Halos limang araw na rin ang nakakaraan simula nang huli silang magkita at magkausap ni Travis sa may kwarto. Mula kasi nang lumabas ito ay hindi na siya nito pinapansin at tila iniiwasan siya nito. Umuuwi rin ito ng gabing-gabi na. Natutulog na rin ito sa may kabilang kwarto. Si Thor naman ay nagsimulang mag home lesson dahil masyadong malayo mula rito ang school nito. Habang nasa may garden at nagdidilig ng halaman dahil naghahanap siya ng mapaglilibangan ay nakita niya si Wilson. Ilang araw na rin kasi niya itong nakakakwentuhan kapag nasa may garden. Katiwala pala ito rito sa bahay ni Travis at malayong kamag-anak. Mabait si Wilson, halos matanda lang ito sa kan'ya ng dalawang taon at marahil ay halos kaedad din ni Travis. Magandang lalaki rin ito at matipuno ang pangangatawan.

