"ANG makabasa nito tanga." Pati sa mall marami ka pa ring makikitang vandal na walang saysay. Pahirap sa janitress.
Kapag daw ganon 'Janistress' na ang tawag sa kanila. Korni 'no? Narinig ko lang 'yun sa kaklase kong si 'Tuko', marami kasi siyang alam na salita na siya lang din ang nakakaalam. Kung minsan, 'Kokey' din ang tawag sakanya-- Kamukha niya kasi.
Sa wakas! Nakauwi na si ermats galing cebu. Isa lang ang ibig sabihin niyan... dried mangos! Pinagkakakitaan ko 'yan sa school. Kumakagat naman sila sa hindi makatarungang presyo ko.
Routine na naming magpuntang mall kapag linggo. Simba muna saka muling maghahasik ng lagim. Ewan ko ba kung bakit tamad na tamad ako sa pagsisimba. Sabado pa lang ng gabi, nagpapanggap na akong may sakit para hindi makasama bukas. Kaya nabuo ang routine na 'yan para mapilitan ako. Pang u-uto ba.
Ayos. Madadampian ulit ang balat ko ng aircon! Masaya, hyper, high ako ngayon lalo na't nagbunga ang paghuhugas ko ng plato at masebong kawali. Bibilhan na nila akong bike! Inggit talaga ako sa buong tropa. Ako lang ang walang bike, e. Professional back rider na ako tuwing magiikot kami sa buong barangay. Pangarap ko talagang magkaroon ng bike.
Speaking of pangarap-- Wala pa rin akong nasisimulan sa bond paper. Pwede ko bang isulat 'yun? 'Ang pangarap ko ay magkaroon ng isang bisekleta'. Ewan ko na lang kung makatungtong pa akong 4th year.
"Baka naman lalo kang magloko sa iskul kapag may bisekleta ka na?"
"Hindi, nay!" Masiglang agap ko.
May ningning sa mata ko habang hinihimas ang gulong ng bike na napili ko. Katamtamang taas lang 'yon para magamit din nila Kuya. Nagpatulong pa ako sa kanilang gibain ang pusong bato ni nanay. Alam na kasi niyang napa-guidance ulit ako. Malamang.
Blue, red at green ang kulay nito, mala Zaido: Pulis pangkalawakan. Paborito ko 'yon! Maaga lang talagang kinuha ni Lord si Zaido Green sa totoong buhay.
Masama kung tumingin si tatay. Nagsusumigaw sa mukha niyang 'Magbubulakbol ka lang'. Mapangasar na ngiti lang ang iginawad ko. Wala na siyang magagawa, nabili na. Natupad ko na ang pangarap ko!
Dahil masyado pang maaga para umuwi. Umikot muna kami sa mall. Window shopping doon, sukat dito, sukat doon, i-spray lahat ng tester ng pabango, durugin ang toblerone, pumila sa free taste ng noodles sa supermarket na 'Ikaw na nga' ni Willie Revillame ang tugtog.
Bitbit ang malaking bike, tumambay muna kami sa food court para maglarong gameboy. Busy pa kasi sila tatay sa pagsusukat ng damit na hindi naman nila bibilhin. Sila kuya lang may ganon kaya hanggang nuod lang ako. Hindi ko maiwasang mapahiyaw kapag lucky luke nilalaro nila. Nakaka-stress!
"Palaro naman, kuya!" Sabay agaw ko ng gameboy. Umiral na naman pagiging karate kid ni kuya, kinutusan ako. Binawe.
"Swapang! Kuya Limuel... Ako naman. Kanina ka pa, e." Nagpaawa ako.
"Ayoko."
"Mamatay ka na sana!" Tumingin silang dalawa, deadly... Bigla akong pinagpawisan.
"Sa laro! Sa laro kako..." Hinawi ni kuya Limuel ang kanyang balikat, tinalikuran ako. Gusot ang mukha ko, nakahalukipkip at atat nang umuwi. Gusto ko nang gamitin ang bike para makagala.
Paakyat na kami sa third floor, kung saan naka-parada 'yung pulang van namin. Sa escalator, aliw talaga ako sa parang walis tambo sa gilid noon. Tinutok ko 'yung black converse ko. Aliw talaga. Instant shoe shine! Nalinis ang bawat sulok ng sapatos, mula ilalim, gilid at taas. Tila paborito ako ng tadhana...
Kumalas 'yung pagkakatali ng sintas ko at lumusot sa gilid ng escalator. Kinabahan na ako. Hinatak ko na paa ko pero nakaipit pa rin. Yumuko ako, ginamit ang kamay panghatak... wala pa rin! Papalapit na sa itaas. Pakiramdam ko biglang bumilis ang takbo ng escalator. Natakot na ako.
Nakanta ko na ang buong 'Ama namin' sa isipan ko. Hahatakin sa huling pagkakataon ang paa kapag nasa dulo na. I'm ready!
Isa.... dalawa... tatlo...
Palpak ang plano!
Ihahakbang ko sana ang paa nang kapusin ako. Napatid at nadapa. Bumagal ang mundo ko, parang 'yung slow motion scene sa The Matrix, pinagkaiba lang... hindi naman bala ang iniiwasan. Nakatingin ang lahat sa akin habang nag e-exibition ako. Kumapit ako sa katabing basurahan para mapigilan ang bagsak.
Inaasahan kong mabigat 'yun at puno ng basura. Kasinungalingan, tumumba 'yon kasama ko.
Mission failed!
Parang nanunuod ng live-action ang mga tao. Nakabulagta ako sa malamig na tiles yakap ang malaking silver na basurahan. Kahihiyan ang inabot ko!
Pinigilan pumatak ang luha. Dadagdag pa 'yon sa kahihiyan ko. Lumapit sila kuya. Imbis na buhatin, nag mala spoliarium ang paghatak nila sa'kin!
MAAGA akong nagising mula sa ingay sa labas ng kwarto. Pupungas-pungas pa akong lumakad papalapit sa pintuan at nakinig sa usapan. Tumingin ako sa orasan sa tabi ng kama, alas otso pa lang, a! Bakit may bisita agad?
"Hay nako, Mars! Nabalitaan ko na-guidance na naman si Andeng? Baka napabayaan..."
"Ibig mong sabihin pabaya kami?"
"Hindi, Mars! Baka kako maling kaibigan ang nasasamahan. Ilipat mo na lang kaya sa private? Para hindi mapariwa. Babae pa naman ang anak mo at dalaga na."
"Di ba nasa private iskul nagaaral ang anak mo? Si Marie... tama ba?"
"Oo, Mars--"
"Bali-balita na sa buong barangay buntis daw ang anak mo. Baka MAPARIWARA ang anak ko kapag nilipat ko sa PRIVATE iskul na sinasabi mo, Mars?"
Burn! That's my ermats! Ano ka ngayong Aling Minda! Tawang tawa ako sa pakikinig ng usapan nila. Nakanganga siguro si Aling Minda sa sinabi ni nanay? Kanino pa ba ako magmamana?
Nasa munisipyo ata ang tatay kaya maagang pumarito si Aling Minda para maghatid ng panibagong chismis. Pinapakisamahan siya ni nanay dahil maayos naman ang pakitungon. Sadyang pangit lang ang bibig. Mahilig pumuna ng anak ng iba.
Mga sabik sa maiinit na chismis ang tao rito sa Silangan. Totoo man o imbento, kakagat pa rin sila malibang lang.
Humupa na ang mainit na usapan. Malamang, umalis na sa sobrang kahihiyan. Bumalik na lang ako sa kama para humilata. Paikot-ikot ako sa kama nang maisip na ayain ang tropang mag bike.
Me:
6uD mÙrN¡n6, 6uYz! B¡k3 tR¡P T4¥ü?
bH0$$_Zùnq!t Trixie:
.. 4nùnq 0r4z?
Tumitig ako sa screen ng cellphone. Oo nga ano? Wala akong nilagay na oras. Inulit ko na lang ang 'GM' ko.
Ako:
Jejeje! t4k€ 2:
6uD mÙrN¡n6, 6uYz! B¡k3 tR¡P T4¥ü? Mq4 3 nq h4p0n. B0rL0q mÙn4 m€H t4pOz q0R4 nU4h!
bH0$$_Zùnq!t Trixie:
... 0k2 c u l8tr!
Ando:
ok2
Betong:
z4m4 r4w c dinber?
Walang hiya! Ibinalita agad? Kunot noo akong nag-reply.
Ako:
ihhhhh! 4y4w cUuH!
Anabelle:
kwik2 t4u huuh?
Tumulong ako sa gawain bahay. Nag dilig, nag linis ng bakuran, nag bunot ng d**o, nag siga, umakyat sa puno ng mangga, humilata ulit sa kama, kumain at naligo.
Wala naman pasok ngayon kahit na Monday. Holiday. Nanuod na lamang kame ng paboritong noon time show ni tatay, eat bulaga. Maririnig ko na naman 'yung mala-sumpang kantang 'agalub tae' nakakarindi! Nauso tuloy 'yung pagbabaliktad ng pangalan.
Ang hirap na tuloy maghanap ng kakilala sa friendster dahil sa pesteng bali-baliktad na pangalan. Ang korni lang. Sinubukan ko rin naman, 'Ydnas Omotsosirc' Ang baho pakinggan! Tunog pangalan ng dinosaur.
Pabonggahan naman ng background ang friendster, e. Every week akong nagpapalit. Sa daming choices, pag sinipag, everyday! Lagi kong gamit 'yung chobits saka si Ryoma Echizen ng prince of tennis. Hindi rin ako nagpapatalo pagdating sa background song!
International ang friend list ko, e. Paramihan kasi kami ng friends nila Anabelle.
Wala pang alas tres magkasamang dumating sina Ando at Betong. Feel at home pang pumasok sa bahay at dumiretsong kusina. Kakapal! Anak na rin kasi ang trato nila nanay at tatay sa mga kaibigan ko. Mula elementary, magkakasama na kami. Syempre, sa kulelat na section kami napupunta.
May nabasa nga akong quotes sa friendster, "Birds of the same feather flock together, and when they flock together they fly so high." Parang hindi naman?
Hinintay lang namin dumating ang dalawa saka kami lumarga. Mabuti na lang walang denver na lumitaw kung saan. Umikot muna kami sa plaza, nanuod saglit ng paliga ni Kap. JM na pasakalye lang naman niya para hindi siya mahalatang binubulsa 'yung pondo para sana sa barangay.
Bumalik kame sa sari-sari store nila Anabelle. Sila ni Trixie ang nakatoka sa panlilibang sa bantay, habang nililimas naming tatlo 'yung mga nakasabit na sitsirya.
Ginawa na naming hide out 'yung abandonadong kubo sa pinaka mataas na lupa sa silangan. Tanaw ang buong barangay sa pwestong iyon. May nagmamayari na talaga ng lugar na 'to, gagawin atang commercial space. May malaking sign board din sa bakod na 'NO TRESPASSING'
Katwiran naman ni Ando, "15 pa lang tayo kaya bawal pa tayong makulong. Bale, huli pero 'di kulong!"
Kain kain 'yung sitsiryang ninakaw namin, nagkwentuhan lang kami ng kung anong maisipan habang pinapanuod ang paglubog ng haring araw. Kulay kahel na ang kalangitan, lumalamig na rin ang simoy ng hangin.
Nakasalampak sa lupa 'yung bike namin at magkakatabi kaming lima sa d**o. Si Ando, Betong, Ako, Anabelle at Trixie.
"Ano kaya tayo sa future?" Bumuntong hininga si Anabelle.
"Tao?" Sabat ni Ando.Mainitin pa naman ang ulo ni Anabelle kaya mabilis niyang binalingan ng tingin si Ando.
"Kupal! Malamang."
"Kupal ka rin! Syempre, malay ba natin kung buhay pa tayo sa future na sinasabi mo. Baka abo na ako noon."
"Malabong mangyari sa'yo 'yan, Ando. Ang masamang d**o, matagal mamatay."
"Masamang d**o ka rin, Ana-bilbil!"
"Wala ka nang pagasa sa buhay, Dokito Andoks! Lapad noo!"
"Taba mo."
"Baho mo."
"Mukha kang dwende!"
"Mukha kang tikbalang!"
Natatawa kame habang pinapanuod ang bangayan ng dalawa, sakto may pulutan na kame! Masakit lang sa tenga dahil napaggigitnaan nila ako.
Nagkakapikunan na sila kaya sumabat na si Betong. Nga lang, ako naman ang napuna.
"Nakaisip ka na ba ng pangarap, Lagbu? Ikaw lang ata walang pangarap sa'tin, e. Kawawa ka naman."
"Yabaang! Ba't ikaw meron?" Humalukipkip ako at tinaasan siyang kilay.
"Naman! Minamaliit mo ata ako, e." Taas noong sagot niya.
"Weh? Sige nga... Ano?" Sabay sabay kaming apat, natatawa.
"Magpupulis ako."
"Pulis? Kawatang pulis? Mangongotong ka lang e!" Paratang ni Trixie.
"Gago!"
"Kung gusto mong yumaman, mag politiko ka na lang." Seryosong suhestiyon ni Ando. Nakatuon na ang atensyon naming lahat sakanya.
"Ayoko nga. Pang matalino lang 'yun e." Umiiling na agap ni Betong.
"Tignan mo 'tong tangang 'to! Dalawa lang naman solusyon para maging politiko ka." Buong buo ang tawa niya, sabayan pa ng napakataas na kompyansa sa sarili.
"Paano?" Naghahamong tanong ko.
Mariin siyang pumikit at hinilot ang sentido. Pa-suspense! Ilang segundong nagisip.
"Una, mag artista ka. Dapat sikat! 'Yung tipong mala FPJ ang dating para sambahin ka ng lahat. Kahit bobo ka, basta sikat ka na artista, kwalipayd ka na!" Tumaas ang boses niya. Akala ba niya madaling pumasok sa mundo ng artista? Maraming choosy don!
Bahagya akong napatango. Hinintay naming magsalita pa siya ulit. Babatukan na sana siya ni Trixie nang sundang ang huling sinabi niya..
"Pangalawa, mag aral ka." Payak na sambit niya, animo'y napakalaking tulong ng sinabi.
Napasapo ng noo si Anabelle sa dismaya, umiling, bumaling ng tingin kay Betong at muling napasapo.
"Tangna! Wag na! Artista pa lang, ligwak na si Betong, e! Aral pa kaya? Mang holdap ka na lang ng bangko para instant yaman ka. Instant himas rehas ka nga lang pag nahuli ka."
"Bakit? Ano bang tingin mo sa politiko? Magnanakaw din naman mga 'yun! Naka-kurbata lang." Makahulugang wika ni Ando.