngayon. Okay lang naman siguro yun ang mahalaga nilalabhan. Parang yung napasok ka lang sa school pare-pareho ang damit ang mahalaga hindi amoy anghi. Hindi naman siguro ni Sir mapapansin ang suot ko dahil isa lamang akong sekretarya.
Pagpasok ko sa banyo ay namamangha pa rin ako dahil mas malaki pa ata ito kaysa sa apartment ko. Napakalinis din at kompleto na ang gamit. Bakit kaya dalawa ang kwarto dito sa penthouse ni Sir Bernard? Hindi kaya umuuwi din dito ang pamilya niya?
Itinuloy ko ang mabilis ‘kong pagligo at naghilod na rin ako ng katawan. Mabango ang mga gamit sa banyo at may pambabae din na mga bago pa. Inisip ko tuloy na baka si Sir Bernard ang naglagay ng mga ito dito. Ibinalot ko ng puting tuwalya ang aking katawan pati na rin ang aking buhok. Mabuti na lamang at dinala ko ang luma kong plantsa dahil nagusot ang damit ko dahil sa pagpiga ko kagabi para lang matuyo at sinabit ko sa tapat ng aircon kaya ayun kaunting pasada ng plantsa pwede na ulit suotin.
Kasalukuyan akong nagbibihis ng pantalon nang biglang may kumatok sa pinto na ikinagulat ko kaya na out of balance ako at natumba.
“Ms. Briones, hindi ka ba kakain ng almusal?”
Narinig kong tanong niya. Nakangiwi akong tumayo at napasama ata ang bagsak ko sa sahig.
Ano daw? Inaalok niya ako ng almusal? Bakit? Ibabawas niya kaya ito sa sweldo ko? Nagbaon pa naman ako ng mga bisquit habang hindi ko pa alam kung paano yung budget ko sa pagkain.
Inayos ko ulit ang pantalon ko at sumilip ako sa pinto.
“Ano po yun Sir?” Tanong ko sa kanya dahil baka nagkamali lamang ako ng dinig.
“I said kumain ka muna ng breakfast. Take your time dahil marami ka pang oras.” Wika niya sabay talikod sa akin.
Nagtatakang sinundan ko siya ng tingin habang nakasilip pa rin ako. Libre na nga ang pagtira ko pati pagkain libre pa rin? Hulog ka talaga ng langit Sir! Namalayan ko na lamang na nakangiti na pala ako. Paano ba naman hindi ako mapapangiti kung may boss akong yummy na este! Gwapo na, napakabait pa.
Nabura ang ngiti ko sa labi nang lumingon siya ulit sa akin.
Huli!
Mabilis kong sinara ang pinto. At pigil hininga akong sumandal sa likuran ng pinto.
Yan! Titig pa more Sam!
Napabuntong hininga akong kumuha ng suklay at hindi ko muna isinuot nag blazer ko nang lumabas akong muli sa kwarto. Dahan-dahan akong humakbang patungo sa kitchen dahil andun daw yung breakfast. Pero pagdating ko sa mesa maraming pagkain ang bumungad sa akin.
Halos masuka na nga ako kagabi at ma-impatcho dahilpinilit kong ubusin yung pagkain kagabi tapos ngayon ito na naman? Baka lalo ng sumikp tong damit ko at baka tumaba ako kapag palagi na lamang niya akong papakainin ng ganito kadami!
May itlog na napakaganda ang pagkakaluto dahil bilog na bilog pa ang dilaw egg yolk nito. May bacon, sausage at wheat bread na may nutella na katabi. May fried rice pa! At may mainit na kape din.
Kasalukuyan akong nagsasandok ng pangalawang fried rice nang lumabas si Sir Bernard.
“Ubusin mo ulit yan.” Wika niya sa akin.
“Ah, Sir ang dami po kasi nito kasama na ba ang lunch nito para isang kainan na lang?” Nahihiya kong tanong sa kanya na ikinangiti niya.
“Hindi naman, kaya lang wag ka sanang magagalit. Para kasing kulang ka sa laman kaya kailangan mo ding kumain ng tama dahil baka hindi mo kayanin ang trabaho. Ayoko naman magkasakit ang mga empleyado ko.”
Parang gusto ‘kong maiyak sa sinabi niya. Ngayon lang kami nagkakilala tapos empleyado niya lang ako pero concern siya sa health ko. Naalala ko pa kapag hindi na kinakaya ng katawan ko ang pagod sa pagbubuhat at pagtitinda ng tilapya. Kahit may sakit ako kumakayod ako at pinipilit kong bumangon dahil sayang ang isang araw na kita ko. Para lang may maipadala kila Inay sa probinsya. Pero never akong nagsabi sa kanila dahil ayokong mag-alala sila sa akin. Kaya kong tiisin ang lahat para sa kanila. Dahil gusto kong suklian ang pagiging mabuti nilang magulang sa akin at sa pag aalaga nila kay Calix.
Pinigilan ko ang pagbabadyang pagtulo ng aking luha. Kaya inabala ko na lamang ang sarili sa pagkain dahil sayang ang biyaya kung hindi ko ito mauubos.
Napansin kong lumapit siya sa kitchen at nagpunta sa ref. Binuksan niya ito pero nagpatuloy lang ako sa maganang pagkain.
“Am…by the way Ms. Briones. Yan ang suot mo kahapon diba?” Tanong niya na nagpaangat ng tingin ko. Samuol pa ang bibig ko kaya uminom muna ako ng tubig bago ko siya sagutin.
“Y-Yes Sir, pero don’t worry po nilabhan ko naman po ito kagabi kaya malinis po ito at hindi mabaho.”
“So you mean, wala ka ng ibang casual attire na masusuot mo sa pagpasok?” Tanong niya habang binubuksan ang bottled water na kinuha niya. Naka white long sleeve na polo siya at nakatupi ang mangas nito sa siko bukas din ang isang butones sa itaas. Maayos din ang pagkakasuklay ng kanyang buhok. Napakalinis niyang tignan at wala man lang akong makitang kapintasan.
“Wala po Sir eh, saka na po ako bibili kapag may badget na.” Nahihiyang sagot ko sa kanya.
Tumango siya sa akin at tumalikod na rin pabalik sa kanyang kwarto.