"D-dito? Sigurado ka ba?" Pagtataka ni Layla sa kasamang babae.
"Oo. Ito ang nakalagay dito e." Sinulyapan ng babae ang hawak niyang papel na may nakasulat na address ng agency.
"Pambihira..." Napahimutok na lang si Layla. "Kaya pala nahihirapan akong maghanap e, hindi naman kasi ito mukhang agency, mas mukha pa itong abortion clinic e."
"Tara na, at baka wala na tayong abutan." Aya ng babae. At pumasok na silang dalawa.
Maingat silang pinapasok sa gate ng isang lalaki, pagpasok nila ay sumusulyap-sulyap pa ito sa kanilang likuran at sa paligid.
Pagpasok ay nagtaka ang babae at si Layla nang kumpiskahin ang kanilang cellphone. Pag-upo ay iba ang naramdaman ni Layla, parang may mali. Nang mapagmasdan n'ya ang loob, ay naikumpara n'ya iyon sa labas. Kung paanong walang signage sa labas, ganun din sa loob; parang hindi ito agency.
"Good morning...." Bati ng isang may-edad na babae na pumukaw sa atensyon ni Layla. Nang pagmasdan n'ya ito ay napansin niyang marami itong gold na suot sa katawan. "Bale, ako ang mag-i-interview at mag-e evaluate sa inyo." Pinagmasdan n'ya isa-isa ang anim lang na kababaihan, kabilang si Layla.
Nang pagmasdan s'ya nito mula ulo hanggang paa, pakiramdam ni Layla ay parang nakikita na rin nito ang kanyang kahubaran. Nakaramdam s'ya ng discomfort.
"Not bad. Puwede na." May ngiting komento ng babae.
"E, Ms. Regina, ano po ba talagang trabaho ang papasukan namin, wala po kasing nakalagay sa description n'yo e." Tanong ng isang babae.
Tinapunan ito ng hindi magandang tingin ng may-edad na babae, na nagngangalang Regina. Tila hindi nito nagustuhan ang pagtatanong nito. "Kung gusto niyo talaga ng trabaho at kung gusto n'yo talagang kumita, dapat, hindi n'yo alintana kung anong trabaho ang ibibigay sa inyo. Naintindihan n'yo ba?"
Natigilan si Layla, tila gusto niyang magtaas ng kilay. Pupuwede ba yun? Sila ang may katawan at sila lang naman ang magtatrabaho, kaya dapat lang na malaman nila kung anong trabaho ang ibibigay sa kanila dahil karapatan nila yun. Paano na lang kung pagawain sila ng ilegal at labag sa kalooban nila? Bigla siyang natigilan, at bigla din siyang kinutuban. Hindi kaya?........
"Sige, magsimula na tayo. Una, kailangan muna namin kayong inspeksyunin. Maghubad kayo isa-isa para masuri ko kung fit to work kayo. Sige, mauna ka." Turo n'ya sa isang matangkad at may hitsurang babae sa pinaka unahan. Nakapostura ito at naka-makeup.
Natigilan ang mga babae, maging si Layla. Maghuhubad sila, nang may lalaking aaligid-aligid sa paligid? Ano ito?
Sinulyapan ng babae ang isang lalaking may malaking tiyan na nakaupo sa di-kalayuan, malisyoso ang mga mata nito habang nakamasid ito sa kanila. Kinutuban ng hindi maganda ang babae, at hindi n'ya napigilang mainis. "Seryoso kayo? paghuhubarin n'yo ako nang may lalaki dito sa kuwarto? Ayoko nga! Anong klaseng agency kayo?"
"Miss, ito ang kalakaran namin dito, kaya mabuti pang sumunod ka na lang." Wika ng lalaki habang nakangisi pa.
"Hindi! Ayoko na! Kung ganyan rin lang, aatras na lang 'ko. Ayoko nang mag-apply pa sa inyo!" Aalis na sana ang babae nang lumapit ang lalaking nakaupo lang kanina at harangan s'ya. "Tabi! Aalis na 'ko. Bakit n'yo ko pinipigilan?"
"Miss, huminahon ka lang. Sige, doon tayo sa ibang kuwarto kung ayaw mo dito." Wika ni Regina.
"Hindi ba kayo nakakaintindi? Ang sabi ko ay umaatras na ko, ayoko na ngang mag-apply sa inyo!" Galit na ulit ng babae.
"Miss, walang magagawa yang pagpapadalus-dalos mo, hindi ka na puwedeng umatras dahil nakapirma ka na ng bind contract sa amin." Ipinakita ni Regina ang kontratang pinapirma nila sa mga naunang aplikante.
Natigilan ang mga babae, bigla silang nakaramdam ng takot. Ang ibig bang sabihin ay hindi sila makakaalis hangga't hindi sila pumapayag sa gustong mangyari ng mga taong ito?
"S-sandali lang...." Putol ni layla sa katahimikan. "Kung ganun, hayaan n'yo na akong umalis. Hindi naman kasi ako nakapirma sa kontratang sinasabi n'yo e."
"Ako rin!" Segunda ng babaeng nakasabay ni Layla. "Sabay kaming dumating kanina, at kanilang pinaka huli."
Kumitid ang mga mata ni Regina, meron siyang tinawag para kumpirmahin iyon. Nang makumpirmang totoo nga ang sinasabi ng dalawa, ay may pag-aalangan sa mga mata nito lalo na nang masilayan n'ya si Layla. Hindi ganun kaganda si Layla, ngunit masasabing above average ito, na sa kaunting ayos lang ay puwede itong makakuha ng manliligaw. Dahil ayaw niyang pakawalan ang ganitong "goods" kakailanganin niyang gumawa ng paraan.
"Baka gusto n'yong pag-isipan muna? Magandang oportunidad ang naghihintay sa inyo, puwedeng guminhawa ang mga buhay n'yo."
"H-hindi na po, kailangan ko na rin po kasing umuwi, at walang kasama ang mga anak ko sa bahay e." Palusot ni Layla.
Dahil tila desido na ang dalawa ay may inutusan si Regina para ihatid sila, ngunit nagtaka si Layla nang dalhin sila nito sa isang kuwarto.
"T-teka lang, a-anong ginagawa natin dito?" Takot na tanong ng babae.
"Dito muna kayo, hintayin n'yo munang matapos si ma'am Regina doon." Sagot ng lalaki.
"Ano? Pero diba sinabi na namin na ayaw na namin? Bakit kailangan mo pa kaming paghintayin dito?" Bagaman nakakaramdam na rin ng takot at tinatagan ni Layla ang kanyang loob. Ngayon n'ya nakita, mukhang nagdilang demonyo ata ang kanyang ina nang banggitin nito ang tungkol sa mga illegal recruiters.
Pilit silang iniupo ng lalaki sa isang luma at mahabang silya na gawa sa kahoy. "Wala namang mangyayaring masama sa inyo dito, kaya wala kayong dapat ikatakot. Diyan muna kayo, hintay-hintayin n'yo lang si ma'am Regina." At tumalikod na ito.
Nang mapako ang mga mata ni Layla sa puwitan ng lalaki, ay nakita n'ya ang cellphone nito sa bulsa nito. Mabilis niyang dinukot iyon bago pa man ito makalayo.
Paglabas ng lalaki at nang marinig nila layla ang pagkandado nito ng pinto sa labas ay kaagad niyang kinalantari ang cellphone.
"Ang galing mo! Mabuti't nakuha mo yan." Mahinang papuri ng babae. "Dali, tumawag ka na ng tulong!"
Nag-isip si layla. Sino naman kaya ang tatawagan n'ya, wala naman siyang matandaang numero na kabisado n'ya. "Wala akong maalalang numero e, kahit numero ng mga pulis hindi ko din alam."
"H-ha? A, e...... Wala din akong tanda na numero e. Tingnan mo diyan, baka naman may mga naka save diyan kahit numero man lang ng bumbero. Baka puwede tayong magpatulong."
Ngunit nang tingnan ni Layla ay wala siyang nakitang anumang makakatulong sa kanila.
"Dalian natin, b-baka mamalayan niya na nawawala pala ang cellphone n'ya. Baka bigla siyang bumalik." Pag-aalala ng babae.
Biglang naisip ni Layla ang calling card na ibinigay sa kanya kanina. Dali-dali niyang kinuha iyon at kaagad idinial ang numero. Nang magkonekta ang linya ay kaagad ibinulalas ni Layla ang sitwasyon nila na parang nagre-report s'ya sa pulisya.
Natigilan ang lalaking sumagot sa kabilang linya at sinabing wrong number si Layla.
"H-hindi! Pakiusap, huwag n'yo pong ibababa!" Dagling pigil ni Layla. "Tinawagan ko itong number na ibinigay sa akin ng boss n'yo, k-kasi, sinabi n'ya na tumawag daw ako kung kailangan ko ng tulong....... P-pasensya na sa abala pero, pakiusap, pasuyo naman.... Tumawag ka naman ng pulis para sa akin o, iniipit kasi kami dito e, at ayaw kaming paalisin. Tingin ko ay illegal recruitment itong napuntahan namin."
Nag-isip muna ang lalaki sa kabilang linya. Bagaman hindi n'ya inaasahan ang ganitong encounter ay pinili pa rin nyang pagbigyan si Layla kahit hindi s'ya sigurado kung totoo ba ang mga sinasabi nito. "O sige, maghintay ka muna at tatawag ako ng mga pulis na puwedeng pumunta diyan. Address?"
Matapos makipag-usap ay napanatag na rin ang kalooban nila layla. Makalipas ang ilang sandali ay biglang nagbukas ang pinto at pumasok si Regina, kasama ang mukhang malisyosong lalaki sa kabilang kuwarto.
Napaatras sila layla, wala sa loob na nayakap ng mga ito ang isa't-isa habang maingat at alertong binabantayan ang kilos ng mga pumasok sa kwarto.
Humila ng silya si Regina at naupo. "Ngayon, kayo naman. Mag-usap tayo naman masinsinan."