AYOKO na talaga mag-aral.
Tinatamad na ako. Pakiramdam ko, hindi talaga sa'kin ang pag-aaral. Alam ko naman na kailangan ko 'to para sa future ko. Na ako rin ang makikinabang ng lahat ng paghihirap ko kapag nakapagtapos ako.
Kaso... suko na ako.
Pumapasok na lang ako para makasama mga kaibigan ko. Ayoko ng ganon! Gusto kong pumasok para matuto, pero wala doon ang utak ko. Maari naman akong matuto sa labas ng eskwelahan, mas marami akong pwedeng malaman na hindi naman din itinuturo sa loob ng classroom.
'Daig ng madiskarte ang matalino' At 'yun ang totoo. Gumawa ako ng listahan ng posibleng maging ako sa hinaharap kapag hindi na ako nag-aral.
1. Tambay(?)
Syempre, hindi! Kahit kailan hindi ko pinangarap maging tambay 'no! Para sa mga Pilipino na tulad ko, ang pagiging 'Tambay' ang unang pumapasok sa isip natin kapag tumigil sa pag-aaral ang isang tao. Bakit? Mas madali naman talagang maging 'Katuga' kesa mag-aral ng kalahating araw pero wala ka namang naintindihan sa pinagsasabi ng teacher mo sa unahan.
2. Fast food worker.
Pwede... Diyan naman nagsisimula ang lahat, e. Marami ring nagtatrabaho roon na working student. Pero sa kaso ko? Hindi. Malabo. Tamad nga akong magsulat ng notes mag punas pa kayang lamesa nang kinainan ng iba? Masipag naman ako sa gawaing bahay pero responsibilidad ko iyon bilang anak ng nanay ko. Sino bang gustong tumira sa maduming bahay?
3. Call center agent.
NOPE. Tunog pa lang nakaka-stress na!
4. Reseller ng Avon.
HINDI AKO MASIPAG! Baka mas malaki pa ang chance kong makidlatan kesa maging reseller ng avon.
Apat pa lang ang laman ng listahan ko. Tinamad na ako magisip, e. Disaster talaga 'tong buhay ko. Mabuti pa mga kaibigan at kaklase ko, may pangarap na. Ako? Wala pa. Paano ba magkaroon ng pangarap? Paano mo nasabi na 'yun ang pangarap mo? Nagising ka ba isang araw at naisip mo agad na 'yun ang gusto mo?
Paulit-ulit kong pinanuod 'yung interview na ginawa ko sa digicam. May gustong maging beterinaryo, albularyo, politiko, pulis, abogado, detective tulad ni Conan, secret agent, teacher, gasoline boy, chef, dancer, artista, musikero, basta andami! Lahat na ata ng klase ng pwedeng pangarapin nasabi na nilang lahat.
Sinubukan kong gayahin para may maisulat na ako sa bond paper na ipapasa kay Ma'am Ursula, ang ending, hindi ko na tinapos. Hindi naman kasi totoo. Gusto kong isulat 'yung totoong gusto ko. Sarili ko lang ang niloloko ko kung gawin ko 'yun e.
Nahihirapan na ako kakaisip sa pesteng pangarap na 'yan. Saan ba pwedeng makita 'yan? Para sa tulad kong walang alam gawin kundi mangaway, magasar at mangulo sa school, ano bang para sa'kin?
Basta ayoko na!
Isang gabing lumapit si Denver sa'kin para tanungin ako kung kamusta ang araw ko, inaway ko lang siya. Naguguluhan na kasi ako. Naiiyak, naiinis, naiirita. Pakiramdam ko wala akong kwenta. Ano bang silbi ko? Wala akong talent. Ano bang galing ko? Baka nga marami pang matuwa kapag nawala ako, e.
Masaya naman ako sa buhay, may masaya at kumpletong pamilya, totoong kaibigan pero parang may kulang. Bigla ko na lang mararamdaman na wala akong kwenta. Yung may bubulong sa'yo na, "WALA KANG SILBI! WALA KANG KWENTA, SANDY."
Ngayon ko lang naramdaman mga ganitong bagay. Yung tipong walang nakakaintindi sa'yo? Yung natatakot kang magsabi sa kahit kanino kasi baka pagtawan ka, baka tuksuhin at asaring mahina?
Si Sandy na matapang, duwag pala? Si Sandy na magaling mang-alaska, talunan pala? Si Sandy na siga, iyakin pala? Si Sandy na ganito, si Sandy na ganyan... Nakakahilo!
Kung pwede lang sana maging invisible muna. Time out muna sa buhay.
Paminsan-minsan pag inaatake ako ng lungkot, natatawa ako sa sarili ko kalaunan. Hindi ba parang masyado pa naman akong bata para problemahin 'yung darating na bukas? Nakaka-pressure lang talaga 'yung pinapagawa ni ma'am Ursula sa'kin.
Lungkot lang ang dala noon tuwing magsusulat na ako sa papel. Tuwing tititig ako sa blankong bond paper, nai-imagine ko 'yung sarili ko. Blanko. Malinis. Walang bahid ng kahit na ano. Parang pangarap ko.
O baka natatakot lang ako? Takot lang 'tong nararamdaman ko para sa future ko. Deep inside, natatakot akong maging basura sa hinaharap. Na maging basura lang ako habang namamayagpag na sa pagiging successful ang lahat. Na talunan ako.
Tinanong ko si nanay kung ano bang pangarap niya noong dalaga pa siya. Ang sabi niya, "Gusto ko lang yumaman." Simpleng sagot pero ang hirap maintindihan. Sa sobrang simple, andami mong gustong itanong kung paano at bakit. At itinanong ko nga naman ang dalawang bagay na 'yun.
"Sawa na akong maging mahirap." Paliwanag niya.
Hindi na ako nagtanong pa. Hanggang grade 1 lang naman si nanay. Taga Quezon province siya at lumuwas ng Maynila sa edad na 13 years old para maging katulong. Hanggang sa naging factory worker na may minimum wage na 50 pesos. Doon din niya nakilala si tatay. Nagtulungan silang dalawa, tinulungan ni nanay si tatay na bumalik sa pag-aaral.
Nang makapagtapos, pumunta siyang Saudi para makipagsapalaran sa buhay. Kaya lang... minalas, e. Pinagmalupitan si tatay ng amo niya at nakulong ng limang taon. 5 years old lang ako noon, bale umalis siya nang bagong silang pa lang ako. Bumalik siya sa Pilipinas at dito na lang nag trabaho. Naging construction worker, boy, janitor, mekaniko at naging seaman.
Mahirap na nga ang buhay mo, aapihin ka pa lalo ng mundo.
Kaya ganoon kahalaga ang pag-aaral para kila nanay at tatay. Sagrado 'yon. Iilan lang ang sinuswerteng nakakapag-aral. Sabi pa ni nanay, umaakyat pa siya ng bundok matuto lang.
Mas maganda pa rin na may inaral ka. Dahil kapag wala, tae ka. Tae ka lang sa paningin ng lahat. Basura. Walang kwenta. Pabigat sa lipunan.
Kaya mas lalo akong nahihiya sa sarili ko, kinakahiya ko sarili ko. Natatakot akong sabihin sakanila na ayoko na mag-aral, na wala akong pangarap. Natatakot ako sa magiging reaksyon nila kapag sinabi kong, 'Nay, ayoko na pong mag-aral'
Tiyak, kasusuklaman nila ako. Mahal na mahal ko sila kaya ayokong madismaya sila sa'kin. Kahit na palagi akong nagkakamali, hindi nila ako tinignan na pahirap sakanila.
Pero gusto ko talagang magpahinga muna. Gusto ko munang huminga para makapagisip.
"Nak, ayos ka lang ba?" Mahinang kinakatok ni nanay ang pintuan ko.
Mabilis kong pinawi ang luha ko. "Opo, nay. Bakit po? May sasabihin po kayo?" Marahan kong binuksan ang pinto.
"Narinig ko kasing sinisigawan mo na naman si Denver. May pinagawayan ba kayo?" Mahinahong tanong niya at ngumiti.
Umiling ko. Umupo ako sa kama at tumabi sa'kin si nanay.
"May problema ka ba, Sandy? 'Yung totoo."
Umiling ulit ako at pilit na ngumiti.
"Sandy.." Humawak si nanay sa kamay ko.
Sa pagkakataong 'yon, hindi ko na napigilan pa ang emosyong pilit kong tinatago. Yumakap akong mahigpit at humagulhol na parang batang inagawan ng laruan.
Maari kang magsinungaling sa lahat ng tao, pero hindi mo maitatago ang totoong nararamdaman mo sa nanay mo. Ang nanay lang ang tunay nakakakilala sa anak nila. Na kahit anong tapal ang gawin mo sa sakit na nararamdaman mo, alam 'yun ng isang ina dahil nararamdaman din nila 'yung sakit at mas doble pa.
"Okay lang 'yan, anak. Kung nahihirapan o pagod ka na, magpahinga ka lang muna pero 'wag na 'wag kang susuko. Palagi mong tatandaan na mahal na mahal ka namin ng tatay mo, Sandy. Tanggap ka namin. Kahit na pagbali-baliktarin ang mundo at papiliin ako ng magiging anak, ikaw at mga kuya mo ang palaging pipiliin ko."
Sa mga sandaling 'yon, gumaan ang bigat na nararamdaman ko, lumuwag ang paghinga ko at masaya ang puso ko. Nakakataba sa puso lahat ng sinabi ni nanay. Lahat ng takot, nawala. Ang sarap sa pakiramdam na tanggap ka ng pamilya mo kahit na ano ka pa.
Sapat ako. Sapat ako para kay nanay. Sapat ako para kay tatay.