DALAWANG oras lang nakatulog si Maxine. Iginupo rin siya ng puyat matapos silang mag-usap ni Eve. Nang magising siya, naguguluhan pa rin siya sa takbo ng isip niya. Nag-almusal lang siya sandali at umalis na rin ng bahay. Hindi siya makakatagal na naroon lang sa bahay ngayong lalong nararamdaman sa atmosphere sa kanila ang nalalapit na kasal ni Xanderr. Sa kusina ay nakita niyang inihahanda na ng mommy niya ang wedding cake ng mga ito.
Nagbabad siya sa kanyang studio. Somehow, inaasahan niyang bigla na lamang susulpot doon si Xanderr. Ugali na iyon ng binata. Hindi na mahalaga kung sino ang nagkasala kanino. Si Xanderr ang palaging uunang babati at mang-aamo sa kanya.
Pero lumagpas ang oras ng tanghalian ay ni hindi siya nito tinawagan. Masama na ang kanyang loob at nasasaktan din. Alin sa dalawa, nagmamatigas na ito ngayon o talagang busy lang sa mga panghuling preparasyon sa kasal nito.
“Ma’am, hindi pa ba tayo magsasara?” lapit sa kanya ni Henry.
“Sige, magsara na tayo.” Noon lang niya napansin na closing time na ng studio. Maghapon siyang nakakulong sa workroom niya roon at hindi na niya napansin ang oras. Iniligpit niya ang mga trabahong hindi naman niya halos naasikaso sapagkat hindi siya maka-concentrate sa mga iyon.
Pag-alis niya sa studio ay hindi pa rin siya umuwi. Gusto niya ay tulog na ang mga tao sa kanila kapag umuwi siya. Wala din naman siyang balak na puntahan. Nang tugpain niya ang kalye ng España at lumusot sa Quiapo, idiniretso pa niya ang pagmamaneho. Nasa Roxas Boulevard na siya nang matanto na malayo-layo na rin iyon pauwi.
Naghahanap siya ng mapagbubuweltahan ng kanyang sasakyan nang maisip niyang malapit lamang doon ang hotel na siyang nakatatak sa susing iniregalo ni Devi kay Agatha.
Napangiti siya. Naisip na baka talagang dinadala siya ng pagkakataon doon. Bago pa siya magdalawang-isip ay tinungo na nga niya ang hotel.
Pagdating doon ay saka siya nag-isip kung ano ang gagawin niya. Naupo muna siya sa lobby habang hindi pa siya tiyak sa gagawin niyang hakbang. Lumipas ang oras na nandoon pa rin siya. Naisip niya, nag-aaksaya lamang yata siya ng oras.
Tumayo na siya at naisip na mabuti pang umuwi na lang. Malabo naman talaga ang plano niya. Ni hindi nga siya makapag-umpisa ng plano. Palabas na siya ng hotel nang makitang papasok naman si Agatha at ang isang lalaking hindi niya kilala.
Hindi niya alam kung ano ang nagtulak sa kanya upang magtago. Mabilis siyang kumubli sa malaking haligi ng hotel malapit sa entrada. Nang makalagpas sa kinatatayuan niya ang tatlo ay saka siya mabilis na lumabas. Pero hindi niya magawang tunguhin ang kanyang kotse. Kumubli lang siya sa makapal na halaman at hinabol ng tingin ang mga ito.
Kumunot ang kanyang noo nang makitang magkahawak-kamay si Agatha at ang lalaki. Mabilis siyang nakadama ng iritasyon. Gusto sana niyang sugurin ang mga ito pero hindi rin naman siya tuminag sa kinatatayuan.
Nang pumasok sa isang restaurant ang mga iyon, ilang sandali lang ang lumipas at pumasok din siya doon. Nagpasalamat siya na ginigiyahan ng waiter ang dalawa kaya hindi siya napansin ni Agatha. Pinili niyang okupahin ang mesang malapit sa mga ito. Mabuti na lamang at maraming diners kaya hanggang sa nakaupo siya roon ay hindi pa rin siya napansin.
“One fresh orange juice for now, please. I’ll order later,” aniya sa waiter na naghihintay ng order niya. Hindi na niya hinintay na matalikod ito at itinutok na niya ang tingin kay Agatha at sa kasama nito.
Halos maningkit ang mga mata niya sa nakikita. Larawan ng dalawang taong may relasyon ang dalawa. At para sa kanya, hindi maaari iyon. Dahil si Agatha ay ikakasal na kay Xanderr—sa lalaking mahal na mahal niya.
Napailing siya. Kung magkakaroon lang siya ng lakas ng loob, isang tawag lang niya kay Xanderr ay alam niyang pupuntahan siya nito. Kahit na may tampo ito sa kanya, basta humiling siya ay hindi siya nito natitiis. At kapag nakita ni Xanderr ang nasasaksihan niya, sigurado siya, malabo nang matuloy ang kasalan.
At kapag nangyari iyon, malamang ay magkaroon na rin siya ng lakas ng loob na ipagtapat kay Xanderr ang pag-ibig niya.
Hinawakan niya ang cellphone at in-scroll ang phonebook. Pipindutin na lamang niya ang call sa tapat ng pangalan ni Xanderr pero nagbago ang kanyang isip. Hindi siya sanay sa eskandalo. At kilala niya si Xanderr na kapag ito ang naagrabyado, hindi ito makukuha sa mahinanong usapan. Lalabas ang pagiging agresibo nito.
Paunti-unti ay ininom niya ang orange juice na isinilbi sa kanya. Binibigyan pa rin niya ng benefit of the doubt si Agatha kahit na nga ba mas lamang sa kanya ang paniniwala sa nabuo na niyang konklusyon kanina pa.
Nang mabakante ang mesang nasa pagitan ng kanilang mesa, inusog niya ang kinauupuan para matabingan siya ng halaman. Pakiramdam niya ay isa siyang espiya. Hindi niya malaman kung paano siya makakapuwesto para marinig ang pinag-uusapan ng mga ito.
At nang makuha niya ang tamang puwesto ay ganoon na lamang ang naging pagdiriwang niya. Hindi man malakas, nasasagap na niya nang malinaw ang pinag-uusapan ng mga ito.
“Hindi ka pa rin ba nakakapagdesisyon, Agatha? Kahapon pa ako nandito,” anang lalaki.
“Naka-set na ang kasal. Konting araw na lang ang hinihintay,” sagot ni Agatha.
“Pero ako ang talagang mahal mo, hindi ba?”
“Alam mo na ang sagot diyan. Kagabi, kunwari lang na nagpahatid ako kay Xanderr sa bahay pero nagpunta na rin agad ako dito. Nang ibigay sa akin ni Devi ang susi ng hotel room mo, kulang na lang ay puntahan na kita sa mismong oras na iyon.”
Sukat sa narinig ay may isang saglit na ginusto niyang sugurin ito. Pero nagpigil siya. Tiim-bagang na nagtiyaga si Maxine sa pakikinig.
“Mahal din kita, Agatha. Alam ko, magulo ang naging relasyon natin. Pero nang pumunta ka dito sa Pilipinas, na-realize ko na hindi ko pala kaya na mahiwalay sa iyo. Pakakasalan na kita, Agatha. Nagkamali ako sa sinabi kong ayokong magpakasal.”
“I’m sorry, John. Napagod na kasi ako sa relasyon natin na parati na lang akong umaasa kaya lumayo ako. Gusto kong ipamukha sa iyo na may ibang lalaki pa na mag-aalok sa akin ng kasal. Si Xanderr, umpisa pa lang ay alam ko nang pakakasalan niya ako. Hindi naman siya mahirap mahalin kaya nang alukin niya ako, pumayag na agad ako.”
“Pero ako ang talagang mahal mo,” giit nito. “Bumalik na tayo sa Amerika. Doon naman talaga ang buhay mo, di ba? Magpapakasal tayo doon.”
“Paano si Xanderr?”