AOI’S POV
Makalipas ang isang linggo ay isang magandang balita ang aking natanggap.
Nakapasa ako sa pagsusulit at isa na akong ganap na doktor.
Bumawi naman sa akin si Zyran. Hindi man niya ako naihatid noong examination day, sinamahan niya naman akong mag-celebrate para sa isang magandang balita. Sa isang mamahaling restaurant niya ako dinala kung saan namin magkasamang pinagdiwang ang panibagong achievement ko sa buhay. Sa kabila ng kasiyahan ay napansin ko na may kakaiba sa kinikilos nto. Para bang may gusto itong sabihin subalit hindi niya naman masabi. Hindi ko na lang iyon pinansin dahil baka problema lamang iyon sa trabaho. Ganoon naman ito dati pa, kapag may problema ito sa kompanya nila o di kaya sa kanyang pamilya ay nagiging tahimik ito. Para sa akin ay normal lamang iyon kaya nagpatuloy ang aming relasyon kahit na pakiramdam ko ay dumadalang ang pag-chchat at pagtawag nito sa akin.
Mabilis na lumipas ang dalawang buwan at sa mga araw na iyon ay naging tahimik para sa akin. Hospital at bahay lang umiikot ang aking mundo at dahil natapos na ang aking exam ay nagkaroon na rin pagkakataon na maituloy namin ni Zyran ang pag-aasikaso para sa plano naming pagpapakasal.
“Hindi pa nga pala tayo nakakapunta sa simbahan para magpa-schedule. Daan na tayo,” yaya ko kay Zyran nang magkita kami nang araw na iyon. Kahit sobrang hectic ng schedule bilang doktor ay humingi pa rin ako ng isang araw na day-off para lang pagtuunan ng pansin ang aming kasal.
“No!”
“Bakit?” Nagulat ako sa sagot nito.
“ What I am trying to say is, we don’t need to do that today. Ako na lang ang pupunta, just give me the requirements. Hindi ba ibinigay na sa atin noong nakaraan yung mga kailangan ipasa? I know you're busy at the hospital right now, so I'll take care of it,” agad na sagot nito na pinaniwalaan ko naman.
Ibinigay ko sa kanya ang kopya ng lahat ng aking requirements kasama na ang marriage license na kinuha ko pa sa munisipyo namin sa probinsya nang minsan sumama akong mag-medical mission doon, isinabay ko na rin kasi ang pagkuha.
“Are you sure, ikaw na lang ang magpapasa? Pwede naman kitang samahan sa susunod na day-off ko,” tanong ko rito.
“No, ako na ang bahala. Mas mabuti pa, mamili na lang tayo ng gown na susuotin mo,” anito saka ako inalalayan tumayo. Napangiti ako sa kanyang sinabi kung kaya sumama ako sa kanya. Sa isang sikat na boutique kung saan gumagawa ng magagandang gown niya ako dinala. Pinasukat niya sa akin ang iba’t ibang design ng damit at pinapili ng gusto ko. Bukod pa roon ay namili na rin kami ng bulaklak na aming gagamitin at kumausap ng organizer na siyang mag-aasikaso sa lahat. Hindi ko mapigilang mapangiti sa labis na tuwa at excited na aking nadarama dahil ramdam ko na na malapit na kaming maikasal. Pagkatapos namin maglakad ay bumalik kami sa boutique upang ipa-reserve na ang damit na aking gagamitin. Hindi kasi ako kaagad nakapamili kanina dahil sa sobrang gaganda ng mga damit na aking nasuot. Palabas na kami ng boutique nang makasalubong namin si Louisa.
“Uy, Posh! Anong ginagawa mo rito?” nakangiting tanong ko rito.
“Ha? Ano, yung pinsan ko kasi ikakasal na next month. Nagpapahanap siya sa akin ng magandang damit dahil hindi pa raw siya nakapili. Kayo, anong ginagawa niyo rito?” tanong nito na nakangiti at dumako ang tingin nito kay Zyran.
“Namili rin kami ng damit na susuotin ko para sa kasal namin. Ironically, para next month din,” hindi ko na maitago ang saya na aking nadarama at napakapit pa ako sa braso ni Zyran.
“Talaga ba? Congrats, Posh,” sabi nito saka napahawak sa kanyang tiyan.
“Posh, ayos ka lang ba? May masakit ba sa iyo?” tanong ko rito. Akmang lalapitan ko sana ito nang biglang lumapit dito si Zyran.
“Hon, okay lang ba sa iyo na iuuwi ko na muna si Louisa sa kanila?” sabi kaagad ni Zyran.
“Ha? S-Sige. Dalhin kaya natin siya sa Ospital para ma-check kaagad, baka kasi sumige na naman ang sakit niya sa kidney.”
“Hindi na. Sa tingin ko mas kailangan niyang umuwi sa bahay nila. Sige na, ihahatid ko na muna siya. Mag-taxi ka na lang,” sabi ni Zyran saka nito inalalayan si Louisa patungo sa kotse nito.
“Mag-ingat ka sa pag-dadrive,” habol kong sigaw habang tinutulungan ko pa itong ipasok si Posh sa loob ng kotse.
Napabuntong hininga na lang ako dahil sa labis na pag-aalala.
Noong high school pa lang kasi kami ay naoperahan na sa kidney si Louisa kaya naisip ko na baka bumalik ang sakit niya dahil may pagkamatigas ang ulo nito. Ang lahat ng bawal dito ay sinusuway nito, siguro dahil sa mayaman ito kaya balewala rito ang gastusin ng pagpapagamot kaya ganoon katigas ang ulo nito. Isa pa ay nag-iisang anak ito kaya laki sa layaw, nasusunod ang lahat ng gusto.
Makalipas ang dalawang linggo, halos kalahating buwan na lang din ang natitira para sa araw ng aming kasal ni Zyran ay isang liham paanyaya ang aking natanggap. Isang salu-salo ang aking dadaluhan kung saan kasama ang mga magulang ng aking nobya. Um-absent pa ako sa trabaho para magpa-salon at magpaayos. Bumili pa ako ng isang napakagandang bestida na aking susuotin sa gabing iyon upang maging mas presentable ako sa harap ng aking magiging mga in-laws.
Kung dati ay nahihiya pa ako, ngayon ay nakataas na ang aking noo na haharap sa kanila dahil sa kabila ng aking pagiging ulila ay alam kong may maipagmamalaki na ako.
Hindi na ako nagpasundo pa kay Zyran at sa halip ay nag-book na lang ako sa isang online app para makarating sa Ciel d’Or, isang fine dining resturant na sa tunog pa lang ay alam mo ng mamahalin.
Kinakabahan man ay nakangiti pa rin akong naglakad papasok patungo sa restaurant makalipas ang halos beinte minutos na biyahe.
Pagbukas ko pa lang ng pinto, agad na hinanap ng aking mata ang lamesa kung saan naroroon ang pamilya Kriegal. Nagtanong ako sa counter at magalang akong sinamahan ng isang waiter patungo sa VIP room.
“Thank you,” nakangiting pasasalamat ko sa waiter na naghatid sa akin.
Pagbukas ko pa lang ng pinto ay bumungad sa akin ang hindi inaasahang mga taong naroroon.
Si Tito Craig, Tita Vina at si Louisa na katabi si Zyran habang nasa kabilang bahagi ay ang mga magulang ng aking nobyo.
Akala ko ay inimbitahan lamang sina Tita Vina dahil sa wala na akong pamilya at pamilya ni Louisa ang ikalawa ko ng pamilya ngunit parang nabingi ako sa magkasunod na sinabi ni Tita Vina at ng mama ni Zyran na si Tita Zeny.
“Bakit nandito ka, Aoi? Akala ko ba ay family dinner ito?” tanong ni Tita Vina, hindi ko inaasahan ang pag-iba ng tono ng boses nito na taliwas sa dati nitong pakikipag-usap sa akin.
“Zyran! Anong ibig sabihin nito? Malapit na ang kasal ninyo ni Louisa pero bakit naghahabol-habol pa rin ang babaeng iyan sa iyo?” inis na sabi naman ng mama ni Zyran.
Ha?
K-Kasal nina Louisa at Zyran?
Akala ko ba ay kasal namin ni Zyran ang pag-uusapan?