Kabanata XI - Ang Kalamidad

2024 Words
Sa pagkawala ng malay ni Jiselle siya namang unti-unting pagmulat ng mata ng binatang si Timothy. Kaagad namang napakunot ang noo ni Timothy dahil bumungad sa binata ang nag-aalalang mukha ng kaniyang ina. Isama mo pa rito ang mga kaibigan niyang nababakas rin sa mukha ng mga ito ang labis na pangamba na hindi ni Timothy maintindihan. Mabilis namang inilibot ni Timothy ang kaniyang paningin at kaagad na napabalikwas ng bangon ang binata ng makita niya ang dalagang matagal na niyang hinahanap.   Wala namang sinayang na oras si Timothy at kaagad na lumapit sa gawi ni Jiselle na ngayon ay kasalukyan pa rin na walang malay habang putlang-putla ang mukha nito. Isama mo pa rito na nababalot ng dugo ang damit ni Jiselle dulot ng pag-ubo nito ng dugo kani-kanina lamang. Dahil dito, hindi maiwasan ni Timothy na mapakunot ang noo niya dahil sa hitsura ng dalagang nasa harapan niya. Para bang may nangyari kay Jiselle na hindi alam ni Timothy kaya ganoon na lamang ang hitsura nito na mababakas sa harapan ng binata ang hindi kaaya-ayang ayos ng dalaga.   “Anong nangyari sa kaniya?” nakakunot na tanong naman ni Timothy sa mga kaibigan niya.   Ngunit, kahit isang sagot ay wala siyang nakuha sa mga ito. Habang nababakas naman sa mukha ng mga ito ang matinding kalungkutan na hindi mawari ni Timothy, kung bakit ganoon na lamang ang naging reaksyon ng mga ito sa naging tanong niya. Habang ang kaniyang ina naman ay tahimik lamang na nababakas pa sa mata ang matinding pamumugto nito na siyang labis na ikinataka ni Timothy. Kasabay pa nito ang labis na pag-ulan na siyang dahilan upang ipagpaliban ang klase nila dahil sa taas ng baha sa ibang lugar. Hindi rin nila magawang umuwi sapagkat lulubog lamang ang kanilang mga sasakyan sapagkat hindi biro ang naging taas ng baha sa lugar nila dulot nang malakas na ulan.   Laking pasasalamat na lamang ni Timothy na nasa mataas na lugar nakatayo ang paaralan na pagmamay-ari pa ng kanilang pamilya. Dahil kung hindi, malamang sa malamang nilubog na rin ito ng baha. Kung kaya’t bukal sa loob nila na magpatuloy sa paaralan nila ng ilang pamilya na naging biktima ng mataas na baha. Ang labis lamang na ikinataka ni Timothy ay kung paano siya nakaalis sa malalim na hukay na pinagtapunan sa kaniya ng hindi niya mawari kung anong klaseng nilalang na naninirahan sa kagubatan ng Sta. Ines.   Ganoon na lamang ang pagkagulat nilang lahat nang bigla na lamang kumulog ng ubod nang lakas dahilan upang mapatingin sila sa bintana upang tingnan ang kapaligiran sa labas. Halos madismaya naman silang lahat dahil sa para bang walang balak na tumila ang malakas na ulan. Sa halip na pansinin pa ito ni Timothy, pinili na lamang niyang pagmasdan ang dalagang wala pa rin malay. Bukod dito, hindi rin maiwasan ni Timothy na lukubin ng takot ang puso niya sapagkat hindi niya alam kung ano nga ba ang nangyari kay Jiselle. Gusto man niyang magtanong nang magtanong sa mga kaibigan niya, alam ni Timothy na mapapagod lamang siya. Sapagkat, alam ni Timothy sa sarili niya na may inililihim sa kaniya ang mga kaibigan niya pati na rin ang ina niya.   “Anak, ayos ka na ba? Wala na bang masakit sa ‘yo?” sunod-sunod na tanong naman ng ina ni Timothy sa anak nito. Kagaad namang tumango si Timothy bago sagutin ang kaniyang ina. “Ayos na ako, mommy. Nag-aalala lang ako kay Jiselle,” mahinahong litanya naman ni Timothy.   Kasabay naman nito ay ang muling pagtitig ni Timothy sa dalagang wala pa rin malay. Hanggang sa muling naalala ni Timothy kung paano siya napadpad sa malalim na hukay sa paghahanap niya kay Jiselle. Labis din na nagtataka si Timothy sapagkat kahit anong galos ay wala man lang siyang nakita sa kaniyang katawan. Kung kaya’t hindi niya maiwasan na hindi magtaka kung ano nga ba ang nangyari noong wala siyang malay.   Sabado ng umaga ay bihis na bihis na si Timothy kahit hindi pa ganoong sumisikat ang araw. Dahil dito, hindi maiwasan ng mommy niya na magtaka dahil kung tutuusin ay mahimbing pa dapat na natutulog ang anak nitong si Timothy. Bagamat, nababakas sa mukha ng ina ni Timothy ang pagtataka pinili na lamang nitong manahimik sapagkat alam na nito ang dahilan kung bakit bihis na bihis na ang binata.   “Hahanapin mo ba ulit siya?” mahinahong tanong naman ng ina ni Timothy.   “Yes, mommy.”   Isang pagtango na lamang ang naging sagot ng ina ng binata habang mabilis na tumayo at nagpaalam naman si Timothy. Sa hindi malamang dahilan kaagad na nilukob ng kaba ang puso ng binata sa hindi niya malamang dahilan. Bukod dito, labis-labis na rin ang pag-aalala ni Timothy kay Jiselle sapagkat tatlong araw na itong hindi umuuwi sa bahay nila. Kung kaya’t walang tigil sa paghahanap si Timothy makita lamang niya ang dalaga. Sa hinaba-haba ng biyahe ni Timothy hindi niya namalayan na nakarating na pala siya sa bayan ng Sta. Ines. Kaagad namang natanaw ni Timothy ang matandang lalaki na paika-ika kung maglakad sa may gilid ng kalsada. Wala namang sinayang na oras si Timothy at kaagad na iginilid ang kotse niya sa may tabi ng kalsada at kaagad na tinungo ang direksyon ng matanda.   “Excuse me, have you seen this girl?” mabilis na tanong naman ni Timothy sa matanda.   Kaagad na napatigil ang matanda sa paglalakad nang bigla na lamang lumapit dito ang binata. Kasabay naman nito ay ang pagpapakita ni Timothy sa larawan ni Jiselle na nasa cellphone niya. Habang ang matanda naman ay napakunot ang noo na para bang inaaninaw ang larawan na ipinakita rito ni Timothy. Mabilis namang nanlaki ang mata ng matanda ng makilala nito kung sino ang nasa larawan na ipinakita ni Timothy. Sapagkat, hindi malilimutan ng matandang lalaki ang hitsura ni Jiselle na minsan nang tumulong dito.   “Oo. Nakita ko ang dalagang ‘yan sa may kagubatan sa may bandang timog mula sa ating kinatatayuan. ‘Yan pa nga ang tumulong sa akin sa pagbubuhat ng kahoy na pinulot ko pa sa may kagubatan. Bakit mo ba hinahanap ang dalagang ‘yan?” kaagad na tanong naman ng matanda kay Timothy.   Isang malalim na buntong-hininga naman ang pinakawalan ni Timothy bago sagutin ang tanong ng matanda sa kaniya. “Nagkatampuhan po kasi kaming dalawa,” sagot naman ni Timothy sa matanda. “Kaya naman pala may lungkot na namumutawi sa mata ng dalaga noong nagkausap kaming dalawa. Kung hindi ako nagkakamali baka nasa kagubatan pa ang dalagang hinahanap mo.”   “Maraming salamat po,” magalang na sagot naman ni Timothy sa matandang lalaki.   Kung kaya’t mabilis na nagpaalam si Timothy upang magtungo sa kagubatan kung nasaan si Jiselle. Nang makapasok na siya sa kagubatan, hindi maintindihan ni Timothy kung bakit bigla na lamang siyang kinabahan. Para bang pakiramdam niya ay may nagmamasid sa kaniya ng lihim. Sa halip na pansinin pa ito ni Timothy ipinagpatuloy na lamang niya ang kaniyang paglalakad sapagkat umaasa siya na makikita niya si Jiselle. Ilang minuto pa ang itinagal ng kaniyang paglalakad nang makarating siya sa pakiwari niya ay nasa gitna na siya ng kagubatan. Hanggang sa bigla na lamang natanaw ni Timothy sa hindi kalayuan si Jiselle habang nakangiti sa kaniya. Kung kaya’t mabilis niyang tinungo ang gawi nito ngunit ganoon na lamang ang pagtataka ni Timothy nang bigla na lamang itong naglakad papalayo sa gawi niya.   Bagamat nagtataka si Timothy sinundan niya ang dalaga ngunit nakarating na sila’t lahat sa may liblib na lugar pero hindi pa rin tumitigil sa paglalakad nito si Jiselle. Dahil dito, naiinis na tinanong ni Timothy si Jiselle kung saan ba sila patungo sapagkat hindi man aminin ng binata sa sarili nilulukob na siya ng kakaibang kaba na hindi niya maintindihan kung bakit.   “Jiselle, saan mo ba balak pumunta?” inis na tanong naman ni Timothy.   Sa halip na sagutin siya nito, isang nakatatakot na ngisi lamang ang isinukli sa kaniya ng dalagang nasa harapan niya. Hanggang sa naramdaman na lamang ni Timothy na hindi siya makakilos sa kaniyang kinatatayuan. Habang si Jiselle naman ay dahan-dahang lumalapit sa gawi niya. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mata ni Timothy nang bigla na lamang nag-iba ang anyo ni Jiselle.   “What the! Jiselle, is that really you?” kinakabahan namang tanong ni Timothy.   “Hahaha!” Isang halakhak ang pinakawalan nito bago sagutin ang tanong ni Timothy. “Hindi ko alam na madali palang malinlang ang mga taga-lupa!”   Mas nanlaki pa ang mata ni Timothy ng tuluyan na itong nagbago ng anyo na akala mo’y isang punong naaagnas ang hitsura nito. Hanggang sa naramdaman na lamang ni Timothy na may baging na nakapulupot sa katawan niya dahilan upang mas lalong hindi siya makagalaw.   “S-Sino ka? Nasaan si Jiselle?” nahihirapan namang tanong ni Timothy.   “Hindi ko alam ang sinasabi mo taga-lupa. H’wag kang mag-alala dahil simula ngayon magiging ako na ikaw!”   Hanggang sa may itim na usok na lumabas mula sa bibig ng elementong gubat na nanlinlang kay Timothy. Kasabay naman nito ay ang pagpasok ng itim na usok sa bibig ni Timothy na ngayon ay walang magawa kung ‘di ang tanggapin na lamang ito. Ilang minuto pa ang lumipas at tuluyan ng nanghina ang katawan ni Timothy habang ang elementong gubat naman na nasa harapan niya ay nagbalat-kayo bilang siya. Naramdaman na lamang ni Timothy na lumulutang siya sa ere hanggang sa makarating sila sa may malalim na hukay.   Kasabay naman nito ay ang pagtapon ng elementong gubat sa katawan ni Timothy sa malalim na butas na mukhang sinadya pa talagang hukayin. Mahinang napadaing naman si Timothy sa sakit dahil sa pagkakabagsak niya rito hanggang sa naramdaman na lamang niya na unti-unti na siyang nilalamon ng kadiliman. Samantalang isang nakatatakot na ngisi naman ang sumilay sa labi ng elementong gubat na nagbalat-kayo bilang Timothy.   Natigil lamang ang malalim na iniisip ni Timothy nang marahan siyang tapikin sa balikat ng kaibigan niyang si Tungsten. Mababakas naman sa mukha ni Tungsten ang matinding pag-aalala sa bigla na lamang pananahimik ng kaibigan nilang si Timothy.   “Are you okay, Timothy?” kaagad na tanong naman ni Tungsten sa kaibigan nito.   “H-Ha? A-Ayos lang ako, may naisip lang ako,” kaagad na sagot naman ni Timothy.   Mabilis na sumilay naman ang ngiti sa labi ni Timothy dahil sa mulat na mulat na ngayon ang dalagang si Jiselle. Dahil dito, dahan-dahan namang bumangon si Jiselle sa pagkakahiga nito habang nakaalalay sa dalaga si Timothy. Bagamat, nanghihina pa rin si Jiselle malaki ang pasasalamat nito dahil ligtas na sa kapahamakan ang binatang si Timothy.   “H-Hey. Are you okay, Jiselle?” nag-aalala namang tanong ni Timothy kay Jiselle.   Sa halip na sagutin pa ni Jiselle ang binata isang tango na lamang ang naging sagot ng dalaga. Kasabay naman nito ay ang muli na namang pagkulog na ngayon ay may kasama ng kidlat. Doon din napansin ni Jiselle na ubod na pala nang lakas ang ulan sapagkat nang tinanaw ng dalaga ang labas mistulang gabi na sapagkat napakadilim ng paligid. Nagulat na lamang si Jiselle nang bigla itong yakapin ni Timothy na akala mo’y takot na takot na muling mawala sa piling niya ang dalaga. Kung kaya’t kaagad namang sinuklian ni Jiselle ang ginawang pagyakap dito ng binatang si Timothy.   Habang si Timothy naman ay nanatiling malalim pa rin ang iniisip sapagkat hindi lubos na maintindihan ng binata ang nangyari sa kaniya. Bukod dito, naguguluhan din si Timothy kung anong nangyari sa elementong gubat na bigla na lamang nagbalat-kayo bilang siya.   “It’s okay now, Timothy. You are safe now,” malambing naman na sambitla ni Jiselle kay Timothy.   Dahil sa narinig ni Timothy hindi niya maiwasan na magtaka dahil sa sinabi sa kaniya ni Jiselle. Para bang pakiramdam ni Timothy ay may hindi sinasabi ang mga ito sa kaniya. Sa halip na usisain pa ni Timothy si Jiselle pinanatili na lamang niya ang pagyakap rito habang labis-labis ang pasasalamat niya sa Panginoon sapagkat muli na niyang makakapiling si Jiselle.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD