Nakanganga at nakatingala siya habang nakatitig nang diretso kay Dalisay. Nakasimangot ang mukha ng babae at nakapameywang. Halatang nadismaya ito nang mahuli siyang tumatakbo sa pasilyo.
"Anong tinawag mo sa 'kin? Lola?" Tumaas ang isang kilay nito. "At kailan pa ako nagmukhang matanda? For your information Aya, 42 pa lang ako."
Napakamot siya sa ulo. "Ah.. A-Ano e," nauutal pa siyang sumagot, "S-sorry na po, Lola --- ay este, Ma'am!" Natigilan siya sa pagsasalita nang mapansing lalong lumaki ang simangot sa mukha ng kausap. "Ma'am Dalisay...."
"At bakit ka tumatakbo sa hallway?"
"May hinahabol lang kasi ako. Sorry na po," paghingi niya ng paumanhin at nagyuko ng ulo. Nagmakaawa ang mga mata niya nang muling tumingin dito.
"Hay nako, Aya." Napabuntong-hininga si Dalisay. "Hindi ka pa pwedeng umalis. Tinawagan namin ang Mommy mo sa opisina niya at sinabi ng nanay mo na susunduin ka niya ngayon. Sobra siyang nag-alala nang mabalitaan niyang nahimatay ka kaninang umaga."
Hindi na niya pinakinggan pa si Dalisay. Nagtaingang-kawali na lamang siya. Sumilip siya sa likuran nito at napansing wala na si Kenjie sa hagdan. Alam niyang nakababa na sa ground floor ang batang lalaki. "Excuse me po, Lola!" sabi niya muli at nilagpasan na lamang ang guro saka nagmadaling bumaba ng hagdan.
"Aya!" Kinagulat iyon ni Dalisay at akma itong susunod sa kanya. Mabuti na lamang at mukhang tinamaan ng athritis ang babae. Hindi ito nakasunod sa pagbaba at napahawak sa balakang na tumunog. "Aray ko! Baka nga, tumatanda na ako."
Nakapadpad si Aya sa ibaba ngunit natigilan nang hindi na niya naabutan si Kenjie roon. Natatarantang lumingon siya sa kanan at sa kaliwa. Hinanap ng mga mata niya kung saan nagpunta ang batang lalaki.
Nanlaki ang mga mata niya nang masilayan itong naglalakad palabas ng gate. "Hayun siya!" aniya at hinihingal na tumakbo muli para sundan ito.
Nang makalabas si Hiraya sa paaralan. Natigilan siya dahil sa tumambad sa kanyang paningin at ibang tanawin. Ibang-iba ang itsura ng Baranggay Kaadlaman kumpara sa kanyang panahon.
Tumingin siya sa unahan at nakita si Kenjie na pumasok sa pinakamalapit na talipapa. Huminga muna siya nang malalim bago sumunod sa batang lalaki.
Sa paglalakad niya patungong talipapa, napansin niya ang VHS Rental Store na katabi niyon. "VHS Rental Store? Ano 'yan? Kakaiba..."
Bumalik ang mga mata niya sa harap upang hanapin si Kenjie. Nakita niya itong pumasok sa terminal ng mga tricycle at pumunta sa tapat ng isang karinderia. Nagtago siya sa gilid ng nakahintong tricycle at pinanood ito sa gagawin.
Nag-abot ito ng limang piso sa tindera. Nagbigay ang tindera ng isang balot na kanin at libreng sabaw.
Napatulala si Hiraya nang makita iyon. Oo nga pala, sa panahon na ito, mas mura ang mga pagkain.
Pero nakaramdam siya ng pag-aalala. "Iyan lang ba ang kakainin niya mamaya? Kanin at sabaw?" Kinapa niya ang bulsa para maghanap ng perang ipapambili. "In order to be closer to the target, I need to be his friend. Lilibre ko siya ng food." Pero natigilan siya nang may mapagtanto. "Wala rin pala akong pera."
Nagbalik ang atensyon niya kay Kenjie nang bumalik ito sa nilakarang daan. Nagtago siya nang maigi sa likod ng tricycle. Hinintay muna niyang makadaan ito bago siya sumunod. Mabuti na lamang at maraming tao at mukhang hindi siya napapansin ni Kenjie sa likod.
Tumigil ang batang lalaki sa paglalakad at lumingon sa isang lugar. Matagal na nakatitig lamang ito roon, kaya sinundan ni Hiraya ng tingin ang tinitignan nito. Sa panahon niya, uso ang mga robot na gumagalaw at nagbibigay ng order para magbigay aliw sa mga batang customer. Ngunit sa panahon na ito, kumpleto pa ang mga mascot at nagbibigay saya sa mga batang bisita sa birthday party.
Ilang minuto na nakatingin lamang si Kenjie sa batang nagdiriwang ng kanyang kaarawan sa loob ng fast food restaurant. Nakatingin siya sa masayang pag-uusap ng pamilya sa loob. Nakatingin siya sa birthday celebrant na umihip ng cake at masayang pumalakpak.
Ano itong napansin ni Hiraya? Tila may inggit sa mga mata ni Kenjie habang pinapanood ang mga bata sa loob ng fast food. Humigpit ang hawak nito sa balot ng kanin at libreng sabaw.
Nakaramdan si Hiraya ng simpatya. Naiintindihan niya ang nararamdaman ng batang lalaki. Sa mundong ito, anuman ang panahon, may mga taong mas pinagpala kaysa sa iba. Alam ni Hiraya na hindi dapat siya makaramdam ng awa. Ang batang lalaking ito ang papatay sa kanyang kapatid pagkalipas ng 22 na taon.
"Baka naman... Baka naman dinala ako ng back-skip sa panahon na ito para maintindihan ang lalaking ito? Hindi kaya... nandito ako para baguhin ang kanyang hinaharap? Para pigilan na maging masama siyang tao sa future?"
At kahit alam niyang mali, lalo lamang tumindi ang awa niya para sa batang lalaki. Naniniwala siyang may dahilan kung bakit ito naging sira-ulo sa original na panahon niya.
"Kung mapipigilan ko siyang maging masama ngayon, magiging mabuti siya sa hinaharap..."
"Kenjie..." usal niya at akmang lalapitan na ang batang lalaki. Nakapagdesisyon na siya. Kakaibiganin niya ito at babaguhin niya ang kapalaran ng taong ito.
Humakbang siya palapit ngunit namilog ang mga mata niya nang may humila sa braso niya. Napaatras siya at tumingin sa taong humawak sa kanya.
"Aya!" sigaw nito na tila nagagalit. "Mabuti at nakita ka na namin! Pinag-alala mo ko at pinag-alala mo rin ang mama mo!" sermon ni Dalisay. Binitawan siya nito at may lumapit na babae sa kanya.
Napakislot siya nang bigla siyang niyakap ng babae. "Aya, okay ka lang ba? Tumawag sa 'kin si Ma'am Dalisay kanina. Bakit ka nahimatay kaninang umaga? Huwag ka rin aalis agad. Sobra kaming nag-aalala at halos maikot na namin ang buong talipapa, kakahanap sa 'yo," nag-aalalang sabi ng babae. Kumalas ito sa pagkakayakap at hinaplos ang buhok niya.
Hindi alam ni Hiraya kung anong sasabihin. Nakatitig lamang siya sa bagong mukha na nasa harapan niya. Nakasuot ng office dress ang babae at high heels. Maganda, matangos ang ilong at sopistikada.
May nakalimutan si Hiraya. Wala pala siya sa sariling katawan at nasa katauhan siya ni Aya. Maaaring ang babaeng ito ay ang ina ni Aya.
Tumayo ang ginang at humarap sa guro habang nakahawak ito sa kanang kamay niya. "Salamat Ma'am Dalisay, uuwi na kami ni Aya."
Lumingon si Hiraya sa likod at nagulat nang makita si Kenjie na nakatingin sa kanya. Nakita na siya ng batang lalaki. Nagkatinginan silang dalawa. Matagal, na tila ba nagtatanungan ang kanilang mga diwa tungkol sa isa't isa. Pero ang batang lalaki ang unang nagbawi ng paningin. Naiilang na binaba nito ang mga mata at tumalikod. Walang sinabi o bati na tuloy-tuloy lamang na naglakad paalis.
Marami siyang katanungan tungkol kay Kenjie. Marami siyang gustong malaman tungkol sa buhay ng batang lalaki. Ngunit ang tanging nagawa lamang niya ay sundan ito ng tingin.
Hinila siya muli ng ina ni Aya. Wala na siyang nagawa pa kundi sumunod na lamang sa agos ng mga pangyayari.
***