“WHAT?” malakas ang tinig na reaksyon ni Maxine matapos marinig ang paliwanag ng nasa kabilang telepono. Pinipigil niyang mairita subalit iyon ang mismong nararamdaman niya.
“Pasensya na talaga, boss. Kung hindi lang naka-confine itong anak ko, hindi kita ibibitin. Alam ko naman ang trabaho ko,” anang lalaki.
Napabuntunghininga siya. “Sige, wala naman akong magagawa kung ganyan. Saka na tayo mag-usap. Hahanap pa ako ng makakapalit mo. At asikasuhin mo muna iyang anak mo. Bye.” Ibinaba na niya ang telepono.
Napabuga siya ng hangin. Assistant niya si Raffy. Ito ang taga-ilaw at taga-ayos ng props niya kung kakailanganin sa pagkuha niya ng litrato. Ito na rin ang tagabitbit niya ng lahat. Malaking kawalan sa kanya kapag ganitong walang kabug-abog ay mawawala ito.
Kung sa ibang pagkakataon ay hindi problema ang humanap ng kapalit. Puwede siyang manghiram ng tao sa ibang kaibigan niyang photographer. Pero mahirap kapag ganitong ora de peligro. Kung kelan ba naman paalis na siya at papunta sa venue ay saka siya parang mapipilayan.
Napasulyap siya sa kabilang bahay at napangiti. Bigla ay parang may solusyon na sa problema niya. Hindi na siya nagdalawang-isip pa at mabilis na lumipat sa kabila.
“Good morning, Tita Rebbie,” bati niya dito na busy sa mga halamang nasa terrace. “Si Xanderr?”
“Tulog pa. Gisingin mo na lang kung may kailangan ka,” sagot nito sa kanya.
“Okay!” At diretso na siyang pumasok sa bahay ng mga ito.
Hindi na rin siya nag-abalang kumatok pa nang makalapit sa kuwarto ng binata. Iyon nga lang, nang pihitin niya iyon at matuklasang sarado, wala siyang choice kung hindi ang kumatok.
“Xanderr!” Mas malakas sa pagkatok niya ang pagtawag dito.
“Bakit ba?” paos pang sagot ni Xanderr.
Anyong magsasalita siya nang buksan naman nito ang pinto. Nakapikit pa ito.
Pero siya naman ang napamulagat! Nakahubad si Xanderr. Hubad na hubad maliban sa hinilang kumot upang ipantakip sa harapan nito.
Nakalimutan ni Maxine ang pakay niya. Hindi niya malaman kung saan ipo-focus ang tingin. Dati na niyang nakikita halos hubad si Xanderr. Noon ngang maliliit pa sila, sabay silang pinapaliguan na hubot’ hubad. May souvenir picture pa silang nakaganoon.
But this was different. Kahit na hindi na niya mabilang kung ilang beses niyang nakita si Xanderr na naka-skimpy trunks lang sa mga outing nila, ibang pagkakataon ngayon.
So he was really sleeping in the nude. Akala niya ay biro lang nito iyon noong dating nabanggit nito na hindi pwedeng hindi ito magkandado ng pinto kapag natutulog. Akala niya ay ayaw lang nitong basta may pumapasok sa kuwarto nito samantalang siya, labas-masok sa kwarto nito kahit noon pa.
Pero hindi sa ganitong oras na siya ang manggigising dito,
Bumalik ang tingin niya dito.
Gulo pa ang buhok nito. Ang mga mata ay namumungay pa sa nagambalang tulog. Ang katawan na siksik sa kalamnan subalit hindi nag-alsa ay may marka ng nalukot na sapin. He had a smooth chest and flat stomach. But the real sexiness lie in the way he was holding the sheets in front of him.
Bagaman walang makikitang maselang bahagi nito, the fine hair from his navel travelling to center of him was enough to fuel her imagination. His legs were firm and strong. Nagpakumpleto sa magandang tanawin nito ngayon ang hubad na mga paa. Even his feet were sexy. May nakaalsang ugat pero makinis. At malilinis ang kuko.
Unti-unti ay umangat ang tingin niya. Sinasadya man niya o hindi ay nanatili ang mga mata niya sa bahagi nitong tinatabingan ng kumot.
Kung ilang beses napalunok si Maxine ay hindi niya alam.
“Max?!”
“Ay!” aniyang kulang na lang ay mapatalon sa gulat.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Xanderr.
Gising na ito ngayon. Tumalikod sa kanya at ipinantapis sa bewang ang kumot na hawak lang nito kanina. In the process, she had a glance of his behind. Very nice, very cute behind.
Shit! Magkahalo ang kilig at eskandalo na wika niya sa sarili.
Inihilamos ni Xanderr ang sariling palad sa mukha nito at kinusot ang mga mata. Sa kilos, tila balewala lang na nandoon siya.
“Ang aga mo namang mambulabog,” sita nito sa kanya.
“Mag-toothbrush ka na at maligo. May kailangan ako sa iyo.”
Dumukwang ito sa kanya at hinipan ang kanyang mukha. “Mabango ang hininga ko.”
“Ew!” aniya na umatras on instinct. Pero naabot na siya ng hanging ibinuga nito. At natuklasan niyang hindi ito nagsisinungaling. Hindi ba uso dito ang mapanisan ng laway? Xanderr had a perfect set of teeth. At bongga din ang dental hygiene nito kaya hindi na siya dapat na magtaka.
“Now, what?” untag nito sa kanya.
“I need you nga. Wala kasi akong assistant. Nasa ospital si Raffy. Naka-confine ang anak niya ngayon lang umaga.”
“Gagawin mo akong assistant?”
“Sinabi ko na nga, di ba? May reklamo ka?” nagmamalaki pang paglilinaw niya. “Dati ka namang nag-a-assist sa akin, ah?”
“May date kami ni Laura.”
Umasim ang mukha niya. Umagang-umaga parang masisira ang araw niya. “Sinagot ka na ba niya?”
“Hindi pa. Iyon na nga, eh. Hindi pa niya ako sinasagot, maba-bad shot na ako sa kanya.”
“So, hindi mo ako tutulungan?” mahaba ang ngusong sabi niya.
Kumamot ito ng ulo.
Bumuntonghininga siya at inirapan ito. “Ok, fine! Kung ayaw mo, di huwag!”
“Maxine!” habol nito sa kanya.
“Galit ako sa iyo! Hindi tayo bati!” nagmamartsang sabi niya at ni hindi nag-abalang lingunin ito.
*****
HINDI naman niya magagawang magalit ng totohanan kay Xanderr. Ang totoo ay salita lang naman niya iyon. Nang umuwi siya, nagsimula siyang tawagan ang mga kaibigan niya. Baka-sakali ay makahiram siya ng assistant. Kung wala naman, wala siyang magagawa kundi i-pullout iyong photographer niya sa kanyang studio para siya niyang gawing assistant. Hangga’t maari ay hindi niya iyon pinu-pull out dahil madami din iyong trabaho sa studio niya.
Napatingin siya sa oras. Alas dos ang kasal ni Faith. Dapat, alas nueve ay nandoon na siya sa hotel. Tinawagan na nga siya ni Ysa para sabihing papunta na ito doon upang simulang i-set ang buhok ng bride.
Hindi na niya hinintay na may sumagot sa ring ng teleponong tinatawagan niya at idinayal na ang numero ng kanyang studio.
“Henry?” aniya nang may sumagot. “Mag-assist ka sa akin ngayon, kasal ng kaibigan ko.”
“Yes, ma’am,” walang gatol na sagot nito. “Magta-taxi na po ako papunta diyan.”
“No. Naisakay ko na naman ang equipment sa kotse. Dumiretso ka na sa Manila Hotel. Abangan mo ako sa lobby. Okay?”
Pagkababa niya ng telepono, nakita niyang papasok naman ng bahay nila si Xanderr. Bagong paligo na ito at bagong ahit din. Naka-Guess jeans at poloshirt na Lacoste. Ang sapatos ay signature din. Ilang sandali na binusog niya ang mata sa kaguwapuhan nito.
“Nasaan na iyong mga gamit?” sabi nito. “Inilabas ko na iyong pick-up ko. Doon na natin isakay para mas malaki.”
“Bakit?” aniya kunwa ay nagtataka. Sa loob-loob niya ay tuwang-tuwa na siya. Sabi na nga ba niya at hindi rin siya nito matitiis.
“Anong bakit? Hindi ba’t nagpapa-assist ka?”
“Hindi ba’t may date ka?” ganting-tanong naman niya dito.
“Mamayang hapon pa naman iyon. Puwede pa akong mag-assist sa iyo.”
Umirap siya. “Huwag na. Tinawagan ko na si Henry. Siya na ang gagawin kong assistant. Tutal naman may videographer pa. May mga assistant din naman iyon. Hindi na ako mahihirapan.”
“Nagmamadali pa naman akong maligo tapos tatanggihan mo lang ako ngayon?” sumbat sa kanya ni Xanderr.
Taas ang noo na tiningnan niya ito. “Hindi ba’t ikaw ang naunang tumanggi kanina?”
“Ang hirap naman kasi sa iyo, Maxine, ikaw ang nanghihingi ng pabor, pero lumalabas ako pa ang may utang-na-loob sa iyo.”
Umungol lang siya. Deep inside her, gusto niyang magdiwang na napipikon niya ito.
“Hindi mo ba naisip, tulog na tulog ako nang gisingin mo?”
“Dati naman kitang ginigising, ah?” katwiran niya.
“Kelan iyong huli? For sure, matagal na iyong huli. Baka akala mo hindi kita napansin kanina. Ano, na-shock kang makita akong ganoon, ano?”
Pinanlakihan siya ng mata. “Oh, wow! Anong palagay mo sa sarili mo? Si Brad Pitt?”
“Hindi. Si Xanderr ako. At alam kong guwapo ako. Katakam-takam.”
“Conceited. Sige na kailangan ko nang umalis.”
Napailing na lang ang binata. “Nang-abala ka ng tulog, nanghingi ka ng tulong, tapos, hindi ka man lang marunong magsabi ng please.”
Tinitigan niya ito at biglang natawa. “Ang OA mo.”
“Tapos ngayon pagtatawanan mo ako?”
“Ano ka ba, Alexander? Bakit ang nipis mo ngayon?” tatawa-tawa pa ring wika niya. “Tumigil ka nga. Hindi bagay sa iyo.” Kinuha na niya ang camera bag at isinukbit sa balikat. “I better go. Male-late na ako.”
“Just like that?”
“And why not?” sabi niyang bahagya lang lumingon. “Matulog ka na lang uli. Kulang ka pa sa tulog kanina. Hindi napanis ang laway mo, eh.”
“Damn!” asar na asar na wika ni Xanderr.
“Damn ka riyan,” balik niya dito. “Alisin mo iyong pick-up mo sa harap. Paano ko ilalabas ang kotse ko?”
Sambakol ang mukha ni Xanderr nang lagpasan siya. Nang sumakay ito sa pick-up, sumakay na rin siya sa kotses at inilabas iyon ng bakuran. Sinenyasan siya ni Xanderr nang magkatapat ang sasakyan nila.
“Tandaan mo, huwag na huwag ka nang hihingi ng pabor sa akin kung ganyan lang din ang gagawin mo,” sabi nito, halatang sira ang araw.
“Sure, Xanderr,” nang-aasar namang sabi pa niya.
Alam niya, pikon na pikon sa ginawa niya si Xanderr. Alam din niyang kamalditahan ang ginawa niya. Pero ayaw niyang magpaapekto. Naisip niyang sa pamamagitan man lang niyon ay makaganti siya dito. Oo nga’t walang kamalay-malay si Xanderr na nasasaktan siya nito but still, nasasaktan siya kapag mayroong ibang babaeng pinag-uukulan ito ng pansin.
Bakit hindi na lang ako, Xanderr?