PROLOGUE

2322 Words
Luna     Tanghali na pala. Mataas na ang sikat ng araw. Ang sarap sa pakiramdam na makabawi ng tulog sa ilang gabing pagpupuyat dahil sa gigs. I feel energized. Nang lumabas ako sa kwarto ko’y napangiwi’t napakamot na lang ako ng ulo. Mga basyo ng alak at plastic ng pulutan ang bumungad sa araw ko.   Pinagmasdan ko si Mama. Nakadapa siyang nakahiga sa lumang sofa namin. Malalim pa ang tulog dahil sa sobrang kalasingan. Hatinggabi na ako nakauwi kanina pero nakita ko pa siyang nagiinom sa sala habang nanonood ng TV. Gusto ko man siyang pigilan ay ayaw ko namang humantong lang kami ulit sa pag-aaway.   Sininop ko ang mga basyo ng gin, mga plastic, pitsel, at baso sa lamesita. Dinala ko iyon sa kusina. Ang mga plastic ay diretso ko nang itinapon sa basurahan. Pumasok ako sa banyo para maglinis nang sarili. Nang matapos ako ay muli akong pumasok sa kwarto para magbihis. Mamamalengke ako para may stocks kami rito sa bahay. Medyo malaki-laki naman ang kinita ko sa ilang gabi.   Kinuha ko ang aking wallet at inilabas ang perang naroon. Binilang ko iyon. Tumataginting ng P3, 500.00! Ayos! Itinabi ko ang two thousand para sa aking ipon. Ide-deposito ko ito sa bangko mamaya. ‘yung natira ay ipambibili ko nang pagkain namin para sa ilang araw. Hindi ko rin kasi gusto ang ideya na magtago ng medyo malaking extra cash sa wallet ko dahil kapag nalalaman ni Mama na may pera pa akong natitira, humihingi siya sa akin para sa bisyo niya.   “Hoy Luna! Hindi porke’t nagta-trabaho ka na ay pagdadamutan mo ako kapag humihingi ako para sa mga kapritso ko! Ito na nga lang ang inuungot ko sa’yo, hindi mo pa ako mapagbigyan? Aba! Ako ang bumuhay sa’yo nung bata ka kaya dapat lang na magbalik ka naman sa akin ng pinaghirapan ko!” malakas na palatak niya. Kapag ganito na ang entrada ng kanyang mga salita sa akin ay alam ko na kung saan ang kahahantungan ng usapan.   Kung may pera, pagbibigyan ko. Kung wala, konsensya-gaming na naman.   Kung hindi ko naman siya bibigyan ay aawayin niya ako, bubungangaan hanggang sa magsawa. Lalabas na lang siya ng bahay at pag-uwi ay may dala nang bote ng gin at ilang pirasong chichirya. Ganoon siya lagi kapag naa-alala si Papa. Ewan ko ba sa kanya, naka-move on na lahat ng tao sa paligid niya pero siya ay namimighati pa rin. Kahit nga ako ay hindi na umaasang babalikan pa kami ng tatay ko. Sa labing pitong taon kong nabubuhay sa mundo, ni minsan ay hindi ko pa nakikita ni ang anino niya. Tanging sa picture ko lang siya nakita, nakangiti siya habang karga niya ako. Tingin ko’y nasa siyam na buwan pa lang ako noon dahil ayon sa kwento ni Mama, wala pa akong isang taon nang umalis si Papa para raw bumalik sa Japan at magtrabaho.   Pero tumuntong na ako sa ganitong edad ay ni minsan, hindi ko siya nakitang binalikan niya kami.   Sinuklay ko ang aking buhok. Natural na maalon iyon, minana ko kay Mama. Maliban doon ay kay Papa ko lahat namana ang physical appearance ko. Kahit ang aking height ay hindi ko pinalampas. Kay Papa ko rin nakuha iyon! Mas matangkad kasi si Mama kumpara sa kanya. Kaya madalas ay pinagkakamalan akong bata pa kahit halos dalaga na ang edad ko.   Ah! May isa pa pala akong namana sa kanya, ang galing ko sa pag-awit. Hindi ako nagbubuhat ng sariling bangko pero ito ang naging puhunan ko para kumita. Pero hindi ko gustong gawin itong full time na trabaho. Gusto ko pa rin magtrabaho sa mga big time na kumpanya. Pwedeng sekretarya. Kahit ano, basta ‘yung pang corporate ang datingan.   Lumabas ako sa kwarto bitbit ang maliit na wallet at kinuha ang payong na nakasabit sa likod ng pintuan namin. Naroon pa rin si Mama pero nakatagilid na ang pwesto niyang matulog, marahil ay naalimpungatan dahil sa mga kaluskos ko kanina. Marahan ko siyang niyugyog para magpaalam.   “Ma, punta lang po ako sa palengke.” Paalam ko sa kanya.   Umungol siya ng maramdaman niya ang hawak ko sa kanyang braso. Iminulat lang niya sandali ang kanyang mga mata bago pumikit ulit at ipinagpatuloy ang matulog.   “Lipat ka na po sa kwarto mo para makatulog ka ng maayos. Aalis na ako.”   Hindi ko na siya narinig na sumagot. Lumabas na ako ng bahay at binuksan ang payong. Napakainit dito sa Tuguegarao! Lalong uminit dahil papasok na ang summer! Hindi pa nakakalayo ang distansyang nilakad ko ay tagaktak na ang pawis ko. Mabuti na lamang at nagdala ako ng panyo.   Nang madaanan ko ang tindahan ni Aunty Esther ay tinawag niya ako. Napahinto ako dahil sa lakas ng boses niya.   “Luna! Luna! Halika rito.” Sumesensyas siya sa akin gamit ang kanyang kanang kamay. Dali-dali akong lumapit sa maliit niyang tindahan.   “Bakit ‘yon, ‘ty?” Takang tanong ko sa kanya.   “May pera ka na ba? Sisingilin ko sana ‘yung utang ng nanay mo eh. Maggo-grocery kasi ako ulit ng paninda mamaya. Wala ng laman ang tindahan ko.” Nangingiti niyang sabi sa akin.   Napakamot ako ng ulo. Si Mama talaga, kahit kailan oh.   “Magkano po ba ang utang niya?” Tanong ko sa kanya. Kinuha ko ang aking wallet para dumukot ng dalawang daan. Pumapatak lang naman kasi sa ganitong halaga ang nakukuha ni Mama sa tindahan niya.   Kinuha niya ang kanyang notebook kung saan nakalista ang mga may utang sa kanya at pati ang mga kinuha nila. Inayos niya ang kanyang salamin sa mata para makita niya ng maayos ang mga nakasulat doon. Nang matapos niyang kwentahin sa calculator ang nasa lista, sinulat niya ito sa notebook.   “P380.00 lahat ineng.” Sabi niya.   Nanlaki ang aking mga mata sa narinig. “Po?! Ang laki naman, Aunty!”   Sinara niya ang notebook at ibinalik ito sa estante saka niya ako binalingan ulit.   “Nagyaya ng ka-inuman ‘yang Nanay mo kagabi. Hindi ko sana bibigyan pero inaway niya ako. Ang sabi’y sasahod ka naman daw at hindi mo siya hahayaang lumobo ang utang niya. Naku! Sumasakit na ang ulo ko kay Imelda! Hindi naman ganyan ‘yan dati!” Sabi niya habang sapo sapo niya ang kanyang noo. Ang isang kamay ay nagpapaypay sa katawan niya.   Kasabay ng paghugot ko ng dagdag na pambayad sa wallet ko ay pagbuga ko ng malalim na paghinga. Inabot ko iyon kay Aunty Esther. Nagpasalamat siya sa akin. Nang makuha ko ang sukli ko ay magalang akong nagpaalam.   Nabawasan na ang para sa pamalengke ko. Kailangan ko ring bawasan ang listahan ng mga bibilhin ko. Nilakad ko ang papuntang palengke kahit medyo may kalayuan at mainit ang panahon. Kailangan kong magtipid dahil masyadong malaki ang natapyas sa budget ko. Ayaw ko namang bawasan ang ipon ko dahil gagamitin ko iyon para sa pampaaral ko sa college.   Nang makarating ako sa palengke ay inuna kong dumaan sa bangko. Tutal ay nasa kabilang kalsada lamang iyon. Kumuha ako ng deposit slip at nag fill up. Medyo mahaba ang pila pero ayos na rin ‘yon dahil makakapagpahinga at makakapagpalamig pa ako saglit. Naupo ako sa gang chair. Pang sampu ako sa pila. Habang nagpupunas ako ng aking pawis ay narinig ko ang tawag sa akin ni Rico, isa sa mga teller ng bangkong iyon.   “Luna!” Nakangiti niyang bati sa akin.   Nasa customer assistance desk siya. Kumaway ako sa kanya habang nakangiti! Sinensyasan niya ako na lumapit sa kanya. Nang makaupo ako sa cubicle niya ay nagsalita siya ulit.   “Magde-deposito ka ulit?” Magiliw na salubong niya sa akin. Nag-abot siya sa akin ng malamig na mineral water. Hindi ako nagdalawang-isip na kunin iyon sa kanya. Binuksan ko ang takip at tinungga ang tubig. Nakaramdam ako ng kaluwagan dahil sa pagdampi ng malamig na tubig sa lalamunan ko. Matapos kong inumin iyon ay ibinalik ko ang takip at pinunasan ang aking labi gamit ang panyo ko.   “Salamat sa tubig, Kuya Rico! Alam mo talaga kung ano’ng kailangan ko.” I smiled widely at him. Muli akong nagsalita. “Magdedeposito ako ngayon. Medyo malaki kumpara noong nakaraan!” I giggled.   Pa-simple niyang tinignan ang mga taong nakaupo sa gang chair. Sila iyong mga kasama kong naka-pila sa counter.   “Akina ‘yang deposit slip mo. Ako na ang bahala diyan. Balikan mo na lang mamaya.” Mahina niyang sinabi sa akin. He smiled a bit and winked at me.   Parang tumalon ang puso ko dahil sa ginawa niya. Naramdaman ko pang nag-init ang pisngi ko. Siguradong pulang-pula iyon dahil maputi ako eh. Crush ko kasi si Kuya Rico. Maliban sa gwapo na ay mabait pa! Lagi niya akong tinutulungan sa pila. Minsan nga ay niyaya niya akong magsimba sa hapon kaso ay hindi ko napaunlakan dahil may raket akong naka-schedule.   Nang hindi pa ako kumikilos ay kinuha niya na sa kamay ko ang papel na hawak ko. Naka-ipit na rin sa deposit slip ang apat na pirasong limangdaan na idedeposito ko. Nagdikit pa ang mga kamay namin kaya lalo akong kinilig sa nangyari.   He chuckled. “Sige na, lumakad ka na. Text mo na lang ako kapag pabalik ka na rito para iabot ko sayo yung deposit slip.”   Marahan akong tumango at muling sinulyapan ang mga tao sa paligid. Hindi naman sila nakatingin sa amin. Nagpaalam ako kay Kuya Rico at mabilis na nilisan ang bangko. Dumiretso ako sa palengke. Inuna ko ang bumili ng karne at isda dahil baka wala na akong maabutan na sariwa. Minsan kahit tanghali na ay may nadadatnan pa rin akong mga sariwang isda at karne.   Pinuntahan ko ang madalas kong bilhan sa palengke. Nang mapansin niya ako ay binati niya ako ng malakas.   “Uy suki! Pili ka na diyan. Bagong dating ‘yang mga yan. Bibigyan kita ng discount.” Sabay tapik pa sa aking kamay.   “Si Ate Onya talaga oh. Paisa-isang kilo lang naman ang binibili ko sa’yo eh.” Ani ko. Humalakhak lamang siya. Nagsimula akong pumili ng bibilhin kong galunggong para sa ilang araw. Pagkatapos kong pumili ay isinupot iyon ni Ate Onya. Kumuha rin ako ng pambayad sa kanya. Inabot niya sa akin ang plastic na may lamang isda bago ako sinuklian.   Sa kanya na rin ako bumili ng karne ng baboy. Isang kilo lang din ang binili ko. Sasapat na siguro iyon sa amin sa loob ng isang linggo. Kung titipirin ko ay baka umabot pa hanggang sa sampung araw. Bibili rin ako ng ilang gulay panggisa. Namili na rin ako ng talong, kalabasa, at string beans. May mga tanim naman akong gulay sa maliit na bakuran namin kaya okay na ito.   Bumili rin ako ng ilang mga groceries tulad ng kape, asukal, isang pack ng biscuit, noodles, kalahating tray ng itlog, at sardinas. I felt contented. Mabuti na lamang at malaki magbigay ng tip ang manager sa bar kaya medyo napalaki ang budget ko sa pagkain. Ang susunod naman na kikitain ko ay ilalaan ko sa bills namin.   Ang bahay na tinitirhan namin ay galing sa pundar ni Mama noong nagtatrabaho pa siya sa Japan bilang singer/entertainer. Hindi man kalakihan ang bahay namin ay sasakto na ito para sa isang maliit na pamilya.   Doon niya na rin nakilala ang Papa ko. Nagkapalagayan sila ng loob hanggang sa nabuo ako. Hindi sila kasal ni Papa dahil ayaw ng pamilya nila kay Mama. Kaya naisipang magtanan ng dalawa at umuwi dito sa Pilipinas.   Hindi naman kasi masyadong nagku-kwento si Mama tungkol sa ama ko kaya ang mga sagot na gusto kong malaman ay sa malalapit na kamag-anak at kaibigan ko nalaman. Mabait naman daw ang Papa ko ngunit dahil hindi siya makahanap ng magandang trabaho, nahirapan sila ni Mama mamuhay dito sa Pilipinas. Mas hinamon daw sila ng buhay nang ipinagbuntis ako ni Mama. Kailangan niyang tumigil sa pagkanta kaya si Papa ang bumuhay sa amin. Janitor daw si Papa sa isang mall noon dito sa Tuguegarao. Sapat lang ang kita para sa kanilang dalawa kaya medyo gipit sa pera.   Hanggang sa umalis na si Papa pagkalipas ng mahigit isang taon nilang pagsasama. Hindi na rin siya bumalik.   Pabalik na ako sa bangko para daanan ang deposit slip ko kay Kuya Rico. Saktong papasok na ako ay siyang bukas ng pinto ng bangko. Palabas naman si Kuya Rico. Nakangiti siya sa akin ng inabot niya ang maliit na papel.   “Dati na akong nagpatimbre sa mga guards eh. Noong nakita ka nilang papasok dito, ini-radyo nila agad sa akin.”   Nanginginig ang kamay kong kinuha sa kanya ang papel. Ngumiti rin ako sa kanya.   “S-salamat Kuya.”   Nakapamulsa siya habang tinitignan ako.   “Saan ang next gig mo?” Tanong niya.   Nagulat ako sa tanong niyang iyon. Paano niya nalamang kumakanta ako sa mga gig?   “Ahm… Hindi ko alam, tatawagan na lang daw ako ng banda. Pero ang sabi ng isang manager sa akin, baka ngayong linggo may gig ulit silang ibigay sa akin.” ani ko.   Tumangu-tango lang siya.   “Sabihan mo ako kung kailan para makapanood ako. Bumalik kasi ako sa bar na kinakantahan mo pero hindi ikaw ang nadatnan kong nag-perform.” Nanlaki ang mga mata ko sa aking narinig at napaawang ang labi ko. Agad din naman akong nakabawi sa pagkakagulat.   “Uh, napanood mo na akong kumanta?” takang tanong ko sa kanya. Uminit ang pisngi ko. Kumusta kaya ang performance ko roon? Maganda kaya ang pagkakakanta ko?   Tumaas ang isang kilay niya.   “You’re so cute, Luna. You’re blushing.” He then pinched my cheeks! Mas lalo akong nahiya sa ginawa niya.   Nagmadali na akong nagpaalam sa kanya.   “Alis na ako! Hinihintay na ako ni Mama.”   Dali-dali akong umalis sa harapan niya. Narinig ko pa siyang nagsalita pero hindi ko na siya nilingon pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD