HAIDE'S POV...
Hindi ko matanggap ang ginawa ng Papa ko na ipagkasundo akong ipakasal sa anak ng kanyang kumpare. Paano iyon nagawa ng sarili kong ama? Para na rin niya akong benenta sa kanyang kaibigan, dahil kapalit ng pagpapakasal ko sa anak ni Mr. Fang, ay ang pagkakaroon ni Papa ng Share sa Company ng mga Fang. Kailangan kong gumawa ng paraan, para makatakas sa kasal na hindi ko pinangarap. Kahit kailan ay hinding hindi ako magpapakasal sa isang lalaki, kung hindi ko naman mahal at kahit anino niya ay hindi ko pa nakikita. Iisa lang ang naiisip kong paraan, para hindi matuloy ang balak ni Papa na ipakasal ako sa anak ng kaibigan niya. Kailangan kong tumakas sa mga magulang ko, at umalis dito sa San Rafael. Kailangan kong lumayo sa lugar na ito, doon ako sa lugar na malayo sa mga magulang kong walang ibang ginawa kundi ang diktahan ako. Pupunta ako sa Maynila, doon ako magtatago.
Tumayo ako mula sa pagkakaupo ko sa kama, saka ko kinuha ang aking backpack bag at inilagay ito sa kama. Binuksan ko ang aking maliit na cabinet, saka ako kumuha ng ilang mga gamit at inilagay ko sa loob ng aking bag. Ilan piraso lang kukunin ko, para madali para sa akin ang gagawin kong pagtakas. Kinuha ko rin ang lumang wallet na pinaglalagyan ko ng mga iniipon kong pera. Purong papel na pera lang ang iniipon ko, para hindi kailangan ng malaking space, at magaan din sa bulsa. Mahigit sampung libo na rin ito. Gagamitin ko sana ang halagang ito, para sa plano kong pag-aaral na maging Chef, pero mukhang hindi na matutuloy ang pangarap ko. Mas mahalaga na maka alis ako sa bahay na 'to, at magpakalayo sa pamilya ko. Kahit kamuhian pa ako ni Papa, kapag nalaman niyang wala na ako dito sa bahay, at sa buong San Rafael. Titiisin kong hindi sila makita ng matagal, huwag lamang matuloy ang balak nila sa akin.
Kinuha ko rin ang isa ko pang pantalon at isinuot. Tenernuhan ko lang ng simpleng T-shirt at sinapawan ng Jacket para hindi ako lamigin sa labas. December na ngayon kaya malamig na pagsapit ng gabi. Nagsuot din ako ng sketchers, para mas mabilis ang paglalakad o pagtakbo ko, kung sakali man na masundan ako ni Papa. Hindi talaga ako pahuhuli sa kanya, oras na nakalabas na ako ng gate. Kahit itakwil pa niya ako bilang anak niya ay tatanggapin ko yun ng maluwag sa aking puso. Kung ang mga magulang ko ay patuloy pa rin nilang sinusunod ang tradition ng Mga Chinese sa China, puwes, ibahin nila ako dahil Filipino ako. Dugo ko lang ang may lahing Chinese, pero ang isip ko at buong pagkatao ay Filipino. Filipino ako.
Matapos kong masiguro na nakuha ko na lahat ang mga kailangan ko, kasama ang mga mahahalagang papeles na kailangan ko sa pag-apply ng trabaho sa Maynila ay dahan-dahan kong binuksan ang pintuan ng kuwarto ko. Wala akong ibang madaanan kundi sa kusina ng bahay namin, kaya kailangan kong lumabas ng kuwarto at magpunta sa kusina. Hindi rin ako p'weding dumaan sa Main door, dahil sigurado akong tutunog ang gate sa balcony, kapag binuksan ko iyon. Ang bahay namin ay napapaikutan ng metal grill, kaya hindi ako basta-basta makakalabas dito. Pero ang kusina namin ay malayo sa kuwarto nina Papa at Mama, kaya sigurado akong hindi na nila mararamdaman ang pagbukas ko ng gate doon.
Para akong magnanakaw na dahan-dahan na bumaba sa hagdan namin, at nagtungo sa kusina. Mabuti na lang at hindi naman gaanong mataas ang bahay namin, kaya maabilis akong nakababa. Kinuha ko rin ang susi ng back door sa loob ng tasa na nasa ibabaw ng cabinet, saka ko dahan-dahan na binuksan ang pinto at ang kandado ng gate. Isinara ko rin ito kaagad matapos kong lumabas at basta ko na lang iniwan ang susi sa ibabaw ng lababo dito sa labas.
Sumampa ako sa pader dito sa likod ng bahay namin, saka ako tumalon sa kabilang lote. Kahit madilim ay nilakasan ko na lang ang aking loob, para maka alis ako ng tuluyan sa bahay namin. Buti na lang at bakante pa itong lote sa likod namin, kaya mabilis akong nakatawid at nakarating sa kalsada. Nagtahulan din ang mga aso sa paligid, dahil sa pagdaan ko sa tapat ng mga bahay. 1:00 am na rin, kaya alam kong wala nang makakikita sa akin dito sa labas. Maaga kasi natutulog ang mga tao dito sa probinsya namin, kaya kapag mga ganitong oras ay wala kana makikitang tao sa buong paligid.
Naglakad ako sa madilim na daan patungo sa Bus Terminal. Tanging ang flashlight lang ng cellphone ko ang aking ilaw, dahil walang ilaw sa ibang parte ng daan. Inabot din ng halos isang oras ang paglalakad ko sa kalsada, patungo sa pinaka sentro ng bayan namin, para makasakay ng Bus pauntang Maynila. Magkahalong kaba at takot din ang nararamdaman ko, habang naglalakad ako sa sementadong daan papuntang bayan. Wala din akong nakitang sasakyan na dumaan kahit isa nang mga sandaling iyon. Para akong isang ligaw na sisiw na naglalakad at hindi alam kung saan patungo. Naalala ko kasi ang mga kuwento-kuwento dito sa amin na meron daw nakatira na Kapre sa malaking puno ng sampalok na nasa gilid ng daan. Tumakbo ako ng mabilis, dahil nag-aalala ako na baka biglang lumabas ang Kapre at kunin niya ako at ikulong sa bahay niya. Hindi ko rin tiningnan ang puno ng Sampalok, kasi madalas daw may nakakikita sa Kapre na naka upo sa malaking sanga, habang nagtatabako.
"Haide, takbo! Baka mahuli ka ng kapre! Hu-hu-hu!" Pagkausap ko sa aking sarili. Aba, mahirap na. Baka nga totoo ang mga kuwento-kuwento. Sayang naman ang beauty ko kung Kapre lang makikinabang sa akin. Buti sana kung si Alden Richard yun, baka ako pa mismo ang kusang sumama sa kanya.
Hingal na hingal tuloy akong nakarating dito sa waiting shed na hintayan ng mga Bus na dumadaan patungong Maynila. Buti na lang at may dala akong tubig kaya agad kong itinungga ang plastic bottle. Akala ko talaga kanina, hahabulin ako ng Kapre. Kung kailan pa naman na mabilis ang takbo ko, siya naman bigat ng mga paa ko. Parang may pumipigil sa mga paa ko kanina, para hindi ako makalayo sa lugar na iyon. Dios ko, bakit ganon?
Bigla akong napatigil sa pag-iisip, dahil may nakikita akong liwanag nang sasakyan na paparating. Tumayo ako at pumunta sa gilid ng kalsada, para makita ako ng Driver. Kailangan kong makasakay kaagad, para safe na ako at makalayo na rin ako sa lugar na ito.
"Paraaaaa! Paraaaaaaah!" Malakas na sigaw ko, saka ko itinaas ang dalawa kong kamay at winagayway, para makita ako ng Driver. Tumigil naman ang Bus na pinara ko at binuksan ang pinto.
"Wala nang upuan, Miss, standing kana." Sabi sa akin ni Manong Conductor.
"Okay lang Kuya, basta makarating ako sa Maynila." Sagot ko sa Conductor ng Bus. Umakyat na rin ako at pumasok sa loob ng Bus. Marami din akong nakitang mga pasahero na nakatayu sa gitna ng daanan, kaya tumayo lang din ako at kumapit sa hawakan sa itaas.
Nakakangalay nga lang ang tumayo nang mahabang oras, pero ayos lang. Ang mahalaga ay makarating ako sa Maynila. Hindi na ako masusundan doon ng mga magulang ko, dahil malawak naman daw ang Maynila.
*****
PAGDATING ng Bus sa Terminal nito sa Maynila ay agad na nagsibabahan ang mga pasahero, kasama si Haide. Biglang nanibago ang dalaga sa bagong tanawin, dahil wala na siyang ibang makita sa paligid kundi mga nagtataasang Building at napakaraming sasakyan sa kalsada. Nahihilo rin siya dahil sa pagod at puyat na kanyang pinagdaanan mula sa pagtakas niya sa kanilang bahay, hanggang sa pagtayo niya ng ilang oras sa loob ng Bus. Naghanap ng lugar na p'weding maupuan si Haide, dahil masakit na masakit na ang kanyang magkabilang paa dahil sa matagal na pagtayo. Wala din siyang maisip na puweding puntahan sa Lungsod dahil wala naman silang kamag-anak dito sa Pilipinas, kaya kailangan niyang mag-isip munang mabuti para sa susunod niyang hakbang.
"Kuya, pabili po ng tubig." Aniya sa naka salubong niyang lalaki na nagtitinda ng tubig. Agad naman siyang binigyan ng isang boteng mineral water nang lalaki. "Salamat kuya." Pasalamat niya, saka naglakad patungo sa mga upuan sa loob ng Bus Station, para maka pagpahinga.
Umupo si Haide sa isang bakanteng upuan sa Bus Terminal. Ang balak niyang magpahinga sandali ay hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya sa kanyang upuan. Dala na rin ng puyat at matinding pagod. Ngunit nang magising siya ay ganon na lamang ang gulat niya, dahil may butas na ang kanyang bag. Kinabahan ng husto si Heide, dahil sa nakita niyang nangyari sa kanyang bag. Tiningnan niya ito, upang malaman kung ano ang nawala sa kanyang gamit.
"Ang cellphone ko!" Malakas na sambit niya, habang patuloy na kinakapa ang laman ng kanyang bag. "Ang wallet ko, nawawala!" Mangiyak-iyak na sigaw niya. Hindi ksai niya makapa sa loob ng bag ang kanyang wallet, kaya ganon na lamang ang takot niya. Naroon lahat ang dala niiyang pera, kaya naisip niya kung paano siya ngayon, kung nawala na ang kanyang pera. Saan siya kukuha ng pambili niya ng kanyang pagkain?