Naninigas ang mga daliri ko. Wala akong magawa kundi titigan ang Isla Capgahan sa malayo habang nasa likod ko si Kario. Tahimik din siya. Magkakalahating oras na kami sa gitna ng nakabibinging karagatan ngunit wala ni isang bangkang dumadaan.
Kumulimlim ang langit, bagay na umayon kahit papaano. Bagaman may simoy ng hangin, hindi ko matitiis bumilad sa init ng araw. Siguradong darating ako sa campus nang amoy-dagat. Baka hindi ko na rin magawa ang balak kong habulin si Trio at pigilan sa mga nais niyang ibunyag.
“Maghintay pa siguro tayo ng ilang minuto. Baka may dadaan din.”
Kanina pa siya nagsasalita mag-isa pero ni isa sa mga sinabi niya ay hindi ko ginatungan. Kanina pa ikot nang ikot ang mga mata ko sa inis. Ultimo dagat na walang kasalanan ay tinarayan ko na. Kung naituro lang ni Lola kung paano tumugon sa ganitong sitwasyon gamit ang sorcery, baka kanina pa kami nakausad dito. Pero sino ba naman kasi akong baguhan? Iilan pa lang ang alam ko at minsan palyado pa.
“Kausapin mo naman ako… Sam.”
Namamaos na ang boses niya ngunit pinipili ko magmatigas. Na kahit lapitan man niya ako at pilitin, desidido ako upang hindi siya kausapin. Pumasok sa isip ko kanina na baka sinadya niyang lumarga nang kulang ang krudo para makapag-usap kami. Kung tama ang hinala ko, puwes ako mismo ang bibigo sa kaniya.
Naramdaman ko ang bahagyang paggalaw ng sinasakyan naming bangka. Napahawak ako nang mahigpit sa kandong kong bag habang nakabusangot sa kawalan. Hindi ako haharap sa kaniya kahit na ano pang gawin niya. Hindi ako magsasalita. Hindi ko siya kauusapin!
“Akala ko ba, okay tayo?”
Lalo akong nairita sa tono ng boses niya. Hindi `yon guilt trip pero kung makabigkas ay para bang pinaparating na may nagawa akong kasalanan. Okay kami? Oo, maayos naman kami. Walang problema. Ngunit sa lahat-lahat ng mga nangyari sa’min, natanto kong hindi na ubra `yong pagkakaibigan na halos kagaya ng pakikitungo niya kay Alania.
Amindong minsan ay naiinggit ako. Dahil sa tuwing nakikita ko silang magkasama, para bang ang lalim-lalim na ng kanilang pinagsamahan. Iba rin ang ngiti ni Alania. Nagagawa rin nitong si Kario na tumawa. Bihira ko na lang kasi iyon makita mula noong ideklara kong hiwalay na talagi kami.
“Sam…” tawag niya ulit gamit ang bruskong boses. Sinlalim ng dagat na nilulutangan ng aming sinasakyan. “Hindi ko alam na… ganito ang mangyayari—”
“Alam mo? Paulit-ulit ka.” Hindi ko na napigilan. Naubos sa mga sandaling ito ang pagtitimpi na pilit kong iniiral sa sarili. “Bakit `di ka na lang manahimik habang naghihintay? Alam ko na `yang mga sinasabi mo kaya huwag mo na ulitin-ulitin pa.”
Gustuhin ko mang ipakita ang bagsik ng mga mata ko, mas pinipili kong hindi ipakita. Ma-u-ulol na yata ako sa inis. Sa dami ba naman kasi ng araw kung kailan puwede naman itong mangyari, bakit ngayon pa na hinahabol ko si Trio?
Manatili lang sana siya sa puwesto niya sa likod. Huwag niyang susubukang lumipat dito sa harap dahil baka masabi ko na ang hindi ko dapat sabihin.
“Gusto lang naman kita makausap…”
“At anong pag-uusapan, Kario? Nasabi mo na ang mga dapat mong sabihin dati.”
“Hindi lahat.”
Mariin kong pinikit ang aking mga mata. Panandalian kong sinagad ang namamayaning iritasyon na ibinubunton sa mariing pagkakahawak sa bag. Kung sinadya rin ng tadhana na mangyari ito, masasabi kong bwisit ang klase ng tadhanang ito. Talagang dito ba naman siniksik ang walang kakwenta-kwentang tagpong `to?
Hingang malalim, Samira. Hindi rin ito magtatagal. May dadaan din mamaya at tutulong. Walang magtatagal…
Nang imulat ko ang aking paningin, patuloy pa rin ang kulimlim ng kalangitan. Ang mga ulap ay parang mga bulak na hindi mahawi-hawi habang nakatago sa mga likod nito ang haring araw. Hindi ko alam pero sa klase ng tanawing ito, may mga alaalang bumabalik. Madalas na ganito ang panahon noong lumalabas kami dati ni Kario upang maglibot.
Napakagat-labi ako. Ang tagal-tagal na no’n…
Nagtanong siya… isang tanong na madalas kong naririnig noong mga panahong masaya pa kami sa isa’t isa.
“Sinusumpa mo pa rin ba ang langit?”
Taguan sa kakahuyan, pahinga sa bukirin, tampisaw sa ilalim ng ulan, mga palasyong gawa sa buhangin... Sa maikling sandali, para bang binalik ako sa nakaraan. Lahat ng akala kong binaon na sa limot ay nagsibalik nang walang pakundangan. Bakit parang kahapon lang?
Madalas kong sabihin sa kaniya noon na araw-araw kong isusumpa ang langit dahil ayaw makisama ng panahon `pag magkasama kami. Nakanguso pa ako habang binigkas `yon, samantalang siya ay nakaakbay sa’kin. Sa tuwing inaangat ko ang aking tingin, makikita ko siyang tila abot langit ang laki ng ngisi. Ang alam ko lang noong mga oras na `yon ay sobrang saya niya kapag nakakasama ako.
Sa edad na labing-anim, hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko. Kung tutuusin, ang bata ko pa noong panahong `yon upang sabihing siya lang ang tanging mamahalin ko. Na kahit anong mangyari ay hindi ako bibitaw. Lahat ng mga pangako ay sabay na tutuparin basta’t huwag lang bumitaw nang hindi lumalaban.
Tama nga ang mga matatandang nagparinig ng kritisismo sa’min. Dahil minsan, sa aminin natin o sa hindi, `di totoo ang pag-ibig mula sa isang hilaw na puso. Kahit pakiramdam mo ay siya na, darating ang kinabukasan ngunit hindi ka na sigurado kung siya na ang kasama. Totoo ang pagmamahal ngunit totoo rin ang puppy love. Sa kaso ko, mukhang `yon lang ang naramdaman ko kay Kario.
Baliw na baliw ako sa kaniya dati pero nang dahil sa isang pagkakamali na muntik nang magdala sa’kin sa kamatayan, ang pagmamahal na akala kong walang katapusan ay nasira na parang kastilyong buhangin.
“Sinusumpa mo?” ulit pa niya sa kaniyang tanong dahil ang tagal kong hindi sinagot `yon. Bakit ko ba kasi sasagutin kung sinabi ko sa sarili na hindi ko siya kauusapin?
Ngunit hindi ko rin natiis. Gaano man kalakas ang alingawngaw ng isipan ko, nasunod pa rin ang nais ng sambitin ng bibig ko.
“Hindi.”
“Madalas mong sabihin `yon noon.”
“Dati `yon,” mabilis kong tugon nang nakatitig pa rin sa harapan. Tuldok na tuldok pa rin sa layo ang isla na maraming minuto pa ang kailangang gugulin bago marating.
“Hindi mo na ba kayang sabihin ngayon?”
Pagkatanong niya nito ay mabilis akong napalingon sa kaniya. Inayos ko ang pagkakapihit ng upo nang kandong-kandong pa rin naman ang bag. Kunot-noo ako nang nagsasalubong ang mga kilay samantalang siya ay nakikitaan ng mga matang nangungusap.
Sarkastiko akong bumigkas, “Umaasa ka bang magkakabalikan pa tayo?”
Natulala siya. Bahagya pang nakaawang ang kaniyang labi, senyales na wala siyang masabi. Alam ko dahil dati ko na siyang kabisado. Lahat na yata ng tungkol sa kaniya ay sinambit na niya. Sa dalas ng aming pagkikita noon, ni minsan ay hindi kami naubusan ng paksa.
Inabot ng higit isang minuto bago siya nakahugot ng salita. Patuloy ko namang nilabanan ang titig niya upang mapahalata na hindi ako mahina pagdating sa ganitong bagay.
“Alam kong ayaw mo na,” aniya.
“Alam mo na pala—”
“May iba na akong balak ligawan kaya hindi na ako umaasang magkabalikan pa tayo, Samira.”
Natigilan ako roon. Kung siya ang napatulala kanina, ako naman ay parang laglag-panga ngayon. Paulit-ulit `yong namutawi sa akin. At sa mga sandaling ito, pakiramdam ko ay may malamig na hanging bumabalot.
Nanlalamig man ang mga palad ay iginiit kong hindi pa huli ang lahat. Kunwari ay wala lang sa’kin dahil sa pilit na paggaan ng aking ekspresyon.
“Iyon naman pala…”
“Iyan ba ang akala mo? Na magkakabalikan pa tayo?”
Umiling ako. “Tinanong ko lang, Kario.”
“Akala mo pipilitin ko pa makipagbalikan kaya ka lumalayo?”
Sa halip na sagutin iyo ay nagpasya akong umiwas ng tingin. Inayos ko na ang pagkakaupo ko at lumingon sa harapan.
Sino ang balak niyang ligawan? Taga-Isla Agunaya ba o hindi taga-Palawan? May mga kilala akong dalaga sa Agunaya ngunit hindi ako sigurado kung isa roon ay natipuhan niya. Pero sino nga kaya?
Nairita ako. Hindi ko maunawaan pero naiinis ako.
“Pasensya na kung `yon ang naisip mo. Hindi na kita pipilitin sa ayaw mo dahil madali akong kausap…” mahinahon niyang sabi. Sa pag-angat ng mahinang alon sa dagat na nilulutangan nitong bangka, bahagya akong nag-adjust sa mahinang inog.
“Wala kang dapat ihingi ng tawad. Wala ka namang kasalanan,” nakabusangot kong paglilinaw nang prente ang upo.
“Pero hindi tayo ayos?”
Wala na akong sinabi upang ma-secure siya sa sagot na iyon. Sunod ko na lang dinama ang kapayapaang namumutawi sa paligid na ito. Kung dito pa lang ay mauubos na ang lakas ko, paano pa mamaya? Siguradong higit pa sa inaasahan ko ang kailangang ubusin para makumbinsi si Trio. Kahit na pawang kasinungalingan ang mga ipararating ko, gagawin ko pa rin dahil kailangan.
Sa loob lamang ng limang minuto ay may narinig na kaming bangka na paparating. Kaagad na tumayo si Kario nang kinakaway ang braso upang ipaalam na humihingi kami ng tulong. Thankfully, lumiko ito sa aming direksyon. Hindi ko kilala ang bangkero pero base sa paraan ng pakikitungo ni Kario sa kaniya, mukhang matagal na silang magkakilala.
Muling umahon ang kaba ko nang lumipat ako ng bangka. Babalikan na lang daw mamaya si Kario dito pagkatapos akong maihatid ng bangkero sa Isla Capgahan. Narating naman namin nang halos sampung minuto lang. Pagkatapak ko sa tuyong buhangin, isang napakalalim na hangin ang aking hinugot.
Mabilis na nakaalis pabalik ang bangka. Ang dalampasigan ay napupunan ng mga turista at ilan sa kanila ay walang pakialam sa’kin. Gayunpaman, humakbang na ako at tumungo hanggang lagpas ng niyugan. Mabilis akong napasakay nang may napadaang tricycle.
Nagpahatid ako sa campus kahit na masyado pang maaga. Natanong pa ako ng guard kung pang-umaga ba ang klase ko dahil late na raw ako. Ipinaliwanag ko naman kaagad na pang-hapon ako at sadyang may kailangan lang gawin kaya napaaga.
Halos patakbo na ang aking lakad. Inuna kong puntahan ang school canteen na siyang tambayan ng mga outsiders. Wala siya roon kaya sa garden naman ako tumungo. Umasa akong naroon siya ngunit wala akong natagpuan ni isa.
Library ang sunod kong pinuntahan. Inisa-isa ko ang tables at shelves at sa kasamaang palad ay nakita pa ako ni Imon. Napasapo na lang ako sa aking noo. Gustuhin ko man kasing umiwas ay nilapitan pa niya ako upang kausapin nang pabulong.
“Ang aga mo yata? Magre-review ka?”
Hawak-hawak niya ang librong nirekomenda ng aming professor kahapon. Panay din ang lingon niya sa aking likod na para bang may hinahanap.
“Hindi, napadaan lang ako.”
“Si Bryce? Kasama mo?”
Umiling ako. “Sa ibang bangkero ako nagpahatid.”
“Huh? Bakit? A-absent siya?”
“May kailangan lang talaga akong gawin kaya hindi muna ako sa kaniya sumabay. Mayamaya baka darating din `yon.”
Napatango-tango siya na animo’y nakahinga nang maluwag. Sino ba naman kasing hindi manlulumo kung absent ang taong nais mong makita?
“Sana nga hindi siya a-absent…” wika niya.
“Sige, mauna na ako. May pupuntahan lang.”
“Okay. See you around.”
Ingat na ingat ang mga hakbang ko palabas ng library upang hindi masita sa malilikhang ingay. Isa na lang ang hindi ko pa napupuntahan at iyon ay ang building ng classroom ni Alania.
Magkahalong kaba at takot ang namumutawi habang tinatahak ang daan patungo roon. Kung ako lang ang dating Samira na sobrang hina ng puso, baka sa laot pa lang ay hinimatay na ako. Ngunit mas pinili kong lakasan ang loob ko. Kung hindi ko makikita si Trio dito, makikipagsapalaran ako sa Rancho Trivino.
“s**t! Napakaguwapo niya!” mahinang sabi ng isa sa apat na estudyanteng nakatambay sa hagdan. Nasa second floor na ako at nasa bungad sila ng third floor.
“Hindi ko tuloy alam kung sino sa kanila ni Tinio ang bet ko. Ang pogi rin kaya no’n.”
“True! Sinabi mo pa.”
Napalunok ako lalo’t sa kahabaan ng corridor ang tuon ng kanilang mga mata. Hindi pa man ako humahakbang paakyat upang masilip nang tuluyan, siguradong si Trio na ang kanilang nakikita. Kausap na kaya niya si Alania? Sa dinami-rami ng maaari niyang pagtambayan upang maghintay sa pagtatapos ng klase, talagang dito na siya dumiretso?
Huli na ba ang lahat?
Nakakaisang hakbang pa lang ay mabilis nang napalingon sa akin ang mga babae. Mula sa masayang ekspresyon, mabilis itong pinalitan ng mariing simangot. Pero hindi ko na `yon pinakialaman. Sila rin `yong mga babae na minsan nang nakakita sa amin noon kay Tinio sa tapat ng guidance office. Hindi ako magkakamaling may lihim silang inis sa’kin.
Patay-malisya akong nagpatuloy sa paghakbang habang sila ay mahinang nagbubulungan. Nang makita na ang tinitingnan nila mula rito, nakita ko na lamang si Trio na ngayo’y nakasandal sa railing ng corridor na katapat ng classroom nina Alania— tahimik at tila matiyagang naghihintay.
This is now or never.
Bahala na.