CHAPTER 17: NIGHTMARE

1566 Words
Labing dalawang taong gulang pa lamang si Kenjie ngunit matured at malawak na ang pag-iisip ng binatilyo, dala ng masalimuot na karanasan. Napakirot sa puso na sa murang edad ay sobra-sobra ang tiniis at natikman nitong pisikal, emosyonal at sekswal na pang-aabuso. Ang mas nakapagpakirot pa sa sugat ay ang sarili nitong ina ang may kagagawan ng lahat. Ang ina na dapat nag-aaruga, nagproprotekta at nagmamahal sa anak ang siya pang sumisira ng buhay nito. Ayaw niyang mahiwalay sa batang lalaki. Sapagkat nangangamba siya na baka kinabukasan ay hindi na niya ito muling masilayan. Nagbigay si Kenjie ng pilit na ngiti sa kanya bago ito namaalam at naglakad pauwi sa sariling tahanan. Nagdarasal siya na sana'y hindi na naman ito makatikim ng bugbog sa pagbabalik nito sa demonyong ina. Anong dapat niyang gawin upang masagip at matakas ang batang lalaki sa poder ng magulang nito? Nasa katauhan siya ni Aya na isa ring bata. Anong magagawa ng isang katulad niya? Bakit ba hindi na lang siya nalipat sa katawan ng isang pulis? Bakit ba si Aya pa ang napili ng Back-Skip? *** Nang makauwi siya sa bahay, napansin agad ni Mela ang walang sigla niyang mukha. Parang walang lakas na iniwan niya ang sapatos sa tapat ng pinto at dumiretso sa sariling kwarto. "Aya, kumain ka na ba?" Lumapit sa likod niya si Mela. May dalang siyansi ang ginang, nakapuson ang buhok at nakasuot ng apron. "Pasensya ka na hindi kita nasundo kanina. Hindi ka ba nahirapang sumakay?" Luminga siya at pekeng ngumiti. "Okay lang po. Kaya ko naman po bumiyaheng mag-isa. Saka Mama, nag-usap na tayo tungkol dito. Kailangan kong matuto sa sarili kong mga paa. Hindi n'yo po ako kailangan na ihatid-sundo araw-araw." "Kahit na. S'yempre nag-aalala pa rin ako. Uminom ka na ba ng gamot mo?" Natameme si Hiraya dahil sa tanong. Nakalimutan niya ang tungkol sa gamot dahil maraming gumugulo sa utak niya ngayon. Subalit para hindi mag-alala ang babae, naisip niyang magsinungaling na lamang. "O-opo, uminom na po ako." "Mabuti naman." Ngumiti ito. "Matutulog ka na ba?" "Opo." "Kumain ka muna." Umiling siya. "Hindi na po. Pagod na pagod na ako. Ang gusto ko lang gawin ay matulog." Nabura ang ngiti nito at tinitigan siya ng ilang segundo. Pagkuwa'y napabuntong-hininga na lamang ito at inunawa ang nararamdaman niya. "Sige na nga. Pero kapag nagugutom ka may pagkain sa mesa." Tumalikod na ang babae upang ituloy ang pagluluto. "Opo. Maraming salamat po, Mama Mela," huli niyang sabi bago tuluyang binuksan ang pinto at pumasok sa kwarto. Natigilan si Mela at lumingon muli sa pinto ni Aya. Hindi nito maintindihan kung bakit ngunit may nararamdaman siyang kakaiba sa inaasta ng anak. Gayuman, nagkibit na lamang siya ng balikat at bumalik na sa kusina. *** Napasapo si Hiraya sa dibdib at sumandal sa pinto. Sa totoo lamang ay hinihingal siya sa kapaguran pero ayaw niyang ipakita kay Mela. Nagpadausdos ang likod niya sa pinto bago siya napaupo sa malamig na sahig. "Nakakalimutan ko na kailangan ko ring protektahan si Aya," pagkausap niya sa sarili. Huminga siya nang malalim at nagbuga ng hangin sa bibig. Inulit niya iyon ng tatlong beses hanggang sa maging normal na ang bilis ng kanyang paghinga. "Atleast there's a progress in my plan. Nagawa kong mapalapit kay Kenjie at nalaman ko ang naging ugat ng kanyang kasamaan. Sa totoo lang, marami pa akong tanong... pero..." Tumingin siya sa kama at napagtantong nanlalabo ang kanyang paningin. "Pero kailangan ko na talagang ipahinga ang katawan ni Aya." Binuhat niya muli ang sarili at parang zombie na naglakad patungo sa higaan. Nang makalapit doon ay binagsak niya ang hapong katawan. Hindi na niya nagawang magpalit ng damit. Sobrang bigat ng talukap ng mga mata niya. Hindi na niya malabanan ang antok. Maya't maya pa ay napapikit na siya at tuluyan nang nakatulog. *** Nakita niya ang sarili sa isang makulimlim, kubli, maalikabok na apat na sulok ng kwarto. Hindi pamilyar sa kanya ang paligid at wala man lang siyang makitang bintana sa loob. Tanging pintong nakabukas lamang ang nagbibigay liwanag sa kadiliman. Napakalamig. Hinaplos-haplos niya ang mga braso upang pababain ang nagsisitaasan niyang mga balahibo. Saka lamang niya napansin ang estado ng pisikal na kaanyuan. Tinitigan niya ang mga daliri at ang dalawang palad. "Nasa totoong katawan na ako?" tanong niya sa sarili. Nakasuot siya ng pantulog. Natatandaan niyang ito ang huli niyang damit bago siya sugurin ng kriminal at mapunta siya sa ibang panahon. "Bumalik na ba ako sa panahon ko?" Nagtataka na inilibot niya ang paningin ngunit wala siyang ideya kung saan siya naroroon. "Pero nasaan na ako?" Natigilan siya nang may makitang lalaki na nakatayo sa unahan. Nakatalikod ito sa kanya at nakatingala sa kisame. "Hello? Sino ka?" tawag niya rito subalit wala itong tugon at nananatili lamang na nakatitig sa iisang parte ng lugar. Lumapit siya upang tapikin ang balikat nito ngunit napahinto ang braso at paghakbang nang maaninag sa karimpot na liwanag ang tinitignan ng lalaki. Unting-unting umakyat ang linya ng paningin niya. Dalawang paa ng tao ang nakalambitin sa itaas. At nang titigan niya ang kabuuan, napasapo siya sa bibig at napasinghap. Isang matandang babae na may mahaba't puting buhok ang nakadilat ang mga mata, nakaawang ang bibig, at nakabigti sa ceiling fan. Napaurong siya dahil sa hilakbot na naramdaman. Sunod-sunod ang paghinga niya at kabog ng dibdib. Pinigil niya ang sigaw at nanatiling nakahawak sa bibig. Sa paningin niya'y mistulang gumagapang ang kadilim sa lapag ng kwarto —patungo sa kanya. Unti-unting nanlalabo ang vision ng lalaki at ng babaeng nakabigti. Tila pumapaikot sa kanyang katawan ang dilim. Ang tanging naririnig lamang niya sa paligid ay ang mabilis niyang paghinga. Napakislot siya nang may marinig siyang malamig, malaki, at malakas na tinig. "Pagtungtong niya ng ikatatlumpung taong gulang, nagpakamatay ang ina niya. Sinanay siya ng babae na nakadepende rito. Pinalaki siya na walang ibang paglalaanan ng lakas, pagnanasa, pagmamahal at buhay kundi ang kaniyang ina. Umikot ang buong buhay ni Kenjie sa kaniya. Kaya nang mamatay ito ay wala siyang mapuntahan at masandigan. Nawalan siya ng makakausap at tuluyan siyang naiwan sa buhay na nag-iisa. Ito ang puno't dulo ng kadiliman sa kanyang puso. Hanggang unti-unti na siyang nawala sa katinuan at nabura din ang moralidad sa kanyang katauhan." "Sino ka?" sigaw niya ngunit nag-echo lamang ang boses niya sa paligid. Wala itong tinugon sa kanya. Tumingin siya sa kaliwa at kanan upang hanapin kung saan nagmumula ang boses subalit wala naman siyang makitang tao. Unti-unting gumapang ang kadiliman palayo at napalitan ng liwanag. Bumaba ang mga mata ni Hiraya at pinagmasdan ang paglinaw ng paligid. Pag-angat niya ng mukha, kinagulat niya nang malipat siya sa ibang lugar. Paano siya nakapadpad rito sa Department Store? Pamilyar sa kanya ang lugar na ito. Malapit ang store na ito sa Senior Highschool na pinapasukan niya. Iniikot niya ang mga mata at napansin ang isang babaeng na pumasok sa loob ng Department Store. Kahit mukha na itong matanda at uugod-ugod, nakilala niya si Mama Mela. Walang bahid na saya ang mukha ng ginang at mukhang nasa depressive episode. Namumutla ang itsura na kumuha ito ng rat poison bottle at isang kuwaderno sa kabilang estante. Kumunot ang noo ni Hiraya dahil napagtanto niyang hindi ordinaryong kuwaderno ang kinuha ng ginang. Ang Daily Journal ni Aya ang tinakas nito sa Department Store. "Mama Mela!" tawag niya. Ngunit biglang tumakbo ang matandang babae. Nakita ito ng guwardiya kaya binalaan, hinabol at sinigawan ng, "Magnanakaw!" Pinanood lamang ni Hiraya ang eksena dahil kahit magsalita siya ay para siyang inbisibol na hindi nakikita o naririnig ninuman. Ngunit napansin niya ang matangkad na lalaki na nakatayo sa medicine stall na nakakita rin sa nangyari. Hindi pa rin niya maaninag ang itsura nito dahil sa palagi itong nakatalikod sa kanya. Pagkuwa'y lumabas ang lalaki sa Department Store upang habulin ang babaeng tumakas. Nararamdaman ni Hiraya. Kahit hindi niya nakikita ang mukha nito, si Kenjie ang matangkad na lalaki na laging nakatalikod sa kanya. Hinabol niya ang binata palabas. Pagkalabas niya sa store ay napasinghap na naman siya sa naabutan. Napunta na naman siya sa ibang lugar. Nasa loob siya ngayon ng isang maliit na bahay-kubo. Sa harap niya'y paulit-ulit na sinasaksak ni Kenjie ang kanyang Ate Loti. Nakasuot ng itim na full face mask hat ang lalaki. Natatandaan ni Hiraya na ito rin ang suot ni Kenjie noon nang pumasok ito sa kanilang tahanan. "Kenjie!" Tinawag niya ang pangalan nito. Huminto ito sa ginagawa at lumingon sa kanya. Tumigil ang paghinga ni Hiraya dahil sa pagkabigla at takot. Hindi siya nakakilos nang walang pakundangan na sinugod siya ni Kenjie. Naramdaman na lamang niya ang unday ng saksak sa kanyang tagiliran. *** "Aray!" Napasigaw si Hiraya sa sakit nang mahulog siya sa kama at bumalentong siya sa matigas na sahig. Pagmulat niya ng mga mata, ang una niyang nasilayan ay ang Daily Journal ni Aya na nasa mesa. Nakahawak siya sa likod ng ulo dahil iniinda pa rin niya ang tinamong sakit sanhi ng biglaang pagbagsak. "P-Panaginip?" usal niya sa sarili. Ilang minuto siyang natulala bago pumasok sa kukote niyang binangungot nga siya. Bumangon siya sa pagkakalagapak at tinitigan ang Journal. Tuluyan nang nawala ang antok niya. Tumayo siya saka naglakad palapit sa mesa. Inabot niya ang kuwaderno at tinitigan iyon nang ilang saglit. "Napanaginipan ko rin ang Daily Journal na 'to.. Bakit kaya?" Puno ng kuryosidad na binuklat niya muli ang Journal at binasa. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD